ISANG malutong na tawa galing kay Zoe Yaffeh Madrigal ang umagaw ng kaniyang pansin nang matapos niyang makatayo mula sa pagkadapa.
"Dylan, ang laki mo na, pero lampa ka pa rin!" natatawang asar sa kaniya ng bestfriend niyang si Zoe. Hindi na lamang ito pinansin ni Dylan at kinuha ang kaniyang gamit na nahulog at muling naglakad patungo sa kanilang classroom.
"Uy, Dylan Rodriguez!” pagtawag ni Zoe sa buong pangalan ng binata. “Teka lang naman, haha!"
Patuloy ang pagsigaw niya sa pangalan ng kaibigan dahil hindi siya nito pinapansin. Nang mahabol si Dylan ay 'saka niya ito inakbayan sa balikat na parang lalaki. Hindi pa nakapagpigil si Zoe at kinurot pa si Dylan ng matagal sa kanang pisngi nito. Hindi na nakapagpigil sa inis si Dylan at hinarap si Zoe.
"Ano ba, Zoe?!" galit na tanong ng binata.
Sikat at tahimik na estudyante lamang si Dylan sa campus at halos lahat ng babae ay may gusto sa kaniya kaya nagtataka sila sa biglaang pagsigaw nito sa hallway. Napahiya na nga ito kanina ay mas dumoble pa ang pagkahiya nito ngayon.
"Wala ka na naman bang mapag-trip-an kaya ako ang biktima mo?!" Napatigil si Zoe sa pagpisil ng pisngi ni Dylan at napayuko na lamang ito dahil naramdaman niya ang inis ng kaibigan.
Napansin ng dalaga na maraming nanonood sa kanila at pinag-uusapan kung ano ang nangyari. Nang maisip niyang siya nga pala si Zoe Yaffeh Madrigal--- ang babaeng hindi nahihiya at ang babaeng gustong-gusto ng atensyon ng lahat. Bigla nitong inangat ang ulo at malawak na napangiti sa harap ni Dylan. Napailing na lang ang binata at dahan-dahan siyang napalunok dahil alam na niya ang sunod na gagawin ng kaniyang kaibigan.
Napadaing naman si Dylan nang malakas itong batukan ni Zoe. Napailing na lang ang mga nanonood dahil wala silang magawa para dito. Iba kasi ang ugali ni Zoe at mahirap itong kalabanin. Kung sabagay may pagka-boyish din kasi Zoe kaya lahat ng babae o mapalalaki pa man ay takot sa kaniya.
Malakas at dahan-dahang pumalakpak si Zoe at humarap sa mga chismosang nanonood sa kanila. "Okay, tapos na ang palabas. Bukas na naming itutuloy kaya magsipag-balik na kayo sa kaniya-kaniya niyong lungga!" natatawang utos ni Zoe habang tinataboy ang mga estudyante.
Mabilis namang umalis ang mga estudyante dahil sa takot. Humarap naman siya kaagad kay Dylan at nginitian nito ng pagkatamis-tamis, pero parang walang pakialam si Dylan at mabilis na pumasok sa classroom nila.
"Sungit!" sigaw ni Zoe kay Dylan at sumunod na rin ito sa loob.
Bata pa lamang ay sina Zoe at Dylan na ang laging magkasama. Kahit sino man ang lumapit sa kanila ay hindi nila kayang paghiwalayin ang dalawa dahil sa sobrang higpit ng attachment nito sa isa't isa. Nasanay na rin si Dylan sa ugali ni Zoe na may pagka-boyish at grabe kung mang-asar at mang-trip. Araw-araw ba naman silang magkasama at hanggang ngayong nasa kolehiyo ay silang dalawa pa rin ang nandiyan sa isa’t isa.
"Pst! Dylan!" mahinang tawag sa kaniya ni Zoe. Nasa harapan kasi ang guro nila at nagtuturo. Natatakot siyang makita na nakipagdaldalan ng kanilang terror s***h boring na professor niya.
Hindi pinansin ni Dylan ang tawag ni Zoe at patuloy itong nagta-take down notes habang nakikinig sa kanilang professor.
"Dylan!" mahinang tawag ulit ni Zoe ngunit may diin na sa boses nito. Sa pangalawang beses ay hindi pa rin siya pinansin ni Dylan.
Naghintay pa siya ng ilang minuto at hindi na siya mapakali sa kaniyang upuan. Naiinis siya dahil wala siyang makausap. Sobrang boring ba naman kasi ng pagtuturo ng professor niya at wala nang pumapasok sa utak niya maliban sa matapos ang klase ng kanilang guro.
Tinawag niyang muli si Dylan, pero hindi pa rin ito lumingon. Kaya kinalabit niya ito nang kinalabit dahil nasa harapan lamang ng upuan niya si Dylan. Sa sobrang inis ay hindi niya na napigilang sipain ng malakas ang upuan ni Dylan.
"Ano ba?!" galit na sabi ni Dylan at hindi niya napigilang mapatayo. Napatigil naman sa pagtuturo ang kanilang guro at nagsipaglingunan naman ang mga kaklase nila sa kanila.
"Yes, Mr. Rodriguez? What's the problem, and you chose to interrupt my class?"
