NANG marinig ko ang pagtunog ng malamyos na musika sa paligid ay naging sunod-sunod ang paglunok ko at tumingin na nang deretso sa aking harapan. Papatay-patay man ang ilaw at madilim ang paligid, hindi ito naging hadlang para hindi ko makita ang mga kalalakihang nasa ibaba ng stage.
Para bang nasa isa akong perya at inaabangan ng mga tao ang aking pagtatanghal. Pero hindi tulad ng sa perya, hindi mga nakakamanghang bagay ang gagawin ko.
Muli akong lumunok at naging seryoso na. At dahan-dahan, kinalas ko ang pagkakatali ng aking roba dahilan para bumukas ito at lumantad ang ibang bahagi ng katawan ko.
Nang muli akong sumulyap sa ibaba ng stage ay nang-aakit na ang mga mata ko, malayo sa blangko kong tingin kanina. Mahina akong suminghal nang makaramdam ng pagkairita dahil sa nakikita. Titig na titig sa akin ang mga kalalakihang nanonood ngayon. Iyon pa lang ang ginagawa ko ngunit sapat na ‘yon para makuha ko ang atensiyon nilang lahat.
Nag-alis na ako ng atensiyon sa ibaba ng stage at itinuon sa sarili. Hinawakan ko ang aking roba at tuluyan na itong hinubad sa katawan dahilan para ang tanging lingerie na lang ang matirang tumatakip sa pribadong parte ng katawan ko. Ngunit sa nipis nito at pagka-revealing ay tila nakahubad pa rin ako sa harapan ng maraming tao.
Nagsimula na akong igalaw ang katawan. Marahan lang ang bawat paggalaw ng aking baywang habang ang kamay ko naman ay dahan-dahan na dumadausdos mula sa aking leeg pababa sa baywang. Upang mas madama ang malamyos na musika ay ipinikit ko ang mga mata at hinayaan ang sariling sumabay sa mabagal na ritmo nito. Habang ginagawa ang mga malalaswang galaw na ‘yon ay hindi ko namalayang may luha na pala ang tumakas mula sa mga mata ko. Nararamdaman ko na ang mainit na likido na dumadaloy pababa sa aking pisngi na mabilis kong tinuyo gamit ang likod ng palad.
Ang nararamdamang kaligayahan at pagka-aliw ng mga kalalakihang nanonood sa akin ay siya namang pagiging miserable ko. Kahit matagal-tagal na rin ako sa ganitong trabaho, hindi ko pa rin mapigilan ang emosyon sa tuwing sasayaw sa entablado. Naaawa ako sa sarili… at nandidiri.
Lumunok ako nang maraming beses at pinilit na inayos ang sarili. Kahit mabigat sa dibdib, pinagbutihan ko ang ginagawa nang pikit-mata at umaasang sana ay mabilis na lumipas ang mga minuto. Nang tuluyang matapos ang show ko ay roon pa lang ako nakahinga nang maluwag.
“Ayos ka lang?” Iyon ang bungad sa akin ni Lexi nang makababa ako ng stage. Mabilis kong tinanggap ang inaabot niya sa aking roba at agad itong ibinalot sa sarili upang maitago na ang katawan.
Bakas pa rin sa mukha ng kaibigan ko ang pag-aalala para sa akin. Tumango ako at pinilit ang sarili na ngumiti sa harapan niya upang mawala na ang pag-aalala niya.
“Kumusta na pala ‘yong bunso nyo? Nakalabas na ba siya ng ospital?” biglang tanong niya na nagpatigil sa akin.
May malungkot na ngiti ang sumilay sa labi ko bago umiling. “Nasa hospital pa rin siya hanggang ngayon at baka matagalan pa bago makalabas.”
“Ano bang sakit niya?”
“Pneumonia.”
Nang marinig ang sinabi ko, namilog ang mga mata niya.
“Ganyan din ang sakit ng anak ng kapitbahay namin, pero ‘yon ay baby pa lang. Kaya ‘yon, namatay agad.”
Nanigas ako sa kinatatayuan nang marinig ‘yon. Nagkatitigan kami. Mabilis niyang tinakpan ang bibig nang matanto kung ano ang nasabi niya.
“Pero sigurado naman akong lalaban ‘yong kapatid mo… malakas ‘yon tulad mo,” nauutal na niyang sabi.
Tanging malalim na buntong hininga na lang ang naitugon ko sa kanya.
Nawala ang atensiyon namin ni Lexi sa isa’t isa nang mapansing lumapit sa amin ang manager ng club. Parehong bumakas ang pagtataka sa mukha namin ng kaibigan.
“Katie!” nakangiti at tila natutuwa niyang tawag sa akin.
Kumunot ang noo ko. Nagkatitigan pa kami ni Lexi, parehong naguguluhan sa ikinilos ng manager.
“Bakit po?” nagtataka ko pa rin na tanong nang itinuon ko na ang atensiyon sa manager.
Sumeryoso siya. “May guest na gusto kang dalhin sa VIP room.”
Nang marinig ang sinabi niya, mabilis akong umiling. “Ma’am, alam mo naman pong hindi ako nagpapa-VIP.”
Kaagad na bumakas sa mukha niya ang pagtutol. “Ano ka ba, Katie. Kaibigan siya ng loyal na costumer ng bar. Isa pa, magbabayad siya ng malaking halaga ng pera para sa isang gabi lang.”
Matigas akong umiling. “Hindi pa rin po ako payag.”
Napahawak siya sa sintido niya at tila namoblema nang marinig ‘yon.
“Bakit ayaw mo? Alam mo, Katie. Sa lahat ng dancer sa club na ito, ikaw lang ang hindi pumapatol sa ganito. Ayaw mo bang magkaroon ng pera?”
Wala akong naging imik sa sinabi niya. Kung sasabihin ko sa kanya ang totoong dahilan kung bakit hindi ako pumapatol sa ganitong gawain, panigurado ay pagtatawanan niya lang ako.
“’Di ba, nasa hospital ‘yong bunso mong kapatid?”
Sa pagkakataong ito, natigilan ako nang marinig ‘yon. Alam ng lahat ng tauhan sa club ang tungkol sa bagay na ‘yon dahil nagpaalam ako sa management noong nakaraang araw na a-absent para bantayan ang kapatid ko sa hospital.
“Mayroon ka na bang pambayad sa hospital at pambili ng mga gamot niya?” tanong na naman niya.
Dahan-dahan akong umiling. “Wala pa.”
Napangiti siya sa sinabi ko. “Ito na ang pagkakataon mo, Katie. Hindi lang ‘to para sa bar kundi para na rin sa ‘yo. Ngayong gipit ka, malaking tulong ang perang makukuha mo rito.”
Nang manatili lang akong tahimik at hindi siya tinutugon, marahas siyang nagbuntong hininga na tila suko na.
“Fine. Ikaw bahala kung ayaw mo.”
Tinalikuran na niya ako. Akmang maglalakad na siya palayo nang hulihin ko ang palapulsuhan niya dahilan para matigilan siya.
“Ma’am,” mahina kong tawag sa kanya.
Mabilis niya akong nilingon. “Ano, papayag ka na ba?”
Nakagat ko ang pang-ibabang labi at bumagsak ang tingin sa sahig. Hindi ako sigurado sa ideyang tumatakbo sa isipan ko, pero nang marinig ang mga sinabi ng manager kanina ay masasabi kong tama siya.
Nasa hospital pa rin ang bunsong kapatid ko dahil sa sakit nitong pneumonia, at wala pang kasiguraduhan kung kailan siya makakalabas. Ibig sabihin lang nito, habang lumilipas ang araw ay papatong nang papatong ang bill sa hospital. Idagdag pa ang mga kailangan niyang gamot at examination. Wala akong sapat na pera para matustusan ang lahat ng ‘yon.
“Payag… payag na po ako,” nauutal at halos pabulong kong sabi.
Naramdaman ko ang pagtapik ng manager sa aking balikat.
“Maghanda ka na,” bilin niya. Binawi na niya ang palapulsuhan mula sa akin at tuluyan nang umalis sa harapan ko.
Nang kaming dalawa na lang ni Lexi ang maiwan, agad kong naramdaman ang titig sa akin ng kaibigan dahilan para umangat na ang ulo ko.
“Sigurado ka ba rito, Katie?” tanong niya. Kahit siya ay mukhang nabigla sa biglaan kong desisyon.
Mariin kong kinagat ang pang-ibabang labi at tumango.