Chapter 1
IPINARADA ni Georgette ang kotseng minamaneho sa tapat ng eskwelahan ng kanyang limang taong gulang na anak na si Georgina. Nang maayos niyang ipinarada
ang kotse ay pinatay niya ang makina niyon. At bago siya lumabas ng kotse ay tiningnan muna niya ang sariling repleksyon sa rearview mirror. Nang makitang ayos ang hitsura ay lumabas na siya ng kotse. Nagsimula na siyang maglakad patungo sa eskwelahan ng anak.
“Good afternoon, Ma’am,” bati ng guard nang makita siya nito. Kilala na siya ng guard ng eskwelahan na iyon. Regular kasi si Georgette na naghahatid at nagsusundo sa anak. Kung minsan naman kapag hindi niya masundo ang anak dahil busy pa sa kanyang online business ay pinapakiusapan niya si Christian o hindi kaya ay si Gwen muna ang bahalang magsundo kay Georgina.
Magkapatid si Christian at Gwen. Ang dalawa din ang tumulong sa kanya ng nangangailangan siya noon ng tulong. At naging kaibigan niya ang dalawang magkapatid.
Nginitian ni Georgette si Manong Guard. “Good afternoon din po,” magalang na bati niya rito.
“Pasok na po kayo, Ma’am.” Sabi nito.
“Salamat po, Manong.” sabi niya bago siya pumasok sa loob.
“Mama! Mama ko!” Hindi mapigilan mapangiti ni Georgette nang marinig niya ang matinis na boses ng anak niyang si Georgina ng makapasok siya sa loob ng eskwelahan. Nakita din niyang tumatakbo na ito palapit sa kanya. Huminto siya sa paglalakad at ibinuka niya ang dalawang braso. Nang tuluyan na itong nakalapit ay agad itong yumakap sa kanya. Dahil maliit pa ang anak ay ang mga hita niya ang niyakap nito. Hinaplos naman niya ang buhok nito.
“Hi, Baby Georgie,” bati niya sa anak. Baby Georgie ang tawag niya rito sa tuwing naglalambing siya sa anak.
Umalis si Georgina mula sa pagkakayakap sa mga binti niya. Pagkatapos niyon ay tiningala siya nito. Hindi niya mapigilan ang matawa nang mahina nang makita niya ang pag-nguso ng anak. Mas lalo tuloy itong naging cute sa paningin niya. “Mama, hindi na ako baby. I’m a big girl na,” sabi ng anak sa kanya, nanghahaba pa rin ang mga nguso nito sa sandaling iyon.
“Baby Georgie, kung big girl ka na dapat ay ganito ka.” sabi niya sabay taas ng kamay hanggang sa ulo niya. “Baby girl ka pa kasi hanggang dito ka lang, eh,” dagdag pa na wika niya. Pagkatapos niyon ay ibinaba niya ang nakataas na kamay patungo sa hita niya. Ngumuso na naman ang anak. “And for, Mama. You’re still my baby. And love na love ka ni Mama.”
Kumikibot-kibot ang labi ng anak. Hanggang sa sumilay ang matamis na ngiti sa labi nito. “Okay po, Mama. Love na love ka din po ni Baby.”
May ngiti si Georgette sa labi habang nakatitig siya ng puno ng pagmamahal sa anak. Marami ng dumaan na pagsubok sa buhay ni Georgette. Mabibigat na pagsubok. Akala nga niya ay hindi niya iyon malalagpasan pero no’ng malaman niyang buntis siya ay pilit niyang kinaya ang lahat para sa magiging anak. And she was very thankful dahil nakaya niya, thankful din siya sa mga taong tumulong sa kanya sa panahong nangangailangan siya nang masasandalan at nang tulong. Dahil kung hindi sa mga ito, hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanila.
Kinuha ni Georgette ang bag ng anak pati ang hawak nitong lunch box ay kinuha na rin niya. “So, baby Georgie. How’s school?” tanong niya sa anak mayamaya.
Napatingin siya sa papel na hawak ng anak ng itaas nito iyon. Ngayon lang niya napansin na may hawak din pala itong papel.
“Perfect po ako sa quiz namin, Mama.” masayang wika ng anak habang iwinagayway ang hawak nitong papel sa harap niya.
“Patingin nga, baby?”
“Ito po.” inabot nito sa kanya ang papel na agad naman niyang kinuha.
“Ten over ten. Wow!” bulalas niya nang makita niya ang score nito. “Ang galing ng baby ko, ah.” Proud na proud na wika niya.
“Siyempre po, Mama. Nagmana ako sa `yo, eh.” Wika nito na nakangiti pa din.
Napangiti na naman siya sa sinabi ng anak. Hindi lang sa talino nagmana ang anak sa kanya. Pati hitsura niya ay namana nito. Small version nga ni Georgette ang anak. Kamukhang-kamukha niya ito no’ng bata pa siya. Mula sa hugis nang mukha nito, sa mata nito, sa maliit at matangos na ilong at makipot at natural na namumulang labi. Ang tanging nakuha lang yata nito sa ama nito ay ang kulay ng mata nito. Kulay itim kasi ang mata niya. Samantalang ang anak naman niya ay kulay tsokolate. At kung tititigan nga niya si Georgina sa mga mata ay parang nakatitig siya sa mga mata ni...
Ipinilig na lang ni Georgette ang ulo. Hindi iyon ang tamang oras para alalahanin niya ang lalaki sa nakaraan niya.
Nagpakawala siya nang malalim na buntong-hininga. “Halika na, baby?”
Tumango naman ang anak. Hinawakan niya ang maliit na kamay nito. Magkahawak ang kamay nilang dalawa habang tinatakak nila ang daan palabas ng eskwelahan.
Hindi naman nagtagal ay nakarating na rin sila ng anak sa kinapaparadahan ng kotse. Inilagay ni Georgette ang bag at lunch box ng anak sa backseat ng kotse. Pagkatapos niyon ay binuksan niya ang pinto ng passenger seat. Binuhat niya ang anak at maingat na isinakay do’n. Ikinabit niya ang seatbelt nito bago siya umibis sa gawi ng driver seat. Binuksan niya iyon at pumasok siya do’n. Binuhay na niya ang makina ng kotse.
“Mama, nagugutom na po ako. Kain po tayo sa Jollibee.” mayamaya ay narinig niyang wika ng anak. Inalis niya ang tingin sa minamaneho at sumulyap siya kay Georgina. “Sige na, Mama. Gusto ko po ng Spaghetti at Fried Chicken sa Jollibee.” pinagpungay pa ng anak ang mga mata habang nakatitig sa kanya. Ganoon ito kapag may gusto ito. “Tapos gusto ko din po ng fries, burger tapos sundae po,” dagdag pa na wika ni Georgie. “Please, Mama? Please...”
“Okay.” pagpayag niya bago niya ibinalik ang atensiyon sa minamaneho.
“Yihey!” masayang wika ng anak. Mula sa gilid ng mata ay nakita niya ang pagtaas ng dalawang kamay nito sa ere.
Napangiti na lang si Georgette. Sa tuwing nakikita niyang masaya ang anak ay pakiramdam niya ay lahat ng pagod na nararamdaman niya ay nawawala. Her daughter is her stress reliever.