"Sorry, Ma'am Badilla. Si Zoe po kasi sinipa ng malakas 'yong upuan ko," nakayukong paliwanag ni Dylan. Galit na humarap ang professor nila kay Zoe, pero bago pa magsalita ang kanilang guro ay mabilis ng tumayo si Zoe.
"Sinipa ko lang po 'yong upuan ni Dylan dahil sabi niya po ang boring daw po ng turo mo," nakangusong dahilan ni Zoe. Natigilan naman ang guro sa narinig lalo na nang marinig ang mahihinang tawanan mula sa iba pang estudyante.
"Zoe!" pagpigil ni Dylan sa kaniya, "I never said that!" inis na sagot nito.
Pasimple namang nginisian ni Zoe si Dylan. Alam niya kasing ayaw nito na sinisiraan siya sa harap ng guro lalo na at alam ni Dylan na makakaapekto ito sa mga grades na makukuha niya.
"Ma'am Badilla, oh! Binubulungan po ako ni Dylan. Ang sabi niya totoo naman daw talaga na boring ka magturo," pagsusumbong ni Zoe habang nakaturo pa kay Dylan. Napahampas naman ng noo si Dylan at wala ng nagawa.
"You two! Get out of my class, now!" naiinis na sigaw ng kanilang guro. Natahimik naman ang ibang mga estudyante na nagbubulungan at napaayos ng upo.
Mabilis namang kinuha ni Dylan ang gamit niya at padabog na lumabas ng silid. Samantalang si Zoe naman ay mabagal niyang kinuha ang gamit nito at mukhang nag-aasar pa. Tinarayan niya pa ang kaniyang mga chismosang classmate at bago lumabas ay malawak niyang nginitian ang kaniyang guro.
"Thank you, Ma'am Badilla! Ang galing mo talaga magturo!" naka-thumbs up pa na sabi ni Zoe sa harap ng professor niya. Mabilis itong tumakbo palabas dahil nakita niya na tila ba sasabog na sa inis ang professor nito. Hinanap naman ng mga mata niya si Dylan pagkalabas ng silid at sinundan niya ito nang makitang naglalakad palayo sa kaniya.
"Hi, Dylan, kaya love na love kita, eh!" sabi ni Zoe nang maabutan ito sa paglalakad. Alam niya kasing nakisakay rin ang kaibigan sa kaniya para mapalabas sila. Hindi naman siya pinansin ng binata kaya hinawakan niya ito sa kabilang braso at pinigilan sa paglalakad.
"Saan tayo pupunta?" masayang tanong ni Zoe. Hindi na nakapagpigilan si Dylan at galit siyang hinarap.
"Puwede ba, Zoe! Huwag mo na ako idamay sa mga kalokohan mo. Kung feeling mo natutuwa ako dahil pinagbibigyan kita noon, ngayon hindi na! Sumusobra na ‘yang ugali mo at hindi na maganda!” sumbat sa kaniya ni Dylan. Hindi naman mapigilan ni Zoe na hindi masaktan dahil ngayon lamang nagsalita ang kaibigan sa kaniya no’n.
“Anong gusto mong gawin ko?” malumanay na tanong ni Zoe.
“Gusto kong mapag-isa kahit ngayon lang. Lumayo ka muna sa akin!" may galit pa rin sa pagbigkas ang pagkasasabi nito. Napaisip naman ang dalaga sa sinabi sa kaniya at kahit papaano ay ayaw niya pa ring iwan si Dylan. Humakbang ng limang beses paatras si Zoe.
"Oh, ayan! Malayo na tayo sa isa't isa. Mag-isa ka na sa puwesto mo ngayon. Siguro naman ay hindi mo na a---"
"Ayaw kitang makita!" pagtigil ni Dylan sa sasabihin niya. Napakunot naman ang noo ng dalaga rito.
"Edi, pumikit ka! Basic!" dahilan ni Zoe. Sa totoo lang ay alam niya kung ano ang gustong i-point ng binata, pero ayaw niya lang gawin. Alam niyang nagsasawa na ito sa ugali niya.
"Ano ba, Zoe?! I'm serious!" naiinis na sabi ni Dylan.
"Mukha rin ba akong nagbibiro?"
"Tsk! Wala ka talagang kuwenta!" inis na sigaw ni Dylan.
Mabuti at nakasarado ang mga pinto ng classroom kaya hindi naririnig ang bangayan ng dalawa sa hallway. Wala namang nagsalita sa kanilang dalawa kaya nang biglang tumunog ang bell hudyat na tapos na ang klase ay pinagpatuloy ni Dylan ang paglalakad palayo kay Zoe.
Pasimple namang napatawa si Zoe dahil sa naging reaction ng kaibigan. Alam niya kasing hindi rin siya matiis ni Dylan. Hindi niya mapigilang mapangiti dahil napo-pogian siya kay Dylan kapag naiinis ito sa kaniya. Bata pa lang kasi sila ay may gusto na si Zoe kay Dylan kaya ayaw niya talagang mapalayo sila sa isa't isa.
Sinundan niya naman ito, pero nawala rin ang ngiti sa labi niya nang makita niyang may naglakas loob na babae na lumapit sa taong mahal niya. Nakangiti ang babae na ito habang iniaabot ang hawak nitong papel kay Dylan.
Hindi mapigilang mapaisip ni Zoe kung sino ang babaeng ‘yon.