CHAPTER 7

2197 Words
Mula sa pagkakatulog ay naalimpungatan ako nang tumama sa mukha ko ang mainit na sinag ng araw. Nanggagaling iyon sa bintanang gawa sa salamin. Nahilot ko ang sentido ko at unti-unting dumilat. Saglit akong napatitig sa kulay puting kisame. Sinipat ko rin ng tingin ang kurtina mula sa isang pinto, marahil ang daan patungo sa balcony. Sumasayaw ang kurtina dahil sa malakas na hangin sa labas. Sunod kong pinasadahan ng tingin ang kabuuan ng kwarto. Purong puti iyon, tipong maihahalintulad sa kwarto na mayroon ang isang magarbong Hotel. Kaunti lang ang gamit sa paligid, pero lahat iyon ay nasa ayos. Maging ang kamang kinahihigaan ko ay puting-puti ang bedsheet. Kalaunan nang mangunot ang noo ko. Na-realize kong hindi ito ang bahay na inuupahan ko. Kwarto pa lang ito ngunit mas malaki pa ito kaysa sa bahay kong iyon. Dahan-dahan akong umahon at kaagad na sinilip ang sariling katawan sa ilalim ng comforter. Wala na iyong naalala kong damit ko kagabi, bagkus ay isang malaking black t'shirt at boxer short ang suot ko. Napakurap-kurap ako, unti-unti namang bumalatay sa utak ko ang mga nangyari kagabi. Ako at si Calvin... sa kotse niya. Bumagsak ang panga ko. Kasunod nang pagtampal ko sa mukha ko nang maramdaman ang pag-init ng pisngi ko. Hindi ako lasing kung kaya lahat iyon ay sariwa sa utak ko. Ganoon pa man ay hindi ko na maalala kung kailan kami natapos, o kung paano kami napadpad dito. Teka, bahay ba ito ni Calvin? Dali-dali akong tumayo at saglit na yumuko upang dungawin ang isang pares ng tsinelas na nakaabang sa ilalim ng kama. Sinuot ko rin naman iyon at patakbong tinungo ang pinto palabas ng kwarto. Sumungaw ako sa railing ng hagdan upang tingnan kung may tao ba sa baba. Nang walang makita ay deretso na akong bumaba. Kahit sa sala ay purong puti rin ang makikita. Walang masyadong gamit. Mayroon lang sofa set at flatscreen TV. Tingin ko pa ay hindi iyon madalas na nagagamit. Wala ring bahid ng dumi sa paligid, animo'y palaging nalilinisan. Dumeretso ako sa pinto palabas ng bahay upang tingnan kung naroon ba ang motor ko. Nakahinga naman ako nang maluwang nang makitang maayos iyong naka-park sa tapat ng bahay. Sa tabi nito ay iyong kotse ni Calvin na siya ring ginamit niya kagabi. Walang duda, bahay nga ito ni Calvin. Tumalikod ako upang ipagpatuloy ang paghahanap kay Calvin. Ilang segundo lang nang matagpuan ko siya sa loob ng kusina. Saktong kalalapag lang niya ng isang pinggan sa countertop at nang mapansin ang presensya ko ay kaagad siyang ngumiti. "Good morning," malambing niyang bati at halos mapaatras pa ako nang walang pag-aalinlangan na lumapit siya sa akin. "G—good... morning," utal kong banggit. Tiningala ko siya nang nasa tapat ko na siya. Dinungaw niya ako. Ang mga mata niya ay naninimbang. Nagawa pa niya akong hawakan sa magkabilaan kong braso dahilan para mapatigil ako at saka pa pinasadahan ng tingin ang kabuuan ng katawan ko. "Does it still hurt?" Tinitigan niya ako, ilang beses naman akong umiling. "Hindi naman..." Shít! Mas lalo yata akong nahiya. Hindi ko siya matingnan nang maayos at hindi ko matagalan ang mga mata niya kung kaya ay nag-iwas ako ng tingin. Tinanaw ko ang countertop kung saan naroon na nakahain ang mga pagkain. "Nagluto ka?" mahinang tanong ko, nananatiling hiyang-hiya sa sarili. "Yup. Gutom ka na ba?" Bahagya akong hinila ni Calvin upang makalapit doon. "Hindi na kita ginising. Alam kong napagod ka." Umawang ang labi ko. Muli na namang namula ang pisngi ko, kaya kahit anong pagkausap niya sa akin ay hindi ko siya magawang tingnan. Tinulungan pa niya akong makaupo sa mataas na stool. Marami ang nakahaing pagkain, iba-iba at parang deretso na papuntang tanghalian itong mga niluto ni Calvin. Pero kung sabagay, alas dies na rin kasi ng umaga. Tinanghali pala talaga ako ng gising. Pasalamat na lang ako na linggo ngayon. Wala akong pasok sa munisipyo kung 'di ay yari talaga ako kay Ma'am Darlene. Ano na lang din ang sasabihin ko sa kaniya na bigla akong nawala sa event? Kapag nalaman pa niyang magkasama kami ni Calvin ay tiyak kong mas lalo niya akong aasarin. Malikot pa naman ang utak no'n. Ang malala ay matabil din ang dila, hindi hamak na pwede niya iyong ipagsabi sa mga katrabaho namin sa munisipyo, baka umabot din kay Mayor. "Hindi ko alam ang gusto mong pagkain, kaya niluto ko na lang ang lahat ng mayroon sa ref," ani Calvin habang tumatawa at siyang naglalagay ng kanin sa plato ko. Wala pa mang kinakain ay halos mabilaukan ako sa sinabi niya. Wala rin akong masabi kung kaya ay nagkamot na lamang ako ng ulo. Ganito pala kaswerte ang magiging girlfriend ni Calvin. Alagang-alaga at dinaig ko pa ang isang prinsesa kung pagsilbihan niya ako. Kung siya ang mapapangasawa ko ay hindi na ako mahihirapan pa. Pero ano na nga ba kami ni Calvin? May nangyari na naman sa amin. God! Ang rupok ko pala talaga. Kay Andrew ay hindi ako bumigay kahit pa nasabi kong mahal ko siya, pero sa lalaking ito na ngayon ko lang nakilala ay kaagad akong sumuko. Oras siguro na malaman ito ni Elsa ay walang katapusang pangangaral ang aabutin ko sa kaniya. Wala sa sarili nang makagat ko ang pang-ibabang labi. Wala ako sa tamang huwisyo kung kaya ay hindi ko na rin masyadong napagtuunan ng pansin ang sabay na pagkain namin ni Calvin. "Bahay mo ba ito?" kalaunan ay tanong ko nang makalabas kami. Suot ko na ang damit ko kagabi. Nilabhan pala niya ito. Amoy na amoy ko pa ang ginamit niyang sabon sa damit ko. "Hindi. Bahay-bakasyunan lang," sagot ni Calvin nang maisarado niya ang pinto roon. "Ah, kasi taga-Manila ka nga pala." Tumango-tango ako nang maalala iyon. Alas dos na ng hapon at napagdesisyunan kong umuwi na rin. Imbes din na magamit ang motor ko ay pinili ni Calvin na ihatid ako gamit ang kaniyang kotse. Alanganin man ay napapayag niya ako dahil sa sinabi nito. "Mamayang gabi ay may sayawan sa munisipyo. Iyong motor mo na lang ang gagamitin ko papunta rito, para sabay na rin tayong pumunta roon." Wala na akong nagawa at tumango na lamang. Sa biyahe naming dalawa ay natahimik na ako. Hindi mapakali ang utak ko. May ilang bagay akong inaalala na pati ang kaluluwa ko ay hindi matahimik. Hindi ko rin masabi kung ano nga ba ang gusto kong itanong, o kung ano iyong tanong na gusto ko ng kasagutan. Nalulunod ako sa sarili kong pag-iisip na hindi ko na napansing huminto na pala ang kotse sa tapat ng bahay na tinutuluyan ko. Napaayos ako ng upo at mabilis na tinanggal ang pagkaka-lock ng seatbelt ko. "Salamat, Calvin," mahinang usal ko. Isang beses ko siyang tiningala. Kumibot ang labi ko para sa isang tipid na ngiti. Napanood ko pa ang pagkuha nito sa kaniyang cellphone at inilahad sa harapan ko. Bulgar na nangunot ang noo ko at tinitigan siya. "Ilagay mo ang cellphone number mo. Tatawagan kita mamaya, and let me know kung anong kulay ng dress mo. Ganoong kulay din ang isusuot ko," pahayag niya sa mababang boses na ikinanganga ko. Napanguso ako, kapagkuwan ay kinuha rin ang cellphone niya. Saglit kong tinipa ang numero ko roon at kaagad ding ibinalik sa kaniya. Sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Kasunod nito ay halos magrigidon ang puso ko sa simpleng ngiti niyang iyon. Nanginig ang labi ko ngunit para akong naging tuod na hindi na rin nakapagsalita. Tuluyan na akong nakababa ng kotse. Saglit ding bumaba si Calvin upang tanawin ako papasok ng bahay. Kumaway ako rito. Mas gusto ko sana na siya ang tinatanaw ko habang paalis siya, pero alam kong hindi rin ako mananalo kapag pinilit ko ang gusto ko. Nang maisarado ang pinto ay doon ko lang napakawalan ang hininga kong kanina ko pa pala pinipigilan. Kamuntikan ko nang makalimutan ang sayawan sa munisipyo. Wala rin pala akong takas kay Ma'am Darlene. Dali-dali akong lumapit sa tukador ko at naghanap doon ng dress na pwede kong isuot mamaya. Naghanap ako ng kulay puti, feeling ko kasi ay iyon ang paboritong kulay ni Calvin. Madali lang niya itong mahahanapan ng katerno. Nakahanap ako ng dress na ang haba ay umabot sa gitna ng binti ko. Hindi naman iyon hapit kung 'di duster ang istilo. May manipis na strap at square neck. Mabuti at may nabili akong ganito noong nakaraang nagpunta ako sa Centro para mamili ng ilan pang damit at gamit. Sa natitirang oras ko sa hapong iyon ay nagpahinga lang ako. Umidlip ako at nang magising dahil sa alarm ay pasado alas singko na. Wala namang eksaktong oras ang gaganaping sayawan. Bukod doon ay may peryahan din sa gilid ng munisipyo. Kaya alam ko na marami ulit ang taong papanhik doon, hindi lang mga matatanda pati na rin mga bata. Nagpasya na akong maligo, kahit nakaligo na ako kanina sa bahay ni Calvin bago umuwi rito. Hindi na rin ako kumain, since may kainan ding magaganap sa labas ng munisipyo. Parang pakain na rin nina Mayor. Bumuntong hininga ako habang sinusuklay ko ang maikli kong buhok. Pinagupitan ko ito noong nakaraang linggo at hanggang balikat ko na lamang. May kaunting bangs at bumagay naman sa maliit kong mukha. Napangiti ako nang matapos ako sa ginagawang pag-aayos. Hindi na ako nag-make up. Tanging lipstick na pula lamang ang inilagay kong kolorete. Overall, okay na ako sa pagiging simple ko. Matapos kong isuot ang slingbacks sandal ko ay mabilis din akong lumabas nang marinig ang tunog ng motor ko. Tama nga akong nandoon na si Calvin at kagaya ng napag-usapan kanina nang tumawag siya ay nakasuot siya ng white button down shirt na ang sleeves ay tinupi hanggang sa siko niya. Kulay itim ang pants nito pati na rin ang kaniyang leather shoes. Sumilay ang ngiti ko at patakbong nilapitan siya. Saglit niyang pinasadahan ng tingin ang kabuuan ko. Kalaunan ay ngumiti sa akin. "Ang ganda mo, Verra. Lalo kang gumanda," derekta niyang pahayag na naging mitsa para mag-init ang pisngi ko. Ramdam ko ang biglang pagtíbok ng puso ko. Mukhang napapadalas na ito; iba na 'to. "Salamat. Ikaw din, ang gwapo mo," nahihiya kong sinabi habang panay ang kibot ng labi. Nagmukha lang kaming nagliligawan, hiyang-hiya ako na hindi ko maipaliwanag kung bakit katumbas nito ay paru-paro sa tiyan ko? Animo'y may nagkalat na fireworks at damang-dama ko ang bawat pagsingaw nito sa puso ko. Ilang sandali nang umangkas ako sa likod ni Calvin. Hindi man din inuutos ay kusa ko nang ipinalibot ang mga kamay sa baywang niya na siyang kinagulat niya. Naramdaman ko ang pagkaka-tense ng kaniyang muscle. "Drive safe, please," bulong ko na alam kong narinig naman niya. "I will, baby," sagot ni Calvin. Nakagat ko ang pang-ibabang labi at hindi na naiwasan ang kiligin. Halos yakapin ko si Calvin. Panandalian kong dinama ang kasiyahan ko sa minutong iyon. Bahala na kung mali man na magmamahal ako ng ibang lalaki pagkatapos ni Andrew. Wala pa sa three months rule, pero hindi bali na. Kung pareho naman ng masaya sina Andrew at Elsa, kailangan ko na ring hanapin ang kasiyahan ko. At gusto kong makita iyon kay Calvin. Gusto kong tanggapin siya sa puso ko. Gusto kong patunayan na hindi lahat ng lalaki ay pare-pareho, na kahit papaano ay may natitira pa ring mga matitino. Gusto kong magsimula ulit ng panibagong yugto ng buhay ko, sa pagkakataong ito ay kasama si Calvin. Hindi nagtagal nang ihinto ni Calvin ang motor sa palaging pwesto ko sa munisipyo. Marami na ang tao sa paligid. Naroon na rin sina Ma'am Darlene at iba pang katrabaho ko sa isang pahabang lamesa kung kaya ay roon kami unang nagtungo. Sabay pa kaming maglakad ni Calvin habang hawak-hawak niya ang siko ko. Hindi tuloy maiwasan na lingunin kami ng ibang nasa lamesa. Saglit ko pang nalingunan si Bianca Tumbali na nakasunod ang tingin sa amin. "Uyy, kayo na ba?" eksaheradang pagtatanong ni Ma'am Cris, rason para maghiyawan ang nasa lamesa nila. "Kayo, ah! Kaya pala pareho kayong nawala kagabi," sabat ni Ma'am Darlene. "Hmm, alam ko na! Nag-date kayo!" Naging hilaw ang ngiti ko, hindi alam kung paano sisingit dahil kabi-kabilaan na ang mga sinasabi nila. Nakarating na rin sa kabilang table at iba pang tao na naroon. "Pero kayo na ba, Verra?" Si Ma'am Every, nilingon niya si Calvin sa gilid ko. "Akala ko ba ay si Bianca ang nililigawan mo?" Sa narinig ay nangunot ang noo ko. Dahan-dahan akong umikot upang tingalain si Calvin, pero bago pa man iyon mangyari ay may humatak na sa braso ko. Pinilit ako nitong ipinaharap sa kaniya. Nagulat na lang ako nang may biglang sumampal sa akin. Tumagilid ang ulo ko sa lakas ng pagkakasampal sa akin. Kasunod nang sabay-sabay na pagsinghapan ng mga taong nakakita sa nangyari. Hinawakan ni Calvin ang balikat ko, tipong inilalayo ako sa kung sino man ang may kagagawan no'n. "Bianca!" malakas na singhal ni Calvin at pilit akong itinatago sa kaniyang likod. "Mang-aagaw ka!" Boses ni Bianca na kagustuhan pa rin akong abutin at nagawa nga nitong hilain ang buhok ko. "I never thought you had come this far! Salta ka lang, pero mang-aagaw ka pala!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD