CHAPTER 2

2375 Words
Hindi alam ni Nathalie kung ano'ng pumasok sa isip n'ya at nagagawa n'yang subaybayan si Xander kahit saan ito magpunta. Sa company man o sa restaurant, nagiging stalker na s'ya ng dakilang masungit s***h seryosong feeling gwapo na si Xander. Pakiramdam ng dalaga, dinaig pa n'ya ang isang pulis na may hawak ng kaso dahil lahat inaalam nito sa binata. Pinagpapawisan na s'ya sa kahihintay sa taong mukhang ayaw magpakita sa kanya. "Fine, I'm a stalker." ani nito sa sarili. Hindi n'ya alam kung bakit sa dinami-rami ng taong nagkakagusto sa kanya kay Xander pa tumibok ang lintek n'yang puso na kahit katiting walang pagtingin sa kanya. Kay Xander pa na halos hindi marunong ngumiti. Kung pwede n'ya lang sana diktahan ang kanyang puso na lumingon sa iba at ibaling na lang sa iba ang pagtingin n'ya ay ginawa na sana n'ya. Pero mahirap lalo na kung puso at isip na n'ya ang kalaban. Nasa parking area ang dalaga malapit sa napaka-taas na building na pagmamay-ari ng mga De Chavez. Siguro, halos isang oras na s'yang nakatambay do'n at nag-aabang sa paglabas ni, Xander. Naghintay pa s'ya nang ilang minuto pero wala pa rin kahit anino ng binata ang lumabas sa gusaling iyon. Napapabuntong hininga na lang ng dalaga dahil sa kanyang ginagawa ngayon. "Konting tiis pa, Nathalie. Hindi ba ginusto mo ito? Magtiis ka kung ganu'n." ani n'ya sa sarili. "Ganu'n naman talaga. Hindi mo makakamit agad ang isang bagay kung hindi mo ito pagtiyagaan. Kung hindi mo ito paghirapan. Sabi nga nila, learn to wait because patience is always a virtue. Hindi mo naman agad makukuha ang isang bagay kung hindi ka marunong maghintay. Have patience, because all things are difficult before they became easy. To lose patience is to lose the battle. Kaya hangga't kaya mo pa at pakiramdam mong magwawagi ka sa isang bagay na inumpisahan mo, 'wag kang mawawalan ng pag-asa. Life is short, hanggat kaya mo, go lang! As long as wala ka naman inaapakang tao." Pangungumbinsi niya sa kanyang sarili habang nakatingin sa side mirror ng kanyang sasakyan. Paaandarin na sana ng dalaga ang kanyang sasakyan nang makita nitong lumabas si Xander kasama ang isang magandang babae na nakasuot ng pulang dress na kasing pula ng labi. Sa iksi ng damit nito ay halos kita na ang kuyukot kapag yumuko. Kahit nasa malayo s'ya, kita n'yang galing din sa may kayang pamilya ang babaeng kasama nito. "Naka-score ba ang mokong na ito? Kung makangiti kay Ms. Red wagas. Samantalang 'pag ako ang kausap, kulang na lang ipagtabuyan ako." Naiinis n'yang sabi sa sarili. Bininyagan n'yang Ms. Red ang kasama ng binata dahil halos lahat ng suot nito ay pula. Pulang dress, pulang labi, pati ang suot nitong takong ay pula rin. Kulang na lang pati buhok nito ay ipakulay ng pula. "Hindi ba ito galit sa pula? Ang sakit mo sa mata babae ka," inis na sabi niya sarili habang nakatingin sa binata at sa babaeng kasama nito. Nangunot noo ang dalaga at uminit ang kanyang bunbunan nang nakita n'yang hinalikan ni Xander sa pisngi ang ingratang babae na sobrang pula ng labi. Gusto n'yang sugurin ang babaeng 'yon at ingudngod ang pagmumukha sa daan pero pinigilan n'ya ang sarili. Naalala n'yang wala pala s'yang karapatan para gawin 'yon, dahil hindi naman n'ya kaano-ano si Xander at tanging stalker lang ang peg n'ya. Nag-stay pa si Nathalie sa loob ng kanyang kotse nang mapansing n'yang nag-uusap pa ang dalawa. Nakita niyang todo ngiti pa ang binata sa babaeng mukhang paborito ang pula. Samantalang 'pag s'ya ang kaharap n'ya ay hindi man lamang ito ngumingiti. Parang pasan pa nito lagi ang mundo sa sobrang seryoso ng mukha. Siguro kung hind lang aircondition ang kotse ng dalaga ay baka kanina pa s'ya tustado sa loob ng kanyang sasakyan, o baka na-suffocate na rin s'ya sa loob dahil sa sobrang init. Kahit mukha na siyang bagong pritong longganisa sa loob ng kanyang sasakyan ay pinagpatuloy pa rin niya ang pagsubaybay sa binata. Nag-e-effort siyang gawin ang lahat para lang sa binata kahit na hindi alam ng dalaga ang kahihinatnan ng kanyang ginagawa. "Ganyan ba ang bet n'yang babae? Eh, damit lang naman ang sexy hindi ang katawan. Ang baduy mo rin pumili, Xander." kausap na naman n'ya ang sarili. "Mas maganda pa nga ako diyan. Gwapo ka nga wala ka naman ka alam-alam pagdating sa babae. Minsan tumingin ka rin sa akin at idilat mo ang mga mata mo para magising ka sa katotohanan na mas lamang ako sa babaeng kasama mo." bulong niyang sabi sa sarili na para bang may makarinig sa kanyang sinasabi. Ilang sandali pa ang kanyang hinintay nang makita ng dalaga na kumaway na si Ms. Red, kay Xander. At lalong nainis si Nathalie dahil, ang lapad na naman ng ngiti ng binata sa babeng kasama nito. "Ang sarap talagang sipain ang pagmumukha ng lalaking ito para hindi na makangiti. O pwede rin na tapalan na lang ng vulcasil iyang gilid ng labi mo para nakatikom ka na lang lagi," nanggagalaiting sabi ng dalaga sa kanyang isip. Nakita n'yang papunta si Xander sa kanyang kotse. Pagbukas pa lang ng binata sa kanyang kotse ay alam na agad n'ya kung saan ito papunta. Nang sumakay na sa kotse si Xander ay sinundan n'ya ulit ito. Patungo ang kotse nito sa kanilang restaurant sa Metro. Ang De Chavez restaurant. Nag-park ang dalaga ng kotse, medyo may kalayuan sa sasakyan ng binata. Baka mapagkamalan na naman s'ya nitong nakasunod sa kanya kahit 'yun naman talaga ang totoo. Pero syempre dakilang palusot ang dalaga. Kaya hangga't maari hindi s'ya pwedeng mabuking ng binata. Nang makita ng dalaga na bumaba si Xander sa sasakyan nito ay nagmadali na rin s'yang lumabas sa kanyang sasakyan. Nagsuot s'ya ng sunglasses at naglakad nang sexy. Habang naglalakad, hindi n'ya namalayan na kasabay na pala n'ya ang binata na mukhang nagmamadali pa. Binilisan n'ya rin ang kanyang lakad at hindi sinasadyang mabunggo s'ya ni Xander pagpasok nila nang sabay sa pintuan. "My gosh!" Ang tanging naibulalas n'ya. Pumikit na lang s'ya dahil alam n'yang babagsak s'ya sa sementadong sahig. Ang buong akala n'yang babagsak s'ya at masusubsob sa sahig ay hindi 'yon nangyari, dahil may matitigas na braso ang naramdaman n'yang sumalo sa kanya. "I'm sorry, maam," Xander said. Hindi yata s'ya nakilala ni Xander dahil sa suot n'yang sunglasses. Tinanggal n'ya ang suot n'yang sunglasses t'saka hinarap ang binata. "Alam mo? Kung nagmamadali kang maglakad, tumingin ka rin minsan sa dinadaan mo. Hindi 'yong nagmamadali ka na parang sa'yo lang ang daan!" Mataray niyang sabi sa binata na salubong na naman ang kilay. Walang naisagot si Xander dahil nakatitig lang ito sa kanya. Tinaasan n'ya ito ng kilay. Binangga n'ya sa balikat ang binata at tinalikuran. Para naman makaganti s'ya sa ginawa n'ya dahil nakatingin lang ito sa kanya pagkatapos n'yang alisin ang suot niyang sunglasses. "Nathalie?" Sabi n'ya nang akmang tatalikod na ang dalaga. Parang nagulat pa ito sa pagkikita nilang dalawa. "Yes ako nga! Bakit may problema ka? Nakakagulat ba na nandito ulit ako?" Naka taas kilay n'yang sagot sa binata. "What are you doing here?" kunot noo nitong sabi sa kanya na para bang sinasabi nito na 'hindi ka allowed sa restaurant ko.' "Restaurant ito. What do you think I'm going to do here? Malamang kakain 'di ba? T'saka ano'ng pakialam mo kung nandito na naman ako? Pupunta ako rito hangga't gusto ko. Wala naman nagbabawal na bawal bumalik dito!" mataray n'yang sabi sa binata na ikinakunot noo na naman nito. Gusto tuloy n'yang banatin ang noo nitong parating naka-kunot. "No I mean, why are you here again?" tanong ulit sa kanya ni Xander. "Bakit may nakapaskil ba diyan na bawal bumalik dito sa restaurant? Na kapag naka-kain ka na rito hindi na pwedeng umulit?" Pamimilosopo n'ya ulit sa binata. "Bakit ikaw? Nandito ka rin naman ah, ano rin ang ginagawa mo rito?" Kunwaring tanong n'ya kahit na alam n'yang pagmamay-ari nila Xander itong restaurant. Akmang magsasalita na sana ang binata nang sabihin n'yang 'never mind'. Tinaasan pa n'ya ito ng kilay. Binangga n'ya ulit sa balikat ang binata at tinalikuran. Para naman makaganti s'ya sa ginawa n'ya dahil kahit sorry ay hindi niya narinig sa bibig ng binata. Pumuwesto ulit s'ya sa pinaka-dulong bahagi ng restaurant. Nagtawag s'ya ng waitress na agad naman s'yang nilapitan. "Can I have Va Bene Pasta Deli and Bistro Ravioli, and Iced Chai Latte, Ms.?" ani niya sa waitress. "Copy, ma'am. Please wait for five minutes." nakangiti nitong sabi. Tumango naman s'ya at nginitian pabalik ang waitress. Pakiramdam n'ya nagutom s'ya sa pagsisinungaling kay Xander kaya naman naparami s'ya ng order. "Lord, patawad 'pagkat ako'y makasalanan." sigaw ng kanyang isip habang naghihintay sa kanyang pagkain. Pinalibot n'ya ang kanyang mata sa buong paligid ng restaurant. Hindi n'ya napigilan ang sariling mapa-ngiti dahil sa ganda at aliwalas nito. "Kung ganito lang sana kaaliwalas ang mukha mo Xander tulad nitong restaurant mo baka ang gwapo mo lalo," bulong pa n'ya sa sarili. Napatingin naman s'ya sa mga taong nasa loob ng restaurant at nagawi ang mata n'ya sa babaeng nakatingin sa kanya. Tinaasan s'ya nito ng kilay. Ginaya n'ya ang ginawa nito at pinaikutan pa n'ya ng mata ang babae. "Akala mo ikaw lang ang marunong magtaray? 'Wag ako!" inis n'yang sabi sa sarili. Hindi rin nagtagal dumating na ang in-order n'yang pagkain. Hindi pa s'ya nangangalahati sa kanyang pagkain nang may maramdaman s'yang umupo sa kanyang harapan. Tiningnan n'ya lang si Xander na prenteng nakaupo. Hindi niya pinansin ang binata at pinagpatuloy n'ya lang ang pagsubo. Hindi n'ya ito niyaya sa pagkain at hinayaan lang na nakatingin sa kanya ang binata. Isusubo pa lang sana n'ya ang pagkain nang magsalita ito. "Are you following me?" Ani ni Xander. Tumingin naman ang dalaga sa kanyang likod at nagkunwaring baka nasa likuran n'ya ang kausap nito. Nang wala s'yang makitang tao ay pinagpatuloy n'ya ang kanyang pagkain. "I'm talking to you," matigas ang tonong sabi ng binata. "Hah! Ako pala ang kausap mo? Akala ko may kausap ka sa likod ko," nakangiti n'yang sabi na mas lalong nagpalabas ng ugat sa noo ng binata. "Yeah! Kaya sagutin mo ang tanong ko," seryosong saad nito. "Alam mo minsan hindi ka lang masungit, may pagka-feeling ka rin. Ikaw na ang pinaka-maswerteng lalaki rito sa Pilipinas kung ang katulad ko ang maging stalker mo," sabi n'yang kalmado lang. Kahit na ang totoo ay sinusundan naman talaga n'ya ang binata. Dahil sa inis n'ya ay sunod-sunod s'yang sumubo. Hindi alintana ang presensya ng binata sa harap n'ya. Tinaasan s'ya ng kilay ng binata pagkasabi n'ya sa mga katagang 'yon. "I'm not saying you're following me. I'm just wondering why you're always here," Xander said again. "Malamang restaurant ito. Kakain ako rito hangga't gusto ko. At pupunta ako rito hanggang sa magsawa ako dahil wala naman nagbabawal. And it's my money at hindi ko naman hiningi sa iyo ang perang ibabayad ko sa kinain ko. T'saka may nakapaskil ba diyan na bawal kumain dito ang magaganda? Wala naman di ba?" sabi ng dalaga na pinaikutan pa ng mata ang binata. Nakita n'yang tinaasan s'ya ng kilay ni Xander dahil sa kanyang sinabi. "Siguro sa isip-isip ng mokong na 'to masyado na akong nagmamaganda. Ano ba ang pakialam n'ya sa maganda naman talaga ako," sabi ng dalaga sa isip. "Siguro nextime, magpapalagay na ako diyan sa labas na bawal kumain dito ang mga babaeng nagmamaganda kahit hindi naman," sabi din ng binata na kunwaring ikinakunot ng noo ng dalaga. "Ano'ng ibig mong sabihan na magpapalagay ka?" Kunwaring tanong n'ya. "Nothing, sinabi ko lang kung ano ang nasa isip ko," sagot naman nito. "I mean, ahm, you own this restaurant?" Kunwaring tanong n'ya kahit alam naman n'yang sila Xander talaga ang nagmamay-ari nitong restaurant. "No, my family owned this not me," sabi nito sabay tayo na. Pero bago pa ito tumayo ay bumanat na naman s'ya. "Uy! Baka naman libre na ito total magkakilala naman tayo." pa-cute n'yang sabi habang pinakurap-kurap pa ang mga mata. Nilapitan s'ya ng binata sa upuan at yumuko. Akala n'ya kung ano ang gagawin nito. Napapikit pa tuloy s'ya sa paglapit nito sa kanya. "We're not friends and we don't know each other either. Nandito ka para kumain kaya obligasyon mong bayaran ang kinain mo, hindi para magpa-libre," sabi nitong may simpatikong ngiti sa labi. Napahiya s'ya nang kaunti dahil sa sinabi nito pero hindi s'ya nagpatinag. "Syempre magpapaapekto ba naman ako? Ako pa ba? Hindi uubra sa akin 'yun." inis na sabi ng dalaga. "Alam mo hindi ka lang masungit, kuripot ka rin. Sinalo mo na lahat ng bad sides meron ang lalaki. Masungit, kuripot, mayabang at hindi kagwapuhan," sabi ng dalaga na pinalaki pa ang kanyang mata sa binata. "Who cares?" sagot lang ng binata at tumalikod na. "May araw ka rin sa aking kuripot ka. Ang yaman-yaman mo napaka-kuripot mo!" Hysterical na sabi ng utak n'ya. Minadali na nang dalaga ang pagkain n'ya t'saka tinawag ang waitress para bayaran ang kanyang bill. "One thousand eight hundred forty po, ma'am," aniya ng waitress. Binigyan s'ya ng dalaga ng dalawang libong piso. "Sabihin mo sa boss mo ang mahal ng pagkain n'ya hindi naman masarap." Naguguluhang tumingin sa kanya ang waitress dahil sa sinabi n'yang 'yon. Tumayo na s'ya at iniwan ang waitress na nalilito. "Maam, you forgot your change," habol nito sa kanya. "Keep the change." nakangiti n'yang sabi. Aalis na sana ang waitress nang tinawag n'ya ulit ito. "Bakit po, ma'am?" "Sabihin mo rin sa boss mo na kuripot na't napakasungit pa. Baka tumanda s'yang binata sa pagkunot noo n'ya lagi," ani n'ya sa waitress na kakamot-kamot sa ulo. "Baka masesante naman ako n'yan, ma'am," malungkot na sabi nito. "Dont worry, ako ang bahala sa 'yo. Hindi lang ito ang pwede mong mapasukan." pag-a-assure naman n'ya sa waitress para masabi nito ang pinapasabi n'ya sa boss nitong tadtad ng kalyo sa katawan. Ngiting-ngiti naman ang waitres sa sinabi n'ya at tumango-tango. "Sige po, ma'am, makakarating kay, sir," Binigyan n'ya pa ulit ito ng two hundred pang miryenda n'ya bago s'ya tuluyang umalis na may malapad na ngiti sa labi. "Makakaganti rin ako sa'yong kuripot ka," ani sa sarili at sumakay na sa kanyang kotse na nagdiriwang ang isip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD