Natapos ko nang ayusin ang aking enrollment para sa second semester. Very ready and excited na akong makauwi.
Friday night, nagsimula na akong mag-ayos ng mga gamit na dadalhin ko sa pag-uwi. Kaunting pambahay lang ang dinala ko at dalawang pares ng pantulog na blouse at pajama. Naglagay din ako ng mga underwear at iba pang mga kakailanganin ko sa aking pagbabakasyon sa amin. Hindi na ako nagdala ng damit na panggala sa siyudad dahil for sure hindi naman ako pupunta roon. Nagbaon lang ako ng dalawang pares ng t-shirt at pants para pangbiyahe kapag bumalik na ako rito. Pipili nalang ako kung saan sa dalawang pares ang isusuot ko. Isinilid ko ang lahat ng gamit ko sa aking may kalakihang backpack. Mahilig kasi akong magdala ng backpack kahit sa eskwelahan namin.
Nang nakompleto ko na ang mga gamit na dadalhin ko, kinausap ko na ang aking kapatid para magpaalam sa kanya.
"Hi, Ate. Bukas na nga po pala ako uuwi sa atin. Mga alas sais po ako aalis para hindi ako abutin ng tanghali sa daan. Mga apat na oras din kasi ang trip ng pampasaherong bus." Pagpapaalam ko sa kanya.
"Oh siya sige, mag-iingat ka at ikumusta mo ako sa kanila. Teka lang at may kukunin ako."
Pumasok ulit si Ate sa kanilang kwarto at may kinuha sa loob ng kanyang office bag. Isa itong puting letter envelope.
"Pakibigay ito kay Papa. It isn't much pero sana makatulong. Pakisabi nalang na medyo hard up din kami dahil nag-aaral na ang apat mong pamangkin at sa private school pa."
"No problem, Ate. Sasabihin ko po kay Papa. Maraming salamat po."
"Siyanga pala, alam ba nila na uuwi ka bukas?"
"Hindi po. Gusto ko silang i-surprise."
"Eh, iyong kaibigan mong si An-An, alam ba niya?"
"Hindi rin po. At hindi ko naman po talaga ipapaalam sa kanya."
"I see. Kaya pala panay ang text. Nagtatanong kong uuwi ka raw. Hindi ko rin naman sinagot. Hindi mo ba sasagutin ang mga text messages n'ya? Pwede mong gamitin ang cellphone ko ngayon. Hindi ko pa naman ginagamit."
"Huwag na, Ate. Ayos lang naman kahit hindi ako mag-reply sa kaniya."
"Matanong ko, boyfriend mo ba iyon?"
"Ay hindi, Ate 'no! Magkaibigan lang kami."
"Okay, sinabi mo eh. That's better, mag-aral ka munang mabuti."
"Sige po. Matutulog na po ako."
"Naayos mo na ba ang mga gamit mo?"
"Yes po. Ready na po lahat na dadalhin ko bukas."
"S'ya sige. Matulog ka na. Sakaling tulog pa kami bukas pag-alis mo, huwag ka nang mag-abalang gisingin kami. Paki-lock mo nalang ang front door."
"Okay po, Ate. Salamat po ulit."
Binigyan lang ako nito ng mahinang tapik sa balikat ko at tumalikod na para pumasok sa kanilang kwarto. Pagkasara ng pinto ng kanilang kwarto, tumalikod na rin ako at bumalik sa aming silid ng mga pamangkin ko. Dala na rin siguro ng pagod, nakatulog ako kaagad pagkalapat ng aking likod sa pang-isahang kama.
Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata nang marinig ko ang pagtunog ng alarm clock. Alam kong alas kwatro na ng umaga kaya bumangon na ako ng tuluyan na akong magising. Nagluto kaagad ako ng breakfast para sa lahat. Mabuti na ito para paggising nila, may umagahan nang naghihintay sa kanila. Pagkatapos kong magluto, kumain ako kahit kaunti para may laman ang aking tiyan. Nagtimpla rin ako ng kape para mainitan ang aking sikmura. Nagpalipas muna ako ng ilang sandali pagkatapos kumain. Hindi muna ako naligo. Umakyat ako sa itaas at dinala na pababa ang aking backpack. Nang masiguro kong kompleto na ang mga dadalhin ko, naligo na ako at nagtoothbrush. Napapangiti ako habang iniisip kung ano ang magiging reaction nila kapag nakita nila ako mamaya. Medyo pumayat kasi ako ng kaunti dahil na rin sa maraming gawaing bahay na araw-araw kong ginagawa, idagdag pa ang pagpupuyat ko sa pag-aaral. Medyo pumuti rin ako, siguro dahil hindi na ako masyadong nagbibilad sa araw. Ang dati kong tuwid na buhok na hanggang sa ibabaw lang ng aking balikat ay umaabot na malapit sa aking baywang. Ayaw kasi ng Ate ko na maiksi ang aking buhok. At gusto niya na palagi itong naka-brush up, na akin namang sinusunod para hindi ako mapagalitan.
Sampung minuto bago mag alas sais, nasa labas na ako ng bahay. Siniguro ko munang maayos ang pagkaka-lock nito bago ako umalis.
Pagkarating ko sa bus station, agad kong hinanap ang bus na may sign board kung saan nakasulat ang pangalan ng aming siyudad. Pagdating nito mamaya sa terminal sa siyudad, bababa ako at sasakay ng isa pang bus papunta sa aming lugar, which is mga nasa 15 minutes na biyahe rin iyon. Pwede naman akong sumakay sa jeepney kaso medyo matagal-tagal iyon dahil pupunuin muna ito bago umalis. Hindi katulad ng bus, whether may pasahero man o wala ay aalis ito sa takdang oras.
Nang makasampa ako sa bus, naghanap ako ng upuan na nakapwesto sa may bintana. Ito ang gusto kong pwesto tuwing bumibiyahe dahil gusto kong makalanghap ng sariwang hangin. Hindi rin ako sumasakay sa bus na air conditioned. Mas gusto ko iyong regular trip lang, para bukas ang lahat ng bintana.
At exactly 6:30 A.M., umalis na ang bus mula sa terminal. Nag-e-enjoy akong tumingin-tingin sa mga nadaraanan naming lugar. Marami pa kasing siyudad na madaraanan itong bus bago makarating sa amin. Maya-maya, lumapit na ang konduktor ng bus upang mag-issue ng ticket. Pagkatapos kong magbayad, umidlip na muna ako dahil medyo mahaba pa ang biyahe. Yakap ko ang aking maliit na body bag habang ang aking dalang backpack ay maayos na nakalagay sa compartment sa ibabaw, katapat lang nitong aking upuan.
Mga lampas dalawang oras din akong nakatulog. Mga 45 minutes pa ang natitirang oras ng biyahe ko. Hindi na ako natulog ulit, sa halip inabala ko nalang ang aking sarili sa pagtingin-tingin sa labas ng bintana ng bus.
Bandang alas diyes nang bumungad ang bus sa boundary ng aming siyudad. Malalaman mo kaagad ito dahil sa malaking parang arko na may nakasulat na "Welcome!". Mga 15 minutes nalang at nasa terminal na kami.
Hindi nga ako nagkamali. Eksaktong 10:15 A.M. ay nakarating na ang bus sa terminal. Dahan-dahan nang nagsikilos ang mga pasahero upang abutin ang mga bag sa ibabaw na compartment. Nang makuha ko na ang backpack ko ay nakipila na rin ako sa pagbaba.
Pagkababa ko, namangha ako sa bagong terminal. Sa mahigit pitong buwan, marami na ang nagbago rito. Gustuhin ko mang magtagal doon ay hindi maari. Naghanap kaagad ako ng bus na papuntang South, ito kasi ang bus na dadaan sa aming lugar. Pagkababa ko nito mamaya, kaunting lakad lang at nasa bahay na ako. Nasa gilid lang kasi ng highway ang aming Sitio. At ilang metro lang ang layo ng bahay namin mula sa waiting shed sa may highway. Excited akong sumampa sa bus. Wala pang limang minuto, umalis na rin ito dahil 10:30 A.M. ang schedule nito. Nag-issue kaagad ng ticket and konduktor at nagbayad na rin ako. Habang palapit nang palapit na ang bus sa aming lugar, doon na ako nagsimulang kabahan. Siguro dahil na rin sa sobrang excitement ko na makita si Papa. Si Papa lang, dahil wala na akong Mama. She died when I was four years old.
Pagdating ng bus sa Sitio bago ang sa amin, nagsabi na ako sa konduktor na sa susunod na Sitio na ako bababa. Sobra akong natuwa nang matanaw ko ang entrance na may malaking arko kung saan nakasulat ang pangalan ng aming paaralan noong high school. Sobrang na-miss ko rin ang lugar na ito. Sa di kalayuan nito tumigil ang bus dahil mga sampung metro lang ang layo ng entrance ng school sa waiting shed kung saan ako bababa. Pagbaba ko, kaagad kong inayos ang backpack sa aking likod at naglakad na ako papasok sa aming lugar.
Marami ang nakakakita sa akin at kumakaway na mga taga sa amin. Kalimitan sa kanila ay may mga edad na na nakahiligan na ang tumambay sa may main street kung saan nakapwesto ang maliliit na shed na sila rin ang gumawa. Kumakaway din ako sa kanila pabalik. Nangingiti ako dahil para akong balikbayan sa paningin nila. Lumiko ako sa ikatlong kanto dahil ito na ang purok namin. Panglimang bahay sa left side ang bahay namin. Mataas kasi ito dahil may ikalawang palapag kaya makikita na kaagad kahit medyo malayo pa ako. Gawa ito sa purong kahoy na bigay pa ng ng Boss ni Papa sa hacienda noong magretiro siya sa kanyang trabaho sa rancho. Patuloy pa rin ang pagbati at pagkaway sa akin ng aming mga kapitbahay. Wala man lang kaalam-alam si Papa at ang aking kapatid na babae at pamilya nito, na kasama ni Papa sa bahay, na nasa labas na ako ng aming tarangkahan na gawa rin sa kahoy. Medyo nakabukas ito kaya agad-agad din akong pumasok. Sumilip muna ako sa nakabukas na main door ng bahay. Walang katao-tao sa sala. Panigurado na si Papa ay nasa maliit na bahagi ng bahay sa may likod na palagi nitong tinatambayan habang nagtatabako. Ang Ate ko naman siguro ay naglalaba sa likod-bahay.
Inilapag ko sa upuang kahoy ang aking backpack at basta-basta nalang sumigaw ng "I'm home!"