ISANG TAON na mula nang mangyari ang isang trahedya na bumago sa buhay ko, ang sumira sa sana'y masaya ko ng buhay ngayon. Alam kong hindi mo na ko natatandaan at hindi ko alam kung may pag-asa pang makilala mo ko pero heto pa rin ako ngayon, handa kong ikwento sa'yo ang lahat para lang maalala mo ko.
Kahit pa ayaw mo na..
Araw ng kasal natin noon, nakasakay na tayo sa puting kotse upang pumunta sa huling stop over bago ang honeymoon. Nagkakatuwaan tayong tatlo, ako, ikaw at ang driver nating si Mang Eddie. Sobrang saya ko noong mga oras na 'yon, panay titig lang ako sa'yo dahil hindi ako makapaniwalang kinasal na tayo, na ang lalaking mahal ko ay kabiyak ko na ngayon. Ang tatamis ng mga pinakakawalan mong ngiti na nagpapangiti ring kusa sa labi ko. Kaya nga hindi ako makapaniwala na mawawala ka pa pala sa akin.
Kahit kailan sa buhay ko, hindi ko na imagine na pwede ka pa palang mawala, na pwede mo pa pala kong makalimutan, na may chance pa palang bumalik tayo sa dating tayo kung saan walang tayo.
Kasal tayo pero hindi mo na matandaan.
Minsan nga gusto ko ng mamatay sa sobrang sakit ng nararamdaman ko. Sa sobrang pag-iisip kung paano kita ulit mayayakap nang sobrang higpit at sabihin sa 'yong muli na "Mahal na mahal kita." At sabihin mo rin sa akin na mahal mo ko ulit.
Pero sino nga ba ang niloloko ko ngayon? Dahil ngayon, may mahal ka ng iba, na sa tuwing ipipilit nila sa'yo na kasal ka sa akin ay lagi kang nagwawala, na para bang ayaw mo na talaga akong maalala, na parang wala na talaga ako sa'yo.
Sabi nila, ang utak lang ang nakakalimot. Pero bakit hindi pa rin ako maalala ng puso mo?
Hanggang kailan ba ko maghihintay? Hanggang kailan ako masasaktan sa tuwing makikita ko kayong dalawa?