Kabanata 8
Nang huminto ang kotse ay nasapo ko
ang aking dibdib. Kinakabahan ako ng husto dahil hindi ko naman alam kung anong klaseng kasiyahan ba itong dadaluhan ko. Wala rin naman kasing nabanggit si Kanyue kung para saan ang okasyong ito at isa pa'y kanina pa ito tahimik. Panisan ng laway yata ang labanan naming dalawa! Kanina pa nasa labas ng sasakyan ang atensyon nito. Gusto
kong magtanong ngunit lagi akong nag-aalangan. Diyos ko! Masiyado na yata akong praning at kung anu-ano na itong tumatakbo sa aking isipan.
Muling tumakbo ang kotse at umikot ng isang beses bago tuluyang huminto sa mismong entrada ng gusali na may apat na palapag. Agad namang kumilos si Kanyue na nasa aking tabi at lumabas ng sasakyan. Bigla itong sumulpot sa kabila at pinagbuksan ako. Napakurap ako.
Namamalik-mata na naman yata ako. Kaya lang ay nakuha nito ang aking atensyon.
"Maginoo," bulong ko sa aking sarili.
Kinuha naman niya ang aking kanang kamay at inalalayan ako. Nakaiilang man ngunit mahigpit akong napakapit sa kanyang braso at mahigpit na humawak ang aking kaliwang kamay sa kanang kamay nito.
Nang bumukas ang pinto ng bulwagan ay bahagyang naningkit ang aking mga mata dahil sa
dami ng ilaw at halos malula ako sa dami ng bisita. Ang mga suot nila'y kasing gara rin ng kasuotan naming dalawa ni Kanyue.
"Ginoong Zoldic, mabuti at nakadalo ka," wika pa ng isang babae nang makalapit ito sa amin.
Tanging tango lamang ang tugon ni Kanyue sa babaeng kaharap namin.
"At sino naman itong kasama mo?" baling pa nito sa akin.
Sa tono niya'y parang hindi niya ako gusto, mas lalo na ako.
"Asawa ko," sagot naman ni Kanyue. Lihim akong napangiti sa aking sarili nang makita ko ang biglaang pag-asim ng mukha ng babae.
"Binabati kita Kanyue. Naroon si ama at kanina ka pa no'n hinahanap," anito.
Nagpatiuna ito sa paglakad habang kaming dalawa ni Kanyue ay nakasunod lamang sa kanyang likuran. Hinapit ni Kanyue ang aking baywang at bahagya akong nginitian. Nalulusaw ang puso ko sa mga ngiti mo Kanyue. Kung alam mo lang!
"Huwag kang kakain o iinom ng kahit ano Hollian. May ipinahanda na ako para sa iyo sa isang pribadong silid," bulong niya sa akin.
Nagtataka man ngunit tumango ako. Sakto naman na paglingon no'ng babaeng kausap namin kanina ay siya ring paghalik ni Kanyue sa aking noo. Hindi nakaligtas sa mga mata ko ang kanyang pag-irap at kasabay niyon ay ang matalim niyang pagtitig sa akin. Naismid ako. Pasensiyahan tayo pero sa akin nahumaling si Kanyue! Kahangalan man ngunit gusto ko itong nangyayari sa akin ngayon.
"Kanyue!" masiglang bati pa ng may edad na lalaki. Ito marahil ang ama ng babaeng 'yon.
"Don Gregorio," simpleng tugon lamang din ni Kanyue. Nakipagkamay si Kanyue sa matanda.
"Lorry? Maari bang asikasuhin mo muna ang kasama ni Kanyue," anang matanda.
"Hollian po," maagap ko namang wika. "Masusunod ama," sagot naman ni Lorry.
Parang gusto kong magprotesta. Umiling sa akin si Kanyue at lumakad na kasama ang Don.
Marahas akong napabuga ng hangin.
"Hollian, tama ba?" baling sa akin ni Lorry. Napatango ako.
"Di-diretsahin na kita Hollian. Hindi kita gusto at mas lalong hindi kita gusto para kay Kanyue. Alam mo bang matagal ko siyang binabakuran pero lintik! Naunahan mo ako ng ganoon kabilis! Ang balita ko'y nabibilang ka sa pamilya ng mga hindi masiyadong mayaman.
Naghihirap ka pa nga raw ngayon. Alam mo bang lahat nang narito ay mas mayaman pa sa iyo, lalong-lalo na si Kanyue. Isa siyang Zoldic. Isa sa mga nagmamay-ari ng isla Bakunawa at isla Herodes. Sa kanya ka nagbabayad ng buwis.
Nagtataka nga ako kung bakit ikaw pa ang pinatulan niya. Ginayuma mo ba siya Hollian? Dahil kung hindi, aba'y bilib na ako sa tindi ng apog mo.
Ngayon pa lang ay hiwalayan mo na si Kanyue. Hindi mo siya kilala ng lubusan. Halimaw si Kanyue sa lahat ng bagay. Kung mahal mo siyang talaga ay dapat sigurado ka na tanggap mo kung ano talaga siya. Binabalaan kita Hollian, layuan mo si Kanyue!"
Binangga pa nito ako at muntikan pa akong matumba. Naninikip ang dibdib ko at hindi ako makahinga. Dahil sa mga narinig ko'y parang winasak ang puso ko. Tuloy-tuloy din sa pag-agos ang aking mga luha. Ang sakit! Pakiramdam ko'y
napakababa ko! Pakiramdam ko'y napakarumi kong babae!
Sa sobrang pagkagitla ko sa aking mga narinig ay agad na kumilos ang aking katawan at agad na hinanap ng aking mga mata ang labasan ng bulwagan. Sa sobrang gulo ng aking utak ay 'di ko na namalayan na dinala na pala ako ng aking mga paa sa likurang bahagi ng gusali. Masukal na gubat na ito kung titingnan ngunit may espasyo naman sa gitna bilang maliit na kalsada. Mariin akong napapikit. Ang tanging nasa utak ko lamang ngayon ay ang makalayo sa lugar na 'to! Mabilis ang ginawa kong paghakbang habang panay pa rin ako sa pagpahid sa aking magkabilang pisngi. Bakit ba ako umiiyak ng ganito? Bakit ba ako nasasaktan ng ganito? Bakit pakiramdam ko'y parang lumalabas pa na ginagamit ko lang si Kanyue. Muli akong napahikbi at niyakap ang aking sarili. Alam ko sa aking sarili na hindi 'yon totoo ngunit parang pinipiga itong aking puso. Natutop ko ang aking
bibig upang pigilan na kumawala ang aking pag- ungol. Muli kong pinunasan ang aking magkabilang pisngi gamit ang aking mga palad. Nanginginig ang aking mga tuhod kaya hindi ko na napigilan ang mapaupo sa damuhan. Muli akong napahagulhol.
Oo nga't nakakalula ang kayamanang mayro'n si Kanyue pero bakit parang lumalabas pa na ginagamit ko siya. Ni hindi ko nga alam na nabibilang pala ito sa mahaharlikang angkan.
Pumayag lang naman ako sa alok nito dahil nanganganib ang asyenda ko, lalong-lalo na ang mga tauhan ko. At dahil sa humantong ako sa walang pagpipilian ay napasugal ako. Alam 'yon ni Kanyue! Alam niya! Napatayo ako at muling humakbang. Sapo ang aking dibdib. Nasasaktan ako ng husto.
"Binibini, mag-isa ka lang yata?" Napahikbi ako. Hindi ko ito pinansin at mas lalo na lamang binilisan ang aking mga hakbang. Nang lingonin ko ito'y, tatlo na silang nakasunod sa akin. Matalim
kung tumitig ang mga ito kaya mas lalo ko pang nilakihan ang aking mga hakbang. Matinding kaba ang biglang umusbong sa akin. Hindi na ako nag- atubili pa kaya agad akong napatakbo kahit mahirap. Mataas ang aking takong at bukod pa ro'n ay may kahabaan din ang aking suot na damit.
Ngunit mas lalong tumindi ang aking takot dahil nakasunod pa rin ang mga ito sa akin.
"Gusto mo pala ng habulan!"
Naghalakhakan ang mga ito at kay bilis na nahila ng isa sa kanila ang laylayan ng aking damit. Ito ang dahilan kung bakit napunit ang aking damit at umabot ang pagkawasak nito sa aking mga hita.
"Kutis porselana ka pala. Mukhang tama ng si Lorry, masarap kang paglaruan at masarap ka pang kainin." Natigilan ako. Si Lorry? Napaatras ako.
"Layuan ninyo ako!" sigaw ko. Hindi na ako nakatakbo dahil nakapalibot na sila sa akin. Bigla
naman akong itinulak ng isa sa kanila na may pagkabruskong pangangatawan.
"Parang awa niyo! Lubayan ninyo ako! Pera ba? Magbabayad ako! Pakiusap!" umiiyak at nanginginig kong wika.
"Alam mo binibining Hollian, mas malaki ang ibinayad sa amin. Sa tingin mo ba'y matatapatan mo 'yon?" Napahagulhol ako at nailing.
"Nakikiusap ako, pakawalan niyo na ako." Ngunit bigla na lamang akong hinubaran ng isa sa kanila. Napatili ako at nagpumiglas.
"Pakiusap! Bitiwan niyo ako! Nakikiusap
ako!"
Hawak ako ng dalawa at ang isa naman ay nakatayo sa aking harapan. Nagulat pa ako nang bigla nito akong sampalin. Pakiramdam ko'y parang matatanggal ang aking ulo dahil sa lakas nang
pagkakasampal nito sa akin. Hindi ako agad nakaimik.
"Ugh!" ungol ko nang hawakan nito ang aking buhok upang mai-angat ang aking mukha. Duguan ang aking labi at nagsisimula ng mabuwal ang aking mga tuhod. Akmang hahawakan na sana ako ng isa sa kanila para hubarin ang aking huling saplot sa katawan ngunit bigla na lamang may pumilipit sa leeg nito dahilan para ito ay mamatay at bumagsak sa lupa. Agad na pumalit sa kanyang puwesto si Kanyue. Ngunit ibang Kanyue ang nakikita ko dahil kulay pula ang kanyang mga mata at kulay puti naman ang kanyang buhok.
"Mamili kayong dalawa. Isusunod ko kayo sa impyerno o bibitiwan ninyo ang asawa ko," kalmado niya pang tanong. Napatulala lamang ako habang pinagmamasdan ang kabuuang anyo ni Kanyue. Ang dating maamo nitong mukha ay biglang naglaho. Pinagdikit nito ang kanyang mga
palad at pinatunog ang kanyang mga buto sa daliri. Sa isang kurap ko'y parehong bumagsak ang dalawang lalaking nakahawak sa akin. Nanginginig ang buo kong kalamnan. Naghahalong takot at kaba ang umiiral sa akin. Unti-unti namang bumabalik sa dating anyo si Kanyue. Lumapit ito sa akin at niyakap ako. Hindi ako makagalaw para tumugon sana sa kanya. Parang sasabog ang utak ko dahil sa hindi ako makapag-isip ng matino sa mga oras na ito. Kumalas ito sa pagkakayakap sa akin at hinubad ang kanyang tsaketa. Itinakip niya ito sa aking katawan at agad din naman niya akong kinarga.
Lumakad siya ng konti at sinalubong kami agad ng kanyang sasakyan. Hanggang sa makapasok kami sa loob ay kandong niya pa rin ako. Ayaw kong magsalita. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Hindi ko alam kung tama ba na magtanong ako, ngayon mismo. Naguguluhan na ako. Tahimik na lamang akong umiyak at itinago ang aking mukha sa kanyang dibdib.