Chapter 27

1623 Words
KINAUMAGAHAN ay maagang dumating si Tan sa bahay nina Knoxx. Kasama niya sa Manang Rena na may dalang mga prutas at pagkain para sa buong pamilya. Matapos niyang marinig kay Knoxx ang nangyari sa mag-lola ay agad siyang nag-isip ng paraan para matulungan ang mga ito. Kahit maliit na bagay lang, ang mahalaga ay may ginawa siya. Nagkataong nag-uumagahan ang mga ito nang dumating sila. Nagyaya ang mga ito na sumabay na sila kaya agad ding pumanhik si Tan kasama si Manang Rena sa maliit na hapagkainan ng mga ito. “Lola Gloring, ito nga po pala ang kaibigan kong si Tan. Si Manang Rena naman po ang kasama niya,” pakilala ni Knoxx sa kanila. “Magandang umaga po, Lola Gloring. Matalik ko pong kaibigan itong si Knoxx. Mabait po kasi siya at masayahin. ‘Wag po kayong mag-alala, mabait din po ako at masunurin katulad ni Knoxx. Sana’y magkapalagayan po agad tayo ng loob,” magalang niyang bati sa matanda saka inabot ang kamay nito para magmano. “Pagpalain ka. Ito naman ang apo kong si Boboy, mabait din ito at masipag. Minsan may pagkamakulit pero maasahan naman,” wika ni Lola Gloring bago ibinaling ang tingin kay Boboy na tahimik na nakikinig sa mga pinag-uusapan nila. “Si Pula po? Mabait po talaga ‘yan at magaling ding maglaro ng basketball. Muntik na po akong talunin niyan,” pagkukuwento ni Tan. “Hindi Pula ang pangalan ko. Ako si Boboy,” nakabusangot na sambit ng bata. “Mas maganda pa rin ang Pula. Nga pala, mahilig ka bang mag-alaga ng mga bulaklak? ‘Yong garden kasi namin sa bahay, hindi na naaalagaan. Baka gusto mong alagaan ang mga ‘yon?” “Talaga? May sahod ba?” “Oo, naman. Siyempre may sahod. Kaso nga lang, lahat ng mga nagtatrabaho sa amin ay sa bahay tumitira. Ayaw kasi namin na bumibiyahe pa sila, ‘di ba, Manang Rena?” nakangiting sabi ni Tan. “Tama ‘yon. Alam mo, matagal na akong katulong nina Sir Tan at halos doon na rin kami sa mansiyon nakatira. Mabait ‘yang si Sir Tan at palaging nagbibigay ng mga regalo,” pagkukuwento naman ni Manang Rena. Bago umalis sa mansiyon ay kinausap na ni Tan si Manang Rena. Kailangan nilang mapapapayag si Boboy na tumira sa mansiyon nang hindi naapakan ang pride nito. Alam niya na mahihirapan siyang kumbinsihin si Boboy na sumama nang walang dahilan kaya inalok niya ito ng trabaho. Sa totoo lang ay wala talaga siyang balak na pagtrabauhin ito. Nagkataon lang na kailangang-kailangan niya ng dahilan para makuha ang pansin nito. Ayaw rin naman niyang isipin ng bata na ginagawa lamang niya ito dahil naaawa siya sa mga nangyari kagabi. “Mansiyon? Nakatira ka sa mansiyon?” hindi makapaniwalang sambit nito. Tumawa si Tan at marahang tumango. “Kung okay lang sa ‘yo, puwede kang tumira kasama ko habang inaalagaan mo ‘yong hardin namin. Ano? Payag ka ba?” Napayuko si Boboy at matagal na natahimik. Nilaro-laro nito ang pagkaing nasa plato nito kaya sabay silang nagkatinginan. Ngumiti ang Mama ni Knoxx at mahigpit na hinawakan ang kamay ni Lola Gloring. Nangusap ang mga mata ng mga ito at nang makuha ni Lola Gloring ang gustong ipaabot ni Tan ay halos maluha ito sa tuwa. “Pero si Lola. . .” mahinang sambit ni Boboy. “Siyempre, isasama natin ang Lola mo. Sino ang mag-aalaga sa ‘yo roon kapag naiwan siya rito? ‘Di ba po, Lola Gloring? Sasama po kayo?” “Oo, apo. Sasama si Lola.” Hindi na napigilan pa ni Lola Gloring ang maiyak. Alam niyang tuwang-tuwang ito sa tulong na inaalok niya. “Lola, bakit po kayo umiiyak? Kung ayaw n’yo pong sumama, hindi po tayo pupunta—” “Hindi sa gano’n, apo. Masaya lang si Lola. Sige na, pumayag ka na,” pangungumbinsi nito sa apo. “Sige po, Kuya. Papayag po akong magtrabaho sa inyo pero kapag hindi po kayo naging mabuting amo, aalis po kami agad. Naiintindihan n’yo po ba?” may pambabantang wika nito. Muling natawa si Tan at bahagyang ginulo ang buhok ni Boboy. “Hinding-hindi mangyayari ‘yon,” sabi niya. Hindi na ulit sila nagsalita pa hanggang sa matapos sila sa pagkain. “Tan, salamat sa pagtulong mo kina Boboy at Lola Gloring. Huwag kang mag-alala, dadalawin ko sila roon paminsan-minsan,” sabi ni Knoxx habang tinatahak nila ang daan palabas ng lugar. Sa labasan na naghintay si Manong Ben dahil hindi kakayanin ng sasakyan nila ang pasukin ang lugar nina Knoxx. “Hindi mo kailangang magpasalamat, Knoxx. Nangako rin naman ako sa ‘yo noon at gusto kong tuparin ang pangakong ‘yon. Huwag kang mag-alala, kapag napalagay na ang loob ni Pula sa bahay, aalukin ko siyang mag-aral. Kahit sa maliit na private school lang, ang mahalaga may maipagmalaki siya pagdating ng araw.” “Paniguradong matutuwa si Boboy ‘pag narinig niya ang balitang ‘yan. Kahit hindi magsalita ang batang ‘yan, alam kong gustong-gusto niyang mag-aral. Salamat talaga, Tan.” Tuluyan na silang nakarating sa labasan. Sinalubong sila ni Manong Ben at agad na binuksan ang pinto sa passenger seat. “Sasakyan talaga tayo r’yan?” manghang tanong ni Boboy. “Oo, Pula. Sakay na.” Natawa si Tan at itinulak ito papasok ng sasakyan. Sunod niyang inalalayan si Lola Gloring at Manang Rena papasok. Kumaway na ang mga ito kay Knoxx kaya pumanhik na rin si Tan sa front seat. Tahimik nilang nilisan ang lugar. MALAWAK ang ngiti ni Knoxx habang pinapanood ang papalayong sasakyan ni Tan. Masayang-masaya siya para kay Boboy. Alam niyang paunti-unti ay tutulungan ito ni Tan na matupad ang mga pangarap nito. Isang malaking tulong talaga para sa kanila ang pagdating ni Tan. Nang tuluyang mawala sa kanyang paningin ang mga ito ay nagpasya na si Knoxx na bumalik sa kanilang bahay. Umalis na rin papuntang trabaho ang Mama niya kaya naiwan na naman siyang mag-isa sa bahay. Hindi bali, marami naman siyang kailangang gawin kaya hindi rin siya mababagot kahit papaano. “Knoxx!” Napahinto si Knoxx sa paglalakad sabay lingon nang marinig ang kanyang pangalan. Mula sa kahihinto lamang na sasakyan ay lumabas ang humahangos na si Teacher Kevin. Agad niya itong sinalubong lalo na nang makitang hindi ito mapakali. “Sir Kevin, bakit po?” tanong niya. “Narinig ko ang nangyari. Nagkasunog daw rito kagabi sa inyo. Kumusta na kayo? Ang Mama mo?” Natigilan si Knoxx nang mahimigan ang sobrang pag-alala sa boses ng guro lalo na nang sambitin nito ang kanyang ina. Hindi sa nag-a-assume siya pero batid niyang may kakaiba talaga sa guro lalo na pagdating sa Mama niya. Wari’y mayro’ng tinatago ang mga ito na hindi niya alam. “Okay lang po kami, Sir Kevin. Malayo po sa bahay namin ang sunog.” “Gano’n ba? Mabuti naman kung gano’n.” Napabuga ito nang malalim na paghinga na tila ba ay nabunutan ito ng tinik sa lalamunan. Alam niyang guro niya ito pero bakit parang sobra-sobra naman yata ito kung mag-alala sa kanila? Parang daig pa nito ang isang ama na nag-aalala sa mag-ina nito. ‘Is he your son?’ Napailing si Knoxx nang muling sumariwa sa kanyang isipan ang sinabi ng girlfriend ni Teacher Kevin. Sobrang imposible ng bagay na ‘yon. Si Billy Galvez ang kanyang ama. ‘Yon ang sinabi mismo ng kanyang ina. “Sir Kevin, may balita na po ba kayo sa Papa ko?” naitanong niya bigla. Kitang-kita niya kung paano natigilan ang guro at saglit na natahimik. “W-wala pa. ‘Di bali, ipapaalam ko agad sa ‘yo kapag mayro’n na akong nalaman,” sabi nito at tinapik nang mahina ang kanyang balikat. “Salamat po. Gusto n’yo po ba munang pumunta sa bahay? Kahit mag-juice lang po muna kayo,” alok niya. Napaisip ito. Kapagkuwan ay ngumiti ito at pumayag sa alok niya. Sabay silang bumalik sa bahay. Agad na tumungo si Knoxx sa kusina para maghanda ng maiinom at nagpaalam naman ang guro na gagamit muna ng banyo. Tinapos na ni Knoxx ang ginagawa at inilapag sa center table ang mga inuman. Naghintay siya na lumabas si Teacher Kevin ngunit lumipas ang ilang minuto pero wala pa rin ito. Tumayo si Knoxx at lumapit sa pinto ng banyo. Saglit siyang nakiramdam sa loob. Nang walang marinig na ingay ay agad siyang kumatok. “Sir Kevin? Okay lang po ba kayo?” tanong niya. “O-oo, okay lang. Sandali, palabas na ako.” Makalipas ang isang minuto ay tuluyan na itong lumabas. Ngumiti ang guro saka siya nilagpasan. Kumunot ang noo ni Knoxx at sinilip ang loob ng banyo. Mukhang wala namang kakaiba kaya nagpasya na siyang sundan ito pabalik sa sala. “Paano n’yo nga po pala nalaman ang tungkol sa sunog?” tanong ni Knoxx nang makaupo sa harapan nito. “Narinig ko sa balita. ‘Buti na lang at hindi na kumalat ‘yong sunog.” Tinunga nito ang hinanda niyang inumin hanggang sa maubos ito. “Gusto n’yo pa po ba—” “Hindi, okay na. Nagmamadali rin kasi ako. Dumaan lang talaga ako rito para alamin ang kalagayan n’yo. Dadaan pa ako sa Lab after nito kaya kung okay lang, magpapaalam na sana ako.” Tumayo na ito kaya gano’n din si Knoxx. “Sige po, Sir Kevin. Salamat po sa pagdalaw n’yo. Ihahatid ko na po kayo sa labasan.” “’Wag na, dumito ka na lang. Medyo naaabala na rin kita kaya okay lang. Salamat ulit sa juice.” Nagmadali itong lumabas ng bahay kaya sinundan na lamang ito ni Knoxx ng tingin. Naipilig niya ang kanyang ulo at nagpasyang ligpitin na lamang ang mga pinag-inuman nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD