"Alexaaa... 'wag mong inumin yaaann!" malakas na sigaw ng pinsan kong si Stella.
Tsh! huli na para pigilan pa niya ako.
"Sorry ka, naubos ko na, eh. Hindi mo naman sinabing nauuhaw ka rin pala, di sana naghati na lang tayo dito sa mineral water," balewalang sabi ko sabay taas ng empty bottle.
"Ano'ng nararamdaman mo, ha, Alexa? Sabihin mo nga sa akin kung ano'ng pakiramdam mo ngayon?" Hinawakan ako ni Stella sa magkabilang pisngi. "May kakaiba ka bang nararamdaman sa katawan mo pagkatapos mong inumin ang tubig sa bote na 'yan" tanong pa niya habang sinisipat ang buo kong katawan.
"Aysus! Ang OA naman ng pinsan kong ito. Bakit ba kasi alalang-alala ka sa akin, eh, tubig lang naman 'to?" tanong ko.
Natigilan ako at nanlaki ang mga mata ko nang biglang may pumasok na kung ano sa isip ko.
"Huwag mong sabihing... huh! Bakit may lason ba ang tubig na ininom ko? Mamatay na ba 'ko? Naku naman, Stella! Hindi ko pa nasasabi kina mommy at daddy na nawalan na ako ng trabaho, naubos na ang savings ko at due date na ng mga bills ko. Hindi ko pa nga pala nababayaran ang kotse ko at ang aking condo, kailangan ko na siyang ma-fully paid next week. Isang linggo na lang at kapag hindi ko nagawan ng paraan, mawawala na ang lahat sa akin!" nag-aalalang sabi ko, napasabunot pa ako sa buhok ko sa sobrang pagkatuliro.
"Tsk! Sira ka pala, eh! Kung mamatay ka na hindi mo na kailangang ipaalam pa ang mga 'yan sa parents mo, dadagdagan mo pa ang mga problema nila sa'yo!" singhal nito sa akin.
"Waaahh! Totoo nga bang may lason ang tubig na ininom ko? Stella, kailangan ko na bang magsabi ng farewell message ko? Pakikuha nga 'yung cellphone ko i-video mo na lang ang mga sasabihin ko para makita nina mommy at daddy, pati na rin ng mga kapatid ko. Aaahhh! Ito na... parang nararamdaman ko na ang epekto." Habang sinasabi ko iyon ay nagpanggap akong nahihilo at nasusuka.
"Alexa... 'wag mo naman akong biruin ng gan'yan!" mangiyak-ngiyak na sabi ni Stella habang panay ang himas sa likod ko.
"Hahaha! Joke lang," sabi ko sabay peace sign.
"Huh! Ikaw nga Alexa, huwag mo akong binibiro ng gan'yan, aatakihin ako sa puso sa takot sa'yo, eh!" Nahamapas pa niya ako sa balikat ng 'di oras.
Napangiwi ako sa ginawa niya. Ang sakit naman kasi ng pagkakahampas niya sa akin.
"Ano ba kasi ang meron sa ininom ko, eh tubig lang naman 'yun?" tanong ko.
"Hindi basta-basta tubig 'yon," sagot naman niya. "Pero walang lason 'yon, organic ang ingredients ng inumin na 'yon, safe and healthy sa katawan."
"O, ganu'n naman pala, bakit ang over mong maka-react kanina, eh, safe naman pala? Pero kung hindi basta-basta tubig 'yon, eh ano yon? Lasang tubig naman ah, wala namang kakaiba sa kaniya."
Huminga muna ito ng malalim bago nagsalita.
"Kallos water?" sagot niya.
Pinanlakihan ko ng mga mata si Stella.
"Tsh! Kallos water? Imbento ka, wala namang ganu'n, eh."
"Meron! Yung ininom mo, at oo, imbento ako, dahil inimbento ko talaga 'yon."
"Weh! Hindi nga? Ikaw ang weird mo talaga," hindi naniniwalang sabi ko.
"Seryoso ako," aniya na walang kangiti-ngiti at diretso ang tingin sa akin.
"Kung kallos water nga 'tong nainom ko, so ano naman ang magiging epekto nito sa akin?"
Natahimik si Stella na wari bang nag iisip.
"Hindi ko alam!" bagsak ang balikat na sabi niya.
"Naku, huwag ako, Stella. Hindi mo ako mapa-prank."
Yung totoo nagbibiro bang talaga ang wirdo kong pinsan o nagsasabi siya ng totoo? Tsh! Imposible! Ang hirap paniwalaan.
"Hindi kita niloloko. Totoo talaga ang sinabi ko. Basta tatandaan mo ha, Alexa, 60 days lang ang itatagal ng kallos water na 'yon. Kapag tumalab siya sa'yo asahan mong babalik ka rin sa dati pagkatapos ng 60 days," mahigpit na bilin nito sa akin.
"Ah! Ewan ko sa'yo, Stella! Makauwi na nga lang. Pumunta ako rito para hindi ko maisip ang mga problema ko, pero mas lalo pa yata akong na-stress sa mga pinagsasabi mo."
Isinawalang bahala ko lang ang sinabi nito dahil alam kong isa na naman iyong pang gu-good time. "Basta ha! Pag pinalayas ako sa tinitirahan ko ampunin mo ako," sabi ko, nangongontrata na ako dahil wala akong balak na bumalik sa amin kapag pinatalsik ako sa condo ko.
"Hmp! Oo na! Bakit ba kasi hindi ka pa mag-asawa ng sa ganu'n ay may katuwang ka na sa buhay?"
"Huh. Asawa? Boyfriend nga wala ako asawa pa! At saka hindi ko ia-asa ang buhay ko sa lalaki. Kaya kong mabuhay sa sarili kong mga paa."
"Naku naman! Kaya pala gusto mong magpaampon sa akin. Umuwi ka na nga." Marahan akong itinulak nito papalapit sa pintuan.
"Grabe! Ang sama mo, pinalalayas mo na talaga ako?" Tinigasan ko ang katawan ko para hindi ako tuluyang maitulak nito palabas ng pinto.
"Basta yung sinabi ko ha, tandaan mo 60 days lang ang itatagal ng epekto ng kallos water, pagkatapos ng 60 days ay babalik na ang lahat sa dati," bilin na naman nito sa akin.
"Tsh! Bahala ka sa buhay mo, puro ka kalokohan. Akala mo naman kakagatin ko 'yang biro mo."
Hindi ko paniniwalaan si Stella, pang out of this world kasi ang imagination niya. Papunta na siya sa pagiging Sisa 'di palang nakakarating, pero sa tingin ko malapit na.
-
"Alexa! Gumising ka na, male-late ka na sa school, alas sais na."
"Huh!"
"Agh!"
Umaga na pala, napasarap ang tulog ko grabe!
"Ha! Umaga na?" Napabalikwas ako nang bangon .
"Male-late na ako sa trabaho."
"Tsk! Ano bang trabaho ang pinagsasabi mo, Alexa?" tanong ng utak ko.
Ay oo nga pala, wala na nga pala akong trabaho. Isa na pala akong jobless at soon to be homeless.
Hay!What a life?
"Bumangon ka na d'yan naghihintay na sila sa'yo sa ibaba, mag-aalmusal na tayo. Gusto mo na naman sigurong makatikim ng sermon sa Kuya Zandro mo?" pananakot na sabi sa akin ni mommy, hinatak pa ang kumot ko para wala ng dahilan na bumalik pa ulit ako sa tulog.
Te-teka nga lang... paanong nangyari na ang mommy ko ay nandito?
Inilinga ko ang mata ko sa paligid, nasa isang silid ako na punong-puno ng poster ng mga nagga-gwapuhang lalaki na mag magagarang kulay ng buhok. Hmm... parang cotton candy.
At sino naman ang mga lalaking 'yan?
Huh! parang may mali.
Seven years na akong naninirahang mag-isa sa aking condo unit.
Pero bakit parang nandito ako sa ancestral house namin? Ito ang kwarto ko nung college pa ako.
Paanong napunta ako rito?
Pag-alis ko ba sa bahay ni Stella ay imbes na sa Makati ay sa Quezon City ako umuwi?
Pero imposible!
Parang may hindi tama talaga sa mga nangyayari.
Panaginip lang ba 'to?
Nanaginip lang ba ako?
Tama, isang panaginip lang ito
Kailangan kong gumising, pero paano?
Gising na gising ako at dilat na dilat pa ang mga mata ko.
Kinurot ko nang malakas ang aking pisngi at napasigaw ako sa sakit.
"Alexandra! Ano ba 'yang ginagawa mo? Bakit mo sinasaktan ang sarili mo? Bumaba ka na bago ka pa bilangan ng Kuya Zandro mo. Gusto mo bang siya pa mismo ang sumundo sa'yo rito?"
Kahit litong-lito ako sa mga nangyayari ay ginawa ko pa rin ang gustong mangyari ni mommy na bumaba at magtungo sa kusina. Malaki kasi ang takot ko sa panganay naming kapatid. Bukod sa strikto ito ay talaga namang makita mo pa lang ang seryosong mukha nito ay matatakot ka na. Bihirang-bihira kasing ngumiti si Kuya Zandro at wala kang makikitang ekspresyon sa kaniyang mukha. Akala ko nga dati nanganak ng robot si mommy.
"Alexa, ano pa ang hinihintay mo d'yan?"
"O-opo, mommy, and'yan na!"
In fairness ang bata pa ring tingnan ni mommy at seksi pa rin.
Nakapagtataka talaga, ang huling kita ko sa kaniya ay may wrinkles na siya at nangungulubot na ang mga balat niya. Ano kaya ang beauty secret ni mommy?