CHAPTER II

1381 Words
Awkward at inis na inis. Ganyan ang nararamdaman ni Marie sa ngayon habang nakadekwatro ang mga binti, nakakunoot ang noo at nakatingin sa labas ng bintana. Sino ba naman kasing mag-aakala na sa dami ng tao sa airport ng araw na iyon, ay ang lalaking sumira ng araw niya pa ang makakatabi niya sa biyahe sa eroplano? Hindi niya akalain na masisira lang ng ganun-ganon ang first trip niya abroad. Pero wala siyang magagawa, hindi naman pwedeng mamili siya ng makakatabi. Kaya mas pinili na lang niyang makinig ng music at sa mga ulap sa labas ibaling ang tingin. Dedma na sa arogante niyang katabi. Maayos na nakalipad ang eroplano. Nakaramadam ng kaunting kaba na may kasamang lungkot si Marie. Pumasok kasing muli sa isipan niya ang mga naiwang mga kapatid. Pero nawala din ang kabang iyon ng makita niya ang magagandang tanawin mula sa himpapawid. Naging tahimik ang lahat. May kanya-kanyang ginagawa at pinagkakaabalahan. Ngunit makalipas ang ilang minuto ay biglang nagkagulo sa gitnang bahagi ng eroplano. “Excuse me! Tulungan ninyo kami!” biglang sigaw ng isang babae sa gitnang aisle. “Yung anak ko, hindi siya makahinga! Please tulungan ninyo kami!” Agad na naglapitan ang mga flight attendant sa pwesto ng babae at tinignan ang sitwasyon. Ang ilan sa mga pasahero ay nagsimula na ding magsitayuan para tignan kung ano ang nangyayari at ang iba ay pumalibot na sa pwesto ng mag-ina. Ilang sandali pa ang lumipas at ang paghingi ng tulong ang babae at napalitan ng pag-iyak kasabay ang dinig na dinig na paghingal ng isang batang babae na mga nasa 5-taong gulang. Kaya naman hindi na nakatiis pa si Marie. Tumayo na siya para tignan ang nangyayari. “Ah, ma'am. May hika po ba ang anak ninyo?” tanong ni Marie sa babae nang makita ang sitwasyon. “Wala po. Wala po siyang sakit bigla na lang pong parang may bumara sa lalamunan niya at hindi na siya makahinga. Please tulungan n'yo kami,” pakiusap ng babae. Lumapit si Marie sa bata at umupo sa harap nito. Kitang-kita niya na hirap na talaga itong huminga. Parang gustong nitong umubo pero hindi nito magawa. Namumula na rin ang buong mukha nito at kitang-kita na hirap na hirap na. Gustong tumulong ni Marie pero hindi niya alam kung anong gagawin. Alam niyang maaaring mapahamak ang bata kung magpapadalos-dalos siya. “Wala po ba kayong kasamang medical personnel?” tanong ni Marie sa isang flight attendant. “Meron po ma'am. Actually, nag-try na po kami ng ilang procedures. Pero hindi po kasi namin alam kung bakit hindi siya makahinga. Hindi din po kasi makasagot 'yung bata at hindi alam ng nanay niya kung bakit nagkaganyan ang bata,” may takot sa boses na sagot ng flight attendant. Naglabas ng maliit na oxygen tank ang isang flight attendant. Umaasang makakatulong iyon sa paghinga ng bata pero hinarang siya ng lalaki na katabi ni Marie at lumapit ito sa eksena. “Hindi niya kailangan 'yan. Na-choke ng kung ano ang batang 'yan,” sabi ng lalaki sa flight attendant. “Umalis ka d'yan,” baling nito kay Marie. “Hindi mo naman alam ang gagawin,” malamig na sabi ng lalaki sa dalaga na katatayo lang mula sa pagkaka-upo. Nakasimangot at masama ang tingin na tumayo si Marie para bigyang daan ang lalaki. Alam niyang hindi ito ang oras para makipagtalo siya. Isa pa, hindi naman din niya talaga alam ang dapat gawin. Itinayo ng lalaki ang bata at pinalo ng bahagya ang likuran nito ng limang beses. Pagkatapos, mula sa likuran ay inilagay nito ang mga kamay sa bandang tiyan ng bata at bahagyang hinila ito pataas papunta sa kanya. Maya-maya ay umubo ang bata at tumalsik ang isang malaking piraso ng ubas mula sa bibig nito. Sa wakas, nakahinga na muli ang bata.  Umiyak ito at yumakap sa nanay niya. Ramdam ng mga nandoon ang takot sa iyak ng bata at ang ginhawa naman sa boses ng ina nito. Sinabi ng bata na nagbaon siya ng mga ubas at nilagay sa bulsa niya para kainin sa biyahe. Pero aksidenteng nabulunan siya dahil din sa patagong pagkain nito. Labis ang pag-iyak at pasasalamat ng nanay ng bata sa lalaki at ang lahat ng tao sa eroplano ay nagpalakpakan. “Salamat sa'yo, mister,” umiiyak na sabi ng nanay ng bata. “Ano pong pangalan ninyo?” “Eric. Eric po,” nakangiting sagot ng lalaki. “Lagi po ninyong titignan ang kinakain ng anak ninyo. Para po pag naulit ang ganito, alam ng mga nakapaligid kung anong gagawin,” payo ng lalaki. Pagkatapos ay humarap siya sa mga tao at tinignan ang bawat isa sa kanila. Napangiti si Marie ng bahagya lalo na ng makita niya ang magandang ngiti ng binata habang nakikipag-usap sa babae. Oo, para sa kanya ay talagang napaka-arogante ni Eric. Pero hindi niya inakalang may kaunting bright side ito at kaya nitong tumulong sa ibang tao. “Salamat sa pagtulong mo 'dun sa bata,” sabi ni Marie pagkatapos umupo sa tabi ni binata. “Sa susunod, 'wag kang tutulong kung tutunganga ka lang din,” malamig na sagot ng lalaki na hindi tumitingin kay Marie. “Tignan mo 'to. Napakayabang mo talaga! Ikaw 'tong may kasalanan sa akin pero ikaw 'tong galit na galit!” inis na sagot ni Marie.  Hinihintay ni Marie ang sagot ni Eric pero hindi na sumagot pa ang binata. Ni hindi ito tumingin sa kanya. Sinuot lang nito ang headset at ipinikit ang mga mata na tila walang narinig. “Bastos talaga. Kinakausap eh!” gigil na sabi ni Marie na muling bumalik ang pagka-inis sa binata. Pero hindi na talaga sumagot pa si Eric at tumingin na lang ang nakasimangot na si Marie sa labas ng bintana. Ilang minuto ang nakalipas. Muling naging tahimik ang lahat ng nasa eroplano. Ilang minuto na lang bago sila makarating sa airport ng biglang umuga ito. Hindi ito pinansin ng mga tao noong una. Normal lang din naman ang ganito kung minsan. Pero hindi para kay Marie. Napatingin siya sa itaas niya at napansin niya na mabilis na nagpatay sindi ang mga ilaw. Kasunod n'on, ay isang malakas na pag-uga muli ang naramdaman nila. Na-alarma na ang mga tao sa pagkakataong ito at nagsimula ng umingay sa loob. “Anong nangyayari?” halos pasigaw na tanong ni Marie na hindi na mapalagay. “Huminahon ka lang. Hintayin natin ang announcement ng piloto,” mahinahon na sagot ni Eric pero halata sa mukha niya na may mali na sa nangyayari. Nabigla si Marie sa pagtugon ng binata pero mas pinili niya na lang tumahimik at magdasal kesa kausaping muli ito. Lumakas pa ang pag-uga ng eroplano at lumabas na ang mga oxygen masks mula sa itaas. Lalong nagkagulo ang mga tao sa loob na agad namang pinakalma ng mga flight attendants. Ilang sandali pa ay narinig na ng lahat ang boses ng piloto. 'Okay folks, we are having trouble with the engine now. We are now trying our best to take control of the plane again. For now, please calm down, fasten your seat belts and wear the oxygen masks provided. Thank you.' “Babagsak ba 'tong eroplano?” tanong ni Marie kay Eric. “Hindi. Kaya kumalma ka lang. Matapang ka 'di ba? Isuot mo 'tong oxygen mask.” sagot ni Eric sabay suot ng mask kay Marie na naiiyak na sa takot. “Ang malas ko naman. Napaka-malas ko. Paano na ang mga kapatid ko kung mamamatay ako dito?” tuluyan ng tumulo ang luha ni Marie. Naging mas maingay na ngayon ang mga pasahero. May mga nagdadasal at umiiyak dahil sa takot. Ang iba ay ibinaling sa mga flight attendant ang takot nila at inaway ang mga ito. Maya-maya pa ay umuga muli ang eroplano at naramdaman ng lahat ng pasahero na tila bumubulusok na ito pababa. Lalong napuno ng sigawan at iyak ang buong eroplano. Kitang-kita ni Marie mula sa bintana ang pagkalas ng ilang parte at ang pag-apoy ng pakpak ng sinasakyan. Napapikit na lang siya at nagdasal habang patuloy ang pag-iyak. “Sorry kanina,” biglang sabi ni Eric sabay hawak sa nanginginig na kamay ni Marie. At pagkatapos noon ay isang malakas na pagbagsabog ang narinig ng lahat. Kasunod n'on ay ang biglang pagdilim ng paligid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD