MADALING-ARAW na nang ihatid si Stephanie ni Oliver sa hotel na tinutuluyan niya. Ayaw pa nga siya nitong paalisin ngunit nag-alala siya na baka hanapin na siya ng mga kaibigan niya kung hindi pa siya uuwi bago sumikat ang araw. Halos kulang siya sa tulog ngunit gising na gising siya at hindi pa maiwasang mapangiti habang lulan siya ng elevator. Kahit wala na si Oliver ay ito pa rin ang nasa isip niya. She had never felt this kind of giddiness before and she was loving it.
Nakarating na siya sa palapag nila pero para pa rin siyang luka-lukang nakangiting mag-isa. Ngunit dagling nawala ang ngiti niya at napahinto sa paglalakad nang makita ang nakahalukipkip na lalaking nasa tapat ng pinto ng hotel niya. Napangiwi siya nang makitang madilim ang mukha nito.
“Where have you been?” galit na tanong nito.
“Rob,” tanging nasabi niya sa manager nila. Paano ba niya ipaliliwanag dito kung saan siya nanggaling at ano ang ginawa niya?
Marahas itong nagbuga ng hangin at napailing. “What the hell is happening to you, girls? You’ve all acting so weird ever since you came here. If I knew you were all going to end up acting like this, I shouldn’t have let you return to the Philippines,” frustrated na sabi nito na ikinalito niya. “Follow me. I have an announcement to make, something I should have made last night. But you were all so difficult to find. Geez,” naiinis pa ring wika nito. Tumalikod na si Rob patungo sa silid na inookupa. Napasunod na lamang si Stephanie. Mukhang hindi lang pala siya ang wala sa hotel nang nagdaang araw.
Naroon na sina Anje, Ginny, Yu, at Carli. Mukhang napagalitan din ni Rob ang mga ito base sa ekspresyon ng mukha. Mabilis siyang umupo sa natitirang espasyo sa tabi ni Anje. Nanatiling nakatayo habang makapamaywang si Rob sa harap nila. Mukhang balak nitong manermon ngunit nagbago ang isip at bumuntong-hininga na lang.
“Mr. Gallante told me the publicity team has already finished their preparations. He had already approved your songs too. We will fly back to the US by next month for the photo shoots.”
“Wait, Rob, what do you mean he already approved our songs? Hindi ko pa nabibigay sa `yo ang sa akin, ah,” nagtatakang tanong niya. May mga stanza pa kasi siyang balak baguhin sa gawa niya.
“You didn’t. So I took the initiative of getting it from your room. Don’t worry. he loved it.” Pagkatapos ay nagpatuloy na ito sa pagsasalita.
Napanganga siya. Tungkol kay Oliver ang kantang iyon, o mas tamang sabihin tungkol sa hinanakit niya sa akala niya ay panloloko nito. Paano niya haharapin si Oliver kapag narinig nito ang kantang iyon?
Pagkatapos ay biglang rumehistro sa kanya ang sinabi ni Rob na babalik na sila sa Amerika sa susunod na buwan. Magkakahiwalay na sila ni Oliver. Tila may dumagan na mabigat na bagay sa dibdib niya. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghihiwalay nila. Pero sumige pa rin siya at hinayaan ang sariling mahalin ito.
Papayag kaya ito sa long-distance relationship? Worst, papayag kaya ang producer nila na makipagrelasyon siya? Naalala niyang matinding pakiusapan ang ginawa nilang lahat para lang payagan nito si Cham noon na makasama si Rick. Hindi na nila maaaring gawin iyon ngayon.
“And so, expect busy days ahead because Mr. Gallante also gave me the go signal to accept one magazine special interview for you, girls. I still don’t know what magazine is, though.”
Muling bumalik ang atensiyon niya rito. “Let’s go for Exposed,” bulalas niya bago pa niya napigilan ang sarili.
Napatingin sa kanya ang lahat. Kumunot ang noo ni Rob. “How do you know about Exposed?”
Napatingin siya kina Anje at Ginny at mukhang nakuha ng mga ito ang nais niyang mangyari. Naikuwento na kasi niya sa mga ito ang tungkol kay Oliver.
“May nabasa kami n’on last week at mukhang maganda naman ang magazine na `yon. Let’s go for it, Rob,” sabi ni Ginny. Muntik na niya itong yakapin sa labis na pasasalamat sa pagsuporta nito sa kanya.
“That magazine is about to stop circulating. We should get a more famous magazine to feature you,” sagot ni Rob.
“Rob, wouldn’t it be nice if their sales suddenly went up because of us? That’s good publicity compared to us just showing up in a magazine that’s already famous,” pangungumbinsi pa niya.
Mukhang nakuha niya ang atensiyon nito nang dahil doon. “Well, you have a point. Okay, I’ll get Exposed then.”
Muntik na siyang mapatalon sa tuwa sa sinabi nito. ngumiti siya nang matamis. At least, may magagawa siya para kay Oliver bago man lang sila maghiwalay.
“LOOKS like you are about to win our deal.”
Sa kabila ng kalamigan ni Oliver sa kanyang ama ay hindi niya naiwasang mapangisi nang husto sa sinabi nito. “Of course, who do you think I am?”
Nagpunta ang ama sa department nila nang araw na iyon. Abala siya at ang staff niya dahil sa wakas ay pumayag din ang management ng Wildflowers na sa Exposed ibigay ang exclusive interview ng banda. Sa kanila lamang mababasa sa buong Asya ang special interview na iyon. Kasalukuyang nasa pinakamalaking studio nila roon ang grupo para sa photo shoots at interview proper. Papunta pa lamang sana siya roon upang silipin ang mga ito nang dumating ang kanyang ama.
“This is the first time you smiled at me like that in ten years. And I know who you are, Oliver. You are my son. And I am proud of you,” wika ng kanyang ama, pagkatapos ay ngumiti ito.
Hindi siya nakahuma dahil sa pagkabigla. Iyon ang unang beses na sinabi nito iyon sa kanya. Kung hindi lang siya tinawag ng isa sa staff niya ay hindi siya matatauhan. “I have to go check the photo shoot,” paalam niya sa ama.
Tumango ito. “I was just about to meet Daressa. Gusto rin daw niyang sumilip sa photo shoot. She said she’s a fan of the band,” sagot nito.
Muntik na siyang mapaismid. Sa halip ay tumango na lamang siya at tinalikuran na ito. May palagay siyang hindi iyon ang dahilan kung bakit pupunta roon ang babae. Nahiling niya lang na sana ay matauhan na ang kanyang ama at malamang pinaglalaruan lang ito ng babaeng iyon.
Nawala sa isip niya ang mga ito nang makita na niya ang nakapinid na pinto ng studio. Napailing siya nang makaramdam siya ng antisipasyon habang papalapit doon. Naroon si Ivy. Isang linggo na silang hindi nagkikita dahil bantay-sarado raw ang mga ito ng manager at may mga online meeting ang mga ito with their music label.