"Ayoko munang sagutin iyang tanong mo, Mahal. Sige, kung ayaw mo akong kausapin, okay lang. Naiintindihan kong pagod ka. Matulog ka na, goodnight at tandaan mo, mahal na mahal kita," sagot nito sa kabilang linya saka pinatayan na siya ng tawag.
Biglang nanikip ang dibdib niya sa sagot na iyon ni Owen. Bakit sa tuwing nauungkat niya kung may inililihim ba ito sa kanya ay umiwas siya. Tapos sasabihin niya na mahal na mahal siya ng lalaki samantalang may itinatago ito sa kanya. Pagmamahal ba ang tawag doon? Hindi niya alam kung kaya niya pa itong intindihin.
Pinagpatuloy niya ang kanyang pagsusulat ng invitation letter kahit hindi siya makapag-concentrate dahil sa sagutan nila ni Owen. Naalala niya, hindi niya alam kung anong pangalan ng owner ng DS. Tinanong niya kasi kanina sa kanyang guro kung sino ang may-ari ng Supermarket para i-address iyon mismo sa kanila ngunit hindi rin nila alam kung sino. Masyado raw private ang buhay ng Chairman ng DS at mailap ito sa mga tao.
Halos tatlong oras siyang natapos mula sa pagsusulat nang makarinig siya ng kaluskos sa harapan ng pinto. Binuksan niya iyon at isang maliit na kahon ang kanyang nakita Tumingin-tingin siya sa paligid ngunit wala namang tao. Kinuha niya ang kahon at binuksan iyon, pagkakita sa laman, bigla niya itong nabitawan. Sa sobrang takot ay agad siyang pumasok sa loob saka isinarado ang pinto.
SAMANTALA sa bahay ng mga De Jesus, halos mabingi si Owen sa kasisigaw ng kanyang ina nang komprontahin siya nito tungkol sa kanila na ni Madice. Hindi talaga matanggap ng Donya ang dalaga para sa anak niya. Simula kasi nang maging magkasintahan ang dalawa, hindi na umuwi si Owen sa bahay ng magulang niya. Sa nabili niyang condo sa Taguig siya dumidiretso lalo 'pag nakikipag-meeting siya sa mga investors. Naisipan lang niyang pumasyal dahil nakauwi na ang Papa niya galing ibang bansa at gusto niya itong kumustahin. Pero wala pa si Don Alfonso roon dahil wala pa ang sasakyan nito. Kaya dumiretso na lang siya sa loob, dito na lang siya matutulog ngunit nadatnan niyang umiinom ng alak ang kanyang ina. Pagpasok niya ay agad siya nitong hinarap.
"I can't believe this, Owen. Pinagpatuloy mo talaga ang pakikipagrelasyon sa babaeng iyon!"
"How did you know that, Ma? Pinama-manman n'yo ba kami?" nagtatakang tanong niya rito.
"Sinabi ko na sa ʼyo noon, marami akong informer sa probinsya. Kaya sinasabi ko, sa ʼyo Owen. . . Layuan mo na ang babaeng ʼyon."
"Ma! I told you, mahal ko si Madice."
"Lintik na pagmamahal iyan. Hindi mo ba nakikita anak? Pera lang ang habol niya sa 'yo. Simula nang dumating ka sa buhay ng magkapatid, naging maayos na ang buhay nila."
"Hindi' yan totoo, Mama. May trabaho si Madice at kagustuhan ko na bigyan sila kung anong meron sila ngayon," pagtatanggol niya sa kasintahan.
"At pera ng kompanya ang ginagastos mo sa kanila."
"Sariling pera ko ho iyon, Mama. Pinagsikapan kong ipunin iyon para hindi n'yo ipamukha sa akin ang ibinibigay ninyo," Matapang niyang sagot. Ngunit sinampal siya ng ina.
"How dare you to say that to me, Owen. Sa amin parin nanggagaling ang perang ipinanggagastos mo dahil sa amin nanggaling ang kompanya!" diin nitong sabi.
"At ako ang nagpapatakbo no'n, Mama. Nakapangalan na iyon sa akin. So whatever I want, ako ang masusunod!"
"P'wede naming bawiin iyon sa 'yo! Nang dahil sa babaeng iyon, nagkaganyan ka na! Ni-brainwash niya ang utak mo! Iyon bang klase ng babae ang ipagmamalaki mo sa amin ng iyong Papa! Sa mga tao!"
"Oo, Mama! At wala nang iba pa! Siya lang, si Madice lang!"
"No!. . . I don't like her! Hindi ko siya gusto! Sinasabi ko, sa 'yo Owen. . . Iwanan mo ang babaeng iyon kung ayaw mong bawiin namin ang DS, sa ʼyo!"
"Wala na kayong magagawa, Mama. Kahit ano pa ang sasabihin n'yo, hindi ko ibabalik sa inyo ang DS. At hindi ko iiwanan si Madice dahil lang sa kagustuhan ninyo! I love her so much, Mama," matigas niyang wika sa matandang donya. Saka tinalikuran niya na ito.
"Huwag mong sagarin ang pasensya ko, Owen. Sinasabi ko, sa 'yo! Hindi mo alam kung anong kaya kong gawin lalo na sa babaeng iyon! pahabol nito sa kanya.
Hindi naman nagustuhan ng binata ang sinabi ng ina kaya humarap siya rito.
"I told you before, Mama. Huwag n'yo akong takutin. At ʼwag si Madice. Dahil 'di ko alam kung anong magagawa ko," pagbabanta niya saka tuluyan niya na itong iniwan.
"Sige! Ipagpilitan mo ʼyang gusto mo!" sigaw nito na siya namang pagdating ni Don Alfonso.
"Si Owen ba ang naririnig kong kasigawan mo, Elena?" agad nitong tanong sa asawa at ibinaba ang dalang attache case saka humalik sa matandang Donya.
"Oo, Alfonso at matigas na ang ulo ng anak mong 'yon. Ako pa ang tinakot niya. Nang dahil lang sa babaeng pipitsugin na iyon ay nagkakaganyan na siya," wika nito na parito-paroon ang ginagawang paglakad.
"Ba't 'di mo na lang hayaan ang
anak mo. Nasa tamang edad na siya," pagtatanggol nito kay Owen.
"Tamang edad? Oo. Nasa tamang edad na siya pero maraming babae riyan, Alfonso. Nandiyan si Selena, iyong anak ng mga kumpadre natin at mga anak ng mga shareholders natin. Pero sa mababang uri lang na babae siya nagkagusto."
"Hayaan mo na siya, Elena. Huwag mo na ipilit si Owen sa mga babaeng ayaw niya."
"Isa ka pa, Alfonso! Gusto mo ba na maubos ang pera ng kompanya dahil sa babae na iyon! Inuubos ng anak mo ang pera niya dahil sa magkapatid na Reyes. Iyon ba ang gusto mo!"
"Tumigil ka na Elena. Hindi ka ba nabibingi sa kapuputak mo? Gabi na baka magising pa ang mga kapitbahay sa 'yo, baka akala nila, nasusunugan tayo. May isip na ang anak natin. At huwag mo na ring ipilit ang gusto mo."
"Magsama kayo ng anak mo! Sinasabi ko sa inyo, hindi n' yo magugustuhan ang gagawin ko!"
"It's up to you kung anong gagawin mo basta walang masasaktan na tao. I know you, Elena," anito at tinalikuran na siya.
HINDI naman mapakali si Owen sa mga oras na iyon. Ayaw niyang matulog na hindi sila okay ng dalaga. Frustrated na siya sa mga nangyayari, dagdagan pa nang mga sunod-sunod na problema sa kompanya. Pati nanay niya'y nakikisabay pa. Muli niyang tinawagan si Madice ngunit hindi sinasagot ang tawag niya. Hanggang sa nakasampung dial na siya saka sinagot nito ang kanyang tawag.
"Galit ka ba, Mahal?" agad niyang tanong ngunit hindi sumasagot sa kabilang linya si Madice. "Mahal. . .magsalita ka naman," pakiusap niya. Narinig niyang bumuntong-hininga sa kabilang linya ang babae. "Nagtatampo ka ba sa akin, Mahal?"
"Akala ko ba magpapahinga ka na? Ba't tumawag ka pa?" galit nitong sambit.
"Hindi ako makatulog, Mahal. Hindi ako sanay na hindi mo ako sabihan ng ʼMahal Kitaʼ. Huwag ka nang magalit."
"HIndi ako galit, Owen. Naiinis lang ako. Sa tuwing nagtatanong ako, sa 'yo lagi ka na lang umiiwas. Pati iyong mga cellphone ng mga kapatid ko, hindi mo pa naipaliliwanag sa akin," sunod-sunod nitong wika.
Bumuga ng hangin si Owen saka muling nagsalita.
"Binigyan ko sila ng pera noʼng Linggo para bumili sila nang kani-kanilang sariling cellphone. At maagang pamasko na rin sa kanila." Napapikit siya sa sinabing iyon.
"Bakit mo ba 'to ginagawa, Owen? Saka saan ka kumuha ng perang ibinigay sa kanila. I-Iyong date natin? Estudyante ka pa lang, 'di ba?" tuloy-tuloy nitong sabi. Alam na ni Madice ang totoo na hindi lang simpleng tao ang kasintahan niya. Pero gusto niyang malaman dito mismo ang totoo nitong pagkatao. Iyong siya ang magsasabi sa kanya.
"Para may pantawag ka sa kanila.
Gabi ka na umuuwi at wala ka man lang pagkokontakan ni isa sa mga kapatid mo kaya, binigyan ko sila nang pambili. Saka, pamilya ko na rin sila dahil kapatid sila ng babaeng mahal na mahal ko."
"Hindi iyon ang gusto kong paliwanag, Owen. Ang gusto ko, iyong totoong pagkatao mo. . . . Kung sino ka talaga. Alam kong may inililihim ka sa akin. Kaya gusto kong malaman 'yon," diin nitong wika sa kanya.
Kinabahan si Owen doon. Hindi pa siya handang sabihin ang totoo lalo na at hindi gusto ni Donya Elena si Madice. Hindi siya agad nakasagot sa sinabing iyon ng dalaga. Mahabang Katahimikan ang pumagitna sa kanila. Ngunit ayaw rin naman niyang p*****n ng tawag si Madice. Humugot siya ng malalim na hininga at saka muling nagsalita.
"Ayokong magalit ka sa akin, Mahal. Pagdating ko riyan, ipaliliwanag ko lahat kung anong gusto mong malaman. I promise you that. But, please huwag tayong mag-away ngayon," sambit niya sa mahinahong boses.
"Ayaw mo pala na magalit ako, sa 'yo pero bakit ka naglilihim sa akin? Ni hindi mo man lang sinasabi kung anong ginagawa mo riyan at kung bakit lagi kang lumiliban sa klase nʼyo. Ano ba talaga ang pinagkakaabalahan mo at pabalik-balik ka riyan?"
"Saka ko na lang 'yan sagutin, okay. Miss na miss na kita, Mahal. Miss ko na lahat sa ' yo," malambing na aniya.
Napapikit si Madice sa kanyang narinig. Alam niya, ramdam niya ang totoong pag-ibig ng lalaki pero sa tuwing naaalala niya ang sinabi ng Donya ay napanghihinaan siya nang loob. Natatakot din siya sa p'wedeng mangyari lalo at pinagbantaan siya nito. Ngunit mahal niya si Owen.