‘Louie! May dance practice kami kanina. Tinuruan namin si Aveera magsayaw.’ message ko kay bhebhe ko.
Itinag ko s’ya sa dalawang video.
`Yung una, ay ang ’Sway’ video namin ni Rome, at `yung isa naman ay sayaw namin ni Harold na kinunan din pala ni Aveera.
Pauwi pa lang kami ni Yaya sa bahay. Alas-sais na, at ngayon lang kami natapos dahil ayaw tumigil ni Rome hangga’t `di natututo si Aveera kumembot.
`Yun lang halos ang ginawa namin buong hapon!
“Yaya, pakisabi po kay chef, bukas ang request naman namin Chinese,” sabi ko habang yakap-yakap si Beck. “Nagc-crave ako nung lumpia na binibili namin dati sa Divisoria ni Mama, eh.”
“Okay, sabihan ko s’ya mamaya. Kamusta naman ang practice n’yo sa sayaw?” tanong ni Yaya habang hinihintay naming mag-green ang stop light sa intersection.
“Ayun, okay naman po. Bukas ipapakita namin sa teacher namin yung first part. Buti nga naturuan namin si Aveera, eh, feeling ko, sa lahat ng subjects, sa PE lang s’ya mababa.”
“Buti naman at natulungan mo ang kaibigan mo.”
Nag-green ang ilaw at umandar `uli ang aming sasakyan.
“Oo nga po, Yaya, eh,” masaya ko’ng sabi habang pinanggigigilan si Beck, ”dati-rati, ako lagi ang tinuturuan n’ya, at least ngayon, nakabawi naman ako, kahit pa– “
‘BLAG!’
Ang gulat ko nang biglang may tumama sa left side ng sasakyan namin! Lalo na nang mabalot ng puti ang paligid.
Napapikit agad ako at yumakap ng mahigpit kay Beck.
Parang umikot ang mundo! Sa pagdilat ko ay nalilibutan na kami ni Beck ng mga air bags.
Ni hindi ako nakasigaw man lang sa sobrang shock.
Napatitig lang ako sa harap, kay Yaya na walang imik.
“Y-Yaya?!” Nagawa ko ring gumalaw at magsalita. ”Yaya, okay ka lang?!”
Umingit si Beck sa tabi ko, buti na lang at yakap-yakap ko s’ya kanina, pero mukhang may pilay ang nakataas n’yang front paw. Itinulak ko ang malaking airbag sa harap ko at muling tinawag si Yaya.
“Yaya Inez!”
Tinapik ko s’ya nang ilang ulit sa balikat, `di malaman kung ano ang gagawin.
Sa wakas, umungol si Yaya at unti-unting itinaas ang ulo n’ya.
“A-anong nangyari?” tanong n’ya sa `kin.
Pero bago ako makasagot ay may narinig kaming parang kumakatok sa labas.
“Kailangan natin lumabas!”
Bubuksan ko na sana ang pintuan ko sa kanan, nang pigilan ako ni Yaya.
“`Wag mo’ng bubuksan ang pinto.” sabi n’ya, “Mga bala `yon.”
“H-ha?!” lalo ako’ng naguluhan sa sinabi n’ya! “A-anong bala?”
“`Wag ka’ng mag-alala, bullet proof ang sasakyan... Ligtas tayo sa loob...”
“P-pero... pano tayo lalabas?!”
“Kaya mo bang tumawag sa pulis?” tanong ni Yaya. “Hindi ko magalaw ang kanang kamay ko, at naipit ang kaliwa ko sa nayuping pinto...”
Sinilip ko ang left side ni Yaya. Yuping-yupe nga ang pinto dito, at napansin ko na duguan ang kaliwang bahagi ng noo n’ya!
“Y-Yaya! Okay ka lang ba?!” lalo ako’ng ninerbyos! `Di ko malaman ang gagawin!
“Okay lang, hijo,” mahinahon n’yang sagot. “Tumawag ka na muna ng tulong.”
“T-tulong?! Saang tulong?! Anong number? Sino – ”
“Tawagan mo si Louie,” singit ni Yaya.
Parang nagliwanag ang isip ko nang marinig ang pangalan ni Louie.
Kailangan ko s’yang matawagan! Kailangan ko s’yang makita! S’ya lang ang makakatulong sa amin ni Yaya!
Kinuha ko ang cell sa bulsa ko. Nanginginig man ang mga kamay, nagawa ko’ng pindutin ang number n’ya.
‘Hello?’ buti at agad n’yang nasagot ito. ’Josh, ano `tong video na – ’
“Tulong!” sigaw ko sa phone.
‘H-ha?!’
“Tulong, Louie! Aksidente! May aksidente!”
‘Nasaan kayo? Sino kasama mo?’ agad n’yang tanong.
“`Di ko alam... yung air bags...”
‘Nabangga kayo? Malapit na ba kayo sa hotel?’
“I-intersection... sa stop light! Nabangga kami, tapos may barilan sa labas... si Yaya! Si Yaya `di makagalaw!” tatanungin ko sana si Yaya kung nasaan na kami, nang makita ko na nawalan nanaman siya ng malay! “Louie! Tulog nanaman si Yaya!”
‘I’m on my way! Don’t hang up the phone.’ sabi ni Louie na tunog hinihingal.
Narinig ko s’yang may sinigawan na tumawag ng pulis, tapos ay narinig ko ang tunog ng sasakyan sa background.
‘Josh, are you still there?’
“O-opo...” humihikbi ko’ng sinabi.
‘Papunta na ko d’yan, just stay inside the car, okay?’
“Okay.”
‘May naririnig ka pa ba’g barilan sa labas?’ tanong niya.
Pinakinggan ko ang paligid.
“W-wala na.”
’Good, kasunod n’yo sina Sol, `di ba? Nakikita mo ba sila sa labas?’
“H-hindi... puro puting airbags...”
‘Ikaw, may masakit ba sa `yo?’
Pinakiramdaman ko sarili ko.
“W-wala... sobrang... takot lang...” sagot ko, “S-si Beck, mukhang may pilay din...”
‘It’s okay, malapit na `ko... I see you now!’
“Nasaan ka?!” pilit ko’ng inalis ang airbags na nakatakip sa bintana.
Natakot ako nang makitang may mga taong nakapalibot sa sasakyan. Pero mukhang mga civilians lang sila na gusto’ng tumulong sa `min. Inaninag nila `ko sa loob, tapos ay kumatok ang isa sa bintana at tinuro ang lock dito.
“Louie, sasaan ka na?” tanong ko sa kausap ko.
’Which side are you?’ tanong n’ya.
“Sa right!”
Sa wakas, nakita ko s’ya na pinapaalis ang ilang tao at kumatok sa bintana ko. Nasa likod n’ya si Ate Mira na may kapit-kapit na baril at duguan ang kanang balikat!
‘It’s okay now, can you open the door?’ sabi n’ya sa phone.
Sinubukan ko nga’ng buksan ito. Buti na lang, kahit yupi ang isang side ng sasakyan ay gumana pa rin ang electronics nito, at nagawa ko’ng buksan ang pinto.
Hinatak ito ni Louie para tuluyang mabuksan, tapos ay hinila n’ya `ko palabas ng sasakyan at mahigpit na niyakap. Noon ko lang napansin na nanginginig ang buo ko’ng katawan.
“Louie! Si Yaya!”
“Oo, parating na ang tulong. Siguraduhin ko muna na okay ka.” Tinignan n’ya ang buong katawan ko.
May naririnig na ako’ng serena ng pulis at ambulansya sa likod. Pumasok naman si Ate Mira sa loob para tulungan si Yaya na wala pa ring malay.
Napatingin ako sa sasakyan namin. Tila wala ito’ng parte na hindi yupi o nagalusan! Napasok ang kalahati nito sa foodstall sa kabilang kanto! Buti na lang at mukhang wala namang nasaktan sa lugar, pero si Yaya...
“She looks okay, wala lang malay tao.” sabi ni Ate Mira.
“S-si Ate Sol, nasaan?” tanong ko sa kan’ya.
“Sinundan n’ya `yung kotse na humarang sa `min,” sagot n’ya.
“Kotse?” Napatingin ako sa 12 wheeler dump truck na nakaharang sa kalsada.
“Matapos kayong bungguin ng truck, may humarang naman sa amin na puting van.” kwento ni Ate Mira kat Louie. “Limang tao ang sakay nito, maliban sa driver. Nakipagbarilan sila sa `min, pero umalis din nang mapabagsak namin ang dalawa sa kanila at nang makita nila na `di nila kayang buksan ang kotse nina Josh.”
“Ate, may tama ka!” turo ko sa braso n’ya na mukhang nabalutan na ng dugo!
“Daplis lang `to,” sagot n’ya sa `kin. “Patitignan ko na lang pagdating ng ambulansya.”
May pumarada na nga’ng ambulansya sa tapat namin.
“Dito!” tawag ni Louie sa bumabang paramedic.
Pinauna n’yang tignan si Yaya na isinakay sa stretcher at pinasok sa ambulansya, sumabay naman si Ate Mira para magpa-check-up na rin sa ospital, habang kami naman ni Louie ay sumakay sa kotse niya.
Hindi ko na masyado maalala ang kaguluhan na sumunod.
Ang alam ko lang, pumunta kami sa ospital at nag-report sa pulis kung ano ang nangyari, tapos ay nakipag-usap sa mga doctor, at ang huli, ay pinuntahan si Yaya sa isang private room.
“Yaya!” Noon lang ako nakahinga nang maluwag, nang makitang may malay tao na uli siya. Tatalon sana ako sa kama, pero pinigilan ako ni Louie.
“Hijo, buti okay ka,” ngumiti s’ya sa `kin. May malaking benda s’ya sa ulo at nakabandage din ang kaliwang braso n’ya at kanan na kamay, pati na rin ang kaliwang binti n’ya.
“Ikaw, Yaya, okay ka lang ba? Wala ba’ng masakit sa `yo?” napatingin `uli ako sa mga bandages n’ya, “Obviously, marami, pero okay ka na ba?”
“Oo, okay naman ako,” sagot ni Yaya. “May concussion lang ako, kaya kailangan ko pa’ng maobserbahan, pero maayos na naman pakiramdam ko ngayon.”
“Buti na lang...” muli ako’ng napahinga nang malalim at naupo sa gilid ng kama ni Yaya. Kinapitan ko ang kamay n’ya at hinimas ito. “Akala ko `di ka na magigising!”
“Naku, matigas to, `wag ka’ng mag-alala.” tumingin naman s’ya kay Louie. “Kamusta naman itong si Josh at sina Sol?” tanong n’ya.
“Wala naman daw problema sa kan’ya, thank goodness for the airbags, at buti rin nasa may right side s’ya nakaupo, kasama si Beck.”
“Ah! Si Beck!” sa sobrang windang, ay nakalimutan ko na ang alaga ko!
“Pinadala ko na s’ya sa vet,” sabi sa `kin ni Louie. “Si Mira naman ay daplis lang ang inabot, at si Sol ay kakatawag lang sa `kin. Nasundan n’ya ang sasakyan ng suspects sa San Juan, kaya lang, nakatakas sa mga eskinita doon ang tatlo, iniwan nila ang katawan ng dalawang kasama nila sa sasakyan, `yung isa naman, eh, nasa kustudiya na ng mga pulis.”
“Buti at nahuli ang isa! Dapat managot ang may pakana nito,” sabi ko.
“Sisiguraduhin ko iyon,” sagot ni Louie na nakakapit sa balikat ko. “Sa ngayon, kailangan na muna natin umuwi, para makapagpahinga ka na.”
“Tama, hijo, ikaw na rin ang magsabi kay chef kung ano ang gusto mo’ng ulam bukas,” nakangiting sabi ni Yaya.
“Balak mo pa ba’ng pumasok bukas?” tanong ni Louie na sumimangot sa `kin. “Kung gusto mo, igagawa kita ng excuse para makapagpahinga ka.”
“Ah, kung p’wede lang, pero tuturuan ko pa si Aveera sa PE, at saka ang dami ko nang absent, hindi na ata ako nakabuo nang isang linggo!”
“Hay, you have a point there,” nagbuntong-hininga si Louie, “kaya dapat makauwi na tayo at magpahinga.”
Paalis na kami nang mapatingin s’ya sa cellphone n’ya na nag-vibrate.
“It’s your mom...” sabi n’ya bago sagutin ito at buksan ang loud speaker. “Hello? Yes, nasa recovery room na si Yaya Inez... Okay, ako na po ang maghahatid kay Josh.” Tumingin s’ya sa `kin at inabot ang phone.
“Ma?”
‘Josh! Anak! Are you okay?! I just saw the news and the CCTV footage! Umikot ang kotse ninyo! Hindi ka ba nasaktan, anak?!’ mabilis na tanong ni Mama.
“Hindi naman po Mama,” sagot ko.
Umikot pala kami?
“Okay lang po kami ni Beck sa likod, pero si Yaya Inez, eto, naospital.”
‘Sabi nga ni Louie, buti at nasa recovery room na s’ya. Talaga ba’ng wala’ng nangyari sa `yo na masama? Na-check-up ka ba nila nang maayos?!’
“Opo Ma,” sagot ko. “Ni wala nga ako’ng galos, eh, nalibutan ako ng mga puting unan sa paligid! Ganon pala `yun, Ma! Pati mga bintana ng kotse may unan!”
‘Buti na lang at napaka swerte mo talaga, anak!’ narinig ko si Mama na nagbuntong hininga. ‘Ayos din `yang kotse mo, pagbili mo ng kapalit, ganon din ang piliin mo, ha?’
“Don’t worry, you’ve got accident insurance,” mahinang sabi ni Louie sa tabi ko.
‘Pasensya ka na, ha, nandito kami ngayon sa India ng dad mo,’ patuloy ni Mama, ‘hindi tuloy kita agad mapuntahan d’yan! Uuwi rin kami agad, promise.’
“Okay lang po, Ma, okay lang talaga ako, saka,” tumingin ako kay Louie, “nandito naman po si Louie, kaya `wag na po kayo mag-alala.”
‘Hay, naku, mabuti na nga lang at may partner ka na,’ sabi ni Mama, ‘paki abot nga `uli ang phone sa kan’ya para mai-bilin kita.’
Inabot ko nga ang phone kay Louie kahit pa rinig na rinig naman naming tatlo ang malakas na boses ni Mama.
“Ma’am,” sabi ni Louie kay Mama.
‘Atorni, ikaw na ang bahala sa anak ko’ng `yan, ha?’ sabi ni Mama. ‘Ipinauubaya ko na s’ya sa `yo, alam ko naman na hindi mo pababayaan ang fated pair mo.’
“Of course, Ma’am,” sagot ni Louie na bahagyang namula ang mukha.
‘`Wag mo’ng paiiyakin `yan, alam mo naman, mababa ang luha n’yan, at saka pagpasensyahan mo na kung medyo slow s’ya minsan, napaka bait at masunurin naman n’yang anak ko’ng `yan. Napaka swerte mo, ikaw ang pinili n’ya! Wala nang babait pa sa anak ko’ng `yan!”
“Opo, Ma’am, alam ko po.”
‘Anong Ma’am? Mula ngayon, Mama na ang itawag mo sa akin, ha? Basta’t alagaan mo lang lagi nang mabuti si Josh, kung `di, ihanda mo `yang leeg mo! Gigilitan kita ng buhay!’
“S-si Mama talaga, oh!” sabi ko nang marinig ang pagbabanta n’ya, natawa naman si Yaya.
“Makakaasa po kayo na aalagaan ko siya nang mabuti habambuhay... Mama.”
Sobra!
Nagliyab ang mukha ko sa sinabi ni Louie! Narinig ko naman si Mama na tumitili sa kabilang linya sa sobrang kilig!
‘Aaaaay! Sige na nga at mag aalas-nueve na rito sa India, ibig sabihin alas-onse na d’yan. Magpahinga na kayo.’
May sinabi pa’ng pabulong si Mama na `di ko narinig, pero nakita ko’ng mamula ang mukha ni Louie.
‘Okay, mag-ingat kayo d’yan! I love you Josh! Goodnight!’
“Goodnight po Ma!” habol ko bago pinutol ni Louie ang tawag.
“Sige na, kailangan n’yo nang magpahinga,” sabi sa amin ni Yaya. “Atorni, kayo na po muna bahala sa alaga ko, ha?”
“Opo, Yaya Inez, `wag ka’ng mag-alala at magpagaling ka lang dito.”
“Babalik kami bukas para dumalaw!”
“Don’t worry, baka bukas palabasin na rin ako, although...” napatingin s’ya na mga benda n’ya.
“`Wag kang mag-alala, Yaya, basta pagaling ka lang sa bahay, andyan pa naman sina Ate Sol, eh, at saka s’yempre, si Louie!”
“Oo nga, Yaya,” sabi ni Louie na kumapit din sa nakabenda n’yang braso. “ang importante gumaling ka agad.”