Chapter 25

2174 Words
"Bakit hindi ka na lang humingi ng tulong kay Spiel para makabalik ka sa pagta-trabaho?" tanong sa akin ni Genro habang nagliligpit kami ng pinagkainan. Narinig ko na naman ang pangalan na iyon at nagtataka kung sino ba talaga siya. Narinig ko na kay Denise ang pangalan na ito at sinasabi niyang gusto akong tulungan ni Spiel pero hindi ko pa siya nakikita simula ng gumising ako. "Sino iyon?" tanong ko sa kanya at katahimikan lang ang sinagot niya sa akin. Nang matapos kami, nagtungo siya sa kwarto para kumuha ng damit. Naupo na lang ako sa kama at kinuha ang photo album sa drawer ng cabinet. Muli kong tiningnan ang mga litrato doon. Umaasa akong makita ang mga taong iyon na dati kong katrabaho. Si Denise lang ang kilala ko sa kanilang lahat. Naisip kong kausapin ko mamaya si Denise at sabihin sa kanya na pumayag na si Genro sa pagbabalik ko sa pagtatrabaho. Hihintayin ko na lang makatulog si Genro para kunin mamaya ang cellphone na binigay ni Denise sa akin. "Sino ba si Spiel at bakit sa kanya kailangan lumapit para makabalik ako?" muli kong tanong kay Genro pagkapasok niya sa kwarto matapos maligo.Pinupunasan niya pa ng tuwalya ang kanyang basang buhok ng lumingon siya sa akin. "General kasi ang ranggo ni Spiel at malapit na kaibigan siya ng Papa mo," sagot niya sa akin at lumakas ang t***k ng puso ko dahil sa pagbanggit niya sa aking Ama. "Kung malapit lang siya na kaibigan ni Papa, ibig sabihin ba nito, pulis rin ang Papa ko? Bakit hindi na lang kay Papa lumapit?" sunod-sunod kong tanong sa kanya at nanglulumo siyang umupo sa kama at tumabi sa akin. "Hindi mo ba natatandaan yung pag-uusap natin tungkol sa Papa mo? Hindi mo na siya makakausap pa," sabi niya sa akin at yumuko lang siya na parang may hindi masabi ng mga sandaling iyon. Naguluhan ako sa sinabi niya dahil ang huli niyang sinabi, kasama ito ni Denise noon na pinaghihinalaan akong may kinalaman sa pagkamatay ni Papa. Lumunok ako dahil kailangan ko na naman magsinungaling. "Bakit naman hindi? Papa ko naman siya," walang muang kong sagot at nang iangat ni Genro ang kanyang mukha, naluluha na siya at pulang - pula ang kanyang pisngi. Alam kong patay na ang aking ama dahil sa sinabi ni Denise sa akin. Ayon pa kay Denise, may kinalaman si Genro sa nangyari sa aking Ama at ngayon, nagkaroon ako ng ideya na totoo ang sinasabi ni Denise dahil sa nakikita kong reaksyon niya ngayon. Bakit naluluha si Genro kung wala siyang kinalaman? Ayon rin sa kanya, isang taon na mahigit ang nangyari, dapat ay nabawasan na ang kanyang pagdadalamhati. Pinili kong hindi magpakita ng kahit anong lungkot sa harapan niya dahil gusto kong isipin niya na wala akong alam tungkol sa nangyari sa aking Ama. "Matulog na tayo," pag-aaya niya sa akin at humiga na siya at tumalikod sa akin. Nararamdaman ko pa rin ang pagkilos ni Genro na parang umiiyak dahil sa bagay na hindi niya masabi sa akin. Ilang minuto lang ay narinig ko na ang paghilig niya. Marahan akong bumangon para buksan ang cellphone na binigay niya at ipaalam sa kanya ang tungkol sa desisyon ni Genro. Nakatitig ako sa kanya habang tahimik na lumalakad papunta sa cabinet. Napapikit ako ng gumawa ng langitngit ang cabinet ng buksan ko ito. Naghintay ako ng ilang segundo para tingnan kung magigising si Genro. Nang hindi naman siya gumagalaw ay pinagpatuloy ko na ang pagbubukas nito. Marahan, tahimik at maingat na pagbubukas ang ginawa ko. Nang magtagumpay ako sa pagkuha nito ay binuksan ko na agad. TInakpan ko ang screen nito dahil naglabas ito ng malakas na liwanag. Hinintay ko ang pangbungad ng cellphone na ito at pinindot ko agad ang mute option nito. Ilang minuto lang ay sunod-sunod ang pagpasok ng mga mensahe galing kay Denise. Hindi ko na ito binasa at nagsimula na akong mag-tipa ng mensahe para sa kanya. "Pumayag na si Genro para makapagsimula ako bilang isang pulis," sabi ko sa kanya. Binasa ko ang ilang mensahe niya sa akin habang naghihintay ng kanyang sagot. "Huwag kang matakot, hindi ka namin pababayaan ni Spiel." "Sinabi sa akin ni Jane na nagkasakitan sila ni Eva." "Kamusta ka na?" "Alexa?" "Bakit hindi kita matawagan?" "Ipagpatuloy mo ang paghahanap ng katotohanan." Iyan ang ilan sa mga mensahe niya at paulit-ulit ang ilan kaya dumami ito. Binura ko na ang ilan sa mga mensahe niya at doon lang pumasok ang panibago niyang mensahe. "Susunduin kita bukas," sagot niya sa akin at huminga akong malalim. "Huwag na. Ihahatid ako ni Genro. Sige na at tumakas lang ako," sagot ko sa kanya at agad kong pinatay ang cellphone at muli ko itong tinago. Napatingin ako kay Genro at nagpalit na siya ng posisyon sa pagkakahiga. Nakaharap na siya ngayon sa kisame pero parang wala naman siyang napapansin na hindi niya ako katabi. Nagising ako sa alarm clock at alas siyete na ng umaga. Napansin kong nang-uunat na rin ng katawan si Genro at umupo na siya sa kama. "Bangon na, baka ma-late ka sa pagpunta natin sa himpilan," nagtaka ako sa bungad niya sa akin at nagbalik sa isip ko ang usapan namin kagabi kaya napangiti ako dahil totoo ang sinabi ni Genro sa akin na papayagan niya akong bumalik sa serbisyo. Nagpunta ako agad sa tokador at kumuha ng isusuot kong damit tapos ay lumabas ng kwarto para mag-asikaso ng almusal namin. Sobrang saya ko ng araw na iyon dahil unti-unti magkakaroon na ng kasagutan ang nangyari sa akin. Sa sobrang saya ko ay napapakanta ako habang nagluluto ng almusal namin dahil sa matutupad ang gusto ko. "Gusto ko talagang napapasaya kita." Nabitawan ko ang sandok dahil sa biglang pagsasalita ni Genro sa likod ko at natawa pa siya dahil sa nagawa niya akong gulatin. "Mag-aasikaso na ako," sabi niya sa akin habang nakangiti pa rin. Nilagay niya ang tuwalya sa kanyang balikat at sumisipol papunta sa banyo. Narinig ko na lang ang pag-agos ng tubig at pinagpatuloy ko ang pagluluto. Palabas na kami ng bahay ay biglang may kumatok sa pinto kaya nagkatinginan kami ni Genro. Alam kong wala naman kaming inaasahan na bisita ng umagang iyon. "Sino yan?" tanong ni Genro at siya ang nagbukas ng pinto. Isang lalaki ang nakita kong nakatayo sa pinto at may katandaan na ito. Nakaramdam ako ng pagkirot sa ulo ko nang makita ko ang kanyang mukha. "Anong ginagawa mo dito?" tanong ni Genro at tinitigan ako bago isara ang pinto. Sinundan ko sila ng tingin at nakita kong galit na galit si Genro. Pakiramdam ko ay nakita ko na ang lalaking iyon pero hindi ko matandaan kung saan. Sinundan ko na rin sila sa labas dahil aalis na rin naman kami ni Genro at kung matapos sila sa pag-uusap ay maaari na kaming umalis. Nasa gilid lang sila ng bahay at batid kong nilalayo ni Genro sa akin ang lalaking iyon kaya pilit kong tinitingnan kung sino nga ba ito. "Sino ka?" tanong ko at napalingon sa akin si Genro. Galit ang reaksyon ng kanyang mukha habang ang lalaki ay lumapit sa akin. "Natatandaan mo ba ako? Ako si Spiel Jaime." Nilahad niya ang kanyang kamay sa akin at biglang uminit ang gilid ng aking mga mata dahil sa pagpapakilala niya. Tinitigan ko ang kanyang kamay at mabagal kong nilahad ang palad ko para makipagkamay sa kanya. Mainit ang palad niya at ayokong bitawan agad iyon dahil s naramdaman kong init sa aking dibdib dahil sa presensya niya. "Tara na, Alexa!" sigaw ni Genro sa akin at di ko napansin na nasa tabi ko na siya. Bigla niya akong hinila palayo kay Spiel at sapilitan kaming sumakay sa tricycle. Dumungaw pa ako sa pwesto ni Spiel hanggang sa lumiko na ang sinasakyan namin. "Bakit mo ko pinalalayo kay Spiel?" tanong ko kay Genro at kitang-kita ko ang galit sa kanyang mukha. Hindi siya sumagot sa aking tanong. "Nagulat lang ako dahil sa bigla niyang pagsulpot," sagot niya pero alam kong mas may malalim pa siyang dahilan. Nakakalimot ako ng mga bagay pero hindi naman ako tanga para hindi maisip na may tinatago siya. Hinayaan ko na lang ang nangyari at kinimkim ko ang sakit ng paglilihim sa akin ni Genro. Pagdating namin sa himpilan ay nakatingin sa akin ang mga pulis doon na parang nagtataka dahil sa presensya ko. Marahil mga katrabaho ko sila at hindi nila inaasahan ang bigla kong pagdating. "Alexa!" narinig ko ang pamilyar na boses at agad kong nilingon ito. Si Denise at may dalang isang kahon ng mga gamit pang opisina. "Denise! Bakit ka nandito?" tanong ni Genro sa kanya at kinuha ang buhat niyang kahon. Ngumiti naman si Denise sa kanya at nagpasalamat pero nasa akin ang atensyon niya. "Tara sa opisina," pag-aaya niya sa amin at malugod naman kaming sumunod sa kanya. Sumasaludo sa amin ang ilang mga pulis at ang iba naman ay binabati ako dahil sa paggaling ko. Ngiti at pasasalamat lang ang tangi kong nasagot sa kanila dahil nagmamadali na si Denise papunta sa opisina niya. Pagpasok namin, natigil ang lahat sa kanilang ginagawa at binati ng sabay-sabay si Denise. Dumiretso naman sa isang lbakanteng lamesa si Denise at pinalapag kay Genro ang kahon. "Dito ang opisina mo?" tanong ni Genro at pinagmasdan ang kabuuan nito. Pamilyar sa akin ang disenyo ng opisina na parang nakapasok na ako dito. Paglingon ko, nagulat ako ng makita ang isang ala-ala. May isang babae sa harapan ko at nakapalibot sa amin ang kasamahan naming mga pulis. Nakatayo ang babae at unti-unti akong lumapit sa kanya hanggang sa magkatapat na kami at sa isang iglap, nakasandal na sa pader ang babae at nakakulong gamit ang mga braso ko. "Pamilyar sa akin ang kwartong ito," bulong ko at napatigin sa akin si Denise. "Dito ka pumasok ngilang araw," sagot niya at tumango ako. Sino kaya ang babaeng iyon at bakit ko ginawa sa kanya ang bagay na 'yon? "Unang araw ko rin dito ngayon bilang kapalit mo sa trabaho," dagdag niya pa at tumikhim si Genro sabay tumingin sa kanyang relo. "Denise, ikaw na muna ang bahala kay Alexa at papasok pa ako sa trabaho," sabi niya at hinalikan ako sa pisngi tapos ay nagmamadaling lumabas ng opisina niya. "Buo na ba ang loob mo para bumalik sa trabaho? Nagpalipat ako dito para magkaroon ka ng kasama," sabi sa akin ni Denise habang inaayos ang kanyang gamit. Tumingin ako sa mga kasamahan niya na parang nakikinig sa amin. "Gusto kong mag-usap tayo ng sarilinan. Yung tayong dalawa lang," bulong ko kay Denise at mukhang nabasa niya ang gusto kong sabihin. Binitawan niya muna ang hawak nyang mga folders at nanguna sa paglalakad palabas. Nakarating kami sa isang maliit na park kung saan may isang mahabang upuan. Pakiramdam ko ay nakapunta na ako sa lugar na ito dahil hindi na bago sa akin ang itsura ng lugar. "Desidido na ako sa pagbabalik dahil gusto kong malaman ang totoo. Kung bakit ako nagkaganito at ang nangyari kay Papa-" natigil ako sa sinabi ko dahil sa pagsasalita bigla ni Denise. "Ang nangyari kay Captain Roque, hinahanap na namin ni Spiel ang salarin." "Nakita ko kanina si Spiel. Nagpunta siya sa bahay namin pero pilit akng inilalayo ni Genro sa kanya." "Dahil pinagtataguan niya kami. Malakas ang ebidensya na may kinalaman siya sa pagkapatay ng Papa mo." "Hindi ko maintindihan... Sa tuwing si Genro ang kausap ko, nagugulo ng husto ang isip ko tapos ang kahahantungan ng usapan namin ay tungkol lagi sa pagbabagong - buhay." "Komplikado ang nangyari sayo kahit limang buwan pa lang lumilipas," napanganga ako sa gulat dahil sa sinabi niya. "L-limang buwan? Pero ang sinabi sa akin ni Genro ay isang taon na akong comatose," sabi ko sa kanya pero hindi na nagulat si Denise sa sinabi ko. "Kung pagtatagpi-tagpiin mo ang mga detalye, malaki ang tinatago sa'yo ni Genro. May mga bagay na hindi totoo sa lahat ng sinasabi niya," sagot sa akin ni Denise. "Hindi ko alam. May ilang mga bagay akong hindi pa bumabalik sa isip ko. May iilan na akong naaalala pero kinabukasan ay nakakalimutan ko na naman," usal ko sa kanya at napatango si Denise sa akin. Ayon kay Genro, pinag-iisipan ako nila Denise na may kinalaman sa pagkamatay ng aking Ama. Ang pagsisinungaling niya tungkol araw ng pagkaroon ko ng sakit, ang tungkol sa pagbebenta niya ng kanyang sasakyan kahit alam niyang malaking ebidensya iyon laban sa gumawa sa akin nito at ang huli, ginagamit niya ang emosyon bilang pagkumbinse sa akin na magkaroon ng bagong - buhay. "Napakaraming tinatago sa akin ni Genro kaya naisip kong bumalik sa serbisyo para isa-isahin itong lutasin," usal ko at mukhang sang-ayon si Denise sa sinabi ko dahil sa pagtango niya. "Si Spiel na ang bahalang lumutas sa kaso ni Captain Roque at kaya ako nandito, gusto kong samahan ka para hanapin ang gumawa sa'yo nito," sagot niya sa akin at niyakap ako. Tatanggapin ko ang sitwasyon ko at gaya ng sinabi at kagustuhan ni Genro, magkakaroon ako ng panibagong-buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD