Nagtatakbo papasok ng bahay ang Ate ko habang hawak-hawak pa nito ang t-shirt na kasalukuyang kinukusot at maraming bula. Natatawa ako habang nakaharap sa kaniya. Alam kong excited ito lalo na sa pasalubong kong mga delicacies na galing pa ng Bacolod. Itong Ate ko na 'to ang pang-pito sa aming magkakapatid. Ako naman ang pangwalo at bunso.
"Hello, Ate! Nasaan si Papa?"
"Andiyan lang sa tambayan niya sa may likod-bahay." Kaagad nitong sagot habang hawak na sa kabilang kamay ang isang plastic na pasalubong ko sa kanila. Nahalungkat na pala nito sa loob ng aking backpack ang pasalubong ko.
Dali-dali kong pinuntahan si Papa sa likod na parte ng bahay. Ngiting-ngiti ako dahil sa sobrang katuwaan. Malapit ako kay Papa dahil siya na at ang iba kong nakatatandang kapatid ang nag-alaga sa akin simula apat na taong gulang ako. Tahimik lang si Papa pero ramdam naming magkakapatid ang pagmamahal niya sa amin. Hindi na siya nag-asawa ulit nang mamatay ang Mama dahil sa brain aneurysm. Singkwenta y dos lamang si Papa noong nangyari ang dagok na iyon sa aming pamilya. Ngayon ay 65 years old na siya.
Nakita ko siyang nakaupo sa mahabang bangko habang hithit ang kanyang tabako. Kaagad akong lumapit sa kanya sabay yakap sa kanyang leeg at humalik ako sa kanyang pisngi.
"Papa, kumusta po? Na-miss ko po kayo."
"Okay lang kami rito, anak. Eh, ikaw? Kumusta ka naman? Mukhang nangayayat ka yata? Siguro sobrang nahihirapan ka na sa bahay ng Ate mo, ano?" Sunud-sunod ang tanong ni Papa. Alam kasi niya ang kalagayan ko roon sa bahay ni Ate. Naawa nga siya sa akin noong hinatid niya ako doon last summer dahil nakita niya ang mga gawain na kailangan kong gampanan na hindi ko naman dating ginagawa rito sa amin. Kasi nga, ang gusto ni Papa noon ay mag-aral lang ako.
"Mabuti naman ako, Pa. Medyo nakakapag-adjust naman na po ako kahit papaano. At saka, marami na po akong alam na gawaing bahay. Iyon nga lang, feeling ko nagkakaroon ako ng phobia kay Ate. Palagi kasing galit. Minsan tumutulo nalang po ang luha ko. Pero pasasaan ba't masasanay din siguro ako. Pero Pa, kung maaari sana sa susunod na taon lilipat na po ako sa isang boarding house na malapit sa school. Medyo mahirap kasi na bumibiyahe pa ako araw-araw. At iyon nga po, medyo kinukulang minsan ang oras ko sa pag-aral at paggawa ng assignments kasi kailangan ko munang gawin ang lahat ng gawaing bahay na nakaatang sa akin." Ito ang mahaba kong sagot kay Papa. Natahimik siya saglit. Siguro iniisip niya kung paano magpapaalam kay Ate tungkol sa paglipat ko.
"Hayaan mo at hahanap ako ng tyempo para makausap ang Ate mo." Ang maikli nitong sagot.
"Samalat, Pa."
"Siyanga pala, kumain ka na ba?" Pag-iiba nito sa aming usapan.
"Kumain po ako kanina mga bandang alas sais bago bumiyahe. Hindi na po ako nakakain sa bus. Alam n'yo naman po na hindi ako kumakain ng kahit ano basta nasa biyahe dahil nasusuka ako."
"Halika sa loob. Magpahinga ka sandali. Sasabihan ko ang Ate mo na ipaghanda ka ng pananghalian." Ang masaya nitong sabi.
"Huwag na, Pa. Hindi pa naman po ako nagugutom. Sasabay nalang po ako sa inyo mamayang lunch para isang gastos at isang preparation nalang. Isa pa, busy pa po si Ate sa paglalaba n'ya."
"Oh s'ya, sige. Magpahinga ka nalang muna sa loob, anak."
"Sige po, Pa. Maiwan ko po muna kayo." Sagot ko kay Papa bago tumalikod para bumalik sa loob ng bahay.
Habang nasa sala ako at nagpapahinga, hindi ko maiwasang balikan ang mga masasaya at masasakit na alaala ko sa bahay na nito. Ito ang naging saksi ng lahat ng pinagdaanan ng pamilya namin. Mahal na mahal ko ang lugar na ito dahil kumbaga, ito ang aking comfort zone. Kung hindi ko talaga pinangarap na maging Engineer, hinding-hindi ako aalis sa bahay na ito. Pero naniniwala kasi ako sa kasabihang "Man cannot discover new oceans unless he has the courage to lose sight of the shore.” Kaya kahit mahirap at mabigat sa kalooban ko, kailangan kong iwan ang lugar na ito at ang mga bagay na nakasanayan ko upang makamit ang mga pangarap ko.
While I was going down memory lane ay bigla akong napatingala at nakita ko ang ilang pirasong kahoy na maayos na nakasalansan sa ibabaw ko. Nakalagay ang mga ito sa ilalim mismo ng sahig ng ikalawang palapag nitong bahay. Mula noon hanggang ngayon, nandito pa rin ang mga kahoy na ito. Tandang-tanda ko pa noong Second year high school ako, dito ko tinatago ang mga ilang pahina ng notebook ko na sinusulatan ko ng short stories kung saan ang mga bida ay ako at ang aking crush. Bigla akong pinamulahan ng mukha sa alaalang iyon. Bakit hindi, eh, nahuli lang naman ako minsan ng aking mga Ate. Kinuha nila ang nakatagong papel at binasa nila, take note, oral reading ang kanilang ginawa. Kahit 14 years old lang ako that time, hiyang-hiya ako sa kanila.
"Ahhhhh, sobrang nakakamiss ang kabataan ko, ang pagiging high school student." Ang mahinang sabi ko sa aking sarili.
Naputol ang aking pag-iisip nang tinawag na ako ng Ate upang kumain ng lunch.
"Lyza, hali ka na at kakain na. Pagpasensyahan mo na, sinabawang gulay at pritong isda lang ang ulam natin." Ang sabi ng Ate ko na may alanganing ngiti.
"Ano ka ba, Ate! Parang hindi naman ako sanay sa ganitong ulam. Kahit nga tuyo, eh ayos na ayos na iyon. Perfect combination iyon sa sinabawang gulay. At saka, sobra-sobra na nga itong pritong isda." Ang masayang saad ko dahil totoo naman. Dahil sa hirap ng buhay ay naranasan naming mag-ulam ng tubig at asin, tubig at asukal, tuba at saging, at kung maswertehan eh, mantika at soy sauce. Kaya itong pritong isda ay luxury nang maituturing.
Umupo ako sa isang bakanteng silya sa hapag-kainan. Maingat akong naglagay ng kanin at isang pirasong isda sa aking plato at naglagay na rin ng sinabawang gulay sa isang mangkok. Ganado akong kumain hindi lang dahil sa masarap na ulam. Ganado at masaya ako dahil kasama ko sila Papa.
"Nagkita nga pala kami kanina ng classmate mong si Jane nang bumili ako ng sangkap sa tindahan nina Manang Sally. Kinukumusta ka. Nasabi ko kasi sa kanya na dumating ka. Baka pupunta iyon mamaya rito sa bahay. Papasyalan ka raw niya." Ang biglang kwento ng Ate ko. Si Jane ay kaklase ko simula Elementary hanggang High School. Her family is a distant relative ng family namin. Matanda siya sa akin ng isang taon.
"Kumusta na si Jane, Ate? Nag-aral ba siya ng college?"
"Hindi siya nag-enroll. Alam mo na, medyo mahirap ang buhay. Wala kasi siyang scholarship na gaya ng sa'yo. Balita ko nga ay may nobyo na yata ang kaibigan mong iyon." Sagot ng Ate ko.
Hindi na ako magtataka kung may nobyo na si Jane. Lapitin siya ng mga manliligaw noong High School kami. Malaking bulas kasi siya kahit noong kami ay nasa Elementary pa lang.
"Ah ganoon ba, Ate? Sige, hihintayin ko nalang ang pagbisita niya rito mamaya. Kung sakaling makatulog ako at dumating siya, pakigising mo nalang ako, Ate, okay?" Ang pakiusap ko sa aking kapatid.
"Okay, Lyza. Gigisingin kita kapag dumating ang kaibigan mo mamaya."
"Salamat, Ate."
Pagkatapos naming kumain kay pinagtulungan naming ligpitin ang aming pinagkainan. Nag-volunteer akong maghugas ng pinggan pero pinigilan ako ni Papa. Katulad pa rin siya ng dati, ayaw pa rin akong paghugasin ng pinggan. Natatandaan ko pa na siya ang gumagawa nito kapag inuutusan ako noon ng Ate ko.
"Anak, magpahinga ka na muna. Alam kong pagod ka sa biyahe. Kami nalang ng Ate mo ang maglilinis dito. Baka gusto mong umidlip?"
"Sige, Pa. Iidlip lang po ako sandali. Maiwan ko po muna kayo." Ang aking paalam bago ako tumalikod at bumalik sa sala.
Naupo ako sang pang-isahang sofa. Nagdesisyon akong mamaya na ako iidlip dahil busog pa ako. Nagbasa-basa muna ako ng lumang magazine na malinis na nakaayos sa ilalim ng center table. Sinipat ko rin ang iba pang nakalagay doon at nakita kong mga lumang song hits na collection ko noong high school. Napapangiti ako habang binubuklat ang mga pahina ng mga song hits na naroon. Bigla ko na namang naalala ang mga memories ko noong high school dahil sa mga iyon. Tandang-tanda ko pa kung paano ako nabaliw sa kaka-practice ng guitara na kahit hating-gabi na, eh, panay pa rin ang tipa ko rito. Pero tumigil din ako kalaunan. Dahil sa ikli ng mga daliri ko, nahirapan akong abutin ang ibang strings.
Dala siguro ng pagod dahil sa biyahe, hindi ko na namalayan na nakaidlip na pala ako. Nagising lamang ako mga bandang alas-tres ng hapon dahil sa medyo maingay na usapan sa kusina.
Nag-unat muna ako bago tumayo at sumilip sa kusina. Nakita kong masayang nag-uusap ang Ate ko at ang kaibigan kong si Jane. Panay kwento ng huli ng mga bagay na hindi ko naman masyadong nauunawaan. Tumikhim ako upang kunin ang kanilang atensiyon at ganoon nalang ang aking pagkagulat ng biglang nagtatakbo si Jane at mahigpit na yumakap sa akin. Niyakap ko rin siya pabalik at kinumusta nang nagbitaw kami sa aming pagkakayakap.