Chapter 3

2202 Words
3rd person’s POV Araw ng sabado. Nakakatamad man ito para kay Keyla ay maaga pa rin siyang gumising upang ihanda ang kanyang sarili bago pa man dumating ang oras ng trabaho nito sa mansyon ng mga Montivar.  Sana ay hindi na muna mag-krus ang landas namin ni Sir Gerald. Aniya sa kanyang sarili. Natigilan siya nang bigla na lamang nitong maalala ang inasal ng kanyang among lalaki habang naglalaba ito sa kusina kahapon. Hindi man niya nais ang manungkol, ngunit iba ang kanyang nararamdaman sa tuwing nilalapitan siya nito.  Ayaw na sana niya pansinin ang mga gano’ng bagay. Ngunit, hindi nito makumbinsi ang sarili. Lalo, nang mapagtanto niya na hindi lamang iyon ang unang pagkakataon na ginawa sa kanya ni Gerald ang bagay na iyon. Madalas, ay nahuhuli pa niya ang mga mata nitong tila mayroong ibang ibig sabihin habang nakatingin sa kanya. Kaya, alam niya sa kanyang sarili, na iba ang titig ng kanyang amo sa kanya kumpara sa ibang kasamahan nito sa mansyon. Tahimik na tumayo si Keyla mula sa kanyang hinihigaan. Bahagya niyang ipinilig ang kanyang ulo, upang mahinto mula sa mga pumapasok sa kanyang isipan. Pagkatapos ay nagligpit ito ng kanyang hinigaan.  Agad na nagsuot nang pangyapak si Keyla, nang matapos sa kanyang ginawa. Ngunit, hindi pa nito naihahakbang ang kanyang mga paa, nang bigla siyang matigilan dahil sa kakaibang tinig na kanyang narinig. Pinakiramdaman niya ang paligid. Lalo't palakas nang palakas ang boses na sa wari niya'y nagmumula sa isang babae habang ito’y umiiyak. Dahan-dahan, ay inikot niya ang kanyang ulo sa gawi kung saan nanggagaling ang tinig na iyon. Labis na pagtataka ang kanyang naramdaman. Lalo, nang matanaw at makilala nito kung sino iyon. Mabilis na tumalikod si Keyla mula sa natamaan ng kanyang mga mata. Agaran ay kinuha nito ang kanyang salamin, saka iyon dali-daling isinuot sa kanyang mga mata. Mahina siyang tumikhim nang matapos sa pag-aayos ng kanyang sarili, pagkaraa’y huminga ito nang malalim bago humarap sa direksyon kung saan mabilis na natamaan ng kanyang mga mata ang kasamahan nito sa isang silid. "Yhana?" sinubukan niyang kunin ang atensyon nito ngunit hindi siya nito pinagkaabalahan na lingunin.  "Okay ka lang ba?" tanong niya sa kaibigan nang makalapit ito roon.  Segundo ang lumipas pero hindi pa rin siya nito kinibo.  "May problema ka ba?" muli niyang tanong. "Pwede ka magkwento sa 'kin,” dagdag pa niya. Napahinto sa pagluha si Yhana nang sunud-sunod na magsalita si Keyla, wala siyang nagawa kundi lingunin ito. At nang magtama ang kanilang mga mata ay agad niya itong kinibo. "G-gising ka na pala . . . uhm," isang beses itong umiling. "Huwag mo 'kong intindihin. W-wala 'to," tugon niya habang pinupunasan ang mga luha na nagkalat sa kanyang mukha. Tipid na ngumiti si Keyla, bago ito umupo sa tabi ng kaibigan.  Sa anim na buwan na paninilbihan nito sa mansyon ng mga Montivar bilang isang kasambahay, ay nakilala na nito si Yhana. Alam niya sa sarili na hindi iyon sapat, ngunit sigurado siya na mabuting tao ito. Nagsimulang maging malapit sa isa’t isa ang dalawa, nang madalas maatasan ang mga ito sa paglilinis at paglalaba nang maruruming damit ng kanilang mga amo. Bagaman, tahimik na tao si Keyla, ay hindi nahirapan si Yhana na makuha ang loob nito. Sapagkat, nakararamdam nang kasiyahan si Keyla kapag kasama ang nag-iisang kaibigan. "I know—" bigla itong napatigil sa pagsasalita, nang diretsong tumingin si Yhana sa kanya.  "Uhm, i-ibig kong sabihin— iba kasi ang nakikita ko sa mga mata mo. Kaya— alam ko na hindi ka okay ngayon," napalunok ito nang makitang napayuko si Yhana matapos niya 'yong sabihin. "Ano ba'ng nangyari sa 'yo?" muling tanong ni Keyla. "Napagalitan ka ba ni Madam?”  Umiling si Yhana sa kanya. “Eh, ano? May nakaaway ka ba?” sumeryoso ang awra nito nang muling umiling ang kaibigan.  "Bakit ba? Hmm . . . nakapag dinner ka ba kagabi?” mabilis na tumingin si Yhana sa kanya.   “Biro lang,” sambit ni Keyla nang mapansin ang pagsimangot ni Yhana. “Seryoso na, ano ba’ng nangyari? May umaway ba sa ‘yo?” pagpapatuloy nito. Isang beses umiling si Yhana, bilang tugon sa kanyang sinabi. "Uh, tinarayan ka na naman ba ni Ma'am Leilyn?" muling tanong nito sa kaibigan.  Napahinga na lamang nang malalim si Keyla, nang muling umiling si Yhana habang nakayuko ito sa kanyang harapan. "Eh, ano? Naubusan ka ba ng ulam kagabi?" patudyong sambit nito sa kaibigan. "Kausapin mo naman ako." Tipid na ngumiti si Keyla nang muling tumingin si Yhana sa kanya. "Alam ko na, nag-away kayo ng jowa mo, ‘no—” "Ano ba'ng pinagsasabi mo riyan—" "Syempre, biro lang,” putol nito sa sinasabi ni Yhana. “Alam ko naman na hindi iyon totoo, dahil una sa lahat ay wala ka namang jowa, 'di ba?” Tatawa-tawang sambit nito.  "Siraulo ka talaga—" "Ssshhh . . ." saway ni Keyla kay Yhana. "Huwag kang masyadong maingay, sobrang aga pa, 'no. Baka marinig at makita tayo ni Madam. Tiyak na palalabasin tayo n’yon," pabulong na sambit nito kay Yhana. "Eh, ikaw naman kasi," katwiran nito sa kaibigan. Sandaling natigilan si Keyla. Pero maya-maya lang ay tumingin ito ng seryoso kay Yhana. Nang mapagmasdan ng ilang segundo ang kaibigan, ay muli itong nagsalita. "Bakit ka ba kasi umiiyak? Magkukwento ka ba? O— tatawagin ko si Sir Gerald?" anito na may halong panunudyo. Alam kasi nito kung gaano kalaki ang pagkagusto nito sa kanilang amo. Napaawang ang labi ni Yhana, pagkaraa'y sumagot kay Keyla. "Wala namang gamitan ng kahinaan, Inday," untag nito sa kaibigan. Natigilan si Yhana, nang mapansin ang pagkunot ng noo ni Keyla. Napakagat ito sa kanyang ibabang labi, pagkatapos ay bahagya siyang yumuko. Sa isip-isip ni Yhana'y baka nakakaramdam na nang pagkapikon ang kaibigan nito, dahil kanina pa nagtatanong sa kanya si Keyla.  Agad na sumeryoso ang awra nito. Pagkatapos ay huminga nang malalim, saka nito ibinuka ang kanyang bibig. "S-si Tatay kasi," Yumuko ito sa harapan ni Keyla matapos iyon sambitin. "N-nasa ospital daw ang Itay. T-tinakbo raw ito nila Nanay kagabi dahil inatake ng h-hika," kanda utal nitong pahayag. Sandaling huminto sa pagsasalita si Yhana, nang hindi na niya napigilan ang muling mapaluha.  "Nahihirapan daw kasi huminga si Tatay kahapon pa, kaya hindi ako mapakali. Hindi ko maiwasang mag-alala— kung anu-ano na ang pumapasok sa isip ko. Nakakadagdag pa 'yung pagiging malayo ko mula sa kanila." Nalukot ang noo ni Keyla dahil sa sinabi ni Yhana. Hindi rin nito naiwasan ang mag-alala para sa kaibigan. Sa isip-isip nito'y, kaya pala parang tuliro at tila wala sa sarili ang kaibigan nang kanyang mapansin kanina, iyon pala ay dahil sa problema nito sa kanyang ama. "Nakausap mo na ba ulit sila? Ano na raw ang balita? Anong kalagayan ng Tatay mo ngayon?" tanong nito kay Yhana. Napabuga nang hangin si Keyla, nang makita ang kaibigan na tatlong beses tumango. "Kausap ko 'yung kapatid ko sa cellphone ko kanina pa," malungkot ang tono nito. "Kailangan daw ni Tatay operahan, dahil bukod sa hika ay nagkaroon ito ng sakit sa baga, tulad ko ay hindi na rin alam ng mga kapatid ko ang gagawin dahil sa sobrang pagkabigla," paglalahad niya.  Napakibot ang labi ni Keyla nang makita na muling napaluha ang kaibigan dahil sa mga sinabi nito.  "H-hindi ko na talaga kasi alam kung anong gagawin ko. Nag—" napahinto ito sa pagsasalita nang siya'y pumiyok dahil sa pagluha.  Mabilis na umurong si Keyla papalapit kay Yhana. Hinawakan nito ang isang kamay ng kaibigan upang damayan at subukan na aluin.  "Ayokong mawalan ng magulang, Key—" "Ssshhh . . ." saway nito sa kaibigan. "Walang mangyayaring masama sa Tatay mo, okay? Huwag kang mag-isip nang ganyan," mariin niyang sabi.  "Hindi ko na kasi alam kung anong dapat kong gawin," Suminghot ito matapos sabihin iyon.  "Ako lang inaasahan sa amin, Key. At habang kausap ko ang kapatid ko kanina, naghahalo na ang mga nararamdaman ko." Sandali siyang huminto sa pagsasalita. Nagpunas ng luha, bago muling nagpatuloy. "Malaking halaga ang kailangan nila. At hindi ko alam, kung paano ako makakatulong sa pamilya ko. Hindi ko alam kung saan ko kukunin ang halagang nasambit sa akin ng kapatid ko. Malaki-laki naman ang sinasahod ko rito, pero alam ko na hindi pa rin iyon sasapat para sa pagpapagamot ni Tatay," sunud-sunod na pahayag ni Yhana. Dahil sa sinabi nito ay lubos na nabahala at nag-alala si Keyla. Alam niya ang pakiramdam ng walang magulang, at ayaw nito iyon mangyari sa kaibigan. Hindi niya maiwasang hindi masaktan dahil sa pinagdaraanan ni Yhana. Muling napahinga nang malalim si Keyla, pagkatapos ay kinuha nito ang isa pang kamay ni Yhana. Mahina niyang pinisil iyon upang makuha ang atensyon ng kaibigan, at nang tumingin 'to sa kanya ay tipid n'ya 'yong nginitian. "Sa mundo na 'to, Yhan. Bukod sa Diyos, ay wala na tayong ibang maaasahan at mapagkakatiwalaan kundi ang mga sarili natin," seryoso ang mukha nito. At nang mapansin niya na natigilan si Yhana sa pagluha dahil sa kanyang sinabi, ay ngumiti siya. "Alam mo, kung hindi ka marunong sumakay at lumaban sa buhay, talo ka. Magiging talunan ka." Napahinto sa pagpapayo si Keyla, nang mapansin nito ang muling pagtulo ng liha ni Yhana. Maya-maya lang ay muli itong nagpatuloy sa pagsasalita. "Yhan, naniniwala ako na 'yang pinagdadaanan mo ay kayang-kaya mong lagpasan. Dahil sigurado ako, na mayroong mga tao na mas higit na nasasaktan ngayon dahil sa pinagdadaanan nila kaysa sa pinagdadaanan mo." Napakurap-kurap si Yhana, matapos iyon sabihin ni Keyla sa kanya. "Hindi ko 'to sinasabi dahil wala ako sa sitwasyon na meron ka. Sinasabi ko 'to para palakasin ang loob mo. 'Yang mga pinagdadaanan mo, kayang-kaya mo 'yan. Kaya, ayusin mo na ang sarili mo," Maingat nitong binitawan ang dalawang kamay ni Yhana. Pagkatapos ay dumukot ito sa bulsa ng kanyang suot.  "Kunin mo na 'to," Inabot niya ang isang puting sobre sa kaibigan. "Hindi ko pa 'yan nababawasan buhat nang iabot sa akin ni Madam kagabi," kumbinsi nito. Bahagyang namilog ang mga mata ni Yhana dahil sa kanyang narinig. Hindi ito agad nakapagsalita dahil sa gulat. Hindi siya makapaniwala. "A-anong— nababaliw ka na ba?" mariin na tanong nito. Bahagyang umiling si Keyla sa kanya. "Tanggapin mo na 'to. Tulong ko 'yan sa 'yo—" "Hindi. Ano ka ba? Isang buwan mo itong sahod. Ayoko, Keyla. Hindi ko ito matatanggap," mabilis na pagtanggi ni Yhana. Bahagyang nangunot ang noo ni Keyla. "Sino ba'ng matimbang sa amin ng Tatay mo? Answer me, Yhan. Ako o siya?" seryosong wika nito.  Unti-unti ay nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Keyla, nang mapansin na muling nanubig ang mga mata ni Yhana habang nakatingin sa kanya. "Pero may pangangailangan ka rin—" "Akong bahala sa sarili ko. Isa pa, mabait naman ang Tiyo Rando at Tiyang,” mabilis nitong sambit. "Nakatitiyak ako na maiintindihan nila ang ginawa ko," dagdag pa niya. Diretsong tumingin si Yhana kay Keyla. Hindi man nito matitigan sa mata ang kaibigan dahil sa salamin na nakaharang doon, pilit pa rin itong ngumiti sa harapan nito. "N-napakabuti mong tao, Key," halos maluha-luha nitong saad. Isang ngiti lamang ang itinugon ni Keyla. "Tatanggapin ko ito para sa Tatay ko, pero unti-unti ay babayaran ko ito sa 'yo—" "Hindi na," putol nito sa sinasabi ni Yhana. "Alam ko na mas kailangan mo 'yan. 'Wag mo nang intindihin at isipin ang tungkol d'yan," aniya. "Pero, Key—" "Okay na. Please, 'wag na makulit," giit nito. "S-salamat," muling napaiyak si Yhana sa harapan nito. "Salamat talaga, napakalaking tulong nito sa amin." Muling ngumiti si Keyla sa harapan niya. "Sige na, mag-ayos ka na. Maya-maya lang ay kakailanganin na tayo sa labas," pagwawari nito sa kaibigan. Naunang tumayo si Keyla. Inayos nito ang suot na salamin saka naglakad papalapit sa dako kung saan naroon ang mga gamit nito.  Sandali siyang natigilan mula sa kanyang kinatatayuan habang nakatalikod sa kaibigan nitong si Yhana. Bahagya itong yumuko, pagkatapos ay mahinang bumuga nang hangin. Maya-maya ay tila natauhan ito nang kalabitin siya ni Yhana upang yayain na lumabas. Agad na dumiretso si Keyla sa kusina, nang makalabas ng kanilang silid. “Good morning, Deyan,” bati niya sa isang kasambahay na halos hindi nalalayo sa kanyang edad. “Good morning, Keyla.” Bahagyang nagsalubong ang mga kilay nito, nang marinig niya na hindi nagmula sa kanyang binati ang tumugon sa kanya. “G-good morning po, Kuya Peri,” aniya habang ang kanyang mga mata ay tila napako kay Deyan, na kung umasal ay walang naririnig mula sa kanyang paligid. Well, hindi pa man niya ito nakakasama sa isang gawain, ay alam na ni Keyla na mahirap itong pakisamahan. Gayunpaman, sinubukan pa rin niya itong batiin upang masukat ang pakikipagkapwa tao nito. Pero tama ang kanyang unang impresyon para kay Deyan. Mailap ito, at para bang ayaw makisama sa kahit na sino. Tumalikod si Keyla mula sa mga kasama niya sa kusina. Naghiwalay na kasi sila ni Yhana dahil sa garden ito nakatoka. Hindi na niya inabala pa ang sarili upang intindihin ang inasal ng isa sa kanyang mga kasamahan. Ginawa na lamang niya ang kanyang parte, mula sa mga gawain na inatas sa kanya ng kanilang mayordoma.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD