***CORINNE's POV***
Nagpupuyos pa rin ang damdamin ko nang makalabas na ako sa malaking building ng Salvatore Financing Inc.
Nakakainis kasi na Jagr Salvatore, kinuha talaga niya ang panty ko. Napaka—ay ewan kung anong tamang salita ang itatawag ko sa kanya. Ang lakas ng trip. Ano kaya ang gagawin niya sa panty ko?
Ang ending tuloy ay naglalakad ako ngayon na walang panty. Mabuti na lamang at mahaba ang paldang suot ko. Gayunman, ipit na ipit ko pa rin. Ingat na ingat akong huwag liparin.
Diyos ko, baka tatalon na lang ako sa overpass kapag ako nasilipan tapos mumultuhin ko ang Jagr na iyon oras na maging multo ako. Kainis na lalaki. Ang manyak.
Binilisan ko pa ang lakad. At halos takbuhin ko ang kinapaparadahan ng kotse kong si Pinky pagkadating ko sa parking area.
“O, ba’t parang may tinatakbuhan ka, Anak?” bungad kaagad sa akin ni Mommy pagkadating ko naman sa bahay. Halos magbanggaan kami sa may pinto dahil papasok ako’t palabas naman siya.
Napakunot-noo ako. Hindi ako makapaniwala na parang nasa maayos na pag-iisip ngayon ang aking ina. Mula kasi nakulong si Daddy ay halos hindi na siya makausap nang matino. Lagi na lamang siyang tulala kung kaya iyon ang inasahan kong magiging hitsura niya na mararatnan ko ulit.
“Ayos ka lang, Mommy?” paniniguro ko.
“Oo naman. Maayos na ang pakiramdam ko kahit paano, Anak.”
Napakurap ako ng ilang ulit bago napuno ng kasiyahan ang aking dibdib. “Talaga po?”
“Oo kaya huwag ka nang mag-alala sa akin. Pipilitin ko nang magpakatatag, Anak, kahit na… kahit na mahirap tanggapin ang nangyayari ngayon sa Daddy mo,” tila may tinik sa lalamunan na saad niya.
“Oh, Mommy. Salamat po.” Sa sobrang kasiyahan ko naman ay madamdaming niyakap ko siya. Sobrang mahigpit na yakap. Buong akala ko kasi talaga ay tuluyan nang magpapakahina ang aking ina. Ngayon ko pa naman siya kailangan dahil napakahirap na ako lang ang kikilos para kay Daddy. Kailangan ko ng tulong niya o ng kahit suporta niya lang. Ngayong nailayo sa akin ang ama ko, mas kailangan ko ang ina ko.
Salamat sa Diyos at dininig na ang dasal ko.
“Pasensiya ka na, Corinne, kung muntik ko nang ipasa sa iyo lahat ang problema sa Daddy mo. Nahirapan lang kasi akong tanggapin na hindi na natin siya kasama,” paliwanag ni Mommy nang kumawala rin ako ng yakap.
Mabilis na nabalot ng pagkahabag ang aking didbib nang nakita kong lumuha siya. Dahil sobrang minahal ako nina Mommy at Daddy simula kinupkop nila ako ay napaka-sensitive ko kapag nakikita ko silang nahihirapan.
Ang mag tunay kong magulang ay pinatay ng mga ‘di nakilalang mga lalaki noong labing dalawang taong gulang pa lang ako. Ilang buwan akong nanatili sa isang simbahan hanggang sa dumating ang mag-asawang Rufino at kinupkop ako. Mula sa pagiging ulilang lubos ay bumalik sa normal ang buhay ko nang itinuring nila akong anak.
“’Yaan mo, Mommy, gagawa ako ng paraan para muli nating makakasama si Daddy. Ipinapangako ko po, makakalaya siya,” senserong sabi ko, and I meant it. Gagawin ko talaga ang lahat makalaya lamang si Daddy dahil ginawa rin ang lahat para sa akin ni Daddy noon.
Umiikot lang sa aming mag-ina ang buhay noon ni Daddy. Sa tuwina ay may pasalubong ako sa kanya pagkagaling niya sa opisina. Hindi niya kailanman nakakalimutan na bilhan ako ng kahit na ano.
Maalwan ang aming buhay. Lahat ng gusto ko ay naibibigay nilang mag-asawa katulad ng aking mga nasirang magulang. Dahil doon ay hindi ako nanibago. Parang naging parehas lang ang buhay ko sa totoong pamilya ko at sa kanila na umampon sa akin. Hindi ako nahirapan sa lahat ng aspeto ng paglaki ko.
Nagbago lamang ang lahat nang magsimulang malugi ang kompanya ni Daddy. Nagsimula naming maramdaman ni Mommy ang kakapusan ng pera. Simula sa pagbabayad ng bills, pang-araw-araw na gastusin, hanggang sa hindi na nakaya na magpasahod ng kasambahay, na lumala pa dahil ngayon ay nakakulong na si Daddy.
“Napakabait mo, Corinne.” Puno ng kalungkutan ay masuyo akong tiningnan ng aking ina, at gustong matunaw ang aking puso dahil puno pa rin ng pagmamahal ang tingin niya sa akin kahit na hindi niya ako tunay na anak, at kahit na may pinagdadaanan siyang mabigat na suliranin. “Sobrang nagpapasalamat ako at dumating ka sa buhay namin ng Daddy mo. Tatandaan mo sana lagi na mahal na mahal ka namin.”
Naiiyak na ngumiti ako. “Oo naman po dahil wala namang araw na hindi niyo ipinaramdam sa akin na mahal niyo ako. Ako nga po ang dapat na magpasalamat dahil kinupkop niyo ako.”
Finally, muli kong nakita ang ngiti sa mga labi ng aking ina. Puno ng pagmamahal na hinaplos niya ang aking pisngi. “Napakasuwerte sana ng mga magulang mo kung hindi sila namatay ng maaga. Malamang ay tuwang-tuwa sana sila sa iyo na makita kang lumaki na napakabait na bata.”
Tumulo na talaga ang mga luha ko. Despite the fact that they are already the ones I consider as family, syempre ay hindi ko pa rin nakakalimutan ang mga totoong mga magulang ko. Sana nga, sana nga ay nakikita ako ngayon nina Mama't Papa at ginagabayan.
Ang pagkamatay nila ang pinakamadilim na ala-ala sa aking buhay. Magkaganunpaman, tandang-tanda ko pa rin ang lahat. Hindi ko ginustong kalimutan ang pangyayaring iyon, pati na ang mukha nina Mama at Papa noong duguan sila dahil pinagbabaril sila ng isang lalaki. Sariwang-sariwa pa rin sa isip ko ang nangyaring iyon na para ba’y kahapon lang nangyari.
Mahal na mahal ko pa rin sila at sobrang nangungulila pa rin ako sa totong mga magulang ko.
Humugot ako ng malalim na hininga at pinilit kong pinutol ang pag-aalala ko sa bangungot na nakaraan. Ako lang din naman ang nahihirapan.
“Magpahinga na po kayo, Mommy. Huwag kayong mag-iisip ng kung anu-ano. Ako na po ang bahala kay Daddy,” assurance ko pa kay Mommy.
Sana lang ay pumayag si Jagr Salvatore na pakasalan niya ako kapalit ng paglaya ni Daddy, ang hindi alam ni Mommy ay dagdag ko na sabi sa aking isipan.
Ginagap niya ang aking kamay at pinisil. “Salamat, Anak.”
Pinilit kong ngumiti. “Sige na po. Magpahinga na po kayo.”
Tumango ang aking ina’t nauna na siyang umakyat sa taas. Pati paglakad niya ay kakikitaan na mayroon siyang napakalalim na suliranin. Napakabagal at laylay kasi ang kanyang mga balikat. Ibang-iba sa Mommy ko na nakagisnan ko na masigla at masayahin.
Napabuga ako sa hangin nang hindi ko na siya matanaw. Napahimas din ako ng batok. Sana talaga ay magbago ang isip ni Jagr Salvatore. Siya na lang ang pag-asa ko upang manumbalik ang saya sa mukha ng aking mga magulang.
Gusto kong makabawi sa kanila. Gusto kong subalitan ngayon ang mga nagawa nilang kabutihan para sa akin. Gusto kong manumbalik ang kaligayahan dito sa tahanan nila. Gusto kong makita na magkasama ulit sila.
Kinakabahan akong nagtungo sa kusina. Uminom ako tubig mula sa ref upang pakalmahin ang sarili ko bago ako sumunod sa taas at nagkulong sa aking kuwarto.
Nag-isip ako nang nag-isip habang nakahiga ako sa kama pahalang at padipa. Kailangang makaisip ako ng paraan kung sakaling hindi na magbabago ang pasya ni Jagr Salvatore na pakasalan ako. Mahirap ang kaso ni Daddy. Kahit balik-baliktarin ko ang mundo kung walang tutulong sa akin na katulad niyang may pera at maimpluwensya ay hindi ko siya mapapalaya.
“Aisst!” Ngunit ilang minuto na akong nakikipagtitigan sa kisame ay wala namang pumapasok na ideya sa isip ko. Naisip ko na rin kasi sina Leren at Doc Zrion na hingian ng tulong. Actually, noong isang araw pa. Ang kaso nalaman ko na tinulangan na nila si Xalene. Sila ang umayos sa sampung milyon na inakusa kay Xalene. Pinagbintangan kasi si Xalene na kumuha sa charity donations ng mga vlogger. Nakakahiya naman kung pati ang problema ko ay ipapasan ko sa mag-asawa.
Alam ko na tutulungan din ako nina Leren at Doc Zrion oras na magsabi lang ako. Ang kaso’y nauunahan na ako ng hiya.
“Anong gagawin ko?” Pabalikwas akong bumangon at umupo sa gilid ng kama ko. Nag-isip pa ako nang nag-isip.
“Kasalanan ‘to ng lalaking naka-black hoodie jacket. Kung hindi lang sana niya ako pinagbantaan,” saglit ay bigla kong naibulalas. Seryoso ang hitsura kong nagtungo sa harapan ng vanity mirror, umupo, at tinitigan ang aking repleksyon. Sino ba kasing lalaki ang magkakagusto sa tulad kong manang at baduy? Hindi ko rin talaga masisisi si Jagr. Kahit ako ay napapangiwi sa nakikita kong hitsura ko.
Bumuntong-hininga ako’t dahan-dahan na tinanggal ko ang salamin ko sa mata na walang grado. Pagkatapos ay sinuklay ko ang pasadyang pinakulot ko na buhok ko at hindi sinusuklay upang magmukhang buhaghag. Nakalaya at kahit paano naunat ang totoong buhok ko na laging nakapuyod lahat. Mayamaya’y inabot ko ang bulak, nilagyan ng cleanser at maingat na pinahid ko sa mukha ko. Nangitim ang basang bulak nang mabura nito ang aking mga fake freckles, pati na rin ang fake na itim kong labi.
Hindi nagtagal ay tumambad ang totoo kong hitsura sa salamin. Ang totoong Corinne Rufino, na ako lamang ang nakakakita simula pa noong nagpasya akong itago ang totoong hitsura ko labing limang taon na ang nakakalipas.
How I wish maaari kong ipakita ito kay Jagr Salvatore para hindi na siya magdadalawang isip pa na tulungan ako.