Chapter Two

1119 Words
“Pagkatapos nating kumain ay umpisahan mo na mag-impake ng mga damit mo.”   Nandito kami sa hapag, kasalukuyang naghahapunan. At natigilan ako sa dapat na pagsubo ng aking kinakain dahil sa narinig mula sa kaniya. Marahang ibinaba ko ang kubyertos at tumingin sa kaniya.   “Bakit po, papa? Papalayasin n’yo na po ba ako?”   Nalungkot ako roon. Alam kong madalas ay pasaway ako, pero mabait naman ako minsan. At saan na ako pupunta? Wala akong ibang alam na pwedeng kumupkop sa akin kapag umalis ako rito. Bakit niya papalayasin ang sariling anak sa kanilang bahay? Kaming dalawa na nga lang ang magkasama, tapos maghihiwalay pa kami. Napabuntong-hininga na lang ako.   “Ano ba ang iniisip mo, anak?” Humalakhak ang ama ko kaya pansamantalang naantala ang pag-iisip ko sa mga bagay-bagay. Pinagmasdan ko siya na tawang-tawa pa rin. Masaya ba siyang mapapaalis na ako rito sa bahay?   “Aray ko!”   Mabilis na lumapit ako sa kaniya at hinagod ang likod niya nang muntik pa siyang masamid dahil sa sobrang katuwaan.   “Dahan-dahan kasi, papa. Alam mo po na kumakain tayo tapos babanat kayo ng tawa riyan.” Napailing na lang ako.   Tumikhim siya ng ilang beses at nang maayos na ang pakiramdam ay doon lang ulit nagsalita. “Ikaw naman kasi, anak. Masiyado mong pinapasaya ang iyong ama,” saad niya na natatawa pa rin.   “Talaga po ba na masaya pa kayo na papalayasin ninyo ako?” Napanguso ako at muling bumalik sa pagkakaupo. “Ayaw mo na ba sa akin, papa?”   “Ano ka ba naman, anak? Maaari ba naman na palayasin kita rito sa bahay natin? Naloloka ka na ba?” Inabot niya ang ulo ko at ginulo ang buhok ko.   “Ang sabi mo po kasi ay umpisahan ko nang mag-impake ng mga damit ko. Siyempre ang iisipin ko po ay pinapalayas n’yo na ako,” sagot ko sa kaniya.   Umiling siya at ngumiti. “Hindi lahat ng mga pinag-iimpake ay pinapalayas. Minsan talaga ay ang layo na ng nararating ng isip mo, anak.”   Napatawa rin ako sa sinabi niya. At totoong lumuwag ang pakiramdam ko. Parang mayroong tinik na natanggal sa dibdib ko. Akala ko kasi ay totoong mapapalayas na ako rito sa bahay dahil sa pagiging pasaway ko sa mga kasambahay namin.   “Mayroon akong bagong negosyo sa probinsya ng Umami. Siguradong magtatagal ako roon. Hindi naman kita pwedeng iwan dito kaya isasama kita pagpunta ko ro’n,” saad niyang muli.   Kumunot ang noo ko. “Saang probinsya po iyon? Bakit ngayon ko lang narinig?” tanong ko.   Uminom muna siya sa basong nasa tabi bago muling nagsalita. “Sa probinsyang iyon ako lumaki. Sanggol ka pa noong huli kitang dinala roon kaya hindi mo na matatandaan,” paliwanag niya.   “Sige po.”   Tumango na lang ako. Bakit pa nga ba ako nagtatanong? Kahit anong sagot naman ni papa sa mga tanong ko ay wala akong matatandaan sa mga iyon. Wala namang bago kapag hindi pamilyar sa akin ang mga bagay. Pakiramdam ko ay sumasabay na lang ako sa agos ng mundo. Gumagalaw ako kahit na puno ng katanungan ang utak ko.   “Aayusin ko po agad mamaya kapag natapos tayong kumain.” Isang tipid na ngiti ang iginawad ko sa kaniya. Hindi ko na ipinahalatang bigla akong nawalan ng gana dahil na rin sa mga iniisip ko.   Ngumiti siya sa akin at tinanguan ako. “Nagpasya na rin akong doon ka na muna i-enrol para sa susunod na pasukan. May university roon na pwede mong pasukan. Maganda rin ang ibinibigay nilang pagtuturo sa mga estudyante.”     “Sige po. Kayo ang bahala, papa. Kayo naman ang nagbabayad ng tuition fee ko.” Papayag na lang ako sa lahat tulad nga noong sinabi ko ay halos sumusunod na lang naman ako sa daloy ng mga pangyayari sa mundo.   “Hindi, anak. Siyempre ay ikaw pa rin ang tatanungin ko dahil ikaw pa rin ang mag-aaral. Ayos lang ba sa iyo na lumipat ka ng school kahit na tatlong taon ka roon sa dati mong pinapasukan?” he asked and I appreciate him asking for my opinion. Pero katulad nga noong sinabi niya, kung sakali siyang matatagalan doon ay mabuti pa nga na sumama na lang ako.   “Ayos lang po sa akin iyon, papa. Madali lang naman akong makakapag-adjust kung sakaling bago ang papasukan ko. Ano po ang pangalan ng school?” tanong ko.   Tapos na rin naman ang klase para sa taong ito. Ayos lang sa akin dahil wala naman akong maiiwan sa dati kong school. Nakakalungkot isipin na sa loob ng tatlong taon kong pag-aaral sa dati kong school ay hindi ako nagkaroon ng kahit isa man lang na kaibigan. Hindi ko alam kung ako ba ang may ayaw sa kanila, o sila lang ang talagang may ayaw sa akin.   “Sana naman, Catalina, ay magkaroon ka na ng mga kaibigan doon sa probinsya na pupuntahan natin. Hindi ka ba nalulungkot na wala kang ibang makausap? Subukan mo rin na makipagkilala sa iba at sigurado akong marami kang matututunan sa kanila,” saad ni papa.     Pinunasan ko muna ng tissue ang aking labi bago tumingin sa kaniya. “Kasalanan ko po bang ayaw nila akong kaibiganin? Gusto ko naman po, pero siguro ay may mali sa akin kaya ayaw nila akong maging kaibigan.”   Kahit gustuhin kong magkaroon ng mga matatawag na kaibigan ay wala akong magagawa kung sila na ang umaayaw sa akin. Madalas ay naiisip ko na siguro nga ay may mali sa akin. Sa tuwing pinapanood ko ang ibang mga tao ay nararamdaman ko ang kagaanan ng kanilang mga loob. Hindi tulad ko na parang ang daming dinadala na kahit ako ay hindi ko rin alam. Parang ang bigat ng nakaatang sa likod ko na hindi ko naman nakikita. Kaya nga minsan ay mas gusto kong mag-isa na lang ako. Sa ganoong paraan ay hindi ko kailangan ipagsiksikan ang sarili sa mga ayaw naman sa akin.   Malungkot na binalingan niya ako ng tingin. “Malaki ang paniniwala kong marami kang matututunan sa bagong lugar na ating pupuntahan. Hihintayin kong magkaroon ka ng mga kaibigan, anak. At tiyak kong ako na ang pinakamasaya kapag nangyari iyon.”   Bumuntong-hininga siya bago sumilay ang ngiti sa mga labi. “Cheer up, anak! Maraming magandang bagay na naghihintay sa atin sa lilipatan nating lugar.”   I looked at him and nodded. Binigyan ko rin siya ng isang totoong ngiti. “Maraming salamat po, papa.”   Ang dami kong utang sa kaniya. Hindi siya nakakalimot na iparamdam sa akin na mahal na mahal niya ako at gustuhin ko man na makaramdam din noon ay hindi ko makapa sa puso ko. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD