“BASTA 6AM bukas guys ha? ‘Walang a-absent!” paalala ni Elyse sa apat na iba pang miyembro ng Sirens—the country’spremium girl group.
Matagal nang naka-schedule ang sikretong lakad na iyon ng grupo nila. Siya, bilang lider, ang nagplano lahat.
It has been a tough year for them. Sa busy ng kanilang mga schedules ay halos wala na silang pahinga. Ganoon naman siguro talaga kapag isa kayo sa pinakasikat na singing group sa bansa. Maraming projects at walang bakante sa schedule. Kaya naman nakapagdesisyon siyang ayain ang lahat sa isang weekend getaway sa Batangas.
Isang araw na walang istorbo. Walang paparazzi. Walang manager na laging nagdidikta ng bawat kilos nila.
Nasa dressing room sila sa para sa isang performance sa sikat na variety show. Ginamit niya ang oras na iyon para paalalahanan ang grupo sa lakad nila.
“Ready’ng ready na ako, Elyse! I’m so excited! Actually, ready na rin ang food natin. Nagluto ako nang marami! At may mga chips din tayong pwedeng kainin habang nasa biyahe.” Si Sunny iyon ang pinakabiba sa grupo nila. Malakas kumain pero hindi pa rin tumataba. Masarap din itong magluto.
Nakipag-high five siya kay Sunny. “Yes! Good job ka talaga, Sunny. No diet tayo sa buong weekend ha?”
“No diet!” sagot naman ni Sunny na bakas pa rin ang excitement sa mukha.
“Iba ka talaga, Elyse. Kahit alam mong malalagot tayo sa manager natin ay ipipilit mo pa rin ang lakad,” anas ni Aria—ang babaeng-maton sa kanilang grupo. Kahit na medyo tomboyish ang galaw nito ay ‘di naman maitatago ang ganda ng mukha. Para sa kanya ay si Aria ang pinakamaganda sa kanilang grupo kahit na maiksi ang buhok nito at hindi masyadong mahilig sa makeup.
“Asus! ‘Wag ako, Aria. Alam kong excited ka sa lakad natin. Nagpost ka pa nga sa IG mo ng picture ng dagat eh,” kantiyaw niya rito.
Agad namang tumawa si Aria. “Nakita mo pala ‘yon?”
“Walang nakakaligtas sa akin. I know everything,” biro pa niya rito.
Ganoon naman kasi talaga ang trabaho niya sa grupo nila. Simula pa noong nag-debut sila five years ago ay nakagawian na niyang magbantay sa mga ginagawa pati na rin sa nararamdaman ng bawat miyembro. Para sa kanya ay responsibilidad niyang malaman kung kumusta na ang bawat isa.
Umupo sa tabi niya si Francine—ang pinakamahinhin sa grupo. “Pero, Elyse, hindi ba tayo lagot kay Tita Donna nito?” Tinutukoy nito ang kanilang manager. “Baka may punishment tayo after,” tanong sa kanya ni Francine sa pinakamalumanay na boses na narinig niya.
Sa lahat sa kanila, si Francine ang pinaka-demure at hindi halos makabasag-pinggan. Mahilig din ito sa mga hayop. Kapag kailangan niya ng seryosong opinion ay kay Francine siya lumalapit. Alam kasi niyang hindi ito nagsisinungaling.
Sasagutin na sana niya ang tanong ni Francine nang magsalita si Sabina—ang pinakakikay sa grupo. Ito ang kanilang resident stylist at fashion expert. Ito rin ang pinakapranka sa kanila. “Hay naku, Francine. ‘Wag mo nang isipin si Tita Donna. This is our time to unwind. Finally ay maisusuot ko na ang bago kong swimsuit!”
Nakita ni Elyse ang pag-iling ni Aria. “Ewan ko sa’yo, Sabina. May pa-swimsuit-swimsuit ka pa eh baka makunan pa tayo ng litrato at maintriga pa tayo.”
“Ang kj mo talaga, Aria. Sabihin mo lang, may extra bikini ako doon. Ipapasuot ko sa’yo para mailabas mo naman ‘yang alindog mo,” natatawang sabi ni Sabina.
“Ew! Alindog ka d’yan. I’m happy the way I am. Kaya walang basagan ng trip!” resbak ni Aira.
Tumayo si Francine at pumagitna. “Uy, girls… chill lang tayo. Sige kayo. Baka ‘di matuloy ang lakad natin.”
“Anong lakad?”
Natigilan sila lahat nang pumasok sa dressing room ang manager nilang si Tita Donna.
“Wala ho ‘yon Tita. Nagchichikakan lang kami dito,” walang kagatol-gatol niyang sagot sa manager.
Kunot noo naman siyang tiningnan ng may edad na babae. “May hindi kayo sinasabi sa akin?”
Mabilis siyang umiling. “Wala po!”
Ang bilis talagang maka-detect ni Tita Donna. Kahit noon pa man ay lagi na lang sila nitong nahuhuli tuwing may ginagawa silang kalokohan. Pero iba na ngayon. Pinlano niyang mabuti ang kanilang weekend escapade.
Ilang segundo pa siyang sinipat ni Tita Donna pero sa huli ay binawi na rin nito ang tingin. Kinuha nito ang tablet at may binasa roon. “So, eto ang schedule niyo bukas. Dadalo kayo bilang supporter ni Govenor De Mesa. Magdedeklara siya ng kandidatura at pupunta kayo doon para sa isang performance.”
Nanlaki ang kanyang mata sa narinig. Ang akala niya kasi ay bakante ang schedule nila para bukas. “Hindi ho ba’t rest day namin? Bakit kayo tumanggap ng raket?”
Tinapunan siya ng tingin ng lampas kwarenta anyos na manager. “Sayang din naman, Elyse. Malaki ang offer ni Gov.”
“Kahit na po. Sana tinanong ninyo muna kami kung papayag kami o hindi,” sagot pa niya rito.
Naramdaman niyang hinawakan siya ni Sabina sa kamay sabay bulong sa kanya. “’Wag na tayong umangal, Elyse. Baka sumpungin na naman si Tita.”
Huminga siya nang malalim at saka binawi ang kamay mula kay Sabina. “Teka lang po, Tita Donna. Hindi naman po siguro kami obligadong um-attend d’yan sa event na ‘yan. Kung maaari eh hindi kami makikisali sa politics.”
Hindi niya mapigilan mangiwi sa ideyang magpe-perform sila para sa isang pulitiko. Matagal na niyang tinututulan ang ganoong imbitasyon pero hindi naman nakikinig ang kanilang manager. Malaki kasi ang bayad sa mga ganoong event.
“Naka-oo na ako sa kanila. Hindi ko na mababawi iyon,” rason ni Tita Donna.
She rolled her eyes. “Kaya nga po dapat nagtanong muna kayo bago nag-commit sa kanila.”
Dumilim ang mukha ng babae. “Hindi kita maintindihan Elyse. Gusto mo ba ng trabaho o hindi? Nang magsimula ang grupo ninyo five years ago ay todo kayod tayo para makilala kayo ng tao. At ngayon, tumatanggi ka na dahil sikat na kayo?”
“Hindi naman po sa ganoon, Tita. Wala po kaming pahinga simula pa last month. Kapag po sana rest day, ‘wag ninyo pong lagyan ng schedule.”
“Aba!” Nagsisimula nang tumaas ang boses ng manager. “Nagrerebelde ka na naman, Elyse. Ano bang problema mo?”
Nagrerebelde nga ba siya? Pagrerebelde na ba iyong pinagtatanggol mo lang ang iyong mga kagrupo?
Sasagot muli sana siya nang tumayo si Aria. “Sige na po Tita. Kami na lang po ang kakausap kay Elyse.”
Huminga nang malalim ang manager. “You better get your act straight, Elyse.” Iyon lang at lumabas na ito.
Pagkasarado ng pinto ay agad siyang nilapitan ng mga kagrupo.
“Elyse, ayos ka lang? Bakit mo pa kasi sinagot si Tita Donna nang ganoon?” Si Francine iyon na bakas ang pag-aalala sa boses.
Umiling siya. “Hindi pwede ang gano’n-gano’n lang. Lider ninyo ako kaya ko pinagtatanggol ang grupo natin. Kung hindi ako magrereklamo eh sino pa ang gagawa noon?”
“Pero Elyse, this isn’t the first time na nagreklamo ka nang ganito. May problema ka ba? We can talk about it,” sabi ni Sabina sabay hawak sa kanyang balikat.
May problema nga ba siya? Napapadalas na nga ba ang reklamo niya?
Hindi pa man siya nakakahanap ng sagot sa tanong ni Sabina ay tinabihan na siya ni Aria. “Alam ko naman kung bakit mo gustong magpunta sa Batangas, Elyse. You’re trying to find yourself. Alam na namin ang tungkol sa past mo, Elyse. Kinwento ni Lola Ara para daw maintindihan ka namin.”
She held her breath to halt her tears. Hindi talaga siya nagkukwento sa mga kaibigan niya tungkol sa kanyang nakaraan. Isa pa, wala naman siyang maikwento. Wala siyang halos maalala sa kanyang kabataan.
“Okay lang ako girls. Matagal na iyon. At saka pinagtatanggol ko lang naman talaga ang grupo natin. That’s all.”
Niyakap pa rin siya ng kanyang mga kagrupo kahit na sinabi na niyang ayos lang siya. Malamang ay naramdaman ng mga ito ang totoong nasa loob niya.
Ilang sandali pa silang magkayakap nang may biglang nagsalita.
“Sinong may gusto ng cake?”
Napalingon silang lahat kay Sunny na hindi man lang nila namalayang hindi pala nila kasama sa group hug. Nasa may mesa ito at nilalantakan ang chocolate cake.
“Hayh! Ang siba mo talaga, Sunny! Saan mo ba nilalagay ang lahat ng mga kinakain mo?” Si Sabina iyon na napapangiwi sa bawat subo ni Sunny ng cake. Sa kanilang lahat ay si Sabina ang madalas magdyeta dahil natatakot masira ang figure.
“Ang sarap kaya!” sagot ni Sunny na puno pa ang bibig ng cake.
Dios mio! Kung nakikita lang sila ng mga fans nila ngayon ay malamang mababawasan ang kanilang fandom dahil sa mga kalokohan nila.
Ilang sandali pa ay nakikain na rin ng cake ang kagrupo maliban na lang kay Sabina na hinahabol ni Sunny ng isang platito ng cake.
Napangiti siya habang pinagmamasdan ang mga kapatid sa trabaho. Kahit adult silang lahat ay minsan umaakto pa rin silang mga bata. Tulad na lang ngayon. If it wasn’t for these girls ay matagal na siyang nagquit sa pagiging singer. Baka nag-iba na siya ng direksyon sa buhay.
Pero ano nga ba ang gusto niya? Maski kasi siya ay hindi rin masagot-sagot ang tanong na iyon. There’s always something missing in her life.