"Guys! Dumating na si MMG, magsibalik na kayo sa mga pwesto ninyo daliii!" tarantang sigaw ng babaeng katatapos lang makipag tsismisan sa labas.
Natimbrehan na ito ng gwardiya mula sa ibaba na naka-assign sa main entrance ng building. Nakapasok na raw sa loob ng gusali ang may ari ng kompanya kaya humahangos itong bumalik sa kaniyang opisina para ipaalam ang balita sa kaniyang mga kasamahan.
Para namang ipo-ipong nagtakbuhan at halos liparin na ng mga kapwa nito empleyado ang kani-kanilang mga upuan.
Nagkunwari silang inaabala ang sarili sa puspusang pagtatrabaho. Hindi sila maaring makita ng kanilang amo na walang ginagawa dahil kung hindi ay wala itong pagdadalawang isip na sisantehin sila agad-agad. Hindi ito nakikinig sa paliwanag at wala itong binibigay na second chance. Kilala sa pagiging strikto at terror ang kanilang amo. Makukuha ka agad nito sa tingin. Lahat ay takot at ilag sa kaniya.
-
Samantalang, ang tatlumpu't apat na taong gulang na President at CEO ng MMG Global Vision Maketing Corporation na si Marcus McGregor, ay kapapasok pa lang ng mga sandaling iyon sa loob ng kaniyang kompanya, kasunod ang kaniyang assistant na si John at iba pang mga executives. Kagagaling lang nila sa isang meeting sa labas kasama ang ilang investors. Dire-diretso na sana ang lakad nito papunta sa elevator kaya lang ng mapadaan siya sa information counter ay may napansin siyang hindi niya nagustuhan. Nakalampas na siya ngunit saglit na tumigil at bumalik ulit. Ang mga executives na kasama niya at ang kaniyang assistant ay napahinto rin at nagtatakang sinundan ng tingin kung saan siya pupunta.
Nakita kasi niya ang isa sa tatlong receptionist sa front desk na abala sa paglalagay ng kulorete sa kaniyang mukha at walang pakialam sa kaniyang paligid, habang ang kaniyang mga kasamahan ay abala naman sa pag-handle ng mga inquiries ng mga taong pumapasok sa kanilang kompanya. Madilim ang mukha at kunot ang noo na lumapit siya sa front desk. Inalam niya ang pangalan ng receptionist sa pamamagitan ng pagtingin sa name tag na naka-pin sa suot nitong uniporme. Hindi siya napansin ng empleyado dahil abala ito sa paglalagay ng maskara sa kaniyang mata habang nakatitig sa salamin.
Pagbaling ng isang receptionist ay nakita nito si Marcus, nanlaki ang mga mata nito sa gulat. Tarantang siniko nito ang kasama para makuha ang atensiyon nito.
"Tumigil ka nga Annie! Ano ba'ng problema mo? Nakita na ngang naglalagay ng maskara yung tao, eh," inis na sabi nito ngunit hindi man lang tinapunan ng tingin ang kausap.
Biglang nagsalita si Marcus, na may himig na pang-uuyam, "you're quite busy, Ms. David!"
Nagulat ang babae at napatigil ito sa kaniyang ginagawa ng marinig ang baritonong boses ng kaniyang amo. Nanlaki ang mga mata nito, nabitawan ang maskara at salamin na hawak, bumagsak iyon sa lamesa. Para itong nakakita ng multo, kung hindi lang plakado ang mukha nito sa makeup ay siguradong makikita ang labis na pamumutla nito dahil sa sobrang takot.
"I hired you to assist our customers, Ms. David, not for makeup sessions. Can't you see the line of people needing help? Your not doing your job. Pack your things up, I don't need people like you in my company. You're fired!"
Parang kaswal lang na lumabas sa bibig ni Marcus ang huling kataga na sinabi nito.
Sanay na siya sa pagsisante sa kaniyang mga tauhan, kada araw ay umaabot sa dalawa hanggang limang empleyado ang nasisesante niya at wala siyang pinagsisihan sa mga iyon. Metikuloso siya sa lahat ng bagay. Gusto niya lahat ng trabaho ay pulido. Isa siyang perfectionist, hindi nakakaligtas sa kaniya ang kahit na konting pagkakamali.
Hindi na niya hinintay pa na makasagot ang nagulat na empleyado. Tinalikuran na niya ito at walang lingon likod na naglakad. Humahangos na humabol naman ang mga kasamahan niya sa kaniya. Ang mga naiwang tao sa palagid na naka saksi ay nabigla rin sa bilis ng mga pangyayari. Para lang ipo-ipong dumaan sa harapan nila si Marcus ngunit nag-iwan naman ito ng malaking pinsala.
Masyadong natakot si Ms. David sa presensiya ng kanilang amo, kaya hindi na nito nagawa pang mangatwiran, kahit ang mga kasamahan nito ay parang nagsipag urong din ang dila. Alam nila na nakakatakot ang kanilang boss na kung tawagin nila ay MMG, ngunit hindi nila alam na mas higit na nakakatakot pala ito sa personal kaysa sa naririnig lang nilang sabi-sabi na nanggaling buhat sa ibang tao.
Nang makarating sa tapat ng elevator ay tumigil si Marcus, wala pang pinto na bumubukas mula sa apat na elevator na naroon kaya hinarap muna niya ang kaniyang assistant. "I don't want to see the face of that receptionist in my company anymore. I won't tolerate incompetence. I need to speak with HR. They don't know how to assess applicants, they need to be oriented. I don't want these kinds of incidents to happen again," seryoso at walang kangiti-ngiting sabi niya.
"Yes, Sir, I'll bring them to your office right away," mabilis naman na tugon ni John.
Tumango si Marcus, tama namang bumukas ang pinto ng elevator sa harapan niya kaya mabilis itong pumasok, kasunod si John at ang tatlong executives. Nang sumara ang pinto ay siya na mismo ang nagpindot ng buton sa number 8. Nangunot ang noo niya ng may madama na parang maaligasgas. Tiningnan niya ang daliri na ginamit sa pagpindot ng buton at nakita niya na may alikabok na kumapit doon. Pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan ng loob ng elevator at hindi niya nagustuhan ang pagiging maalikabok ng lugar.
"I need to speak with the people in charge of our cleaners. This place is so disgusting. Our cleaners need training, they're not doing their jobs right. Bring them all to me, John, I want to talk to them," utos na naman niya sa kaniyang assistant.
Palihim na bumuntong hininga nang malalim si John. Wala naman siyang nakitang dumi sa loob ng elevator, para sa kaniya ay malinis na malinis naman ito at mabango pa. Hindi niya alam kung may bionic eyes ba ito dahil parang may nakikita itong mga bagay na hindi nila nakikita.
Bago pa sila pumasok sa building ay napansin na agad niya ang pagiging dismayado sa itsura nito. Parang hindi ito masaya sa kaniyang mga nakikita. Nasa first floor palang sila ng building ay marami na itong napansin, sigurado siyang kapag nadaanan pa nila ang ibang floor ay higit na marami pa itong mapupuna.
Inihanda niya ang sarili para sumagot ng buong sigla. Hindi siya pwedeng magpakita na hindi siya sang-ayon sa mga sinasabi at nakikita nito. Hindi niya pwedeng kontrahin ang kaniyang amo at mangatwiran kahit na sa palagay niya ay masyado nang unfair ang mga ginagawa nito. Si Mr. McGregor ang kaniyang amo at ito ang nagpapasweldo sa kaniya. Wala siyang choice kung hindi ang sundin ito at umoo sa lahat ng ipag-uutos nito.
"Yes Sir, I will gather them and bring all to you right away," sagot ni John.
Sa 8th floor, bago pa makarating sa kaniyang opisina si Marcus ay tatlong katao pa ang nasisante niya at nawalan ng trabaho.
Katulad ng gusto niyang mangyari ay iniharap sa kaniya ni John ang mga taong gusto niyang makausap at ang lahat ng iyon ay nakatikim ng masasakit na salita mula sa kaniya. Hindi pa man nagsisimula ang kaniyang trabaho ay puro kamalian ng mga tao na lamang sa paligid niya ang kaniyang napupuna.
Batid ni Marcus kung gaano siya kinatatakutan ng lahat ng tao sa kaniyang kompanya niya ngunit balewala lamang sa kaniya iyon. Ang totoo ay mas gusto nga niya ang ganun, na may takot sa kaniya ang kaniyang mga tauhan. Ginagawa niya iyon para magkaroon ang mga ito ng disiplina.
Madamot si Marcus, ni minsan ay hindi siya nagbigay ng ngiti sa mga taong bumabati sa kaniya. Bihira pa sa patak ng ulan kung siya ay ngumiti. Ginagawa lamang niya ang bagay na iyon kung kinakailangan, halimabawa na lamang doon ay kapag may kaharap siyang mga importanteng tao.
"Sir, Ms. Simon is here to submit her monthly report. Should I let her in?"
tanong ni John, bahagyang napaangat ang ulo ni Marcus para tingnan ang kaniyang assistant.
"Okay, let her in. I've been waiting for her report since earlier," tugon naman ni Marcus.
Binuksan ni John ang pinto at pinapasok ang inaasahang empleyado ni Marcus.
"Si-sir, ito na po ang report ko pasensiya na po kung—"
Hindi na naituloy ng bagong dating ang sasabihin dahil pinatigil na ito ni Marcus sa pagsasalita.
"You don't need explain yourself to me. I don't need your explanation. You're fired Ms. Simon!"
"Huh! Sir! Pero, Sir... please hayaan mo muna akong makapagpaliwanag," anito na kita sa mukha ang labis na pagkabahala.
"John, assist Ms. Simon until she exits the building. Ensure that she receives all the necessary compensation for her services," utos niya sa kaniyang assistant at pagkatapos ay binalik na muli ang kaniyang atensiyon sa trabaho. Parang wala siyang naririnig habang pilit na nakikiusap ang kaniyang empleyado na pakinggan ang kaniyang paliwanag.
Para kay Marcus ay hindi siya mag-aaksaya pa ng oras para lamang pakinggan ito. Kapag pinagbigyan kasi niya ng isang beses ay malaki ang posibilidad na umulit na naman ito. Hindi siya nagbibigay ng second chance kahit pa valid ang rason.