NAGISING AKO na sobrang sakit ng ulo ko. Marahan akong bumangon habang sapu-sapo ito. Naparami na naman ang ininom ko kagabi.
Pero kahit na gano'n, nagpapasalamat pa rin ako dahil hindi ako pinabayaan ni Travis. Maasahan talaga ang lalaking 'yon.
Bumangon na ako at kaagad na tumungo sa kusina. Isinaksak ko ang heater at hinintay na kumulo ito nang sa ganoon ay makapag-kape na ako.
Bumalik ako sa kuwarto ko bitbit ang isang mug ng kape at hinarap ang aking laptop. Binuksan ko ang f*******: account ko at isa-isang sinagutan ang mga private messages ng mga customer at reseller ko. Binisita ko rin ang group chat namin ng resellers ko.
Pagkatapos ay inisa-isa ko ang mga comments sa p-in-ost kong mga product na ibinebenta ko: jewelries, shoes, dresses, watch, accessories, at marami pang iba.
Nang maubos ang kape ko ay kukunin ko na sana ang cellphone ko para tawagan si Travis para mag-almusal sa labas dahil alam nitong sa tuwing nalalasing ako ay tinatamad akong magluto labas. Pero napatigil ako nang biglang may kumatok sa pinto.
"Sino 'yan?" Tumayo ako at lumapit sa pintuan. Sinilip ko ang maliit na butas sa pinto para malaman kung sino iyon. Laking gulat ko nang makita si Rhyzon na nakasuot ng formal suit at may dala-dalang isang supot na may logo ng isang sikag na fast-food chain.
Dali-dali ko itong binuksan. Pagkabukas ko ay bumungad sa akin ang matamis niyang ngiti na hinahayaan akong makita ang pantay at maputi niyang mga ngipin. Sobrang guwapo niya sa ayos niya ngayon.
"Good morning, Bley," he greeted, sweetly. Inilahad niya sa akin ang dala niyang supot. "Breakfast for you?"
Ngumiti ako at kaagad itong tinanggap. "Thank you."
"Sige, aalis na ako dahil may meeting pa ako kasama ang board. Ang totoo kasi niyan ay napadaan lang ako para ibigay sa 'yo 'yan. Travis told me na hindi ka pa nagkakapag-breakfast." Nagmadali na siyang umalis kahit hindi pa ako nakakapagsalita.
Kaya pala pormal na pormal ang suot niya ngayon. Maybe it has something to do with the transferring of position of his Dad as their company's CEO to him.
Napatingin ako sa supot na dala ibinigay niya. Akala ko sa kaniya ito nanggaling. Umasa na naman ako. Pero okay lang, sanay na naman ako, e.
NAG-UNAT AKO ng kamay matapos kong asikasuhin ang lahat ng dapat asikasuhin. Tumayo na ako at sandaling tumambay sa sala para manood ng paborito kong noontime show.
Isa rin kasi ito sa mga rason ng happiness ko. Paborito ko kasi ang isang host nila na nag-uumapaw sa humor.
Biglang tumunog ang sikmura ko kaya natauhan ako. Damn, kailangan ko na palang mag-lunch. At dahil sa tinatamad ako at may kaibigan akong owner ng restaurant, mabilis akong pumunta sa banyo at naligo.
Nang matapos na ako ay kaagad kong tinawagan si Travis habang pinapatuyo ang buhok ko gamit ang hairblower.
Ilang ring pa lang ay sinagot na niya ito. "Hello, Sib?"
"Trave, pakainin mo naman ako riyan sa restaurant mo, o! Gutom na gutom na kasi ako at tinatamad akong magluto."
"Sure. Sunduin kita riyan?"
Napangiti ako at tumango kahit hindi naman niya nakikita. "Sure, sure. Sige, maghahanda na ako."
Ibinaba ko na ang telepono t kaagad na hinarap ang aking closet. Dabest talaga ang bestfriend kong 'yon. Sobrang swerte siguro ng babaeng mamahalin niya.
Nagsuot lang ako ng simpleng white floral dress at white stilettos. Pinarisan ko ito ng maliit na puting sling bag. Humarap ako sa salamin at nilagyan ng foundation ang mukha ko. Naglagay din ako ng lipstick na kulay light pink.
Excited akong lumabas ng apartment ko para hintayin si Travis. Habang naghihintay ay nakita ko si Jordan Abuelo, nakatira sa apartment na katabi lang ng sa akin. Nililinis niya ang kaniyang kotse pero sa akin nakatingin.
"Hi, Sibley! Ang ganda mo ngayon, a?" Hindi ko nagustuhan ang tono ng pananalita niya. Parang may lihim siyang pagnanasa sa akin.
Hindi sa nagfe-feeling maganda ako, ha. Pero iyon talaga ang nararamdaman ko. And the way he look at me and my body? It creeps me out like hell.
Hindi ko siya pinansin at nagkunwari akong abala sa paggamit ng cellphone.
"Pansinin mo naman ako, Sib!"
Mabuti na lang talaga at dumating na si Travis. "Sib, halika na."
Dali-dali akong sumakay sa passenger's seat para maiwasan ko na ang lalaking 'yon. Nang makapasok ako ay muli ko siyang sinulayapan. At dahil sa ibinaba ni Travis ang salamin ng kotse ay malaya akong nakikita ni Jordan. Kinabahan ako nang makita ko kung paano niya akong tignan. Bahagya pa siyang kumindat bago dinilaan ang kaniyang ibabang labi.
"May problema ba, Sib?" tanong ni Travis kaya napatingin ako sa kaniya.
Tinignan niya si Jordan na ngayon ay bumalik na sa ginagawa niya. Pagkatapos ay tinignan niya ako at kinunutan ng noo. "Kinukulit ka ba ng lalaking 'yon?"
"Hindi naman. Siguro dala lang ng gutom kaya ako nagkakaganito," pagsisinungaling ko para hindi na magtanong pa si Travis.
"Okay," parang hindi sang-ayong sagot nito bago pinaandar ang sasakyan.
Habang bumabiyahe kami papunta sa restaurant niya ay tinanong niya ako kung dinalhan ba raw ako ni Rhyzon ng almusal.
"Yep, he did. Thank you for telling him," nakangiting saad ko kahit na may disappointment akong nararamdaman.
"Sinabi niyang sa 'yo?" nakangusong tanong niya. "I told him not to."
"At bakit naman?" taas-kilay kong tanong.
Hindi siya sumagot kaya nabatukan ko siya. "Ikaw ha, kakapangaral mo lang sa akin kagabi na tumigil na sa pagpapakatanga kay Rhyzon, pero ano itong ginagawa mo, ha?!"
"Sinusuportahan ka sa pagpapakatanga mo. Since hindi na magbabago ang isip mo, as a supportive bestfriend, susuportahan na lang kita," nakangiting sagot niya. Pero ewan ko ba, nakita ko ang sakit sa mga mata niya. Siguro ay nasasaktan siya para sa akin. Don't worry, Trave. Darating ang time na mamahalin din ako ni Rhyzon at ikaw naman ay makakatagpo ng babaeng magmamahal sa iyo nang higit pa sa inaakala mo.
"Basta tandaan mo support lang ako sa kahibangan mo."
"Baliw ka!"
"Baliw sa 'yo."
Napakunot ang noo kong hinarap siya. "Anong binubulong-bulong mo? Minumura mo ako, 'no?"
"Hindi kita minumura! Minamahal kita."
"Ano ba kasi 'yang binubulong mo, ha? Sasabunutan na talaga kita, Trave. Makikita mo!"
"Sana ang halaga ko rin makita mo."
"Bwisit ka! Nako kung hindi lang talaga kita bestfriend at hindi mo ako ililibre ng lunch? Sinabunutan na talaga kita!"
Pinigilan ko ang sarili ko dahil baka masabunutan ko talaga siya. Nagmamaneho pa naman siya. Mahirap na, 'no.
Tumawa lang siya at p-in-ark ang sasakyan sa gilid ng restaurant niya. "We're here," sabi niya saka bumaba.
Naghintay naman ako na pagbubuksan niya ako ng pinto pero hindi niya ginawa. Inis akong bumaba at pinameywangan siya. "Bakit hindi mo ako pinagbuksan ng pinto?" medyo may pagtatampo kong sabi dahilan para matawa siya.
"You told me that the era of gentlemen has finally ended. Remember last night?" pang-aasar nito. "At isa pa, bestfriend kita, hindi girlfriend!"
I rolled my eyes and flipped my hair. "Whatever."
"Pero kapag naging tayo, hindi lang pagbubukas ng pinto ang gagawin ko para sa 'yo. Kaya ko pang ibigay ang mga bagay na hindi kailanman maibibigay ni Rhyzon."
Ayan na naman siya sa pagbulong-bulong na iyan! Hinarap ko siya at binatukan, pero hindi naman ganoon kalakas. Tama lang.
"Tigil-tigilan mo ako sa mga bulong-bulong na 'yan, Trave, ha! Nako, isang bulong pa at susuntukin ko talaga ang bibig mo!" pagsusungit ko. "Tara na nga sa loob. Gutom na ako."
Tumawa siya. "Wow naman, matapos mo akong sungitan, ha."
"Tara na kasi. Promise, gutom na gutom na talaga ako."
Ngumiti lang siya bago ako inakbayan at sabay na kaming pumasok sa loob. Wala namang malisya, e. Para ko na siyang kapatid. Pagkapasok namin ay nabigla ako dahil nakahanda na ang lunch namin.
"Handang-handa, a," puri ko bago umupo at kaagad na inilagay ang table napkin sa aking kandungan at nagsimula nang kumain.
"Hinay-hinay lang, oy. Hindi ka mauubusan," natatawang awat niya sa akin pero wala akong pakialam. Gutom na gutom talaga ako at sobrang sarap ng mga nasa lamesa.
Kumain na rin siya at sinabayan ang bilis ko. Ito talaga ang na-miss ko. Sa tuwing kumakain kasi kaming dalawa noong college pa kami, pumupunta talaga kami sa isang sikat na kainan na may unli rice, at doon nagpapaligsahan kami sa kung sino ang mas maraming mauubos na kanin. Ngayon lang namin ulit ito nagawa after naming gr-um-aduate ng college.
"Ang matalo manlilibre buong linggo," sabi nito sa kalagitnaan ng pagkain niya.
Napataas ang kilay ko bago ngumisi. "Sige, ba!"
Sa kalagitnaan ng pagkain namin ay biglang tumunog ang message alert tone ko kaya tumigil ako saglit para tignan kung sino iyon.
Pagkabukas ko ng message ay nakita ko ang pangalan ni Rhyzon. Napangiti ako bago ito binuksan.
'Are you free this afternoon? Can we have fun for a bit?'
Here he goes again. Maybe he's horny as hell right now. And he can't find any girl around that's why he's calling me. Pero iyon din naman ang gusto ko. Ang hanapin niya ako at hindi ang ibang babae, nang sa ganoon ay kapag nasanay siya na ako lang ang kapiling niya, hahanap-hanapin na ako ng katawan niya.
"Sino 'yan?" pang-uusisa ni Travis at pilit pa talagang tumayo para tignan ang cellphone ko na kaagad ko namang inilayo.
"Customer ko."
Alanganing napatango si Travis. "Ah, okay," hindi kumbinsidong sabi niya bago itinuloy ang pagkain.
"Yeah. And kailangan kong umalis na ngayon din dahil importanteng customer ito, e. I can't lose this one," pagsisinungaling ko bago ko pinahiran ang magkabilang gilid ng aking labi. "Thank you talaga sa treat, Trave. Babawi ako sa susunod. And sa susunod na lang din natin ituloy ang contest, hehe. Sige, aalis na ako."
Tumango lang siya at hindi na ako kinibo pa. I badly want to ask him kung bakit ganoon ang response niya, pero kailangan ko na talagang umalis. Maybe sa susunod na lang.
Nang ilang hakbang na ang layo ko sa kaniya muli na naman siyang bumulong pero hindi ko narinig nang klaro.
"Hindi mo na kailangang magsinungaling, Sib."