Chapter 1: Tasha

1707 Words
"MS. TASHA BUENCAMINO! You're late again!" Sa kabila ng kalagitnaan ng Economics class nila at sa malakas na pagsita sa kanya ng professor, walang sabi-sabing pumasok siya sa loob ng silid, pikit-mata, nakayuko at nakangiwing dumeretso sa pangalawang row ng mga upuan kung saan siya nakapuwesto. That kind of scenario was not new to Tasha; kinalaunan ay nakasanayan na rin niya ang laging nasisigawan ng mga guro. "Sorry, sir." Napalabi na lamang siya sa may katandaang professor na halos ipikit ang mga mata habang pinagmamasdan siya sa pag-upo. Bagong guro ito sa unibersidad. Nitong second semester lamang. 'Di niya tuloy makontrol ang sariling kumabog nang kaunti ang dibdib. Hindi pa niya kabisado ang ugali nito. 'Wag sana niya akong ibagsak. Nang maitanggal sa balikat ang nakasukbit na backpack, nagmamadaling inilabas niya mula roon ang xerox copy niya saka iyon ibinulalat. Doon na rin nagpatuloy ang guro nila sa pagdi-discuss — na siya namang nasundan agad ni Tasha. Bigla ay bumigat ang talukap ng kanyang mga mata. Dalawang oras lang tulog niya. Alas dose kasi ang shift niya sa pinapasukang fastfood chain. At matapos ang walong oras na trabaho, dito siya dederetso. Bagaman sanay na si Tasha sa puyat. Sanay na sanay na. "Ate Sha, mukhang napapadalas yata 'yong pagiging late mo. Naku, si 'Labo' pa naman, ayaw sa estudyanteng laging nale-late," pasimpleng bulong ng katabing si Cassie mayamaya, tinutukoy ang professor nila. "Sabi sa akin no'ng senior year na girlfriend ni Billie, nambabagsak daw 'yan kahit matalino 'yong estudyante. Fourth year na tayo next school year. Sayang ang scholarship mo 'pag nagkataon." Bumuntong-hininga siya, sinulyapan ang dalagita. "Hindi kasi dumating 'yong ka-shift ko." "Bilib din ako sa'yo, Ate. Working student ka na, scholar ka pa. Not to mention you're selling balut at night until 10 P.M. Kinaadikan na nga ni papa at ni mama 'yong balut na ginagawa mo." Ngumiti ito, paminsan-minsang sinusulyapan ang guro na abala na sa pagsusulat sa board. Napailing na kumurba ang labi niya, inilipat ang atensyon sa guro. Sanay na si Tasha sa pagiging madaldal ng dalagita. Nitong school year lang niya ito nakilala, ngunit sa lahat ng mga subjects na pinapasukan, ito lang nakapalagayan niya ng loob. "Ba't 'di ka na lang kasi magpalipat ng class schedule sa hapo—" Hindi nito itinuloy ang pagsasalita. Napatingin pa si Tasha sa prof. nila sa pagaakalang nahuli silang nagdadaldalan. Ngunit abala pa rin ito sa kung anong isinusulat sa whiteboard. "Kumusta na pala si Tita?" bagkus ay tanong ni Cassie. Itinuon na lamang niya ang pansin sa mga xerox copy na hawak. Tila may bumikig sa lalamunan niya dahil sa tanong na iyon; hindi dahil sa wala siyang pagkakataong magpalipat ng schedule sa hapon, kung hindi dahil wala talaga siyang pagpipilian; walang magbabantay sa ina niyang nasa ospital kapag iyon ay ginawa pa niya. "Ayos naman," she lied. For a split second, her eyes seemed to want to cry. The situation she had right now was too grim to handle, yet she chose to be unfazed like she always had since her father died, almost six years ago. Kung panghihinaan siya ng loob, ano na lang ang mangyayari sa buhay nila? Hindi niya tuloy maiwasang maghinanakit sa kanyang ina. Buhat pagkabata ay lagi niya itong pinaaalalahanang tumigil na sa paninigarilyo, pero hindi ito nakikinig. Noong isang araw lang, tuluyan na itong nai-confine sa ospital; stage 3, cancer of the lungs. Sa ngayon ay dumadaan sa gamutan ang kanyang ina, pero dahil salat sa pera, hindi maumpisahan ang chemotherapy