Part 6
"At napakinggan natin ang kwento ni Miguel kung saan siya sinubok ng pagkakataon sa maling tao. Kung minsan ang mga taong nakikilala natin ay bibigyan tayo ng dalawang mahalagang bagay, una ay ang buuin tayo at pasayahin, ang ikalawa naman ay wasakin at iwanang malungkot. Sa kaparehong dahilan ay matututo tayo ng mahalagang leksyon. Iyan ang aral na ituro sa atin ni Miguel noong makilala niya ang taong bumago ng lahat sa kanyang buhay at iyon ang kanyang "crush".
"Oo nga't ang kwento ito ay hindi ordinaryo, hindi basta kwento ng isang babae at isang lalaki. Pero gayon pa man ay ipinapakita dito na tayong lahat ay may karapatang magmahal batay sa kung sino ang ating naisin. Basta ang mga bagay na ito ay magpapasaya sa atin. Iniwanan tayo ni Miguel ng mahalagang aral at iyon ay ang kilala munang mabuti ang taong magpakakaloob ng kabaitan dahil baka dumating ang pagkakataon na ang ating kabutihang loob ay maabuso at mauwi na lamang sa wala.
At parang tapusin ang kanilang kwento, narito ang isang awiting nababagay sa kanilang istorya. Ang pamangat ng kantang ito ay You Should Know By Now na inawit na Angela Bofill. Ako po muli si DJ Midnight at ito ang Dreame Romance. Magandang gabi."
KINABUKASAN
Pagpasok sa opisina ay nakatingin sa akin ang lahat, tahimik sila na para bang may problema agad. "Sir Vincent, pinapatawag po kayo ni Mam Evelyn sa itaas," ang wika ng staff.
"Eh bakit? Saka bakit tahimik kayo? Anong problema?" tanong ko naman sabay tingin kay Annabel na sumesenyas na "umakyat ka na lang!"
Walang salita, umakyat ako sa opisina ng boss at dito noong buksan ko ang kanyang silid ay bumulaga ang seryosong mukha niya sa akin. Noong makita niya ako ay agad akong kinambatan na maupo sa kanyang harapan. "Good morning Vincent," bati nito.
Naupo ako sa kanyang harapan, "Good morning mam, mukhang seryoso ang pag uusapan natin ngayon, pati yung mga tao sa baba ay wala ring kibo," ang wika ko.
"Ano ang gusto mong unahin? Ang Bad News? O ang Good News?" tanong niya sa akin.
"Syempre yung good news, ayoko na masira lalo ang umaga ko," ang tugon ko naman.
"Ang GOOD NEWS ay laman tayo ng news paper ngayong araw, ang daming natuwa sa kwentong binasa mo kagabi at ito ang unang pagkakataon na napansin ang ating radio station. In fact pumalo ng ilang percent ang segment mo kagabi pinakamataas sa history. Meaning, marami ang nakinig sa iyo at marami ang nahatak mo upang pakinggang ang iyong boses. Maganda rin ang mga inspirational messages mo sa iyong mga listeners which is very good," ang wika niya habang nakangiti.
"At ano naman ang bad news?" tanong ko.
"May mga ilang tao at samahan na hindi nagustuhan ang topic ng iyong segment kagabi. Ito araw ay imoral at masamang impluwensiya. Ang iyong topic ay isang lalaking humanga sa kapwa niya lalaki tama? Hindi ito nagustuhan ng ibang listeners," ang wika niya.
"Pero may ilan rin naman na nakagusto tama? At sa tingin ko ay wala namang masama na basahin ko iyon dahil ang bawat tao ay may karapatang magmahal at mahalin kung sinuman ang gusto nila basta pinapasaya sila nito. May point naman ako diba?" tanong ko sa kanya.
"Well, nakuha ko ang point mo at pinakinggan kong mabuti ang recording ng iyong mga binasa, wala naman akong masamang nakita in fact ay gustong gusto ito ng anak ko. Mahusay rin ang iyong pagkakagawa, hmmm, paano ba? Hindi ko alam kung sesermunan ba kita o pupurihin kita. Hindi ko rin alam kung dapat mo bang ituloy ang ganoong bagay o itigil na lamang ito," ang nalilito niyang tugon.
"Napag usapan na tayo diba? At isa pa good or bad publicity is still a publicity, sa tingin ko tataas pa ang rating dito kapag napatuloy ito," ang wika ko naman.
"Kung sa bagay, naisip ko rin na ang mga taong tumutuligsa sa atin ay mga black propaganda lamang mula sa mga kalaban station na natatakot na sila ay mahigitan," ang pagsang-ayon niya sa akin.
At iyon nga ang set up, sa huli ay napagdesisyunan namin ni Evelyn na ipagpatuloy ang aking pagbabasa ng mga sulat mula sa iba't ibang tao. Dahil habang may nagpapadala, ang ibig sabihin ay may nagtitiwala pa rin sa akin. Ito lang ang mga bagay na pinanghahawakan ko sa ngayon. "Sinabi ko naman sa kanila na hindi lahat ay mauunawaan ang aking babasahin ay pinaalala ko rin na ang liham para lamang sa mga taong gustong makinig at para sa mga taong nais na buksan ang kanilang mga sarili sa katotohanan na tayong lahat ay malayang makapagmamahal ng kung sinuman ang ating naisin," ang wika ko na punong puno ng pag asa.
"Tama ka doon Vincent, alam mo may tiwala naman ako sa iyong work. At ilaban mo ang mga paniniwala mo NGUNIT kailangan mong panindigan ito, maliwanag ba?" tanong niya
"Yes Maam!" ang sagot ko habang nakangiti, kaya ngumiti rin siya at dito ay lumabas ako sa kanyang silid. Pagbaba ko sa hagdan ay nagulat ako dahil may nag-pop na confetti sa aking harapan. "Congratulations!" ang wika nila sabay bukas ng softdrinks at dito ay may bilaong pansit at mga puto.
"Bakit?" tanong ko naman.
"Dahil sa unang pagkakataon, sa history ng station na ito ay nagkaroon ng rating ang midnight segment, hindi nga lang kasing taas ng iba ngunit ang ibig sabihin ay mayroon na ring nakikinig sa ating station sa gabi. 6% is very sa 0% diba?" ang wika nila habang nagpapalakpakan
"Teka anong nangyari kay Miguel at doon sa crush niyang si Carlo? May part 2 ba mamaya?" tanong ni Jean.
"Wala e, hanggang doon lang iyon. Teka hindi ba kayo galit? Hindi ba kayo magtatanong kung bakit bisexual ang binasa ko?" tanong ko naman.
"Bakit naman? Katulad ng sinabi mo, lahat tayo ay malayang magmahal at mahalin ang gusto natin! Kaya suportado ko ang mga bakla" ang wika ni Mary Ann.
"Oo nga suportado ko rin ang mga bakla!" ang sigaw ni Krishmar
Tawanan sila pero may halong palakpak..
Nagkaroon ng maliit na celebration noong mga sandaling iyon. Makikita mo ang tuwa sa kanilang mga mata habang binabati ako sa mga bagay na hindi ko naman inaasahang mangyayari sa akin. Gayon pa man ay tuloy pa rin ang kanilang mga work at ang nakakatuwang parte ay nananawagan sila sa mg letter sender na maaaring magpadala ng sulat sa akin upang mabasa ko ito sa aking midnight segment. Si Anna naman ay kakaibang strategy rin ang naisip dahil karaniwan sa kanyang mga tanong ay galing sa kwentong binasa ko kagabi. "Hala, hindi ka siguro nakinig kay DJ Midnight kagabi no? Anyway bumati ka na lang sa iyong mga classmate," ang hirit nito.
"Hindi po DJ Anna kasi tulog na po ako ng 12 midnight. Binabati ko nga po pala si Loisa, si Derek, si Shantal, Charmaine, Sandy, Girlie, Monica, Falcon, Obalak at Manny. DJ Anna pwedeng mag request?" tanong nito.
"Yes ano iyon?" tanong ni Anna.
"Pwede po paki play yung song na Take On Me by A-ha. Dedicated ito sa lahat ng IV Rizal! Wooo makakagraduate din tayo!" ang wika ng caller.
"Sure naman! Ano ang favorite music station ng mga taga IV Rizal?" masiglang tanong ni Anna.
"Of course 101.5 FM Dreame Radio Romance! Salamat po DJ Anna," ang masigla ring wika ng caller.
"Okay thank you! And there you have it! Magkita kita ulit tayo bukas sa ating noon time segment Annesarap ng lunch time! Ako po si DJ Anna at ito ng Dreame Romance!" ang wika ni Anna at dito ay pinatugtog niya ang kantang Take On Me na request ng kanyang last caller.
Habang nasa ganoong pakikinig ako ay may inabot sa akin ang staff, "Ano ito?" tanong ko sa kanya.
"Tatlong letters po Sir Vincent, galit sa iba't ibang letter sender," ang wika ng staff at dito nga ay nakita ko ang tatlong sobre na lahat ay nakapangalan sa akin at naka address sa Dreame Romance.
"Don't tell me iniisip mo na sa amin na naman galing ang mga letters na iyan? Look oh, iba iba na ang address! Winner!" ang wika ni Anna.
"Wala naman akong iniisip na ganoon ngayon, bakit ang bilis yatang dumating ng sulat? Diba Snail Mail ito?" tanong ko naman.
"Eh snail mail nga iyan kaso mukhang idinaan lang dito sa opisina iyan e, pero anyway may new letter ka ulit na babasahin, mayroon kang pang mamayang gabi, pang bukas at hanggang sa makalawa! Best of luck Vincent," ang wika ni Anna. "Midnight naman diba? Baka pwede mo na basahin yung mga sexy scenes sa letter nila, tutal tulog naman na ang mga bata noon," ang dagdag pa nito.
"Sira, edi lalo akong binatikos at sinabihan ng imoral, okay na yung desenteng bersyon," ang natatawa kong tugon.
Sa totoong buhay ay hindi naman talaga binabasa ni Vincent ang mga bed scenes, kayo lang readers ko dito ang makakabasa non. Para lang kayong nanonood ng MMK na siya ang nag iintro ngunit ang tauhan sa kwento ay mayroong sarili niyang POV.
"Wag mo na lang pansinin yung mga bumabatikos sayo, pwede sila huwag makinig diba? Alam mo iba iba kasi ang taste ng mga tao at iba iba rin ang mga pananaw nila sa buhay. Mga bagay na tama sa paningin ng nakararami at may mga bagay naman na mali sa iba. Ang mahalaga ay wala naman tayong tinatapakang ibang tao diba?" ang seryosong wika ni Annabel.
Napatingin ako sa kanya, "bakit ganyan ka magsalita? Mamamatay ka na ba?" tanong ko naman.
"Sira, pinapayuhan lang kita na huwag manghihina ang loob mo at huwag mo isuko ang bagay na gusto mong gawin. Alam mo balang araw ay makakaroon ng magandang bunga ang lahat ng sakripisyo nating ito," dagdag pa niya.
"Tama ka doon, maganda iyang sinasabi mo," tugon ko habang nakangiti.
Dito ko napagtanto na ang buhay ko bilang isang seryosong DJ ay nagsisimula na. Noong unang beses binasa ko ang pinakaunang letter sender ay nagsunod sunod na ang mga liham. May mga gabing ang binabasa ko ay tungkol sa mga babaeng naghahanap ng tunay na pag ibig, mayroon di namang mga lalaking nagtatapat ng pagmamahal sa mga babaeng gusto nila ngunit hindi nila ito masabi ng personal. Tahimik ang mga listeners sa ganitong topic ngunit kapag kwento na ng dalawang lalaki ang aking binabasa ay napapansin namin na pumapalo ng mataas ang rating at pinag uusapan ito, parehong maganda at masamang komento ang aming natatanggap.
"Matagal ko nang nais sabihin sa iyo na mahal kita Erika, ikaw lamang ang tanging babae na aking pinapangarap. Hindi ako umaasang mamahalin mo rin ako katulad ng pagmamahal ko sa iyo ngunit sana ay paniwalaan mo ang lahat ng nilalaman ng liham kong ito. Ang iyong ngiti ang nagbibigay ng inspirasyon sa akin sa araw araw, ang iyong mukha ang bagay na gustong gusto kong nasisilayan sa umaga kapag ako ay gumigising at sana ay nasisilayan ko rin ito bago ako matulog. Tanggapin mo man o hindi ang pagmamahal ko ay mananatili ka pa rin sa puso ko.
P.S. Ako nga pala yung madalas magpadala ng flowers at pandesal sa inyong opisina. Pasensiya ka na kung nahihiya akong lapitan ka dahil talagang torpe ako. Nagmamahal, Luis Dimaculangan.
Tahimik..
"Erika Sandoval, kung nakikinig ka man ay ito ang liham ng pag-ibig ni Luis, sana ay marealize mo na siya isang responsable at isang tunay na maginoo na handang gawin ang lahat upang mapasaya ka lamang. At para sa inyong dalawa ay inihahandog ko ang isang kanta na pinasikat ni Joe Cocker na may pinamagatang Up There Where We Belong.
Ito po si DJ Midnight at ito ang Dreame Romance. Magandang hating gabi sa inyong lahat.
Hinubad ni Vincent ang kanyang headset, samantalang ipinakita rin si Erika Sandoval na kinikilig at hindi siya makatulog dahil sa pagtatapat sa kanya ni Luis na noon masayang nakahiga dahil sa wakas naiparating na niya sa dalagang minamahal ang kanyang tunay na damdamin. Noong mga sandaling iyon ay marami-rami na rin ang nakikinig kay Vincent at ang iba ay talagang inaabangan na ang kanyang segment dahil parati itong may bagong inooffer sa kanyang mga taga pakinig.
At sa paglipas ng mga araw ay parami na rin ng parami ang mga liham na natatanggap ni Vincent kung dati ay dalawa o tatlo lamang na sobre sa isang araw, ngayon ay isang kahon na ito at halos namimili na lang siya ng maganda at kakaiba.
"Ano ba iyang itinatabi mo?" tanong ni Anna nung makitang ibinubukod ko ang ibang letters.
"Ito yung mga magaganda at kakaiba, ito ang kailangan ko sa segment ko," ang wika ko habang nakangiti.
"Oh diba, mas kakaiba ay mas magbibigay ng intriga sa mga tao. Basta on the right track ka Vince kaya dapat ay ipagpatuloy mo lang iyan," ang pang eengganyo ni Anna.
"Salamat sa suporta ha," ang nakangiti kong sagot.
"Ikaw pa ba? Eh super love kita," ang tugon niya sabay yakap sa akin na may halong kurot.
Ang itinatabi ko ay ang mga sulat na may kaparehong kalibre doon sa unang kwentong binasa ko, sana ay mas maging maganda at smooth ang flow nito sa mga susunod kong pagbabasa.
Itutuloy.