CHAPTER 16

2482 Words
Deretso na kaming nakatulog ni Calvin sa kwarto ko. Hindi ko na siya nagising para umuwi, kaya kinabukasan nang lumabas kami para sa almusal ay masama na kaagad ang tingin sa akin ni Mama. Nanlilisik iyon, paminsan-minsan ay pinanlalakihan niya ako ng mata. Samantala ay abot hanggang langit naman ang pag-iiwas ko ng tingin. Nahirapan pa ako dahil siya ang nag-aasikaso sa amin ni Calvin. "Okay na po ito, Ma," ani Calvin na nagpahinto kay Mama sa kaniyang ginagawa. "Anong ‘Mama’?" agap niyang baling sa aming dalawa. "Huwag mo muna akong tawaging ganiyan at malayo-layo pa naman ang kasal ninyo. Baka hindi rin matuloy..." Nagkatinginan kami ni Calvin. Gulat na gulat pa ang kaniyang expression. Nakaawang ang labi niya, na tipong gusto pa niyang dumugtong para salungatin ang sinabi ni Mama nang takpan ko ang bibig niya. "Kain ka na rin, Ma. Sumabay ka na sa amin," anyaya ko para iwala ang kung ano mang dinaramdam niya. "Hindi! Mamaya na ako." Animo'y batang nagtatampo siyang tumalikod at saka pa deretsong lumabas ng kusina. "Galit siya?" bulong ni Calvin sa tainga ko, sabay langhap sa leeg ko dahilan para mapasinghap ako. Tinampal ko ito sa kaniyang dibdib. "Magtigil ka, Calvin. Galit siya siguro dahil hindi ka umuwi kagabi sa inyo." Nagulat man ay nangibabaw pa rin ang ngisi sa labi niya. Hindi ko na lang pinansin at hindi na rin nagsalita. Mabilisan lang din kaming kumain. Pinapauwi ko na kasi si Calvin para naman makausap din si Mama. "Mauna na po ako, Ma—Tita pala, Tita Jenny," pamamaalam ni Calvin. Naroon na kami sa hamba ng pintuan. Hindi ko na siya maihahatid pa sa labasan dahil ayaw din naman ni Calvin. Bilang tugon ay tumango si Mama habang ang mga kamay ay nakakrus sa kaniyang dibdib. "Sige, mag-ingat ka sa daan," seryoso man ay pinaalalahanan pa rin niya si Calvin, tumango rin si Calvin at nagsimula nang maglakad palayo. Kumakaway pa ako rito kahit hindi naman na siya nakatingin. Hanggang sa tuluyan siyang mawala sa paningin ko. Napapitlag na lang din ako nang hampasin ako ni Mama sa aking braso. Kaagad ko iyong hinimas. "Mama!" angil ko rito nang maramdaman ang kirot sa balat ko. "‘Yan... kaya ka nabubuntis..." palatak niya habang nanlalaki ang mga mata. "Hindi na ako magtataka kung mabuntis ka man ulit sa susunod pang mga taon at makarami kayo ng anak. Panay ang buka mo." Kumibot ang labi ko para sana magsalita, pero mabilis ding naputol. "Huwag ka lang talaga niyang lolokohin, Jinky. Sinasabi ko sa 'yo. Oras na iwan ka niyan, huwag kang magtatangka na bumalik dito sa bahay ko." Wala sa sarili nang mapabuntong hininga ako. Hindi na ako nanlaban. Tumango-tango na lang din para sang-ayunan ang sinabi ni Mama. Naiintindihan ko kung ano ang pinaghuhugutan niya; nanay siya. Alam niya kung ano ang makakabuti sa kaniyang anak. Takot lang din siya na balang-araw ay posible akong magaya sa kaniya— mamatay man ang partner ko, o iwan ako para sa ibang babae. Ayaw niyang maranasan ko iyong mga bagay at sitwasyon na naranasan na niya bilang ina sa aming mga anak niya, at bilang asawa kay Papa. Alam niya lahat. Tipong papunta pa lang ako, siya ay pabalik na. Hindi man din ako naniniwala sa salitang ‘destiny’ ay alam ko sa sarili ko na si Calvin na talaga ang para sa akin. Kaya hindi niya iyon magagawa sa akin. Hindi niya ako iiwan, o ipagpapalit sa ibang babae. Wala mang salitang ‘forever’, kaya ko namang patunayan sa lahat na there's a lifetime that refers to the period of a person's life. Kaya hangga't nabubuhay ako ay patuloy kong mamahalin si Calvin. "Ang laki ng bahay nila, ah?" bulalas ni Mama habang tinitingala ang bahay nina Calvin mula rito sa Corazon Residence. Sinundo kami ni Calvin para magpunta rito. Ewan kung pamamanhikan na ba itong matatawag, o meet and greet ng mga magulang. Pati ako ay kinakabahan dahil first time kong makikita ang magulang ni Calvin. Si Chloe ay panatag akong tanggap ako dahil sa pinagsamahan at pagkakaibigan namin. Hindi ko lang alam sa magulang nila, kahit pa sinabi nilang mababait naman ang mga ito. Iba pa rin kapag hinusgahan nila ako. Nanlalamig ang mga palad ko. Alam kong ramdam iyon ni Calvin at hawak-hawak niya ang kamay ko habang iginigiya papasok ng kanilang babay. Mula pa sa veranda ay naroon si Chloe at mukhang nag-aabang. Nang makalapit sa gawi niya ay nakipagbeso siya sa akin. Niyakap din ako habang bakas sa kaniyang mga mata ang kasiyahan. Tinapik niya ng isang beses ang balikat ko. Napatitig ako sa mukha niya. "Paniguradong tanggap ka nina Mommy at Daddy," masuyo niyang turan sa akin. "Tingin mo?" Ngumiwi ako, nananatiling kabado at para akong bibitayin. Tumango-tango si Chloe. "Sure ako riyan." Huminga ako nang malalim. Bago pa pumasok sa kanilang sala ay pinuno ko muna ng hangin ang aking baga. Sa paglalakad ko ay halos mamaga at magkasugat ang isang braso ko dahil sa sobrang higpit nang pagkakahawak ni Mama. Dikit na dikit siya sa akin. Nagmukha lang siyang bata na namamasyal habang maiging iniikot ang tingin sa paligid, pero takot na takot maligaw at grabe kung makakapit sa akin. Ayaw akong bitawan kahit noong paupuin kami sa pahabang sofa. "Pababa na sila Mommy at Daddy," ani Chloe na nakasunod sa amin. "Anong gusto ninyo? Coffee, juice or tea?" Si Calvin na nakatayo sa gilid ko, bahagya lang nakayuko para sa tanong niyang iyon. "Huwag na kape. Diyos ko, ninenerbyos na nga 'yung tao," anas ni Mama kung kaya ay natawa ako. "Juice na lang para sa amin ni Mama." Kaagad na tumango si Calvin at nagtawag ng kanilang katulong. Halos manlaki pa ang mga mata ko sa katotohanang ganito sila kayaman, ni walang-wala kami sa kalingkingan nila. Habang naghihintay pa ay palinga-linga ako. Totoong malaki ang bahay nina Calvin, malawak ang sala at mataas ang kisame. Nakakatawang isipin na hirap na hirap siguro silang maghanapan sa isa't-isa. Kabi-kabilaan ang pinto at lagusan patungo sa kung saan. Marami ring malalaking picture frame na nakasabit sa kanilang pader. May mga sinaunang litrato, mayroong mga bago at ang pinaka-latest ay iyong picture ng quadruplets nina Chloe at Sir Melvin, at ang kanilang family picture. May isang picture frame pa roon na nagpaantig ng puso ko. Litrato iyon ni Calvin, whole body iyon kaya kuhang-kuha ang kabuuan niya. Nakasuot siya ng uniporme ng pulis, naka-cap at sa vest niya ay nakaimprinta roon ang salitang ‘police’ in all capital letters. Maganda ang tindig niya roon, nakasaludo at seryoso ang mga matang nakatingin sa camera. Mukhang kuha ito pagkatapos ng training niya sa Camp Crame. Napangiti ako habang nakatitig doon. Balang araw, nakasabit na rin diyan ang picture ng wedding namin, may solo picture para sa anak naming dalawa, mayroon ding family picture namin at higit sa lahat ay ang extended family picture ng pamilyang Frias. "Nandito na sila." Nabalik ako sa reyalidad nang biglang tumayo sina Chloe at Calvin mula sa pagkakaupo. Maagap ding tumayo si Mama na halos kaladkarin pa niya ako para lang isama sa pagtayo niya. Mabilis akong umayos ng tindig at kaagad na napatingin sa paparating na magulang ni Calvin. Galing sila sa isang kwarto. Ang ginang ay naglalakad habang nakaalalay sa asawa niyang nakaupo sa wheelchair. May isang nurse na nagtutulak sa wheelchair. Pareho na silang may katandaan, katulad marahil ng edad ni Mama. Ganoon pa man ay nasa mukha pa rin nila ang pagiging sosyal at sopistikada. Ganoon naman talaga kapag nasa marangya kang pamilya. Ipinaskil ko ang malapad kong ngiti sa labi para tanggapin ang pagdating nila. Kalaunan nang huminto sila sa kabilang gawi ng sofa, katapat ng pwesto namin ni Mama. Kamuntikan na akong malagutan ng hininga nang masipatan ako ng tingin ng ginang. "Ma, Pa, this is Jinky Verra Bolivar, the girl I'm talking about, and that girl I used to have a crush on," pagpapakilala ni Calvin. Saglit na nangunot ang noo ko dahil sa huli niyang sinabi ngunit hindi ko na iyon napagtuunan ng pansin. Isang beses akong yumuko sa mag-asawa, ngiting-ngiti habang tinatanggap ang paninitig nila sa akin. "Magandang umaga po!" Yumuko pa ulit ako, ang mga kamay ko ay magkasalikop kung kaya ay damang-dama ko ang pamamawis ng mga palad ko. "Kinagagalak ko pong makilala kayo. Masaya po ako na nakita ko na rin kayo sa wakas." Ewan kung ano na ba ang itsura ko, o mukha na ba akong plastic sa lagay kong ito. "At siya po ang Mama ko, si Jenny Bolivar." Itinuro ko si Mama na naging mitsa para magulat ito sa pagkakatayo niya. "Ah, hehe... magandang araw sa inyong dalawa. Nakakatuwa naman na makita kayo. Sana ay hindi kayo galit dahil lang sa pagpunta namin dito—" "Mama naman," suway ko rito, nag-peace sign lamang siya at hindi na rin naman na dumugtong pa. Suminghap ako. Nakatitig lang ako sa mag-asawa na siyang nakatunghay lang din sa amin ni Mama. Maang kong hinintay ang kung ano mang magiging reaksyon nila, o kung ano ang sasabihin nila. Mayamaya nang unti-unting kumibot ang labi ng ginang. "Magandang umaga rin sa inyo. Nice meeting you two." Halos mapawi ang kaba sa puso ko dahil sa ngiting iyon ng Mama ni Calvin. Wala pa sa huwisyo nang kumapit ako kay Calvin nang hindi ko makayanan ang pangangatog ng mga tuhod ko. Maagap naman niyang pinalibot ang kamay sa baywang ko. "Siya naman ang butihing asawa ko. May sakit siya kaya hindi na rin masyadong makatayo, pagpasensyahan niyo na," dagdag ng ginang at mahina pang natawa. "A—ayos lang, ano ka ba!" Si Mama na maagap rumebat. "Ako nga ay wala ng asawang maipapakilala." Bumagsak ang panga ko at hindi makapaniwalang nilingon si Mama. Ilang sandali nang biglang tumawa ang ginang, pati na rin ang Papa ni Calvin na nasa wheelchair. "Okay lang din iyon. Ang importante ay nagkita-kita tayo ngayon dito." Ngumiti nang ubod ng tamis ang ginang, sobra iyong nakakalusaw. "Dito na kaya kayo magtanghalian? Magpapuluto ako ng maraming ulam." "Nakakahiya naman," saad ni Mama. "Huwag kayong mahiya. Para saan ba't magiging in-law din tayo?" Namula ang pisngi ko. Malakas na tumawa si Mama. "Sige at tutulong ako sa pagluluto!" "Hindi. May mga katulong naman kami." "Masarap akong magluto. Alam mo ba kung may pangpuhunan lang ako ay nakapagpatayo na ako ng 5 star Restaurant?" "Wow! Kung sakali ay baka isa ako sa magiging regular customer mo." "Oo, bibigyan kita palagi ng discount." "Ako naman ay may flower shop malapit lang din dito sa Corazon Residence. Pinaalaga ko iyon sa anak kong si Chloe, kaya kahit papaano rin ay medyo maganda pa ang bentahan. Bisitahin natin iyon minsan." "Sige, sige. Magaling akong magtanggal ng tinik ng rosas." "Ang talented mo pala talaga, ano?" "Oo, marunong din akong manahi." "Ako, magwalis lang." Nagtawanan silang dalawa, para bang nagkaroon na sila ng sariling mundo. Magkasamang ngiti at ngiwi ang nasa labi ko habang pinapanood sila. Mayamaya nang dahan-dahan akong hinila ni Calvin. Naguguluhan man ay sumama rin ako sa kaniya. Mabagal kaming naglalakad at patungo sa kung saan. Lumabas kami mula sa kanilang bakuran. Mula roon ay tanaw ko ang malaki nilang swimming pool. "Upo ka na muna riyan. Kukunin ko lang ang juice mo," aniya at inilalayan pa akong makaupo sa isang upuan. Magsasalita pa sana ako, pero mabilis siyang tumalima at bumalik sa loob. Napanguso ako at saglit na naglibot ng tingin. Sa ganap na alas nuebe ay tirik na ang araw. Ang sikat pa nito ay tumama sa ibabaw ng pool dahilan para kumikinang iyon sa paningin ko. Bigla kong na-miss ang Isla Mercedes. Ilang araw pa lang ang nakalilipas simula nang lisanin ko ang lugar na iyon. Kung wala lang sigurong Bianca Tumbali o Mayor Velasquez na panira ay literal na doon ako magtatayo at bubuo ng sariling pamilya. Doon ko gustong palakihin ang magiging mga anak ko. Gusto kong lumaki sila sa sariwang hangin at payapang buhay na mayroon ang probinsya. Gusto ko silang imulat sa gandang taglay ng Isla Mercedes. Kung may pagkakataon lang ulit ako ay gusto kong bumalik doon. Of course, kasama na ang anak ko. Kung hindi papalarin ay kahit bakasyon lang ang sasadyain namin. Umimpis ang labi ko, kapagkuwan ay nagpakawala ng buntong hininga. Ilang minuto lang din nang masilayan ko si Calvin na dala-dala ang isang tray, laman nito ang dalawang baso ng juice at ilang cookies. "Nagkakatuwaan na sila sa loob. Sabi ko naman sa 'yo ay mabait sina Mama at Papa," pahayag niya na ikinangiti ko. Marahan niyang inilapag ang tray sa lamesa. Hinila pa niya ang isang upuan at itinabi sa upuan ko. Doon siya naupo at sinimulang ilapag sa harapan ko ang isang baso ng juice. Hindi ko muna iyon ginalaw, bagkus ay binalingan ko siya. "Bakit pala Mama at Papa lang ang tawag mo sa kanila? Kay Chloe ay Mommy at Daddy? Mayaman naman kayo," pagtatanong ko, wala lang at nagtataka lang ako. Natawa si Calvin. "Hindi ko rin alam, pero mas kumportable ako na tawagin silang ganoon kahit noong maliit pa lang ako." "I see..." Tumango ako at muling nag-isip ng pwedeng itanong. "Oo nga pala, nabanggit mo kanina iyong katagang ‘that girl I used to have a crush on’— kailan iyon?" Namula ang pisngi ni Calvin, nag-iwas pa siya ng tingin na para bang nahihiya ito. Napangiti ako at mabilis kong iniangat ang isang kamay ko. Hinawakan ko ang kaniyang baba. Pilit kong hinabol ang mga mata niya. "Look at me, Calvin. Tell me what's your secret," pang-uudyo ko habang nangingisi. Ayaw niyang lumingon kung kaya ay tumayo ako. Nagulat siya, akala niya sigurong lalayasan ko siya at madali niyang hinawakan ang braso ko ngunit mas nagulat siya nang umupo ako sa kaniyang kandungan. Ikinawit ko pa ang braso sa leeg niya at pinagdikit ang mga noo namin. "Tell me, baby, please," paglalambing ko na naging rason para umawang ang labi niya sa pagkamangha. "Sasabihin mo, o hindi kita sisiputin sa kasal natin—" "Naalala mo iyong kasal nina Chloe at Kuya Melvin? Doon kita unang nakita," panimula niya kung saan ay panay tango lang ako. "Uh-huh?" Hinalikan ko siya sa tungki ng ilong niya dahilan para dagli siyang matigilan. "Don't seduce me, Verra." Naging mabigat ang hininga ni Calvin, kaya lumayo na ako "Okay, continue." Sinamaan niya ako ng tingin. Ngumiti naman ako. Kalaunan ay marahas siyang nagpakawala ng buntong hininga bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Doon din ako nagsimulang magkagusto sa isang babae. I learned a lot about you with Chloe's help. But I got to know you more when we were in Isla Mercedes. Naisip ko noon, ito na 'yung pagkakataon ko. Sasayangin ko pa ba? So I gave myself a chance, inalay ko ang sarili ko sa 'yo. That's why I can't let you go, Verra. We can't be separated. Minsan lang ako magmahal— bakit ko pa pakakawalan?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD