“So, ngayong graduate na tayo at may trabaho ka na kaagad sa susunod na linggo, pwede mo na sigurong ipakilala sa amin ‘yung boyfriend mo?”
Napuno ng kantyawan ang hindi kalakihan naming sala dahil sa sunod-sunod na tanong ng mga kaklase ko. Alanganing napangiwi ako. Hindi ko alam kung paano ko naitawid ang kalokohang sinabi ko sa kanila noong second year college pa lang kami. Agad na lumipat ang tingin ko kay Jules, ang kaklase namin na unang lalaking nagpatibok ng puso ko.
S’ya ang kauna-unahang lalaking bumali sa pangako ko sa sarili na hinding-hindi ako magboboyfriend dahil wala akong balak na mag-asawa. Nahulog ako sa kanya matapos kaming naging sobrang close dahil naging member kami pareho ng cooking club. Pero noong araw na magtatapat na sana ako sa kanya ay inunahan n’ya ako. Hanggang ngayon ay malinaw pa rin sa akin kung paano n’ya sinabi sa akin ang lahat. At hindi ko rin maintindihan kung paano ko pa kinayang maging kaibigan pa rin s’ya pagkatapos kong marinig sa kanya ang bagay na ‘yon higit dalawang taon na ang nakakalipas.
“Jules!”
Halos tumalon ang puso ko sa pagtawag sa kanya nang makita ko s’yang umaakyat sa rooftop ng school namin kung saan sinabihan ko s’yang pumunta matapos naming manalo sa isang event na in-organized ng club. S’ya ang naging partner ko at sa sobrang inspired ako dahil sa kanya, nanalo kami. At ngayon nga ay maglalakas loob na akong magtapat sa kanya dahil ilang araw na lang ay sembreak na. Hindi kami magkikita ng halos dalawang linggo kaya ngayon pa lang ay magtatapat na ako para buong bakasyon ay magkaroon s’ya ng idea sa nararamdaman ko para sa kanya. Besides, ang mga kaibigan namin ay madalas na nagtatanong na rin kung ano ba ang status naming dalawa. At pare-pareho sila ng naiisip na may gusto rin sa akin si Jules. Kaya para matapos na ang pangungulit nila, maglalakas ng loob na akong magtapat dahil mukhang wala naman s’yang lakas ng loob na gawin ‘yon dahil kilala namin s’ya na torpe at likas na mahiyain.
Ngiting-ngiti na naglakad ako palapit sa kanya para lang mapahinto dahil biglang nagkaingay sa likuran n’ya. At ilang sandali lang ay lumabas na mula sa pinto ang mga kaibigan namin.
“Wow! Perfect talaga ang ambiance dito sa rooftop para magcelebrate!” bulalas ni Albie, ang isa sa tatlong lalaki sa barkada. Sinegundahan naman ‘yon nina Rizza, Kim, Jelai at Robin na nagsimula nang ayusin ang mga dala-dala sa isang may kahabaang table doon. Agad na napatingin ako kay Jules na mabilis na iniiwas ang tingin sa akin at saka nagsimulang maglakad palapit sa mga kaibigan namin pero inunahan ko na s’ya. Hinigit ko ang braso n’ya at saka nagsalita ng mahina.
“S-sinabi mo sa kanila?” tanong ko. Agad na napatingin s’ya sa kamay ko na nakahawak sa braso n’ya bago nag-angat ng tingin sa akin.
“Oo. Mag… cecelebrate naman talaga tayo dito kaya mo ako pinapunta hindi ba-”
“Jules, alam mong ikaw lang ang-”
“Mitz, wala akong ibang nararamdaman sa’yo kundi purong pagkakaibigan lang,” mahina pero mariin n’yang sambit sa akin. Sa sobrang diretso ng pagkakasabi n’ya ay halos paulit-ulit ko ‘yon na narinig sa isip ko. “‘Wag mo sanang bigyan ng malisya ang kung ano man na pinapakita ko sa’yo,” dagdag n’ya pa na mas malinaw at mas diretso.
Ilang sandaling napatitig ako sa kanya habang hindi na halos humihinga dahil sa bawat paghinga ko, parang may kung anong mabigat na nakadagan sa dibdib ko. Sa sobrang bigat ay parang hindi ako makahinga ng maayos at sinasabayan pa ‘yon ng pag-iinit ng dulo ng mga tenga ko pati na rin ang gilid ng mga mata ko.
Ilang beses na lumunok ako at pilit na kinalma ang sarili. Ilang beses ko rin na nahiling sa isip na ‘wag sana akong maiyak ngayon dahil alam na alam kong malapit na malapit na akong maiyak! Isang salita na lang n’ya ay tutulo na panigurado ang mga luha ko. At iyon ang isa sa mga bagay na pagsisisihan ko kung nagkataon!
Agad na tumawa ako ng tumawa at alam kong walang sino man ang makakapagsabi na pilit lang ang tawa na ‘yon. Masyado kong ginalingan ang pag-arte dahil determinado ako na makawala sa nakakahiyang sitwasyon na ‘to! Sa sobrang lakas ng tawa ko ay nakita kong sabay sabay na napalingon ang lima pa naming kaibigan sa gawi namin ni Jules. Agad na umiling ako at kinumpas ang mga palad sa kanila bago muling hinarap si Jules na punong-puno ng pagtataka ang tingin na ipinupukol sa akin.
“Anyare sa’yo, Mitz? Anong nakakatawa?” usisa ni Kim kaya napatingin na ako sa kanila nang lumapit sila sa gawi namin ni Jules. Umiling ako at kunwari ay nagpunas ng luha sa gilid ng mga mata dahil sa sobrang pagtawa. Pero ang totoo, hindi ‘yon tears of joy. Ang totoo, awang-awa ako sa sarili ko ngayon dahil magdadalawang taon na akong nag-aassume na gusto n’ya rin ako. Iyon pala, ako lang ang may nararamdaman. S’ya pala, kaibigan lang talaga…
“Wala. Natatawa lang ako dito kay Jules,” sabi ko at saka tiningnan s’ya. Kitang-kita ko kung paano namula ang mga pisngi n’ya dahil sa hiya. Hindi ko alam kung matutuwa ako dahil doon dahil alam kong mapapahiya s’ya sa harapan ng mga kaibigan namin. Pero wala na siguro akong pakialam. S’ya itong unang nagpakita sa akin ng motibo na hindi lang kaibigan ang turing n’ya sa akin, kaya unti-unti akong nahulog sa kanya. S’ya ang unang nagparamdam sa akin na may malisya ang mga ginagawa n’ya para sa akin kaya umasa ako. Umasa akong hindi lang pagkakaibigan ang nararamdaman n’ya para sa akin.
“Bakit? Anong ginawa ni Jules?” usisa ni Robin na inakbayan pa si Jules. “Ano? Nagtapat ka na ba kay Mitz? Kayo na ba?” tukso pa n’ya kaya lalo akong napangiti ng mapait. Paano akong hindi aasa kung kahit na ang mga kaibigan namin ay iyon din ang tingin?
Tumawa ulit ako at sunod-sunod na umiling. “Ano ba kayo? Tigilan n’yo na nga ‘yan,” natatawang saway ko nang magsimula silang kantyawan na naman kami. “Wala akong gusto kay Jules, ano ba kayo?” nakangising bulalas ko. “May boyfriend ako ‘no! Pero secret lang dahil nasa malayo s’ya at hindi pa ako nakakagraduate!” nakangising pagsisinungaling ko. Kitang-kita ko ang pagkabigla sa mga mata nilang lahat lalong-lalo na kay Jules. Hindi ko rin maintindihan kung may halo bang disappointments ‘yon pero wala na akong pakialam. S’ya ang nauna kaya sasakyan ko kung ano man ang trip n’ya!
“Wow! So,may ka-LDR ka pala? Sino naman at nasaan? Sa ibang bansa?” namimilog ang mga matang usisa ni Jelai na lumapit pa talaga sa akin. Ngumiti ako at tumango kaya umawang ang mga labi n’ya.
“Sa ibang bansa. Sa… England. Ano… Engineer s’ya doon!” sagot ko na halos kagatin ko na ang dila ko dahil hindi ko alam kung bakit sa dinami-rami ng lalaking maiisip ko ng mga oras na ‘yon ay ang Kuya ni Kira ang sumagi sa isip ko kahit na ilang taon na akong hindi gumagamit ng social media dahil sa kanya!
“Wow! Big time!” bulalas ni Rizza. “Ipakilala mo naman sa amin! May f*******:? Gwapo? Patingin ng picture!”
Sa sobrang dami nilang tanong at walang araw na hindi nila ako kinukulit simula ng araw na ‘yon ay ginawa ko na tuloy na wallpaper ang picture ni Gelo! At isang araw tuloy ay nakita din ni Kira ‘yon kaya inisip n’yang crush ko ang Kuya n’ya! Hinayaan ko na lang dahil alam naman n’yang marami talaga akong crush at alam n’yang hanggang doon lang naman ‘yon.
“Oo nga, Mitz! Graduation mo ah? Hindi ba uuwi ‘yong boyfriend mo para batiin ka man lang?” tuloy pa rin sa pangangantyaw na sabi ni Rizza. Napatingin ako kay Jules at huling-huli ko ang nakakalokong ngisi sa mga labi n’ya. Siguro ay iniisip n’yang wala naman talaga akong boyfriend at sinabi ko lang ‘yon para makaligtas sa nakakahiyang sitwasyon na ‘yon. Bigla tuloy nag-init ang ulo ko. Ngayong graduate na kami ay hindi ko na s’ya makikita at makakasama. Salamat naman dahil ayaw ko lang na masira ang barkada kaya hindi ako kumakalas sa kanila kahit na simula noong araw na ‘yon ay sobrang laki na ng naging gap sa pagitan naming dalawa. Masyadong mahalaga sa akin ang friendship na nabuo sa aming pito dahil bukod kay Kira, sila ang pinakamalalapit na kaibigan sa akin na naging dahilan din para tumigil na ako sa kakasulat sa diary dahil mayroon na akong mga totoong kaibigan na pwedeng makausap parati.
“Ano ba kayo? Busy ‘yon sa trabaho at-”
“Mitz, may bisita ka dito!”
Napatigil ako sa pagpapaliwanag sa mga barkada ko nang sumigaw ang Ate Mira ko. Kumunot ang noo ko pero agad na napangiti nang pumasok sa isip ko si Kira. Hindi n’ya sinabing pupunta s’ya ngayon pero baka nagbago ang isip o kaya naman ay sadyang gusto lang manorpresa! Nakangiting tumayo ako at hahakbang na sana para salubungin s’ya pero sa sobrang gulat ko ay ang Kuya n’ya ang bumungad sa mga mata ko!
“Sh!t… hindi ba ‘yan ‘yong nasa wallpaper ni Mitz?” narinig ko pang bulong ni Kim kahit na hindi ko na halos maigalaw ang mga paa ko dahil sa sobra-sobrang pagkabigla at nerbyos na baka mabuking nila ang kasinungalingan ko!
May dala-dala s’yang pumpon ng mga bulaklak sa kaliwang kamay at sa kabila naman ay isang paperbag. Nanlalaki ang mga mata ko habang hindi maalis ang tingin sa mukha n’ya. Gusto kong kumurap ng kumurap dahil baka namamalikmata lang ako pero hindi! Si Gelo talaga ito! Pero anong ginagawa n’ya dito?!
“Oo nga ‘no? Mas gwapo sa personal!” bulalas din ni Rizza na kahit hindi ko ibaling ang tingin sa kanila ay alam kong titig na titig at gulat na gulat sila habang nakatingin kay Gelo!
Mabilis ang mga hakbang na sinalubong ko s’ya kahit na pakiramdam ko ay mabubuwal na ako sa sobrang panginginig ng mga tuhod ko dahil sa nerbyos!
Graduate na kami! At ngayong araw na lang ang pagpapanggap ko na may boyfriend ako sa malayo! Kaya hindi pwedeng mabuking pa ako! Please, Lord! ‘Wag ngayon!! Utang na loob!!
Halos liparin ko na tuloy ang pagitan namin para lang mahila ko s’ya palabas at mailayo sa mga mapanuring mga mata ng mga kaibigan ko! Hindi pwedeng makalapit s’ya sa kanila! Hindi pwede!
Namilog ang mga mata ko nang halos isang dipa na lang ang pagitan naming dalawa ay dumulas ang tsinelas ko sa sahig at awang ang bibig na sumadsad ako sa dibdib ni Gelo!
Shiiit! Kung sino mang nagpakinis at nag-effort na maglagay ng floor wax sa sahig ay hinding-hindi ko talaga mapapatawad!!!!
“You okay?” rinig kong tanong n’ya kaya halos maiyak na ako sa sobra-sobrang kahihiyang nararamdaman lalo na at kitang-kita ko ang pagkaawang ng bibig ng Ate Mira ko at ilang kumare ni Mama na nakakita sa nangyari!
Lord, kung gusto mo akong kunin, ngayon mo na gawin! Utang na loob! Ayoko nang mabuhay sa kahihiyan!!!!!