Huling Kabanata
Matapos ang magulong pangyayaring
iyon sa aking buhay ay heto ako ngayon at masaya sa piling ni Kanyue.
Pinaayos namin ang nasira niyang tahanan at tuluyan na nga akong tumira sa kanya ng permanente. ‘Di tulad nang dati na sa tuwing nagtatalo kami at may hindi pinagkakaunawaan ay bumabalik ako sa sarili kong tahanan para lamang magpalamig ng aking ulo.
“Hollian,” tawag sa akin ni Kanyue. Agad akong napalingon sa kanya.
“Mahal ko? Ano ang mga iyan?” tanong ko agad nang makita ko ang hawak niyang mga buslo.
“Prutas,” nakangiti niyang sagot.
“Hindi ba’t dugo dapat ang inomin ko?” wika ko naman.
Mas lalong lumapad ang kanyang ngiti sa
akin.
“Sayang pala ang mga pinamili ko,” natatawa niya pang wika. Inilapag niya ang kanyang dala sa mesa at agad na yumapos sa akin.
“Ibigay mo na lang kaya iyan kay Des, papupuntahin ko siya rito,” suhestyon ko.
“Ikaw ang bahala,” aniya.
Hinaplos naman niya ang aking lumalaking tiyan. Nagtataka nga ako, pakiramdam ko pa’y kabuwanan ko na kahit hindi pa naman.
“Sa tingin mo ba’y maisisilang ko ng maayos ang anak natin? Kinakabahan ako Kanyue,” sagot ko at hinaplos din ang aking tiyan.
“Magiging maayos lang siya Hollian. Hindi naman ako aalis sa iyong tabi.”
“Senyorita Hollian!?”
Pareho kaming napalingon sa pinto dahil sa malakas na pagtawag ni Des sa akin.
“Des?” wika ko habang kunot ang aking
noo.
“Ang iyong ama, dumating po siya at hinahanap kayo,” paliwanag niya at bakas sa mukha ang matinding pagkabahala.
Nakagat ko ang aking labi at kinuha ang aking tsaketa at isinuot ito.
“Uuwi muna ako sa kabilang asyenda Kanyue,” paalam ko sa aking kabiyak.
“Sasamahan kita,” aniya. “Pero Kanyue,” protesta ko.
“Sasama ako,” seryoso niyang ani at kumuha rin ng kanyang tsaketa. Napabuga ako ng hangin. Talagang hindi ko siya mapipigilan.
Ipinahanda niya pa ang sasakyan naming kalesa at inalalayan akong makasakay dito. Si Des naman ay hindi sumabay dahil may kabayo naman siyang dala.
Habang tinatahak namin ang daan ay hindi ko mapigilang paglaruan ang aking mga daliri.
Kabado ako at hindi ko maiwasang mabahala.
“Kabado ka mahal ko,” puna pa ni Kanyue sa akin at kinuha ang aking mga kamay upang matigil ako sa aking ginawang paglalaro sa aking mga daliri.
“Hindi ko hahayaang masaktan ka ng iyong amain, Hollian. Nandito lamang ako. Huwag ka nang mag-alala.”
Huminga ako ng malalim at napatango.
Konti akong nakahinga ng maluwag.
Nang dumating kami sa asyenda ko ay
agad kong nakita ang kalesang palaging sinasakyan ni ama sa tuwing umuuwi siya galing sa ibang bayan.
Inalalayan ako muli ni Kanyue na makababa ng kalesa.
Ang mukhang nag-aalala agad ni Manang Bebeng ang sumalubong sa akin.
“Bakit po ‘nay?” taka ko namang tanong.
“Galit na galit ang iyong ama Hollian,” imporma nito sa akin at bumaling pa kay Kanyue.
“Nasaan po siya?”
“Nasa loob,” sagot naman nito.
Agad akong lumakad palapit sa aming bahay ngunit agad din naman akong napaurong nang makita ko ang aking amain na lumabas.
“Hollian! Anong kahangalan itong nalaman ko!? Anong ginawa mo!?”
Bumaling ako kay Manang Bebeng.
Napayuko lamang siya. Marahil ay nasabi niya na ang lahat sa aking amain.
“Matanda na ho ako ama at alam ko ang ginagawa ko. Alam ko na rin po ang totoo,” paliwanag ko.
Bumaling naman siya kay Kanyue.
“Siya ba ang ipinagmamalaki mo? Ang lalaking iyan? Alam mo ba kung sino ang kinakasama mo Hollian!? Siya ang tunay mong ama!”
Naningkit ang aking mga mata.
“Hindi iyan totoo! Alam ko na ang lahat! Isa lang akong ampon! At kaya mo nasasabi ang lahat ng iyan dahil hindi mo matanggap na hindi ka
minahal ni ina!”
Agad niyang inangat ang kanyang kanang kamay. Akmang kanya akong sasampalin ngunit agad itong napigilan ni Kanyue.
“Subukan mong saktan ang asawa ko at makikita mo agad ang impyerno Tirso,” banta ni Kanyue.
Tinabig nito si Kanyue.
“Hindi ako makapapayag na magsama kayong dalawa! Anak ko si Hollian!”
Agad nanubig ang aking mga mata.
“Tama na ama! Alam mo kung ano ang totoo at hindi mo na mababago pa ang aking pasya! Sasama ako kay Kanyue. Pakiusap, para sa magiging anak naming dalawa. Huwag mo na
kaming hadlangan pa.”
Yumakap ako kay Kanyue at hinila ko na siya pabalik sa aming kalesa.
Naiwan namin si ama na nagpupuyos sa matinding galit.
“Hindi niya matanggap,” wika ko at tiningala si Kanyue.
“Kahit pa hindi niya matanggap. Hindi natin kailangan nang basbas niya.” Mapait akong ngumiti at yumakap sa kanya.
Nang nasa kalagitnaan na kami ng
aming biyahe ay laking gulat namin nang bigla na lamang may bumangga sa sinasakyan naming kalesa. Agad akong niyakap ni Kanyue at agad na inilabas sa kalesa bago pa man ito matumba ng tuluyan.
Nahigit ko ang aking hininga nang makita ko kung paano nawasak ang gilid na bahagi ng kalesa.
“Sinundan niya tayo,” wika ni Kanyue dahilan naman para kumunot ang aking noo.
“H-hindi kita maintindihan Kanyue?” “Ang iyong amain ay isang…”
Naputol ang sasabihin ni Kanyue dahil pareho kaming tumilapon sa ere. Napahawak ako sa aking tiyan nang ako’y bumagsak sa mayabong na damuhan.
“Ugh!” ungol ko.
“Hindi ko papayagang maging masaya kayong dalawa! Kung hindi man nagawa ni Shaurine ang tapusin ka! Ako mismo ang tatapos sa iyo!” narinig kong singhal ni ama.
Namilog ang aking mga mata nang tumunghay si ama sa akin at bigla itong nagpalit ng anyo. Nahigit ko ang aking hininga.
“T-taong l-lobo?” hindi makapaniwala kong sambit. Agad na lumipad ang aking kanang palad sa aking bibig.
“Hindi rin kita hahayaang masaktan mo ang mag-ina ko!” sigaw ni Kanyue at biglang sinugod ang aking amain.
Agad na rumehistro sa aking utak ang gagawin ni Kanyue. Papaslangin niya ito.
“Kanyue! Huwag!” sigaw ko ngunit kasabay nang aking pagsigaw ay siya ring pagtalsik ng mga dugo sa aking mukha.
Natulala akong saglit kasabay nang paghigit ko ng aking hininga.
Bumagsak ang aking amain sa aking harapan. Wasak ang dibdib, duguan at wala nang buhay.
“Ah! Kanyue! Anong ginawa mo!?” tili ko at agad na lumapit sa aking amain.
“Ama! Gumising ka! Ama!” umiiyak kong pukaw dito.
“Ama!” sigaw kong muli. “Hollian?” untag sa akin ni Kanyue.
Pinahiran ko ang aking mga luha at inilapag sa lapida ang aking mga bulaklak na dala. Isang linggo na ang lumipas simula nang maganap ang malagim na trahedyang iyon.
“Huwag ka na ulit papatay Kanyue.
Binabalaan kita,” baling ko sa kanya. “Naiintindihan ko.”
Lumapit ako sa kanya at yumakap. Hindi ko kinamuhian ang lalaking pumatay sa mga kinikilala kong magulang. Mas nanaig ang matinding pag-ibig ko para sa kanya at lubos kong nauunawaan kung bakit kailangan niyang pumaslang para sa akin.
Kung higit ko man siyang iniibig, mas lalo na ang pag-ibig niyang alay na walang katumbas na kahit gaano kalaking salapi. Kaya niyang pumatay para sa
akin at iyon ang hindi ko na hahayaan pang mangyari ulit.
Hinagkan niya ang aking noo kasunod ang aking mga labi.
“Mahal na mahal kita Hollian,” aniya at hinaplos ang aking malaking tiyan. Isang matamis na ngiti lamang ang aking naging tugon. Hindi ko man nakilala ang mga tunay kong mga magulang ngunit sapat na sa akin ang lalaking nasa aking harapan ngayon.
Sa isang pagtatalo man kami nagkatagpo ngunit hindi ko pinagsisihang umibig ako sa isang kagaya niyang nilalang. Nakakatakot man sa paningin ng iba ngunit sa puso't diwa ko'y ang isang Kanyue Oruiseas Zoldic ay kaibig-ibig na nilalang.
~Wakas~