Kabanata 10
"Senyorita Hollian, marami po tayong kita
ngayong araw," masiglang balita pa sa akin ni Des. Tipid lamang akong ngumiti.
"Hindi po ba kayo masaya?" aniya.
"Masaya ako Des. Bumalik na sa normal ang lahat. Sino ba ang hindi matutuwa sa bagay na 'yon," sagot ko.
"Pero malungkot ka," dugtong niya. Binasa ko ko ang aking mga labi at napaunat ng aking mga braso.
"Tama ka Des. Pakiramdam ko kasi ay hindi na nasasapat ang kasiyahang ito para sa akin. Oo nga't bumalik na sa dati ang lahat pero wala siya Des. Wala siya." Napasinghap naman ito.
"Umiibig po ba kayo kay senyorito Kanyue?" Umangat ang isang sulok ng aking labi at napatango. Agad namang lumipad sa kanyang bibig ang kanyang kaliwang palad.
"Pero senyorita Hollian, paano po? Oo nga't nakipagkasundo kayo para maisalba ang inyong asyenda ngunit kay bilis naman po yatang nahulog ang inyong kalooban sa kanya." Nalukot ang aking noo.
"Ang ibig kong sabihin ay alam kong guwapo ang senyorito Kanyue at may kaya rin sa buhay ngunit imposibleng mahulog agad ang inyong kalooban sa kanya," paliwanag nitong muli. Napahalakhak ako sa mahabang paliwanag at pagpuna ni Des sa akin.
"Kapag ang puso ay nagsimulang umibig ay walang pinipiling oras at panahon."
"Paano po si Emil?" Matamis ko siya nginitian.
"Si Emil ay parte pa rin ng aking buhay Des.
Ngunit lumisan na si Emil sa mundong ito at karapatan kong maging masaya ulit. At sa piling 'yon ni Kanyue." Bumuntong-hininga naman ito at ngumiti sa akin.
"Kung ganoon naman po pala ay masaya po ako para sa inyo senyorita Hollian." Tinapik ko lamang ang kanyang kanang balikat.
"Kailan nga po pala uuwi ang senyorito Kanyue? Mag-iisang linggo na po yata simula nang umalis ito," ani Des. Mapakla akong napangiti.
"Hindi ko alam Des. Walang nakakaalam." Kinuha ko ang aking balabal.
"Papasyal lang muna ako sa may batis Des.
Kayo na muna ang bahala rito."
"Ngunit senyorita Hollian, magtatakip-silim na po at delikado na sa gubat kapag nagpagabi pa kayo," pigil nito sa akin.
"Ngayon mo pa ba ako pagbabawalan Des, gayong araw-araw naman akong tumutungo ro'n."
"Ngunit senyorita Hollian," muling pigil nito sa akin.
"Walang mangyayaring masama sa akin Des," wika ko kasabay nang pag-iling ko. Tuluyan na akong lumabas ng bahay. Tinungo ko ang kuwadra ng mga kabayo at sinakyan ang isa sa mga ito. Agad ko rin naman itong pinatakbo at tinungo ang makipot na daan patungo sa gubat. Nasa kalagitnaan na ako nang pagbabaybay ng daan nang biglang may dumaan sa aking harapan. Sa gulat at pagkabigla ko'y nahila ko ang tali ng aking kabayong sinasakyan dahilan para mapahalinghing ito. Muntikan ko pang ikinahulog ang pagwawala nito ng bahagya. Mabuti na lamang at mahigpit
akong napakapit sa leeg ng kabayo. Muli naman akong nakarinig ng mga kaluskos. Papalapit ito sa aking kinaroroonan at hindi ko napaghandaan ang sumunod na nangyari. Isang babaeng nakasuot ng tsaketa ang biglang sumugod at pinalo ng malakas ang leeg ng aking kabayo. Dahil sa ginawa niyang 'yon ay tuluyan akong nahulog sa kabayo at bumagsak sa lupa.
"Ah!" daing ko nang maramdaman kong parang may nabaling buto sa akin. Tumakbo palayo ang aking kabayo. Humakbang naman palapit iyong babae at hinubad ang sumbrero ng kanyang tsaketa.
"Lorry?" gulat kong sambit nang makilala
ko ito.
"Buti naman at nakikilala mo pa ako," aniya at mas lumapit pa sa akin.
"Kahit nakamaskara pa ang kalahati ng iyong mukha ay makikilala pa rin kita!" mariin kong sagot. Tinanggal naman niya ang kanyang
maskara. Napasinghap ako sa aking nakita. Sunog ang kalahati ng mukha niya.
"Nagulat ka ba?" tanong niya at biglang inapakan ang aking binting may bali. Napahiyaw ako sa sobrang sakit.
"Masakit, 'di ba!? 'Yan ang naramdaman ko nang gawin sa akin ni Kanyue 'to!"
"Ano ang—"
"Bobo! Si Kanyue ang sumunog ng aking mukha! At dahil 'yon sa iyo!" Kitang-kita ko sa mga mata nito kung gaano katindi ang galit niya sa akin.
"Ah!" muling hiyaw ko nang diinan niyang muli ang aking binti.
"Wala akong alam Lorry! Wala!" umiiyak kong wika.
"Dahil wala ka naman talagang alam!" "Pag-usapan natin 'to Lorry," pakiusap ko.
"Hindi! Kasalanan mo 'to kung bakit nasira ang mukha ko! Sisingilin kita ng malaki! Mukha ko ang sinira niya! Mukha mo rin ang magiging kabayaran!" Namilog ang aking mga mata nang maglabas ito ng matalim na punyal. Pinilit kong gumapang pero mabilis nitong nahawakan ang aking buhok at idinikit sa mukha ko ang matalim na punyal na kanyang hawak. Konting maling galaw ko lang ay siguradong mahihiwa ang aking balat sa pisngi. Nanginginig ako sa takot.
"Lorry nakikiusap ako sa iyo," pagmamakaawa ko habang patuloy pa rin sa pag- agos ang aking mga luha sa mata.
"Magdusa ka!" singhal nito. Mariin akong napapikit at napadasal na lamang. Subalit agad din naman akong napadilat nang biglang bumagsak si Lorry sa aking harapan. Naghihingalo ito at duguan ang kanyang dibdib. Nanginginig akong napalingon sa aking likuran.
"Kanyue," utas ko.
Agad na dumapo ang aking mga mata sa kanyang kanang kamay. Hawak niya ang tumitibok pang puso ni Lorry at ang kanyang anyo ay gaya na naman noong nakaraan.
"Anong ginawa mo!?" Itinapon naman niya ang puso sa tabi ng bangkay ni Lorry.
"Ang dapat na sana'y ginawa ko na no'ng unang beses ka niyang ipapatay. Nasayang ang pakiusap sa akin ng kanyang ama. Pinagbigyan ko siya Hollian. Hindi ko siya isinunod sa tatlong lalaking 'yon bagkus ay sinunog ko lamang ang kanyang mukha bilang kaparusahan."
"Hindi ka tao!" singhal ko. "Halimaw ako Hollian," aniya.
Pinilig ko ang aking ulo at tinakpan ang aking mga tainga.
"Bakit kailangan mo pa siyang paslangin Kanyue!? Bakit!?"
"Dahil sa iyo," agad niyang sagot. Tinakpan ko nang mahigpit ang aking mga tainga.
"Hindi! Hindi totoo 'yan!"
"Sa tingin mo ba'y papatay ako ng walang dahilan Hollian? Sa angkan namin ay walang sinuman ang puwede naming hayaan na manakit sa mga minamahal namin. Sa batas ng mga Zoldic ay legal kaming pumatay sa oras na malagay sa kapahamakan ang itinakda ni Luna. Kahit kapatid pa o kamag-anak ay walang ligtas sa hatol sa oras na may lumabag. Ngayon Hollian ay isipin mo na ang gusto mong isipin. Wala na akong magagawa pa ro'n para tanggapin mo ang aking nagawa." Mariin akong napapikit at muling napahagulhol.
"Ayaw kong gawin mo ito para sa akin."
"Kung iyon lang ang paraan para makita kitang buhay, nakatayo at humihinga'y gagawin ko."