Lihim na iniibig ni Katarina ang anak-anakan ng kanyang Nanay Estella, tulad niya ay kinupkop rin ito ng matanda si Redentor dahil wala itong pamilya at walang bahay na matutuluyan. Habang siya naman ay sanggol nang kupkupin nito dahil ayon rito ay ayaw sa kanya ng kanyang ina nang makita ang kanyang hitsura.
Sa bagay, sino ba naman kasi ang katutuwa kapag nakita ang kanyang hitsura, may malaki siyang balat sa mukha na maitim bukod roon ay makakapal pa ang kanyang kilay. Maging siya nga ay natatakot sa hitsura kapag nananalamin.
"Katarina, gumising ka na diyan at maaga tayong magtitinda ng kakanin sa palengke," gising ni Nanay Estella sa kanya dahil araw ng Sabado 'yon at wala siyang pasok sa eskuwela.
Inaantok man pero kailangan na niyang bumangon bago pa siya pagalitan nito. Na-excite siya nang maalala si Redentor at ang guwapong mukha nito at ang abs nitong namimintog sa tuwing nagbubuhat.
Dali-daling tumayo si Katarina, nagsuklay muna siya upang maayos ang medyo kulot na buhok saka nagpalit ng damit.
Sa kusina ay nadatnan si Nanay Estella na inaayos ang dalawang bilao ng biko at ilang kakaning nakabalot sa dahon ng saging.
"Si Reden po, nanay?" untag sa matanda nang matiim na tumingin ito sa kanya.
"Kuya Reden!" matigas na wika nito.
"Nanay naman, hindi ko naman siya kapatid, a," giit sa matanda.
"Para sa 'kin magkapatid na kayo dahil nakatira kayo sa iisang bubong at ako lang ang nag-iisa ninyong ina," bulalas ni Nanay Estella. "Naku, Katarina, huwag mong sabihing crush mo iyang si Reden kaya ganyan ang asal mo?" panghuhuli nito sa kanya.
Mabilis na umilap ang mga mata ni Katarina saka umiling sa ina-inahan.
"Dapat lang dahil ayaw kong may masabi ang mga tao sa 'tin," anito saka mabilis siyang inutusang mag-agahan na para hindi siya gutumin sa palengke.
Tahimik na tumalima si Katarina, sa totoo lang ay si Reden na lamang ang tanging rason kung bakit siya ngumingiti. Ito lang kasi ang tanging taong nagpaparamdam sa kanya na maganda siya sa kabila ng kanyang hitsura.
"Ano pang tinutunga-tunganga mo diyan, Katarina, dali na at mahuhuli na tayo sa palengke," pag-aapura ni Nanay Estella sa kanya.
Nagmamadaling dumulog si Katarina sa mesa kung saan naroroon ang sinangag na kanin, pritong tuyo at umuusok pang kape.
Payak ang pamumuhay nila kaya kailangan nilang kumayod.
"Si Red—si Kuya Reden po," tanong sa ina-inahan.
"Maagang gumising ang kuya mo dahil magkakargador sa palengke, alam mo namang maaga ang dating ng mga paninda roon," tugon ng kanyang Nanay Estella na tapos na sa ginagawa. "Bilisan mo na diyan, mag-toothbrush ka, ha? Magpapalit lang ako at tayo'y lalarga na," palatak nito habang papasok sa kanilang silid.
Maingay, magulo at mausok ang palengke pero kailangan niyang makipagsiksikan. Panay ang baling ng kanyang ulo upang hanapin si Redentor at baka-bakasakaling makita ito ngunit palatag na ang liwanag ay hindi pa rin ito nakikita.
"Hoy, Katarina, may nabili bakit nakatulala ka diyan?" untag ni Nanay Estella sa kanya.
"Naku, baka nabighani sa kaguwapuhan ko," natatawang bulalas ng lalaking nasa harapan ag nang tingnan niya ito ay napataas ang kilay ni Katarina.
"Ang yabang naman," bulong niya ngunit narinig pala 'yon ng lalaki.
"Hindi 'yon yabang, miss, kumpara sa 'yo, malayong guwapo ako," dagdag nito na pasimpleng lait sa kanya.
"O, tama na 'yan, hijo, baka manghiram ka ng mukha sa aso kapag nainis itong si Katarina," awat ni Nanay Estella.
Mabilis na binigay ni Katarina ang binili ng lalaki at kumaripas na ito ng alis na mukhang natakot sa sinabi ng matanda.
Napabuntong-hininga nang malalim si Katarina at muli ay nakaramdam siya ng panlalait sa kanyang hitsura.
"Naku, huwag mong isipin ang sinabi ng lalaking 'yon. Siguro nga ay pangit ka sa panlabas pero busilak ang kalooban mo," pampalubog-loob sa saad ni Nanay Estrella kay Katarina.
Mas lalong lumalim ang buntong-hininga ni Katarina.
"Mas gugustuhin ko nang maging masama, nanay basta gumanda lang ako," naiiyak na turan niya.
"Aanhin mo naman ang ganda kung masusunog ka sa impyerno," gagad ni Nanay Estella.
"At least, kapag namatay pa ako bago masunog sa impyerno," giit ni Katarina sa sobrang prustrasyon sa kanyang hitsura. "Hindi ba't kaya ako itinapon ng aking ina ay dahil sa pangit ako?" himutok niya sa labis na inis sa kanyang hitsura.
Hindi tuloy nakaimik ang matanda sa kanyang nasabi.
Mabuti na lamang at mabilis na naubos ang kanilang paninda kaya maaga silang nakauwi. Namalengke na muna sila ng kanilang tanghalian bago umuwi.
Malapit na sila sa kanilang bahay nang mamataan si Redentor na nakaupo sa kanilang balkonahe.
"Reden!" masayang tawag ni Katarina rito na halos magkandadapa sa paglalakad marating lang ang bahay nila.
"Hoy, Katarina, umayos ka," awat ni Nanay Estella na hindi niya pinansin.
"O, Katarina, mukhang masaya ka, a," puna ng lalaki sa kanya.
"Oo dahil nakita na kita," bulalas niya at nang mapagtanto ang kanyang sinabi ay agad na bumawi. "Ibig kong sabihin ay masaya akong makita ka, gabing-gabi ka na yata umuwi kagabi tapos ang aga mo naman kanina," busangot niya rito.
"Oo, doble-kayod ako ngayon dahil gusto kong bumili ng cell phone," saad nito.
"Cell phone, ganoon ba? Magkano ba 'yon?" untag na tanong dito. May ipon siya sa kanyang alkansiya baka sasapat na 'yon para makabili ito ng cell phone.
"Ewan ko depende yata sa brand at model," tugon ni Redentor.
"May naipon na akong isang libo, baka sasapat na 'yon upang makabili ka ng cell phone," alok niya sa lalaki.
Natawa si Redentor kay Katarina, gusto niya ito dahil mabait sa kabila ng kakaiba nitong hitsura. Napatitig siya sa mukha nito, sa totoo lang ay kung hindi lang sa malaking itim na balat sa mukha nito ay maganda sana ang babae.
"M-May dumi ba ako sa mukha ko?" nauutal na tanong ni Katarina nang mailang sa klase ng tingin ni Redentor sa kanya.
Natawa si Reden sa sinabi ni Katarina.
"Meron, ang laki," natatawang biro niya pero nang makita ang hitsura ni Katarina ay mukhang dinamdam nito ang kanyang sinabi. "Biro lang 'yon, a," bawi niya rito ngunit kitang nainis na ang babae.
"Ikaw rin pala, pangit ang tingin mo sa 'kin," nagtatampong saad ni Katarina.
"Hey, Kat! Oy, nagbibiro lang naman ako," habol ni Rendentor sa kanya.
Mabilis na piniksi ang palad nitong nakahawak sa kanyang kamay.
"Of all people, ikaw pa ang tutukso sa 'kin na pangit ako," nagtatampong turan saka mabilis na tumakbo sa silid.
Naiiling na lamang si Redentor, wala siyang balak na saktan ang damdamin nito pero hindi niya aakalaing ganoon ang kahahantungan ng kanyang biro. Sa totoo lang ay iba ang nakikita kay Katarina, maganda ito at hindi mapigil ang damdamin para rito.
"Hayaan mo na, masyado lang sensitibo ang batang 'yon lalo na at may nanlait na naman sa kanya sa palengke kanina," tinig ni Nanay Estella.
"Ganoon ba, nanay," malungkot na wika. Sa totoo ay para rito ang cell phone na gusto niyang bilhin. Kita niya kasing naiinggit ito sa mga kaibigan nito na may cell phone kaya pinag-iipunan niya talagang mabuti upang makabili ng ipanreregalo rito para sa nalalapit nitong kaarawan.
"Tulungan mo na lamang ako sa kusina dahil tiyak na magmumokmok 'yon sa silid," ani Nanay Estella na bumalik na sa kusina.
Walang nagawa si Redentor kundi ang sumunod sa ina-inahan sa kusina.
***
Pagpasok ni Katarina sa silid ay agad siyang humarap sa salamin at kinuskos ang itim na balat sa kanyang mukha ngunit kahit anong kuskos ang gawin niya ay hindi 'yon mawala hanggang sa tumulo na lamang ang kanyang luha.
"Isinumpa ba ako para magdusa sa pangit kong mukha na 'to?" bulalas sa inis sa sarili.
Magkabilaang sampal ang ibinigay sa sarili ngunit nang maramdamang napalakas ang sampal sa sarili ay nangiwi na lamang siya. "Kailan ba kasi ako gaganda," naiiyak na bulalas niya habang kinakausap ang sarili sa salamin.
Hindi pa ba sapat ang lahat ng panlalait na naririnig sa mga taong nakapalibot sa kanya, lalo na ang mga kaklase. Nilalakasan lang talaga niya ang kanyang loob upang makapagtapos kahit papaano. Pangit na nga siya. mahirap tapos wala pa siyang natapos, mahirap na dahil mas lalo lang siyang aalipustahin ng mga tao.
Ilang dasal na ang ginawa niya gumanda lamang pero tila bingi ang Diyos at hindi man lang siya pinapakinggan nito.
Hanggang sa nakatulugan na lamang ni Katarina ang pagmumukmok gawa ng masamang biro ni Redentor.
Haplos sa kanyang pisngi ang gumising sa inaantok pang diwa. Pagdilat ng kanyang mga mata ay nakita ang guwapong mukha ni Redentor.
"Reden?" maang na turan sa gulat.
Ngumiti ito dahilan upang mas lalong tumingkad ang kaguwapuhan nito.
Hinaplos ng lalaki ang kanyang pisngi na tila ba siya ang pinakamagandang babae. Hinawi nito ang hibla ng buhok na tumatabing sa kanyang mukha.
Kumabog ang dibdib ni Katarina at napuno ng pananabik nang makitang unti-unting bumababa ang guwapong mukha ni Redentor sa kanyang mukha.
Parang matutuyo ang kanyang lalamunan sa labis na antisipasyon at nakakakiliting sensasyon.
Umuwang ang kanyang labi upang hintayin ang halik nito kasabay nang pagpikit ng mga mata upang namnamin ang tamis ng halik ng lalaki.
"Reden," malamyos na usal pa niya sa pangalan nito ngunit nang mapansing wala pa ring labing lumalapat sa labi ay napadilat siya at doon ay nakitang kunot-noong nanunuod ito sa kanyang reaksyon.
Namula tuloy ang buong mukha at nahihiyang umayos.
"Anong ginagawa mo rito? Lumabas ka kasi nagpa-praktis ako ng script ko para sa gagawin naming drama," mabilis na kaila bago pa siya lumubog sa pagkapahiya.
"Kapangalan ko ba ang pangalan ng lalaki sa skit ninyo?" untag ni Redentor na natatawa kay Katarina. "Kain na raw, naghihintay na si Nanay Estella sa kusina," saad ni Redentor bago iniwan si Katarina.
Natatawa siya dahil tiyak na siya ang iniisip ni Katarina habang nag-i-imagine. Hindi niya rin alam na sa kabila ng maraming kababaihan sa kanila ang nagkakagusto sa kanya ay ito pa rin ang nais niyang makasama. Kaya lang iniisip niya ang sasabihin ni Nanay Estrella kaya hindi niya maligawan si Katarina dahil para rito ay magkapatid sila.