1
"Malakas ang ebidensya na hawak ng pulis laban sa iyong ama, Miss Lucinda. Maingay din sa media ang kaso ng ama mo." Wala pa akong maayos na tulog. Kasarapan nang pag-party ko sa isang exclusive club sa siyudad nang makatanggap ako nang tawag mula sa abogado ng aking ama.
Wala sana akong balak pansinin ang tawag. Pero never kasi akong personal na tinawagan ng abogado. Kaya naman takang-taka ako.
Nang makahanap nang maayos at tahimik na pwesto ay sinagot ko iyon.
Ang masayang gabi ay agad nabalot nang takot nang malaman ang sinapit ng papa ko. Hinuli raw ito ng pulis. Nakapatay raw ang papa ko. Pinagdududahan ko agad, hindi mamamatay tao ang ama ko. Mabuting tao si papa.
"Anong evidence, attorney? Hindi naman mamamatay tao ang papa ko." Napasabunot ako sa buhok. Nakainom na ako no'ng umalis ng bar. Tapos agad na bumiyahe pauwi rito sa Santa Dominga para lang makaharap ang attorney ni papa.
Iyon ngang suot kong damit na pinang-bar ko ay iyon pa rin ang suot ko hanggang ngayon. Nagsuot lang ako ng cardigan para itago ang aking katawan na sexy dress lang ang suot-suot.
"Hija, may mga finger prints na nakuha sa kutsilyong ginamit sa pagpatay. Tumugma iyon sa finger prints ng ama mo. Mayroon ding dalawang testigo sa nangyaring krimen." Mahinahong sagot ng matanda. Kahit na halos pareho lang kaming walang tulog ay matiyaga pa rin nitong sinasagot ang mga tanong ko.
"Makukulong talaga ang papa ko?" naiiyak na tanong ko rito. "Sino ba ang biktima?"
"Tauhan ni Governor Andreras ang napatay, Miss Lucinda. Hindi lang ang pamilya no'ng biktima ang kalaban ng ama mo rito. Pati na rin si Gov. Handa si gov na pagbayarin ang taong nakapatay sa kanyang tauhan at matalik na kaibigan." Alam kong mahusay ang matandang kaharap ko pagdating sa profession n'ya. Kaya medyo nakakapanghina, dahil na rin nakikita kong para ngang wala talaga kaming laban sa kinahaharap na kaso ni papa.
"Pwede ko bang makausap si papa, attorney? Kailangan kong makausap ang papa ko. Tiyak kong hindi iyon magsisinungaling sa akin."
"Sige. Pero bukas mo na siya puntahan. Ngayon ay mas mabuting umuwi ka muna sa mansion ninyo. Magpahinga ka muna, hija. Halatang wala ka pang pahinga." Pati nga make up ko'y tiyak kong sabog na. Habang bumibiyahe kanina ay sige ako sa pag-iyak. Hindi ko ma-imagine ang kalagayan ng papa ko sa kulungan.
"Okay po. Pero balitan n'yo ako sa case ni papa. Ilalaban natin ito, Attorney Gaille. Ilalabas natin si papa sa kulungan. Hindi n'ya deserve ito."
"Gagawin ko ang best ko, hija." Seryosong ani ng abogado ng aking ama. Nang maglahad ito ng kamay ay agad kong tinanggap iyon. "Sige na. Umuwi ka na muna." Niyakap pa ako ng matanda. Bago n'ya ako iginiya patungo sa sasakyan na dala ko. Ang bodyguard kong si Top ay agad naman akong pinagbuksan ng pinto. Siya rin ang driver ko. Kaya nang makasakay ako'y lumulan na rin agad ito.
"Sa Re Vinci Mansion tayo." Utos ko kay Top. Saka ako sumandal sa upuan at sinubukan kong pumikit.
Nang umusad ang sasakyan ay binalak kong saglit na umidlip. Pero nagsalita naman si Top.
"Anong balita kay Sir Aio, miss?" worried din ang isang ito. Malapit si Top kay papa. Parang anak na rin ito ng aking ama. Kaya iyong concern n'ya ngayon, alam kong tunay iyon.
"Malakas daw ang kaso laban kay papa, Top." Hindi ko mapigilang maluha. Nakapikit ako. Pero ramdam ko ang init sa gilid ng mata ko. Tanda na naiiyak na ako.
I'm tired. Pero mas nakakapagod isipin ang masalimuot na sitwasyon na kinalalagyan ngayon ni papa.
Si papa ang pinakamabait at mabuting tao na kilala ko. Mahaba rin ang pasensya nito. Kaya iyong makapatay ito... hindi ako naniniwala. Hindi mamamatay tao ang aking ama.
"Pero malabong pumatay ang ama mo, miss. Sa kanya na ako lumaki. Wala ka pa man sa mundong ito ay boy na ako sa mansion ninyo. Nakasama ko nang matagal na panahon ang iyong ama. Kilalang-kilala ko siya."
"Kilala ko rin ang aking ama, Top. Hindi iyon magagawa ng ama ko. Hindi siya kikitil ng buhay." May tiwala ako kay Attorney Gaille. Hindi n'ya pababayaan si papa. Matalik na silang magkaibigan noon pa man. Kaya tiwala talaga ako rito.
"Tutulong po ako sa investigation kung papayagan n'yo ako, miss." Mabilis pa ring umuusad ang sasakyan. Parang nakisabay ang langit sa bigat na nararamdaman ko. Bumuhos ang ulan... pati na rin ang luha ko.
"Kahit na anong tulong na pwede kong makuha ay tatanggapin ko, Top. Kailangan mailabas si papa. Mahihirapan lang siya sa kulungan." Hindi pansin ng tauhan ang tahimik na pagluha ko. Bumalik din ako sa pagpikit upang magpanggap na okay lang ako. "Gisingin mo na lang ako kapag nasa mansion na."
"Sige po, miss." Matagal pa ang biyahe. Isang oras. Samahan pang malakas ang buhos ng ulan. Naipit pa kami sa traffic. Kaya iyong isang oras na biyahe ay naging dalawa.
Pagdating sa mansion ay hindi ko man lang pinansin ang mga tauhan na yumukod pa nang pumasok ako sa loob. Dere-deretso akong pumanhik ng hagdan. Deretso sa kwarto.
Pagdating ko roon ay agad ko rin namang isinara ang pinto. Saka isa-isa kong hinubad ang saplot ko. Saka lumapit sa coffee table at kinuha ang wine at baso na naroon. Dinala ko iyon sa banyo.
May nakahanda ng tubig sa bathtub. Ready na nga iyon, kaya sumampa agad ako.
Ito ang kailangan ng katawan ko ngayon.
Habang mag-isa ako'y naiisip ko ang siyudad. Iyong maingay na lugar kung saan nakakuha ako ng peace of mind.
Kahit maingay at magulo, ay mas gusto ko pa rin doon. Dito kasi sa probinsya, dito mismo sa mansion na ito ay nakamamatay ang katahimikan. Ramdam na ramdam ko na may kulang sa akin.
Sa labis na katahimikan ay parang naririnig ko na nga iyong palahaw sa aking isipan. Palahaw na napakatagal ko nang narinig. Bata pa ako no'n. Pero malinaw na malinaw pa rin sa isip ko.
Kaya mas gusto ko talaga nang maingay na paligid. Kapag maingay... hindi sumasagi sa isipan ko ang pagkamatay ng aking ina... namatay siya rito mismo sa mansion na ito.
Namatay siya habang pumapalahaw. Naririnig ko ang nakakaloko n'yang tawa habang nakatitig sa akin. Naririnig ko kung paano n'yang bigkasin ang pangalan kong 'Lucinda'. Tanda ko pa ang itsura n'ya no'n. Hawak ang baril ni papa na nakuha n'ya sa drawer ni papa. Wala si papa no'n. Kami lang ni mama ang narito. Bata pa ako no'n takot na takot.
Inilubog ko ang ulo ko sa tubig. Sinubukan kong alisin ang mga eksenang iyon sa utak ko. Ilang taon na ang nakararaan. Malinaw pa rin sa aking isipan.