UMAGA pa lang ay masama na ang timpla ko. Wala akong iniimik ni isa sa kanila at talagang nakatutok lang sa trabaho. Pero ang totoo niyan, ang isipan ko ay naglalakbay kung saan-saan. Hindi pa rin mawala sa isipan ko ang nangyari sa akin kagabi. Pakiramdam ko ay nasa ilalim pa rin ako ng tubig... unti-unting nauubusan ng hangin. Iyon ang unang beses na maranasan ko 'yon kaya ganito na lang kalaki ang epekto sa akin. Pero sa totoo lang ay hindi ako natatakot na mamatay. Alam kong sa bandang huli, doon pa rin ang huling hantungan ng tao. Ang ikinatatakot ko ay ang mga taong maiiwan ko kung sakaling mawala ako sa mundong ito. Paano ang pamilya ko? Sino na lang ang tutulong sa kanila lalo na't nasa mahirap na sitwasyon pa naman kami ngayon? Siguro ay ganito talaga kapag lumaki ang isang ta