Pinahid ko muna ang mga luha bago tuluyang hinarap ang katabi.
Saglit pa akong natigilan nang mabistahan kong maigi ang mukha nito. Awang ang bibig na napakurap-kurap ako upang siguruhing hindi ako namamalikmata.
Kaya pala pamilyar ito dahil siya lang naman ang sikat na singer na si Vlad Fariol. Masyado nga yata akong nalunod sa narardaman ko kanina kaya hindi ko agad siya nakilala.
Sanay na akong nakakaharap ang mga celebrity dahil nabibilang din sa mundo nila ang kapatid ko pero ngayon hindi ko mapigilang makaramdam ng pagkailang sa ilalim ng matiim na mga titig ng kaharap.
Dakilang alalay ako ni Ate Zena kaya hindi na bago sa'kin ang makakasalamuha ang mga tanyag sa kani-kanilang larangan sa showbiz industry pero ito iyong unang pagkakataong nakakaharap ko ang singer na si Vlad Fariol.
Hindi lang siya kilala dahil sa mga awiting pinasikat niya kundi ay dahil na rin sa pamilyang pinagmulan niya.
Halos pagmamay-ari ng mga Fariol ang buong bansa. Sa yaman nila ay pwede na nilang tapatan ang mga royalty ng ibang bansa pero kaakibat niyon ay ang mga usap-usapan tungkol sa successor ng buong pamilya na ngayon nga ay nandito sa harapan ko.
Sa kabila ng katanyagan at kayamanang taglay bilang King of Soul ng music industry ay bibihira lang makisalamuha sa karamihan si Vlad kaya maraming espekulasyon tungkol sa kanya.
Maraming kumukwestiyon sa totoong preference niya dahil ni minsan ay wala pang babaeng nauugnay sa kanyang pangalan. Iniisip ng karamihan na lalaki rin ang type niya na hindi naman pinabulaanan o inamin ng kampo ng singer.
May usap-usapan din tungkol sa estado ng pag-iisip niya. Hindi naman siya mukhang baliw tingnan ngayon maliban nga lang sa mga pinagsasabi niya kani-kanina lang.
Wala rin naman akong pakialam tungkol personal niyang buhay pero hindi ko mapigilang ma-curious lalo na at nabigyan ako nang pagkakataong makaharap siya nang malapitan. Kahit sino siguro ay maiinggit sa'kin 'pag malamang nagkaroon ako ng chance na makalapit kay Vlad Fariol.
Pinigilan ko ang sariling magtanong ng ilang mga katanungan sa kaharap. Paulit-ulit kong pinapaalala sa'king sarili na may utang na loob ako sa kanya dahil tinulungan niya akong makalayo sa kanila ni Mommy at Daddy kaya dapat ay irespeto ko ang pribado niyang buhay.
Maliban yata sa pagiging broken nitong puso ko ay broken din iyong utak ko dahil naisip ko pang magmarites sa buhay ng ibang tao gayong hindi ko nga maayos-ayos ang sarili kong buhay.
Nang magsalubong ang mga mata namin ni Vlad Fariol ay wala sa sarili kong nahigit ang paghinga.
Bigla ay parang naging maliit na bagay ang pinakamasamang nangyari sa'kin sa araw na ito. Parang akong nilulunod ng matiim niyang mga titig at kawalan ng emosyon ng mga ito.
"Bakit hindi ka na umiiyak? Hindi na ba masakit?"
Naikuyom ko ang kamao dahil sa sunod niyang itinanong. Kakaibang panlalamig ang gumuhit sa likod ko dahil sa kakaibang niyang mga katanungan na sinabayan pa ng blangko niyang mga tingin.
Oo at nakakalula ang kagwapuhan niyang taglay pero mas agaw pansin ang malamig niyang ekspresyon at indifference sa buo niyang mukha.
Mukhang may basehan yata ang usap-usapan tungkol sa kanyang mental state!
Tinagurian siyang King of Soul dahil tumatagos sa kaluluwa ang malamig niyang boses at magagandang awitin pero bakit para siyang empty vessel na walang pakiramdam at emosyon?
Nakakabalisa ang walang kakurap-kurap niyang pagkatitig sa'kin na para bang isa akong bagay sa ilalim ng microscope na pinag-aaralan niyang mabuti. Hindi ako mapakali sa kinauupuan at kahit hindi ako naka-seat belt ay parang nakatali ako rito at hindi makagalaw.
Tinagurian siyang genius pagdating sa musika pero ngayon ay mas tama siyang tawaging may sayad.
Hindi ko magawang sumagot sa katanungan niya dahil bigla ay may umahong kaba sa dibdib ko.
Paano kong talagang may sira nga sa ulo ang lalaking ito at ngayon ay kami lang dalawa iyong nandito sa kanyang sasakyan?
Pasimple kong tinapunan nang tingin ang kinaroroonan naming lugar at gusto kong panghinaan ng loob nang mapagtantong walang pinakamalapit na kabahayan o establishment mula rito.
Kung gugustuhin niya ay pwede niya akong ipaanod sa dagat dahil malapit kami roon. Parang mas gusto ko pa yatang harapin ang mga magulang ko kaysa manatili kasama ang lalaking ito.
"I'm writing a new song that's why I'm being weird today. I'm sorry."
Napakurap-kurap ako nang makitang gumuhit sa mga labi niya ang isang matamis na ngiti.
Hinanap ko sa mukha niya iyong kakaibang tingin at kalamigang kani-kanina lang ay naroon pero napalitan na ito ng iconic na ngiti ng isang Vlad Fariol na bumihag sa puso ng publiko tuwing nailalathala sa pahayagan at lumalabas sa lahat ng social media.
"Okay ka na ba?" muli niyang tanong. "I'm just trying to get your mind off from what made you cry."
Mali lang yata ako no'ng una kong hinalang may sayad siya at may katotohanan iyong mga usap-usapan dahil ang kumakausap ngayon sa'kin ay ang simpatikong singer na hinangaan at minahal ng lahat.
"O-okay na ako... salamat," medyo nauutal kong sagot. Hindi pa rin mawaglit-waglit ang hindi maganda kong kutob.
Agad akong nag-iwas ng tingin dahil ayokong mabasa niya sa mukha ko iyong mga hinala ko kanina sa kanya.
"I'm Vlad Fariol, and you are?"
Muli akong napalingon sa sunod niyang sinabi.
Nagbaba ako ng tingin sa nakalahad niyang palad bago muling tumuon sa nakangiti niyang mukha.
Kahit may pag-aalinlangan ay nagawa kong abutin ang palad niya upang makipagkamay.
"Lushia... Lushia Medina," pakikala ko sa kanya bago mabilis na binawi ang sarili kong palad.
Pasimple ko itong pinatong sa kandungan ko at hinaplos gamit ang isa kong kamay dahil parang may kakaibang sensasyong naiwan doon ang simpleng paglalapat ng mga palad namin ni Vlad.
"It's nice meeting you, Lushia."
Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang pananayo bigla ng mga balahibo ko sa braso nang sambitin niya ang pangalan ko pero pilit ko iyong binabalewala.
Tanging tango ang naging sagot ko sa kanya habang hindi pinapahalata ang totoo kong nararamdaman.
"So... it looks like you're from a wedding ceremony," nanantiya niyang wika.
Muli ay bumalik sa'kin ang dahilan kung paano ako napasama bigla sa kanya. Pero hindi na tulad kanina na nakakaparalisa iyong sakit ng mga pangyayari sa araw na ito. Naroon pa rin iyong sakit pero mas lamang na iyong pait at lungkot na nararamdaman ko.
Nalulungkot ako dahil nabalewala iyong mga plano ko sa buhay kasama si Arthur. Siguro ay tutuparin niya iyong ilan sa mga plano namin pero hindi na ako iyong makakasama niya kundi ay iyong babaeng kahit minsan siyang sinaktan ay paulit-ulit niya pa ring pipiliin over me.
Gusto kong maawa sa sarili ko dahil sa kabila ng nagawa ni Arthur ay may parte pa rin sa'kin na handa siyang tanggaping muli kapag maisipan niyang bumalik.
Kinurap-kurap ko ang sarili kong mga mata nang maramdaman ang panunubig ng mga ito.
Sinalubong ko ang mga mata ni Vlad na hindi tumitinag mula sa pagkakatitig sa'kin.
"Muntik na akong ikinasal... pero hindi natuloy." Sinamahan ko nang pagak na tawa ang sinabi.
Hindi siya kumibo sa halip ay ikiniling lang ang ulo indikasyon na nakikinig siya kwento ko.
"Iyong pakakasalan ko sana... sumama sa ibang babae," mahina kong dugtong.
Nagyuko ako ng ulo at tinuon ang tingin doon sa bouquet ng bulakak na nasa kandungan ko.
Isang mapait na ngiti ang sumilay sa mga labi ko dahil sa kabila ng mga nangyari ay nagawa ko pa rin itong dalhin hanggang sa pagtakas ko.
Buo pa rin ang bouquet pero iyong ibang bulaklak ay lumaylay na dahil siguro napahigpit ang kapit ko rito kanina. Nasira na rin iyong ibang petals pero maganda pa rin naman itong tingnan, hindi katulad ko na tiyak parang lantang gulay na dahil sa kakaiyak.
"Is he worth it?"
Nag-angat ako ng tingin upang tumingin sa kanya dahil sa naging tanong niya.
"Is he worth your tears?" tanong niya ulit habang direktang nakatingin sa akin.
Hindi ko alam kung papaano siya sagutin dahil maging ako ay hindi alam kung worth it nga bang iyakan ang lalaking hindi ako iyong mahal.
"Nagmahal ka na ba?" balik-tanong ko sa kanya.
Bahagya siyang napakurap na para bang hindi niya inaasahang marinig ang gano'ng tanong.
"Hindi pa," walang gatol niyang sagot.
"Stay that way," payo ko sa kanya na sinabayan nang mahinang palatak. "Pero kung magmamahal ka man ay dapat siguraduhin mong mahal ka rin para naman hindi mo maranasan iyong pinagdadaanan ko ngayon." Para akong baliw na nagpapayo dahil umiiyak ako habang tumatawa. Sa totoo lang ay hindi ko na alam ang mga pinagsasabi ko.
Para akong tinakasan ng katinuan at basta-basta na lang lumalabas sa bibig ko iyong mga sinabi ko at balewala kung sino ang kausap ko ngayon.
"Ano nga iyong doon sa lyrics doon sa isang kanta mo?" Patuloy akong nagsasalita kahit wala akong nakukuhang sagot mula sa kanya. "Iyong kanta mong Loveless Sanctuary. Katangahan iyon!" Hindi ko alam kung saan ako nakakuha ng lakas ng loob na sabihin sa nukha niya ang opinyon ko sa isa sa pinakasikat niyang kanta.
Ganito talaga siguro kapag nabigo at nasaktan, nagiging matapang nang wala sa lugar.
"Oh, this loveless sanctuary,
I'll break free from this penitentiary."
Umalingawngaw sa loob ng sasakyan ang malamig niyang boses habang inaawit ang chorus ng kantang nabanggit ko.
Dapat ay feeling blessed ako dahil personal akong kinantahan ng isang Vlad Fariol pero broken ako kaya hindi ko gaanong naa-appreciate.
"I'll search for a love that's true,
To mend this heart, so broken and blue."
"Walang gano'n!" mapakla kong tugon sa kinanta niya. "Iyong si Arthur nga na sobrang bait pero matapos kong buuin ang nawasak niyang puso ay ayon at bumalik doon sa babaeng dahilan niyon! Ang tanga! Kung ako na lang sana eh!"
Muli na naman akong ngumawa.
"Maybe, that girl is his true love," saad niya.
Nagawa ko pa siyang samaan ng tingin kahit panay ang tulo ng mga luha ko.
"Tapos ano ako?" garalgal ang boses kong tanong.
"You're meant for someone else," may ngiti sa mga labi niyang sagot.
Hindi ako naniniwala sa kanya. Nadala na ako sa naranasan ko kay Arthur. Hindi ko alam kung kakayanin ko pa ang muling magtiwala at magmahal.
Nang dumakong muli ang tingin ko sa hawak na bulaklak ay humigpit ang kapit ko rito. Tumanaw ako sa labas ng bintana bago pinunasan ang mga luha ko.
Binuksan ko ang bintana at basta na lang itinapon ang bouquet. Pagkatapos ay iyong suot kong damit pangkasal ang napagdiskitahan ko, puno nang galit kong pinunit ang laylayan nito. Sa ganitong paraan man lang ay mabawasan ang mabigat kong pakiramdam.
Si Arthur ang pumili nito pero ngayon pakiramdam ko ay hindi talaga ito para sa'kin. Pinili niya ito habang ibang babae iyong nasa isip at puso niya.
Sumasakit na iyong kamay ko pero hindi pa rin ako tumigil sa ginagawang pagsira sa suot na damit. Hirap na hirap ako sa tuluyang pagtanggal nang napunit na bahagi nang dalawang kamay ang tumulong sa'kin at walang kahirap-hirap itong kinalas.
Iyong mahaba kong wedding gown ay ngayon naging hanggang tuhod na lang at nakikita ko na ang suot kong sapatos na bigay ni Arthur.
Walang pagdadalawang-isip na hinubad ko ang mga ito at itinapon din sa bintana kasama ang napunit na bahagi ng gown. Mas maiging nakapaa ako kaysa patuloy kong nakikita iyong mga bagay na magpapaalala sa'kin kay Arthur.
Nakatingin ako sa mga paa kong walang sapin nang isang pares ng indoor slipper na panlalaki ang sumulpot sa paningin ko.
Nahigit ko ang hininga nang itaas ni Vlad ang mga paa ko upang isuot sa'kin ang indoor slippers na halatang pagmamay-ari niya.
Wala sa sariling napatingin ako sa kanya. Hindi pa rin nagbabago ang malamig na ekspresyong nasa mukha niya. Matapos umayos nang upo ay ni hindi nga niya ako tinapunan ng tingin at diretso lang siyang nakatutok sa unahan ng sasakyan.
"Salamat," mahina kong usal.
Nakaramdam na ako ng pagod. Gusto kong ipahinga ang katawan, isip, at puso ko.
Hindi ko alam kung bakit pero bigla-bigla ay nagiging komportable ako habang kasama ang lalaking kani-kanina lang ay nagdudulot ng kaba sa'kin. Siguro dahil iyon sa komportableng tsinelas na suot ko o baka dahil nawalan na ako ng pakialam sa maaaring mangyari sa'kin.
Sumandal ako sa kinauupuan ko at ipinikit ang nanghahapding mga mata.
"Saan mo gustong pumunta?" malumanay na tanong ng kasama ko.
"Kahit saan," sagot ko habang hindi nagmulat ng mga mata.
Ilang sandali ng katahimikan muna ang dumaan bago ko naramdaman ang pag-usad ng sinasakyan namin at kasabay niyon ay ang muling pagtulo ng mga luha ko.
Kahit pagod na ako ay ayaw namang paawat ng mga luha ko. Tahimik akong umiiyak habang nanatiling nakapikit ang aking mga mata.