para hindi na lumala ang sakit nito. Ni pambayad nga ng hospital bill ay wala siya. Kung maari nga lamang na kumayod pa ng isa pang trabaho sa gabi habang nagtitinda ng balut, ginawa na niya; may ipandagdag lang sa panggastos. "Si Balong ba 'yong nagbabantay ngayon kay Tita, Ate? Sabi kasi sa akin ni Papa, hindi raw pumasok kahapon si Balong," saad muli ni Cassie, bakas ang pag-aalala sa tinig, sinambit ang palayaw ng nakababata niyang kapatid. Guro ni Balong ang ama nito na kailan lamang din niya nalaman. Tumango lang siya, inilipat ang tingin sa prof. na patuloy pa rin sa ginagawa sa white board. "Okay lang 'yan, Ate," tinapik nito ang balikat niya. "Kaya mo 'yan! Ikaw pa!" Kinindatan siya nito. Napangiti na rin si Tasha, damang-dama ang pakikisimpatya nitong bihira niyang maramdaman mula sa ibang tao. Marahil, sa buong buhay niya, bukod sa namayapang ama, si Cassie lamang ang naging malapit sa kanya. Mas bata ito ng limang taon; gaya ng ibang kaklase nila. Nagpahinto-hinto kasi siya sa kolehiyo mula nang mamatay ang ama. Masyadong inilugmok ng kanyang ina ang pagdadalamhati sa pagkamatay nito: natutong magsugal at magbisyo. Kinalaunan, naubos ang perang inipon ng kanyang ama para sa pag-aaral nila ni Balong. Noon na siya napilitang pumasok ng iba't ibang klase ng matitinong trabaho, matustusan lamang ang kanilang pamumuhay. Habang pumapasok sa isang fastfood chain, tumatanggap rin siya ng ibang college students na gustong magpa-tutor sa kanya. Maski nga ang pangangalap ng bote at diyaryo, ginagawa rin niya. Bagaman kahit ano yatang kayod, sapat lang ang kinikita niya sa pang-araw-araw na gastusin. Mabuti na nga lamang at mabait ang dean ng unibersidad na iyon; kahit irregular student siya, pinagbibigyan pa rin siyang mag-take ng scholarship exam sa tuwing sasapit ang pasukan. "E, sino pala ang nagbanbantay kay Trisha?" urirat muli ni Cassie, tinutukoy ang dalawang taong kapatid niya. "Nasa kapit-bahay." Hinawi niya ang lumaylay na mahabang buhok papunta sa likod ng tainga. Muli, parang may bumara na naman sa lalamunan niya. Ayaw man niyang pakaisipin, kinita kita na niya: hihinto na naman siya sa kolehiyo — lalo't kung bigla na lamang nawala nang parang bula ang batugang kinakasama ng kanyang ina — ang tatay ni Trisha. Tasha knew she had to work hard even more. Her younger sister was just a toddler while his brother was at junior highschool. Nothing is free in this world, ika nga nila. Hindi niya gugustuhing tumigil si Balong sa pag-aaral para lang mag-alaga sa bunsong kapatid. Ipinikit ni Tasha ang nanginginit na mga mata. Sumisikip nang husto ang dibdib niya. Nais niyang umiyak pero bago pa man ay huminga siya nang malalim, inabala ang sarili sa pakikinig sa guro na noo'y nag-umpisa muling mag-discuss sa harap. Nang matapos ang klase, nasa pintuan na siya ng silid nang lumapit sa kanya ang class president. "Ate Sha." Pumiyok pa ang boses ng binatilyo, may iniaabot na kulay puting sobre sa kanya. Kunot-noong tinitigan niya lang ito, sabay ibinaba ang tingin sa sobre. Napakapit ang isang kamay niya sa strap ng backpack na nakasukbit sa kanyang balikat. Tasha knew, it was a blessing from Him because the ray of afternoon sunlight was flashing onto it, but she chose to keep her mouth shut and did not move. Buong buhay niya, mula nang mamatay ang kanyang ama, hindi niya hinayaan ang sarili na humingi ng tulong, o tumanggap ng tulong galing sa ibang tao. Nadala na siya. Noon na lumapit ang ibang kaklase nila. "Sinabi sa amin ni Cassie 'yong nangyari sa mama mo," wika ng isang dalagita na hindi niya maalala ang pangalan. Sa tatlong section na pinapasukan niya sa tatlong subject na nire-retake, kahit pa nasa second semester na ang school year, sadyang hirap siyang sauluhin ang pangalan ng mga nagiging classmate niya. Mas nanaisin pa niyang mapag-isa, puwera na lamang kapag nataong kasama niya si Cassie. "Nagtulong-tulong kaming mga class officer para makakakalap ng donation sa buong campus," dugtong pa ng dalagita, bakas ang pag-aaalala sa mata. Nanginig na ang labi niya, nangilid ang luha. Pero pinaglabanan niya iyon; pilit siyang ngumiti nang maliit, lalo pang hinigpitan ang pagkakahawak sa strap ng kanyang bag. "Tanggapin mo na, Ate Sha." Si Cassie, inakbayan siya. Nang hindi siya nagsalita, kinuha ng isa pang dalagita ang sobre mula sa kamay ng class president. Agad na hinawakan nito ang kamay ni Tasha at ipinatong ang sobre sa palad niya. Noon na siya naluha, tinititigan ang naturang sobre. Hindi magawang hawakan iyon ng mga daliri. Bumugso nang husto ang emosyon niyang naipon sa loob ng matagal na panahon. Pakiwari niya, ngayon lamang siya ulit naiyak nang ganoon. Ipinangako niya kasi sa ama noong hinatid ito sa huling hantungan: iyon na ang huling pagkakataong iiyak siya. Gayunman, tao pa rin siya; nagkamali siya sa pag-aakalang kakayanin niya. Kaya marahil heto siya ngayon, lumuluha. "Thank you," ang tanging nai-usal niya, napasandal ang balikat sa hamba ng pintuan; hindi niya kinaya ang bigat ng katawan ng mga kaklaseng napayakap sa kanya. "Hoy! Bruhilda kayo!" biglang singit ni Martin — classmate ni Tasha sa ibang subject — na bigla na lamang sumulpot sa kung saan. May pagpilantik pa ang mga kamay nitong hinahawi ang mga kaklase palayo sa kanya. "Nalamog na ang beauty ni Tasha dahil sa inyo." Hindi na nagawa pa ni Tasha na makapagpaalam sa mga ito. Hinila na siya ni Martin palayo. "Ano'ng nangyari, teh?" Pinunasan nito ang pisngi niya gamit ang kamay. Patuloy pa rin sila sa paglalakad sa pasilyo, palabas ng building. Bukod kay Cassie, isa ito sa mga taong hindi niya nakaligtaan ang pangalan. Sikat ito sa buong unibersidad dahil miyembro ito ng student council. "Wala naman." Ngumiti siya at umiling. Napangiwi si Martin. "Hindi naman ako tsismosa kaya hindi na kita tatanungin." Hinawi nito ang ilang hibla ng mahabang buhok niya papunta sa likuran. "Kukulitin na lang kita ulit na sumali sa Mr. and Miss—" Iminuwestra niya ang kamay sa ere, pinahinto ang pagsasalita nito. "Hindi ako sumasali sa mga ganyan, Martin. Even if you'd ask me for a million times, my answer would still be the same: no." Ipinasok niya ang hawak na sobre sa bag. "Pabebe ka talaga! Sayang ang beauty mo, girl!" Inirapan siya nito. Napailing na lamang siya at natawa nang mahina. Nagpatuloy siya sa pagbaba ng hagdan hanggang sa marating ang lobby ng building. "Anyways, nabalitaan ko 'yong nangyari sa mama mo," Si Martin, nakasunod pa rin pala sa kanya, hinawi naman ang animo'y mahabang buhok nito na hindi naman nakikita. Muli, natawa si Tasha. "May friend ako sa parlor na tinatambayan ko riyan sa malapit; sa tapat lang ng university. Bet na bet niya 'yang hair mo. Kung gusto mo lang naman." Napatigil si Tasha sa paglalakad, lumukot ang noo. "Bet niyang bilihin ang buhok mo for five thousand. Nanghihinayang man ako rito sa long hair mo dahil sobrang straight, sasabihan kita na i-grab mo na bago pa 'yon mawalan ng datung," anito nilaro-laro ang buhok niya. "Just in case you need extra money for your mom's hospital bill. Alam kong maliit iyon, pero . . . at least, 'di ba?" ~~**~~
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD