“ATE SUMMER, you’re here!” tuwang-tuwa na tili ni Mia nang makapasok sila ni Mark Anthony sa resthouse nito. Agad siyang sinalubong nito ng mahigpit na yakap. Na para bang close na close na sila at ang tagal nilang hindi nagkita. Samantalang gabi na sila naghiwalay kagabi pagkatapos nilang mag-movie marathon. Nagkasundo kasi sila sa mga horror movie. “Dito ka po magbi-breakfast?”
Nakangiti na tumango-tango si Summer. “Yes, baby. Ipagyayabang daw sa’kin ng Kuya Mark mo ang lobster mac and cheese niya.”
“I can prove it, Ate Summer. Hindi lang the best CEO si Kuya Mark, magaling na chef din po siya. At the best nurse din po. Alam mo ba na siya ang nag-aalaga sa’kin?”
Mark Anthony groaned, “Thanks, baby sis. Siguro, dadalhin ko rito palagi ang Ate Summer mo para palagi mo rin akong binobola.”
Nagkatawanan silang tatlo.
“Mukhang nagsasabi naman ng totoo ang kapatid mo, Mark.” Ngumiti siya sa binata. “Tingnan mo nga. Nandito ka sa Batanes habang nagwo-work as CEO tapos pinagluluto at inaalagaan mo pa ang kapatid mo. Nagma-manage ka rin ng resort mo paminsan-minsan.”
“Multitasker talaga ang kuya ko na ‘yan, Ate Summer. Kaya ang suwerte-suwerte po ng babaeng mapapangasawa niya.”
“O, tama na,” natatawang awat ng binata kay Mia. “Baka isipin pa ng Ate Summer mo na ibinebenta mo ako sa kaniya.”
Pero ayaw pa ring tumigil sa pangungulit ni Mia. Yumakap pa ito mula sa likuran ni Summer na tila naglalambing. “May boyfriend ka na po, Ate Summer? Sana wala pa para kayo na lang ni Kuy—”
“Mia!” mabilis na saway ni Mark Anthony sa kapatid at sa pagkakataong iyon ay may awtoridad na ang boses nito.
Samantalang ibinaling naman ni Summer ang ulo niya sa gawi kung saan niya naramdaman ang presensiya ng binata. Damang-dama niya ang matiim na pagtitig nito sa kaniya. Despite her blindness, hindi pa rin kaya ng dalaga na humarap nang matagal kay Mark Anthony nang mga oras na iyon kaya nagbawi siya ng tingin.
“Sorry po, Kuya,” narinig niyang wika ni Mia. Umalis ito sa likuran niya at naramdaman niya na lumapit ito sa nakatatandang kapatid. “Don’t be mad na po, please? Hug na lang kita.”
“Kuya’s not mad. Pero mas okay kung i-hug mo si Kuya.”
A smile spreads across Summer’s face. Natutunaw ang puso niya sa sweetness ng magkapatid. Bigla tuloy niyang na-miss si Rhaine. Ganoon din naman sila ka-lambing sa isa’t isa basta hindi tinotopak ang kakambal niya o kaya kapag hindi nangingialam ang daddy nila.
“Inumin mo muna ‘yong gamot mo na pang-before meal para makakain na tayo. Nakakahiya naman sa Ate Summer mo at pinaghintay pa natin,” kapagkuwan ay baling ni Mark Anthony sa dalaga bago nito tinawag ang private nurse na katuwang daw nito sa pag-aalaga kay Mia para painumin ng gamot ang kapatid.
Mahina siyang natawa. “Hindi naman. Excited lang akong matikman ang ipinagmamalaki mo.”
“Let’s go.” Muling itinulak ni Mark Anthony ang wheelchair ni Summer patungo sa dining room.
Iyon pa lang ang pangalawang beses na nakaapak siya sa resthouse na iyon. At kahit hindi man nakikita, sigurado si Summer na malawak iyon at marangya. Bukod sa ikinuwento na rin sa kaniya ni Mia na two-storey daw iyon at may limang malalaking silid.
“Mayap unga, Ma’am Summer,” bati sa kaniya ng caretaker daw ng resthouse na iyon nang makarating sila sa dining room. Naabutan nila ito na naghahain. Sa unang pagkikita pa lang nila ay magiliw na ito sa kaniya.
Ubod ng tamis na nginitian niya ito. “Magandang umaga din po, Manang Tasya.”
Naramdaman niya na ngumiti rin ito sa kaniya bago hinarap ang amo. “Sa kusina lang ho ako kapag may kailangan pa kayo, Sir Mark.”
“Hindi ho kayo sasabay sa amin, Manang Tasya?” nagtatakang tanong ng binata.
Hindi lingid kay Summer na isa sa magandang pag-uugali ni Mark Anthony ay hindi ito matapobre. Kaya nitong ituring na tila kapantay lang kahit ang mabababang tauhan. Kaya nga kasabay na kumakain ng mga ito si Manang Tasya. Ganoon din daw ang mga katiwala nito sa Manila, ayon na rin sa caretaker noon nagkausap sila. At isa iyon sa mga nagustuhan niya sa binata.
“Salamat ho, Sir Mark. Pero mamaya na lang ho ako kakain. Hihintayin ko pa si Danny at pumalaot pa,” ang asawa nito ang tinutukoy.
Nang makaalis ang caretaker, naramdaman ni Summer na hinawakan ni Mark Anthony ang kamay niya at saka siya inalalayan sa pagtayo. “Lumipat ka na rito sa silya para mas makaupo at makakain ka nang maayos,” masuyo nitong wika habang iginigiya siya paupo.
Samantalang nagpatiano lang si Summer sa lahat ng ginagawa ng binata. Hindi man niya ipinapakita ngunit aminado ang dalaga na natutunaw na naman ang puso niya. Kailan man ay hindi niya naranasan ang ganoong pag-aalaga sa mga naging nobyo niya, kahit kay Walter noon.
Nang masiguro ni Mark Anthony na maayos na siyang nakaupo, saka naman niya narinig ang paghila nito ng isa pang silya sa katabi niya. “Dito na lang uupo si Mia. Alam mo naman, hindi iyon papayag na hindi kayo magkatabi,” tumatawang saad nito na ikinatawa lang din ng dalaga.
“Thank you,” nakangiting wika niya rito.
“My pleasure. Basta relax ka lang.” Tinapik nito nang marahan ang balikat niya. “Ako ang bahala sa’yo. This morning, ipapatikim ko sa’yo ang mga pagkaing walang kasing sarap,” anito sa tonong nagbibiro bago nito inilagay ang table napkin sa lap niya.
Itinuro din nito sa kaniya ang iba’t ibang uri ng kubyertos at palamuti sa ibabaw ng lamesa sa mga sandaling iyon. Gayon din ang iba’t ibang pagkain na nakahain sa kanilang harapan ay isa-isa nitong ipinaliwanag. Hanggang sa narinig ni Summer ang paghila naman nito sa silya na katapat niya.
Natameme na lang ang dalaga. Wala na siyang masabi sa pagiging maalaga ni Mark Anthony.
“Hmmm. Ang bango!” hindi napigilang bulalas ni Summer nang manuot sa kaniya ang mabangong amoy. “Iyan na ba ang ipinagmamalaki mong Lobster Mac and Cheese?” Para kasing iyon lang ang hindi nito ipinakilala sa kaniya.
“Yep. And I made this with love and care,” biro pa nito bago niya naramdaman ang paglapit ng kutsara sa bibig niya. “Here. Tikman mo muna.”
Kailangan ba talaga na subuan siya nito? Pero magmumukha lang siyang nag-iinarte kung tanggihan niya. Kaya kahit naiilang man, tinanggap na lang ni Summer ang kutsara na inilapit ni Mark Anthony sa bibig niya.
At hindi niya napigilan ang panlakihan ng mata dahil sa sobrang sarap. “Mmm… mayap!” Mmmm… delicious! Napadila pa siya nang maramdaman niyang may kaunting kumalat sa bibig niya. “Sooooo… perfect!”
Nagsasabi siya nang totoo. Isang kutsara pa lang ang natikman niya sa recipe na ipinagmamalaki ni Mark Anthony pero mukhang makakalimutan na niya ang pangalan niya, ayon nga sa biro ng iba. Halos lahat ng mac and cheese ay natikman na ni Summer. Ngunit ang recipe na iyon ng binata ang pinakamasarap sa lahat.
“Mabuti naman at nagustuhan mo,” nasisiyahang wika nito nang makita ang reaksiyon niya. “To be honest, kinabahan talaga ako. Akala ko kasi, hindi mo magustuhan.”
“Really?” She almost glared at him. “Ang sarap-sarap kaya! Puwede bang isa pa?”
“Sure!” masiglang sagot nito. “But before that…” Napapitlag ang dalaga nang maramdaman niya ang pagdampi ng daliri nito sa gilid ng kaniyang mga labi at pinahid ang natitirang kalat.
Nahihiya namang kinagat ni Summer ang ibabang labi niya. “I’m sorry. Ang sarap nga naman kasi ng recipe mo…”
“I’m glad you like it,” anito at naramdaman niya ang pagngisi nito.