Chapter 5

2202 Words
Yhana's POV "NAKAKALOKA TALAGA SI MADAM T," bulong ko sa 'king kaibigan na si Keyla. “T?” kunot noo niyang tanong sa ‘kin. Ngumiti ako dahil bakas sa kanya ang pagtataka sa 'king sinabi. “Hindi mo ‘yon alam?” Tumingin ako sa paligid. Nang wala akong napansin na tao, ay nagpatuloy ako sa pagsasalita. “T! As in— tsismosa,” bulong ko sa kanya, sabay tawa. Mahina lang naman iyon kaya nasisiguro kong kahit may tao ay hindi rin 'yon maririnig. “Sira ka talaga, ‘wag kang maingay riyan, baka may makarinig sa ‘yo. Alam mo naman na marami si Madam tainga rito sa mansyon—” “Eh, bakit ba? Tsismosa naman talaga siya,” putol ko sa sinasabi nito. “Naalala mo ba 'yung nakwento ko sa 'yo no’ng bago-bago ka pa lang dito? Hindi ba't pati 'yung sikreto kong balat sa p*wet ay nalaman pa niya—” “Ssshhh . . ." nanlaki ang mga mata nito, habang sinasaway ako. “Ano ka ba? Para ka talagang sira,” dagdag niya pa. “Bakit? Pagkatapos nga n’yon naging close na tayo, eh!” Napahinga ako nang malalim. “Alam mo . . . ah, basta! ‘Wag kang magtitiwala ro’n kay— alam mo na. Kaya niyang malaman kahit ilan pa ang kuto mo sa ulo—" "The hell are you saying?” Napatingin ako nang diretso sa 'king kaibigan. "Nag i-ingles ka pala?" mahina at nagtataka kong tanong sa kanya. Tumingin siya sa ‘kin, pagkaraa'y ibinaling din nito agad sa iba ang kanyang tingin. "Of course, kahit naman si Katkat ay naririnig din natin na nagsasalita ng english, 'di ba?" mahinahon niyang paliwanag. Bahagyang nangunot ang noo ko. Ewan ko, pero nawiwirduhan ako sa kaibigan kong ito. Never ko pa kasi siya narinig na nagsalita nang ganito— ng ingles. Bahagya kong ipinilig ang aking ulo. “Gano’n ba talaga si Mari— si Madam Marites?” tanong niya sa akin. Segundo ang lumipas bago ko napagtanto ang kanyang tinanong sa akin. “O-ou," Lumunok ako bago magpatuloy. "Alam mo ba na kahit katiting mong nunal sa kili-kili ay malalaman pa n’yon?" halos wala nang lumabas na boses mula sa ‘king bibig dahil sa pag-iingat ko sa pagsasalita. Kung sa bagay, totoo naman lahat ng aking sinasabi. Napaka dalubhasa kasi ni Madam pagdating sa pagsagap ng tsismis. Bagay talaga sa kanya ang pangalan niya. Pero kahit gano'n siya, hindi naman nangangahulugan na hindi ko na ito nirerespeto. Ewan ko ba, lahat lang kasi talagang pumapasok sa mansyon na ito ay alam niya ang buhay kahit hindi na dapat malaman, ay nalalaman pa rin nito. ‘Di ko lang sure sa buhay ng kaibigan kong si Keyla. Napaka masikreto kasi ng isang ‘yon. "Sir?" Napalingon ako sa kaibigan ko, nang bigla itong magsalita. Nagtaka ako nang tamaan ng aking mga mata ang magkasalubong nitong mga kilay. "Hat— ay kabayo ka!" Hindi na natuloy ang aking dapat na sasabihin, nang may marinig akong tila nabasag na kagamitan. Mas nakaramdam pa ako ng nerbiyos nang makita kong nagmadali sa pagkilos si Keyla palayo mula sa akin. "Sir!" sambit niya. Sinundan ko nang tingin ang kaibigan ko, at para akong nabuhusan ng tubig nang makita si Sir Gerald, habang nakahiga sa sahig. Hindi ko alam kung paano nangyari, pero halos mapuno na ng basag na plorera ng bulaklak ang sahig kung saan ito nakapuwesto. "Lasing na naman yata . . . ang aga naman nito ni Sir," bulong ko sa 'king sarili bago lumapit sa dako kung saan ito naroon, maging ang kaibigan kong si Keyla. Hindi ko maiwasang makaramdam nang pagkataranta, nang makita ko na tinatayo ni Keyla si Sir. Sa bigat ba naman kasi ng amo namin, ay imposible na makaya ito ng kaibigan ko mag-isa. Tumingkayad ako sa harapan nilang dalawa nang makalapit, saka ako tumulong sa pag-alalay kay Sir Gerald. Sa una ay nahirapan kaming itayo ito, tila nakatulog na kasi. At sa sarap ng hipig niya, kulang na lang ay humilik siya. My goodness! Ang agang pagsubok naman nito! Nagpatuloy kami sa paglakad patungo sa kwarto ni Sir. Kahit mabagal ay kinaya naming dalawa ni Keyla. Tagaktak ang pawis ko, nang makarating sa kwarto ni Sir Gerald. At nang mailapag namin ito sa kanyang kama, ay nagawa kong mameywang dahil sa pagod. Hinihingal pa 'ko nang humarap sa 'kin si Keyla. "Aayusin ko lang si Sir, kuha ka na lang muna sa kusina ng maligamgam na tubig, please?" pakiusap niya. "Okay lang ba?" dagdag pa niya. Muli ko itong pinagmasdan. Hindi ko alam, pero kapag nagtatama ang aming mga mata, ay tila nais nito agad na umiwas nang tingin sa akin. Nag-aalangan akong tumango sa kanya, nang bahagya siyang yumuko. "Sige, sandali lang," wika ko. Lumabas ako mula sa k'warto. Pagsara ko sa pintuan ay hindi muna ako naglakad. Ewan ko ba, maayos naman ang pakiramdam ko pero tila mayroon akong nararamdaman na kakaiba laban sa kaibigan ko. Habang tumatagal kasi ay nawiwirduhan ako sa ipinapakita niya. Hindi ko mapaliwanag, pero tila may hindi ito sinasabi sa akin . . . Tama kaya ako? O sadyang nag o-over think lang ako? Bahala nga 'yan! Inihakbang ko ang aking mga paa matapos kong ipilig ang aking ulo. Tinigilan ko ang pag-iisip ng kung anu-ano tungkol kay Keyla. Kapag ganito, ay baka wala pa akong matapos na trabaho. Baka pag-initan pa ako ng aming amo. Nagmadali ako sa pagkilos, nang makuha ko ang iniatas sa akin ng aking kaibigan. Binagalan ko ang paglalakad nang matanaw ko na ang pinto ng kwarto ni Sir Gerald. Dahan-dahan ay itinulak ko ang pintuan sa pamamagitan ng aking balikat, dalawang kamay kasi ang gamit ko sa pinaglagyan ko ng maligamgam na tubig. Napahinga ako nang malalim, nang maihakbang ko ang aking mga paa papasok sa loob. Ngunit, agad din akong napahinto nang matamaan ng aking dalawang mata ang isang lalaking nakadapa, habang may isang babae na nasa ilalim nito. Ang katawan nila ay halos magkadikit na. Napaawang ang mga labi ko habang nakatingin sa kanila. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman at gagawin ko sa oras na ito. Tila napako ang aking mga mata, maging ang aking mga paa mula sa aking kinatatayuan. Ano ba ito . . . Kahit mahirap ay pinilit ko ang gumalaw, inalis ko sa kanila ang tingin ko. Ewan ko, pero tila lalo akong natauhan, nang may mapansin akong kulay puting eyeglasses na nasa sahig malapit sa paanan ng aming amo. Agad na nagsalubong ang mga kilay ko nang makilala ko kung kanino ito. Hindi ako pwedeng magkamali. Kaya nasisiguro ko, na ang nasa ilalim ni Sir Gerald ay si— Napahinto ako sa pag-iisip, nang marinig ko ang tinig ng aking amo. "Ang g-ganda mo t-talaga . . ." barik nitong sabi. Hindi ako nakakibo. Hindi ko pa rin alam kung ano ang gagawin ko, ang tangi ko lamang nagawa ay pagmasdan sila. Mahigpit kong nahawakan ang bagay na nasa aking mga kamay, dahil sa sobrang kaba at gulat mula sa 'king mga nakikita't naririnig. "Sir, please—" rinig kong sambit ni Keyla. Mahina lamang iyon, pero sapat upang marinig ng mga taong narito sa k'warto. Napadiretso ako nang tayo, nang mapansin kong natigilan si Keyla nang mapatingin siya sa gawi kung saan ako nakatayo, hindi ko alam pero natulala na lamang ako nang magtama ang aming mga mata. Kunot noo ko siyang pinagmasdan, pero agad din akong napaiwas nang tingin, nang mabilis niyang ibaling sa iba ang kanyang mukha. Napalunok ako, nang makita na malakas niyang itinulak si Sir Gerald. Bahagya pang nanlaki ang aking mga mata nang sumubsob ito sa kama. Habang ang kaibigan ko ay dali-daling tumayo mula sa kanyang pinanggalingang p'westo. Hindi pa rin ako nakaimik dahil sa 'king nasasaksihan. Wala akong alam sa mga nangyayari, pero tila walang salita ang nais lumabas mula sa 'king bibig. Patuloy kong pinagmasdan si Keyla, kahit hindi ko na makita ang kanyang mukha. Yumuko kasi ito upang kunin ang salamin niya na nalaglag sa sahig. Nagbaba ako nang tingin sa tubig na dala-dala ko, nang humarap sa akin ang aking kaibigan. 'Di ko maintindihan ang sarili ko, pero isa lamang ang nararamdaman ko— saliwa. Kung alam ko lamang na ganito ang mararamdaman ko dahil sa 'king nasaksihan, ay kumatok muna ako. Hindi ko sana nakita pa ang ganitong kaganapan. Napahinto ako mula sa 'king mga iniisip, nang marinig ko ang pagbukas ng pinto ng k'warto ni Sir. Napalunok ako, nang likod na lamang ni Keyla ang aking natanaw palayo mula sa dako kung saan ako nakatayo. "Ano ba'ng nangyayari? Anong meron? Bakit niya 'ko iniwan dito?" bulong ko sa 'king sarili. Napakagat ako sa 'king ibabang labi nang tumingin akong muli kay Sir Gerald. Maya-maya ay tumihaya ito. Nagtagal pa ako ng ilang segundo dahil baka mangailangan ito ng tulong. Gusto ko sana siyang punasan, pero nahihiya ako. Muli ay huminga ako nang malalim, bago gumalaw mula sa 'king kinatatayuan. Inihakbang ko ang aking mga paa palabas ng pinto saka dumiretso sa kusina kung saan ko kinuha ang hawak kong planggana na may lamang bimpo at maligamgam na tubig. "Nasa'n na kaya siya?" muli kong bulong sa sarili ko. Buong akala ko, ay makikita ko si Keyla rito sa kusina. "Nasaan ang kasama mo—” “Ay kabayong lasing!” Napaigtad ako nang biglang may magsalita mula sa 'king likuran. Nilingon ko siya nang mapagtanto ko kung kanino galing ang tinig na iyon. "Madam," mahina kong wika. "Uhm, p-pasensya ka na po,” Lumunok ako nang makitang sumama ang mukha nito. “Si . . . K-Keyla po? Uhm, nag-CR lang po, Madam,” ito na lamang ang aking naisagot sa kanya. Segundo ang lumipas bago siya nagsalita. "Ito ang listahan ng mga ipamimili niyo mamayang hapon.” Magsasalita sana ako matapos kong kunin ang papel na inabot niya sa akin. Pero hindi na iyon natuloy nang mabilis itong sumingit. “Oo, mamayang hapon,” Napaawang ang mga labi ko nang makita kong umirap ito sa hangin. “Tumulong muna kayo rito sa paglilinis,” dagdag niya pa. “S-sige po, Madam,” tugon ko. “Ipagda-drive kayo ni Peri mamaya. Oorasan ko kayo, kaya umuwi kayo agad. Maliwanag?" aniya. "O-opo, Madam," mabilis kong tugon. Muli akong napahinga nang malalim, nang mapatingin ako sa listahan na aking hawak. Hindi ko alam ang mararamdaman ko, dahil kasing dami nito ang aking iniisip ngayon! "Langya naman, oh . . ." Naglakad ako patungo sa silid namin ni Keyla. Ma-check na rin kung naroon ba siya. Dahan-dahan ay binuksan ko ang pinto, nang makarating ako sa labas ng k'warto namin. Magpapatuloy sana ako sa pagpasok, pero hindi na iyon ang nangyari nang makita ko ang aking hinahanap habang nakatayo sa harapan ko. Tumikhim ito bago nagsalita. "N-nagpalit lang ako ng damit," imporma niya sa akin. Napaawang ang mga labi ko. "Ah— o-ou nga,” Ngumiti ako sa kanya kahit medyo naiilang ako. “A-ako, m-mamaya na lang siguro magpapalit. Pinaglilinis pa kasi t-tayo ni Madam sa labas,” kanda utal kong sambit sa kanya. Hindi siya sumagot sa akin. Hinintay ko na muli siyang magsalita dahil baka ipaliwanag niya sa akin ang mga nakita ko, pero wala. Kaya nang tumahimik ang paligid ay kinuha kong muli ang pagkakataon para makapagsalita. “Oo nga pala, inabot na sa akin ni Madam ang listahan ng mga ipamimili mamaya.” Tumango siya sa akin matapos kong sabihin iyon. Dumiretso ako nang lakad patungo sa ‘king tinutulugan. Kumuha ako ng damit mula sa bag ko. Ihahanda ko na lamang muna ang isusuot ko mamaya, para mabilis akong makapagpalit. Inisang lingon ko si Keyla, bago ko tiklupin ang damit na aking kinuha. Bahagyang nangunot ang noo ko. Tahimik kasi siya, at tila mayroong inaayos na kung ano mula sa kanyang higaan. Lihim ko siyang pinagmasdan. Ewan ko, pero naalala ko tuloy, noong isang beses siya magkwento sa akin tungkol sa kanyang buhay. Ang sabi nito sa akin, ay lumaki raw siya na hindi nakikilala ang kanyang mga magulang— bagay na nagpalungkot sa akin no'n. Nakakadurog naman kasi talaga ng puso kapag walang magulang sa 'yong tabi. Alam ko ang pakiramdam nang malayo sa mga magulang, pero kahit papaano ay mayroon pa rin akong pagkakataon na makita sila kahit kailan ko gustuhin. Pero si Keyla, ay wala na. Maliban na lang kung ang mga magulang nito mismo ang maghanap sa kanya. Ang sabi raw kasi sa kanya ng kanyang tiyo, ay iniwan daw siya ng kanyang nanay matapos itong isilang sa bahay na kanyang tinutuluyan— sa tiya Lillian at tiyo Rando nito. Sumunod daw kasi ang ina niya sa tatay nito na nadistino sa malayo dahil sa trabaho. Hindi ko alam kung nagsasabi siya ng totoo, ang alam ko lamang ay labas na 'ko ano mang meron sa kanyang buhay. Alam ko rin naman kasi, kung gaano kabuti na tao si Keyla. Sapat na ang ipinapakita nito sa akin, dahil minsan na niya akong tinulungan ng buong puso noong nangailangan ako at nagkaroon ng problema sa aking pamilya. Wala naman siguro siyang dapat patunayan, dahil alam ko sa sarili ko na mabuti siyang tao.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD