IPINALING ni Joanna ang mukha sa may bintana ng kinasasakyang eroplano, papunta siya Pilipinas buhat sa New York. Hanggang ng mga sandaling iyon ay bakas pa rin ang matinding kalungkutan sa maganda niyang mukha.
Nalulungkot siya sa sinapit ng matalik na kaibigan na si Ivy. At hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap ang pagkawala ng matalik na kaibigan na halos totoong kapatid na ang turing niya.
Three weeks ago ay inamin sa kanya ng kapatid nitong si Shin na hindi na magtatagal pa ang buhay ng kaibigan na sobrang ikinabigla niya. Nagkaroon ito ng brain cancer at wala pang apat na buwan ang nakalilipas nang lumabas ang sintomas niyon kay Ivy. Ang masaklap ay stage four na agad iyon. Noong una raw ay panay na ang sakit ng ulo nito. Akala nito ay dulot lang ng pagiging workaholic nito pero nang tumindi na ang pagsakit ay saka lang ito kumunsulta sa doktor. At ang resulta ng pagpapatingin nito ay ang gumimbal sa mundo nito.
Maging sa kanya ay inilihim ng kaibigan ang karamdaman nito, kaya noong dalawin niya ito sa kinaroroonan nitong ospital ay malalang-malala na ang kundisyon nito. Kung hindi pa ipapaalam sa kanya ng kapatid nito ang kalagayan nito ay hindi pa niya malalaman. Kaya buhat sa Norway kung saan siya naka-base ay agad niyang pinuntahan si Ivy sa New York. Malayong-malayo sa magandang mukha nito at sexy na pangangatawan ang nasilayan niya na ikinahabag niya ng husto. Huli silang nagkasama ay noong nakaraang taon nang puntahan niya ito para magbakasyon.
Para na niya itong kapatid, ganoon din ang turing nito sa kanya. Kaya ganoon na lang kung maapektuhan siya sa nangyari dito. Palibhasa ay solong anak lang siya. Sa Pilipinas kasi noon, simula elementarya ay sila ng dalawa ang magkasama. Nagkahiwalay lang sila ay noong magkokoleheyo na silang parehas. Kinuha siya ng kanyang ina at pinag-aral sa Norway, pero hindi naman iyon naging hadlang dahil tuloy ang komyunikasyon nila hanggang sa mag-migrate na rin sa New York ang pamilya ni Ivy noong maka-graduate ito sa college.
Dahil sa sinapit ng kaibigan kaya iniwan ni Joanna ang trabaho at negosyo ng kanyang ina sa Norway pansamantala. May pag-aari silang Jewelry Store, at silang dalawa mismo ng kanyang inang si Mila Cross ang nagdi-design ng bawat jewelry collection na inilalabas nila, retired nurse ito sa Norway. Dahil na rin sa impluwensiya ng step-father niya na si Henry Cross kaya mas nakilala ang negosyo nila ng ina. May branch na rin iyon sa London.
Kasabay ng pagpikit niya ng mga mata ay ang pagbabalik sa isipan ng dahilan kung bakit sa Pilipinas ang deretso niya kaysa ang bumalik na sa Norway...
“Before I d-die, Joanna,” ani Ivy sa nahihirapang boses. “C-Can you do... do me a f-favor?”
Gustong-gusto niyang hawakan ang kaibigan sa kamay pero hindi niya magawa dahil sa pangambang masaktan ito. Ni hindi niya ito magawang yakapin dahil napaka-sensitive na ng payat nitong katawan. Naluluha man ay sinikap niyang huwag pasungawin ang luha sa mga mata. Nagpakatatag siya sa harapan nito.
Tumango siya. “Kahit ano, Ivy. Basta ikasasaya mo.”
Pinilit nitong ngumiti. Pumikit muna ito bago muling nagmulat ng mga mata.
“I-I want to m-make even to him. Joanna, I’m s-sorry. Hindi ko… hindi ko naikuwento sa iyo na n-nagkaroon ako ng secret affair b-before. Pero hindi ‘yon tumagal. Gusto kong maramdaman niya ‘yong s-sakit noong iniwan niya ako, Joanna. P-Puntahan mo s-siya sa San Andres. Kilala ang pamilya V-Villa Franca doon. Ang p-panganay nilang anak iganti mo ako s-sa kanya. Minahal ko siya ng husto at ibinigay lahat pero... pero ni-niloko at iniwan lang a-ako. Hanggang ngayon s-sobrang sakit pa rin...” unti-unti itong pumikit. May luha pang umagos sa gilid ng mga mata nito. Senyales iyon na nasasaktan pa rin ito.
Hindi niya alam ang bagay na iyon. Na may nanakit ng sobra dito. Napakamasayahin kasi nito at halos lahat ng ikinukuwento nito sa kanya ay puro masasayang nangyari dito. At ang San Andres ay ang karatig bayan sa probinsiya nila. Itatanong sana niya sa kaibigan kung ano ang pangalan ng lalaking tinutukoy nito nang marinig ang munting tunog mula sa monitor ng life support nito. Parang bigla siyang tinakasan ng kaluluwa sa nakita, flatline na ang nakikita niya sa life support ni Ivy.
“Ivy,” aniya na mabilis na ibinalik ang tingin sa kaibigan. Hindi na ito humihinga. Nanikip bigla ang dibdib niya. “N-No. ‘Wag muna please, Ivy!!!” halos maghestirya na niyang sabi sa kaibigan. Doon na sunod-sunod na tumulo ang luha niya. Hindi na niya napigilan pa ang sarili na yakapin ang wala ng buhay na kaibigan. “Ivy!”
MATAPOS ma-cremate ang katawan ni Ivy ay mananatili pa raw sa New York ang abo ng kaibigan ng fourty days bago iuwi sa Pilipinas ayon na rin sa kahilingan ni Ivy. Sa Pilipinas rin nakalibing ang lolo’t lola ni Ivy at para daw may dahilan ang pamilya nito na umuwi sa Pilipinas.
Isang katanungan pa rin sa kanya kung kailan nito naging karelasyon ang lalaking tinutukoy nito. At kung sino ang lalaking iyon dahil hindi na nabanggit pa ng kaibigan niya ang pangalan niyon. At kung paano siya gaganti rito ay siya na ang bahala roon. Bumuntong-hininga siya. Kinabukasan ay naka-schedule sana ang flight niya pabalik sa Norway pero nagpa-change flight siya papuntang Pilipinas. Sisikapin niyang maisakatuparan ang huling hiling sa kanya ng kaibigan.
SAKA lang naramdaman ni Joanna ang pagod sa napakahabang biyahe ng ilapat niya ang likuran sa malambot na kama. Pagdating sa bayan ng San Andres ay nagpahatid agad siya sa isang resort upang doon mamalagi ng ilang araw habang isinasagawa ang plano.
Saka na muna niya iyon iisipin. Sa ngayon ay kailangan niyang bumawi para kinabukasan ay mayroon siyang lakas ng katawan. Ilang sandali pa nga ay tuluyan na siyang iginupo ng antok.
Bago isakatuparan ni Joanna ang plano ay nagpahinga muna siya sa resort. Kaya kinabukasan ay maghapong nasa loob lang siya ng cottage dahil pakiramdam niya ay gusto pang magbawi sa pahinga ang katawan niya. Halos buong linggo rin kasi siyang puyat mula nang mamatay ang kaibigan.
Ikatlong araw ni Joanna sa beach resort at kasing ganda ng umagang iyon ang gising ni Joanna. Matapos mag-almusal ay naglakad-lakad muna siya sa tabing dagat. Napangiti pa siya noong laruin ng mumunting alon ang mga paa niya habang naglalakad siya. Napabuntong-hininga siya kapagkuwan. Naalala na naman niya si Ivy.
“Nakita kong dumating kanina ang magkapatid na Villa Franca, Eunice,” kinikilig na sabi ng babaeng nakasabay ni Joanna sa paglalakad.
“Bakit hindi mo agad sinabi? Alam na this, kailangang mapansin ako ng isa sa magkapatid,” sabi pa ng isa na ipinagmayabang ang isusuot na two-piece mamaya para daw mas lalong mapansin ng magkapatid na Villa Franca.
Naiwang natigilan si Joanna. Pagkuwan ay napangiti. “Ibig sabihin ay makikita ko rin dito ang lalaking pakay ko.” Yumukom ang mga palad niya. “Humanda ka, Villa Franca.” Ipinapangako niya na magagawa niya ang hiling ng kaibigan bago siya bumalik sa Norway.
Lampas alas tres ng hapon nang maisipang lumabas muli ni Joanna buhat sa gamit na cottage. Hindi na kasi ganoon kainit ang sikat ng araw sa balat. Suot ang itim na see through na naiilaliman ng pulang two-piece na inukupa niya ang isang wooden lounge na nakaharap sa dagat. Isinuot din niya ang gray na shade para hindi siya masulo sa sikat ng araw.
Abala siya sa pagpapahid ng sun block lotion nang mapasulyap siya sa lalaking naupo, dalawang wooden lounge ang layo buhat sa kinaroroonan niya. Kung bakit nahirapan siyang magbawi ng tingin ng matitigan itong mabuti. Marami na siyang nakitang guwapong lalaki sa personal pero hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang kakaibang dating ng isang ito sa kanya.
He looks dangerous yet so hot and damn gorgeous.
Joanna! Hindi ito ang panahon para pumuri ng isang lalaki! May misyon ka at hindi siya ang misyon mo!
Saka lang siya nagbawi ng tingin nang umepal ang isang bahagi ng isip niya. Ipinagpatuloy niya ang ginagawa at hinayaan ang lalaki sa kinaroroonan nito. Pero ang pasaway niyang mata ay hindi napigilan ang muling pagsulyap dito. Nakatingin lang ito sa dagat habang nakasandal sa back rest ng wooden lounge.
Why so gorgeous? Pipi pa niyang sabi sa isip.
Ni hindi nito pinapansin ang mga babaeng maya’t maya ang pagpapapansin dito. Nang may tumabi pa ritong isang lalaki na katulad nito ay makisig rin, inisip pa niya na baka bakla ito dahil tila walang kaamor-amor ang mga babaeng kung maaari lang ay baka itinapon na ang sarili dito, at baka karelasyon pa nito ang lumapit ditong lalaki. Nahumindig siya sa naisip at bahagyang nanghinayang para dito. Usong-uso pa naman ngayon na kung sino pa ang mga guwapo ay guwapo rin ang hanap.
Naiiling na bumaling na lang siya sa dagat. “Sayang ang genes,” anas pa niya.
“OMG! Ang magkapatid na Villa Franca!” impit na tili ng babaeng hindi kalayuan sa kanya.
Nasaan? anang isip niya na agad inilibot ang tingin sa paligid. Pero wala naman siyang makita na lalaking magkasama bukod sa dalawang malapit sa kinaroroonan niya. Bahagyang umawang ang labi niya at naningkit ang mga mata noong mapagtantong iyon nga ang tinutukoy na magkapatid na Villa Franca. Pero sino sa dalawa ang panganay? Hindi niya alam.
Iyong isa na huling dumating ay mukhang lahat ng kapilyuhan ay alam sa buhay. At ang isa naman ay tila walang pakialam sa mundo. Minabuti na lang niya na makiramdam muna.
“Alam mo, Kuya Nash, paminsan-minsan magsaya ka naman. Hindi ‘yong palagi kang seryoso sa buhay. Hindi ka pabata tandaan mo. Kaya matuto kang mag-enjoy,” malinaw iyong narinig ni Joanna na sinabi ng lalaking mukhang pilyo sa lalaking unang umagaw sa atensiyon niya.
Nakaramdam siya lalo ng inis sa kaalamang ito ang lalaking nanakit noon sa kaibigang si Ivy. Naglaho bigla ang atraksiyong unang naramdaman dito at napalitan iyon ng puot. “Sa wakas, nagkita rin tayo. Humanda ka.” Dahil nagkaroon na siya ng ideya kung sino ang Villa Franca na tinutukoy ng kaibigan kaya hindi na siya mahihirapan pa. nakikiayon talaga ang pagkakataon sa kanya. O baka naman tinutulungan siya ni Ivy?
Muli niyang sinulyapan ang lalaking dahilan kung bakit siya nasa Pilipinas. Nakasuot na ito ng shade. At sa unang pagkakataon ay binalingan siya nito. Out of the blue ay nagbawi siya ng tingin. Napamura pa siya sa isip dahil sa pagkatarantang nararamdaman.
“Buwisit,” inis pa niyang bulong bago ipinasyang maligo na muna. Hindi niya dapat iyon maramdaman.