“LOLO, baka naman pwedeng pasaborhan niyo po ng kahit sampung libo. Worth 80,000 ang presyo niyan,” mapait na pagsusumamo ko sa kaniya.
Tiningnan ulit ng matanda ang pulseras na ibinigay ko at napabuntong-hininga, “Ineng, 20,000 lang talaga ang maibibigay ko.”
“Pero purong ginto po ‘yan. Maraming bibili niya sa Yunen.” Napakagat-labi ako sa desperasyon.
Umiling ang matanda. “Hindi naman uso ang ginto rito sa Milta. Mas bebenta rito ang bronze.” Kumuha siya ng naka-bundle na pera. “Heto, dinagdagan ko ng limang libo.”
Gusto kong kunin ulit ang pulseras pero walang ibang pawnshop ang lugar kaya kinuha ko ang pera at napaisip na barya lang ‘to noon sa’kin. Pero nilunok ko ang kahit anong alaala na pwedeng lumabas sa mga sandaling ‘yon.
Bumili ako ng supplies sa palengke bago bumalik sa nirentahang pad. Kailangan kong makapaghanap ng trabaho sa lalong madaling panahon lalo na’t ‘yon ang pulseras ang huling alahas na pwede kong isangla. Pero ano ba ang alam kong gawin?
“Hello po.” Nakangiting bati ko pagkakita sa landlady namin na nakatingin sa pinto ng apartment. “Napadalaw po kayo. Pasok po sa loob.”
“Ate, andito ka na pala.” Isang dalagita ang sumalubong sa’min pagkabukas ko ng pinto. Kinuha niya ang bulsitang dala ko.
“Si Zorina?” tanong ko.
“Natutulog po,” sagot niya bago dumiretso ng kusina.
“Bueno, ‘di na ako magpapaligoy pa, Isobel,” sabi ni Ma’am Aleena nang kami nalang dalawa sa salas. “Kailangan mong umalis dito. Hanggang bukas lang ang ibibigay kong palugit sa’yo.”
Napakunot-noo ako sa sinabi niya. “Bakit po?”
“Hindi ka pala kasal,” manghang bulas niya. “Nalaman ng pinuno ng bayan ang tungkol sa’yo. Ba’t mo nagawang magsinungaling? Marami kaming maaapektuhan sa ginawa mo, Isobel.”
Parang tambol ang puso kong nais lumabas sa aking katawan.
Kinuha niya ang isang tablet mula sa bag at ipinabasa sa kaniya ang isang article. “Congratulations to Andre Turgen and Moncheska Vonka for their wedding yesterday held at Paradise Palace Hotel...”
Tila binuhusan ng mainit na tubig ang aking kaluluwa at lumabas ito mula sa aking katawan. Tila hinatak ang sarili kong mundo at sinipa ito papalayo sa kalawakan.
Napaupo ako sa sahig at bumulong, “Paano? Bakit?”
“Hindi mo alam?” tanging bigkas ng aking landlady. Lumingon siya sa may kusina at sumigaw, “Maria, ikuha mo kami ng isang basong tubig. Bilisan mo!”
Patakbong lumapit si Maria bitbit ang baso habang inakay ako ni Ma’am Aleena paupo sa sofa. Kinuha niya ang tubig mula sa dalagita at inabot sa’kin. “Uminom ka muna, Isobel.”
Walang lakas na inabot ang baso at nilagok ang laman. May sandaling inakala kong malulunasan ang pait ng aking nalasahan kapag naubos ko ang tubig. Pero hindi. Kahit na siguro isang tangkeng tubig ang lalaklakin ko, hindi mawawaglit ang katotohanang sumuntok sa’kin ngayon.
Kasal si Andre sa ibang babae!
“Isobel, alam mo naman siguro ang dahilan kung bakit kita pinapalayas sa lalong madaling panahon?” Ang malumany na tinig ng aking landlady ang pumukaw sa aking atensyon.
Alam ko ang ibig niyang sabihin pero tila napakalayo niya mula sa’kin kaya “Ha?” lang ang nakayanan ng bibig ko.
“Ba’t kayo nagpanggap na mag-asawa rito?” Umiling siya. “At nagpanggap ka rin na hindi Vornian at ngayon alam ng nakakarami na ikaw pala ang itinakwil na anak ni Eliziya Diem.”
Pakiramdam kong naging semento ang aking katawan pagkarinig sa pangalan ng aking ama.
“Ba’t hindi ka sumama kay Andre nung lumuwas siya sa capital?” tanong niya.
Nilunok ko ang laway na namumuo sa aking bibig. “Nag-away kami nung kabuwanan ko. Sabi niya gusto naman niyang magbigay kontribusyon sa relasyon namin kaya luluwas siya ng capital kasi andon yata ang pamilya niya. ‘Di rin ako makaalis sa rehiyon kung hindi kumpleto ang papeles.”
Tumaas ang kilay na tattoo ni Ma’am Aleena. “How convenient naman na iwan ka sa kabuwanan mo. And to think ikaw ang bumuhay sa kaniya sa apat na buwang andito kayo sa pamamagitan ng pagprenda mo ng mga alahas.”
Parang pinagbuhatan ako ng kamay ni Ma’am Aleena sa kaniyang mga binitawang salita. At wala akong nagawa dahil totoo ang lahat ng kaniyang sinabi. Isa akong napakalaking tanga. Nadala ako sa matamis na dila ng taga-labas!
“Bukas na ang pinakamatagal na palugit ko, Isobel.” Tumayo siya at inayos ang bestida at shoulder bag.
Napakuyom ako dahil hindi ko akalaing magagawa kong magsumamo sa ikalawang pagkakataon ngayong araw na ‘to. “Ma’am, baka pwedeng humingi ng r****d,” bulong ko. “Bayad na ho kami ng tatlong buwan.”
Umiling siya. “Isobel, nalaman ng pinuno ang tungkol sa’yo. At alam mong malaking multa ang babayaran ko sa pagpapatira ko sa inyo sa apartment lalo na’t ‘di kayo kasal. Ididiin nilang hindi ako marunong mag-background check.”
Napasapo ako bigla sa aking ulo. Konti nalang ang natira sa pera ko at wala na ring natirang extrang alahas at gadgets na pwede kong isangla.
“Ma’am – ” Naputol ang aking sasabihin nang dumating si Maria sa salas bitbit ang umiiyak na Zorina. Kinuha ko ang sanggol at dali-daling itinaas ang aking blouse. Ikinabit ko ang aking n****e sa bibig niya at tumahimik siya pagkatapos ng ilang segundo.
Tumingala ako at nakita si Ma’am Aleena na nakatitig sa bata. May lungkot na makikita sa kaniyang magandang mukha. “Sayang at ‘di magiging isang Diem ang anak mo...”
“Maawa kayo, ” halos pabulong kong sabi.
Pinilit niyang kontrolin ang nanginginig niyang labi. “Ayokong sumuway sa pinuno at lalong ayokong banggain ang mga Diem at ibang kamag-anak mo, Isobel. Small time business woman lang ako at may pamilya ring umaasa sa’kin.”
“Ma’am – ” Nakatitig pa rin ako sa kaniya, tahimik na nagdarasal na sana man lang mabigyan ako ng konting konsiderasyon. “Kahit ‘di man lang ho sa’kin pero para sa anak ko na lang.”
Samut-saring mga emosyon ang tumatakbo sa mukha niya. Inayos niya ang kaniyang kulay berde na belo at tila nag-iisip bago siya tumikhim. “May pig farm ang pinsan ko sa border ng Namerna at Velusca. Medyo remote ang lugar na ‘yon pero kung makakaya mo...”
“Kaya ko ho,” walang kiyemeng sagot ko.
“Hindi ka pa nakaranas ng trabaho, Isobel. Kakayanin mo ba?” malumanay na tanong niya.
Hinaplos ko ang ulo ng aking anak. “Kakayanin ko po ang lahat alang-alang kay Zorina.” Bumulong ako at pinatatag ang aking sarili, “Para sa anak ko.”
Tumango siya. “Temporary lang ang trabahong ‘yan, Isobel. Sana maka-secure ka kahit man lang fake identity cards para makaalis ka sa rehiyong ‘to. Alam mo namang mahihirapan lumugar ang mga single mothers dito. Tayo ang may pinaka-strikto at konserbatibong pananaw sa Namerna pagdating sa issue ng children out of wedlock.”
Tahimik lang ako.
“Nasasayangan talaga ako sa’yo kasi bata ka pa.” Bumuntong-hininga siya, “Dise-siete o dise-otso ka pa, ‘diba?”
“Twenty-five na po ako last month.” Garalgal ang boses ko.
“Bente singko?” Manghang sagot ni Ma’am Aleena at ‘di kalauna’y umiling ulit siya. “Sana nga makalabas ka ng rehiyon. Nakikita kong uso sa mga mga lalaking ‘di Vornian ang tanggapin ang anak ng ibang lalaki. Baka may magpapakasal sa’yo kahit na nabuntis ka ng iba. Mahihirapan ka kung mananatili ka pa rito.”
Kasal? Sa nabalitaan ko ngayon, may plano pa ba ulit ako na itali ang sarili sa ibang lalaki?
Lumapit siya sa akin at hinaplos ang ulo kong nakabalot ng asul na belo. “Bibigyan kita ng isang buwang r****d. Hanggang diyan lang talaga ang makakaya ko.”
Pinili ko si Andre kesa pamilya ko. Akala ko ilalayo niya ako sa sarili kong tribo at mamumuhay kaming malayang mag-iibigan. Pero ano ang ginawa niya? Binuntis at iniwan ako bago ako manganak. Ininsulto niya ang sakripisyo ko para sa kaniya.
Ito na yata ang pinakamagaling na biro na natanggap ko. At ito na rin ang konsekwensya sa mga naging desisyon ko.
**********************************************************************************************************
A/N:
Bumanat na ako sa simula at babanat pa rin sa next chapters lels. Hopefully maging consistent ako sa updates. Nakasulat pa kasi sa notebook ang chapters at itina-type ko na lang dayon dito. Umaatake kasi symptoms ng astigmatism ko kaya nahihirapan akong gumamit ng lappy ng matagal.
So, ano na ang mangyayari kay Pasencia Isobel? Kailan kaya niya makikita ang fated partner niya?