"Tiyang, ang ganda natin ngayon ah! Mukhang blooming,"malakas na turan ni Chris pagpasok sa pwesto ng tiyahin sa harap ng simbahan ng Baclaran.
"Sus! Nambola ka pang bata ka. Bilisan mo at mamaya ay maglalabasan na ang mga tao," turan nito habang inaayos ang iba't ibang uri ng tinda nito. Kailangan niyang magtiyaga muna sa tindahan nito habang wala pa siyang nakukuhang matinong trabaho.
Maya-maya ay naglabasan na nga ang mga tao mula sa katatapos na simba.
"Ay mga suki, bili na kayo ng agimat para hindi kapitan ng kulam at kung anu-anong sakit. Bili na rin kayo ng mabisang gamot sa mga lamig ninyo sa katawan!" malakas na sigaw ni Chris.
Mabuti na lamang at mabunganga siya kaya nagagamit sa pagtitinda. Hanggang sa may kumapit na babae. Napangiti siya.
"Good morning Ma'am, pili lang po. Mura po lahat. Gusto mo ba ng gayuma para sa lalaking mahal mo pero may mahal ng iba? Ito po ang solusyon diyan." Taas sa maliit na botelya na may lamang langis.
"At kung pamparegla naman dahil iniwan ka ng lalaking pinili mong mahalin. Heto ang solusyon diyan." Taas sa may kalakihang botelya. "Hep! Kung ang hanap mo naman ay panguntra sa karibal mo. Meron din kami," aniya sabay taas sa isang botelya.
Tumawa ang babaeng customer.
"Eh ate, mayroon ba kayong gamot para gawing lalaki ang crush ko?" turan nito. "O gawin kang babae. Sayang ganda mo eh," hirit pa nito.
Napakamot si Chris. Mukhang hindi umubra ang kakapalan ng mukha sa babaeng customer.
"Naku ate! Wala kami niyan. Pasensiya na!" malakas na turan.
"Oh! Bakit ka naman nambubulyaw diyan ha, Christina? Aba! Mamalasin ang negosyo ko niyang bata ka!" sita ng tiyahin.
"Nakakainis naman kasi Tiyang. Sa dami ng benta natin eh, iyong wala pa ang hinahanap. Buwisit!" banas pa ring turan.
"Aba'y may kulang pa ba sa tinda ko. Bakit, ano bang hanap ng babae? Hindi ba pamparegla?" usisa nito.
"Hindi po. Gamot daw para gawing lalaki ang baklang crush," inis pa ring turan nang humagalpak ang tiyahin.
"Hala! Lakas noon Tiyang ah."
"Hay naku! Kung meron lang ako noon. Matagal ko nang pinalaklak sa'yo. Aba! Sayang ang ganda at matris mo." Palatak nito na mas lalong kinayamot.
"Oh siya! Kailangan makarami tayo ng benta ngayon," saad pa nito.
Muli ay inipon ang lakas ng bibig upang magtawag ng customer nang may isang honda civic na tumigil sa harap ng kanilang bangketa. Napakunot siya ng pagbaba ng bintana ay isang napakagandang babae ang naroroon at nakangiti sa kaniya. Mukhang naakit sa ka-guwapuhan niya.
Agad siyang ngumiti at lumapit rito.
"Ano pong bibilhin mo, Miss ganda? Pamparegla siguro dahil hindi mo na kailangan ng gayuma. Ngiti mo pa lang nagayuma na ako," hirit na banat nito.
Mas lalong lumuwag ang pagkakangiti ng babae sa loob ng sasakyan.
"Bibili ka ba, Miss?" untag nang may bumusinang dyip sa likuran. Doon ay nabahala ang mukha ng babae.
"Ma. Christina falls!" wika nito sabay usad sa sasakyan nito.
Napakunot-noo siya. Kilala niya ang tawag na iyon sa kaniya. Pinilit inisip kung kanino at saan niya narinig ang pagtawag na iyon.
"Hoy! Christina! Kinakausap ka ng customer oh!" untag ng tiyahin.
"Kabayo ka!" gilalas sa kabiglaan.
Natawa tuloy ang dalagitang customer.
"Ate, magkano po ba ang pamparegla?" tanong nito.
"Bakit? Hindi ka dinatnan noh?" usyuso rito.
Tumawa ulit ang dalagita.
"Para sa Nanay ko po," anito saka sinabing bibili ng isa. Kahit papaano ay may benta na siya.
Nang muling mapaisip kung sino ang magandang babae sa sasakyan. Nang marinig ang pagtawag sa kaniya.
"Ma. Christina falls."
Agad na nilingon at nakita ang magandang babae. Eksaherada pang nahawi ang kumpol ng tao sa paligid nang dumaan ito dahil sa bukod sa maganda ito ay seksi pa. Parang barbie.
Napalunok siya dahil hindi naman niya kilala ito at mas lalong hindi pa nakikita.
Mas lalo pang napakunot si Chris nang makitang lahat yata ng tao ay nakatingin dito at sinusundan ang bawat hakbang nito. Para kasi itong modelo kung rumampa.
Nang nasa harap na ang babae ay mas lalong tumamis ang ngiti nito.
"Ikaw nga iyan, Ma. Christina? Long time no see?!" tili nito na tila kilalang-kilala siya nito.
"Wait!" awat rito. "Do I know you?" maang na english.
"Taray! English noon ah! Well, yes you are," magiliw na sagot nito.
Tumaas ang kaliwang kilay. Muling nag-isip. Maaaring kaklase ito noong high school o 'di kaya elementary. Dahil kung college ay kilala pa naman niya lahat sila at tiyak hindi ito kasama.
"Kaklase ba kita sa high school?"
"Ahhh—ahhh!" anito sabay iling.
"Elementary?"
"Ahh! Ahh! Mali."
Nanlaki ang mata niya. Paano siya nakilala nito kung noong kinder siya?
"Kinder, nursery, ganoon!" gilalas niya.
"No. College," tipid na wika sabay ng matamis na ngiti. Napakamot siya at muling nag-isip.
Hanggang sa maalala ang baklang si Damian. Tama, ito lang naman ang tumatawag sa kaniya ng Maria Christina falls. Tumitig siya rito at tinaas-baba ang tingin dito.
"Damian?" hindi mapigilang gilalas dito.
"Ay! Kalerkey! Damian talaga. Call me Maine." Tili nito na tila nagbalik sa pagiging bakla nito.
Doon ay napatawa siya. Ito nga ang baklang kaibigan noong college.
"Taray, grabe ang transformation ah."
"I know right and left!" anito sabay ikot sa kaniyang harapan. "How is it?"
"Wow!" Hindi mapigilang saad saka tinusok ang dibdib nito. "Woooooow!" muling gilalas.
"Ay, tyansing na iyan. Hindi tayo talo," wika nito.
"Wow! As in wow na wow! Pati boses mo, boses babae na? How?" manghang wika.
Tumawa si Maine. "That's the power of money and advance technology. 'Di ba?" Ngiti nito.
Hindi talaga makapaniwala si Chris at muli pang sinundot ang dibdib ni Maine.
"Totoo nga pero don't tell me maging—" putol na wika sabay tingin sa ibabang bahagi nito.
"Of course. Makukumpleto ba naman ang transformation kung hindi matatanggal ang birdie. Kung pwede ko nga lang ilipat sa'yo ay ginawa ko na," anito sabay tawa. "Ikaw? Mukhang lumaki ah."
"Lumaki? Hindi ah?"
"Sabi ko, ang dibdib mo. Kinabog itong akin." Palatak nito. "Sana pala tinudo ko na."
"Huwag mo akong simulan, Damian!"
"Ay! Grabe, galit na? Bakit ka nga pala nandito at ano iyang benta mo?" turan ng makita ang hawak na bote.
"Ito? Tinutulungan ko muna si Tiyang. Walang mahanap na matinong trabaho eh."
"Ganoon?"
"Oo, bumili ka na. Ito pamparegla. Baka reglahin ka na rin." Benta rito.
Tumawa ito ng ubod lakas. "How I wish. Hintayin ko munang pwede na ang matris implantation para reglahin na ako."
Maya-maya ay natigilan ito at tumitig sa kaniya.
"Hoy! Huwag ka ngang ganyan. Baka ma-inlove ka sa akin?" biro rito.
Ngumiti ito. "Gusto mo bang ipasok kita sa kompaniya namin?"
Nanlaki ang mata sa sinabi nito. Bigla ay naging interesado.
"Sure."
"Sa isang kondisyon."
"Ha!" gulat na wika. "Ano namang kondisyon iyan? Siguraduhin mo lang na maayos."
"Oo naman, madali lang ito. Trust me."
"Ano nga iyon?"
"Bantayan mo ang bawat kilos ng Kuya ko."
"Ha!" muling gulat. "Bakit?"
"Maya na natin pag-usapan. Kapag free ka na. Kasi galit na yata ang Tiyang mo. Mukhang lalapain na ako eh," takot na wika sa nakitang mukha ng tiyahin.
"Hoy, Christina! Aba, makikipaghuntahan ka na lang ba diyan? Tulungan mo ako rito at makarami tayo," singhal nito.
Napakamot na lamang siya ng ulo saka tumingin kay Maine para humingi ng pasensiya.
"No worries, here's my calling card. Call me. Bigyan mo ako ng dalawang boteng pamparegla. Baka kapag ininom ko ay reglahin ako." Tawa nito sabay labas ng wallet nito.
Matapos bayaran ay nagpaalam na ito sabay senyas na tawagan niya ito. Napangiti siya sa magandang panauhin. Hindi inaasahang napakaganda nito. Kagaya kanina ay ganoon din ang eksena. Nahawi ang kumpulan ng tao at rumampa ito pabalik sa kung saan pinarada ang sasakyan nito.
Nabigyan siya ng pag-asa sa sinabing ipapasok siya nito sa kompaniya. Well, bantayan lang naman pala ang Kuya nito. Nakita na niya ito minsan noong graduation nila.
Matapos nilang magsara ay agad na tinawagan si Maine.
"Yes, hello. This is Maine Mendoza. How may I help you?" arteng boses na bumungad sa kaniya.
"Can I speak to Mister Damian Poblete, please?" pagbubuo sa pangalan nito.
"Ay! Maria Christina. Ikaw pala iyan? So, interesado ka ba sa sinabi ko?" turan.
"Yes. Kaya nga ako tumawag 'di ba? Bakit ko naman babantayan ang Kuya mo? Bakit, may sakit ba?" 'Di mapigilang itanong dito.
"Wala. I will talk to you in person," muling wika nito. Mas lalo tuloy siyang naintriga sa kung bakit kailangan pang bantayan ang Kuya nito eh, ang laking damulag.
"Okay. So, kailan tayo magkikita? Kailangan ko na talaga ng matinong trabaho. Iyong de aircon naman."
"Gusto mo bukas. Kaya lang may work ka yata," wika nito.
"Hindi. Okay na ako bukas. Magpapaalam ako kay Tiyang. So, saan tayo?" agad na tanong.
"'Di sa opisina ni Kuya. Mag-aapply ka na. Urgent ang hiring ng sekretarya nito dahil sinibak niya kahapon ang kaniyang sekretarya kaya. Bukas na bukas ay mag-aaply ka na."
"Whaaaaat?!"
"Aray! Grabe, lakas noon ah. Babasagin mo pa eardrum ko. 'Di ba gusto mo ng work. This is your chance. I know, ikaw ang pipiliin niya," kumpiyansang saad nito.
"How did you know?"
"I know, dahil naroroon ako para back-up-an ka. Kaya be ready."
Doon ay napangiti siya ng maluwag. Sa wakas ay magkakaroon na siya ng matinong trabaho.
"Yes! This is it! Pansit!"
"Asaan ang pansit?" gagad na turan ng tiyahing papasok sa kanilang bahay.
"Tiyang talaga. Basta pagkain, palaging alerto. Wala po pero may work na ako bukas," masayang wika saka sumayaw pa sa harap nito.