Kalilipat lang namin sa probinsyang ito, ang Doña Trinidad na napakalayo sa siyudad.
Nakatanaw ako sa labas ng kotse habang binabaybay namin ang kahabaan ng baku-bakong daan patungo sa nabiling villa ni Mama. Gusto raw niyang mag-move-on at magtago kay Papa. Sumama kasi si Papa sa kabit niyang kolehiyalang matanda lang yata sa akin ng isang taon, tapos pinapipili pa niya kami kung kanino kami sasama? Aba, siyempre kay Mama kami.
Ibinenta ni Mama ang mansiyon namin dahil lilipat daw kami. Kakahanap ng liblib na lugar sa internet ay nakita raw ni Mama ang binebentang villa sa probinsya nila. Binili niya pati ang taniman ng mais at palay para hindi mawalan ng kabuhayan ang mga nagtatrabahong magsasaka rito. Wala naman kaming choice ni Kuya Drei kahit tumutol kami.
Mukhang ayos naman dito, tahimik. Malayo sa ingay ng siyudad at sariwa ang hangin kahit tag-init na. May mga magsasakang naggagapas ng palay na nadaanan namin habang patungo sa villa. Hindi naman masyadong liblib ang kabayanan dahil may nadaanan kaming commercial area sa labasan. May nakita akong donuts, convenience store, at dalawang fast food chain. Masasanay din siguro kami dito.
"'Ma, matagal pa ba tayo?" Inip na ang Kuya Drei ko. May nakasalpak pang headset sa tainga niya pero naiinip pa rin siya. Ang layo naman kasi ng lugar na ‘to. Sabagay, hindi na bago sa amin ang magpalipat-lipat ng bahay. Mula pagkabata ay namulat na ako na paiba-iba kami ng tinitirhan.
"Malapit na. Ayan na, oh! Sa atin iyang haciendang ‘yan," pagmamalaki ni Mama.
Maganda ang villa mula sa labas. Mukhang pina-renovate muna ni Mama bago kami lumipat. Puti ang kulay ng exterior nito at nasa gitna ng malawak na looban, maaliwas tingnan, at mukhang hindi haunted house. Mabuti naman dahil ayokong ginugulo ako ng mga ‘yon. Alam din nina Mama ang kakayahan ko kaya pinabasbasan na rin daw niya ang villa bago kami lumipat.
Kakayahan, yes. I can see spirits pero hindi ko sila pinapansin. Iyon din ang payo ni Mama sa akin. Ignore them completely para hindi ako lalong lapitan. Nakatulong naman dahil kahit gulatin pa nila ako o magpakita sa harap ko, hindi ako kumukurap. Kunwari ay hindi ko sila nakikita. Hindi na rin naman ako nagugulat dahil sanay na ako. Mula pagkabata kasi ay nakakakita na ako ng multo. May takot akong nararamdaman pero pinaglalabanan ko dahil ayoko silang i-entertain.
Nakapasok na ang kotse sa looban. Maaliwalas din ang paligid ng villa. Mapuno at maraming bulaklak. May swing pa sa gilid at slide. May bata sigurong nakatira dati rito.
"Go kids, get your hand-carry stuff and get in. Maayos na sa loob." Binuksan naman ni Mama ang trunk para sa malalaking maleta. Ibinaba niya ang sa kanya at hinayaan kaming ibaba ang maleta namin ni Kuya.
May papalapit sa aming lalaking may edad na; nasa fifty plus na siguro ito. Medyo napapanot na at malaki ang tiyan pero mukha namang mabait. "Magandang umaga po, Ma'am."
"Oh, magandang umaga din, Mang Berting. Kids, si Mang Berting. Ang katiwala ng dating may-ari ng bahay. Kinuha ko na rin siya since kabisado na niya rito. Mang Berting, pakitulungan na po ang mga bata sa pag-akyat ng mga maleta nila."
"Sige po. Andoy! Pumarine ka nga at tulungan mo kami," tawag nito sa binatang nakahubad ang pangtaas at mukhang kasing-edad ko na nagsisibak ng kahoy. Gwapo at matipuno siya. Moreno at yummy ang abs. Ang nagagawa nga naman ng pagsisibak ng kahoy.
"Ma'am, anak ko pong bunso, si Andoy. Anak, pakitulungan silang iakyat ang mga bagahe nila."
"Opo." Kinuha nito ang dalawang malaking maleta, hinila saka sabay binuhat paakyat sa hagdan na may sampung steps papasok ng bahay.
"Wow! Maganda ang loob, Mama. Pwede na." Napanganga ako sa laki at luwang ng sala. Take note, walang multo so far. Nilingon ko ang paligid. May mga dilaw na papel na nakadikit sa bawat sulok. Galing ang mga ‘yon sa templong pinuntahan namin sa Bangkok. Ah, kaya pala. Naglagay si Mama ng pangtaboy ng spirits.
"Where's my room?" supladong tanong ng kuya ko. Mukhang 'di pa rin ito masaya na nalayo siya sa girlfriend niya sa Maynila. Sa isip-isip ko, Sus! Eh, ‘di lumuwas ka. Four hours drive lang naman ‘pag walang traffic, eh. Dire-diretso lang si Kuya sa pag-akyat. Inirapan ko nga. Umakyat na rin ako para tingnan ang kwarto ko.
"Kids, ‘yong blue door kay Drei, sa 'yo ‘yong pink door, Arlene. Sa akin ‘yong yellow door," sigaw ni Mama mula sa baba.
"Yes, 'Ma," sagot ko.
Kasunod naming umakyat si Andoy na sabay iniakyat ang dalawang maleta nang walang hirap.
"Senyorita, saan ko po ilalagay 'tong mga 'to?"
"Senyorita talaga? Arlene na lang. Nakakailang," saway ko sa kanya. Si Manang Lupe nga Nanay Lupe ang tawag ko eh. Yaya namin siya ni Kuya. First name basis ang tawag sa amin. Sa isang buwan na lang daw siya susunod dito at ang asawa niya na driver namin kasama ang dalawa pang pamangkin nito. Lahat sila ay umuwi muna sa kanila para magbakasyon at pinayagan naman ni Mama.
"Nakakahiya po. Amo ko kayo, eh." Napakamot ito sa ulo.
"Hindi rin kami tinatawag na senyorito o senyorita ng mga kasambahay namin. Sa pangalan lang. Si Mama, ay Ate lang ang tawag sa kanya. Arlene na lang ang itawag mo sa akin. Si Kuya ay tawagin mong Drei kung ayaw mong masapak ka niya," natatawa kong biro. "Sa kanya ‘yang black, akin 'tong pink. Pakipasok na lang sa loob. Salamat." Nginitian ko siya.
Ipinasok na ni Andoy ang mga maleta sa mga silid namin bago siya bumaba. Sumilip ako sa bintana at binuksan ko ang sliding window. Tanaw ko ang taniman. Ang ganda, parang paraiso sa ganda ang taniman na maraming mayayabong na mais at palay. Gusto ko na rito. I was busy looking around when someone knocked the door.
"Arlene," tawag ng Mama ko mula sa labas ng silid bago niya binuksan ang pinto ko.
"Yes, 'Ma?"
"Do you like it?"
"Yes, I do. Presko ang hangin. I love it here."
"Great. In-enroll ko na kayo ng kuya mo. Heto ang registration card mo. Check mo na lang ang schedule mo diyan." Iniabot sa akin ni Mama ang puting registration card.
"Okay, 'Ma. Ang aga naman ng pasok ko, alas-syete ng umaga," reklamo kong nakasimangot ang mukha.
"Buti na ‘yon para masanay ka. College ka na pero para ka pa ring mantika kung matulog. Ikinuha ko nga pala kayo ng dorm sa school dahil medyo malayo 'yon dito. Nasa kabilang dulo ng bayang ito. Delikado ang daan papasok at pauwi dahil magubat pa rin dito sa lugar natin. Wala pa sina Mang Lito at Manang Lupe kaya wala kayong driver at yaya. You can go home every weekend naman. I'll pick you up."
"’Ma naman, eh. Ayoko sa dorm." Nginusuan ko si Mama.
"Sus, nagpa-cute na naman ang bunso ko. Sige na. Five days a week lang naman kayo naroon. Bukas ihahatid ko na kayo. Have some rest. Ipapatawag ko kayo mamaya ‘pag dinner na." Lumabas na si Mama sa silid ko.
Nahiga na lang ako para matulog. Wala namang mangyayari kahit makipag-diskusyon pa ako kay Mama.
KINABUKASAN
Sakay na kami ni Kuya sa kotse patungong school. Natanaw ko na ang school, ang City Of Doña Trinidad University o CDTU. Private school daw ito. Malawak pero may kalumaan na. Mukhang ni-renovate naman pero parang matagal na no’ng huling pininturahan ang building at bakod. Medyo eerie ang pakiramdam sa unang tingin ko pa lang.
Pumarada kami sa harap ng gate at ‘di na ipinasok ni Mama ang kotse. "Go kids. Kaya n'yo nang lakarin ‘yan papasok." Bumaba si Mama para ilabas ang hand carry luggage namin mula sa trunk.
Bumaba na rin kami ni Kuya na mukhang laging bored. "I'm not a kid anymore, Ma." Saka isinalpak ni Kuya sa tainga ang headset niya.
"You're still my baby, Drei. Wala kang choice."
"Whatever." Bumeso si Kuya kay Mama at syempre ako rin. Mama’s girl kasi ako.
"Bye, 'Ma." Saka ako lumakad palayo. Sinundan ko si Kuya na nagmamadali sa pagpasok sa campus.
"Anong building ka, Kuya? Mukhang malaki 'tong campus. May building pa yata sa likod." Lilinga-linga pa ako habang naglalakad sa campus ground at halatang bagong dayo.
"Ihahatid na muna kita sa dorm mo saka ako didiretso sa dorm ko." In fairness kay Kuya, love ako niyan kahit laging mukhang bored.
Patungo kami sa gilid ng Main Building nang mapansin ko ang isang lalaking mukhang nakikipagtalo sa guard. Mukha naman siyang bata pa pero hindi siya mukhang estudyante. May hawig siya kay Jak Roberto. Ang gwapo niya at matikas. Naka-maong jacket ito at may hawak na maliit na notebook at ballpen. Inilihis ko na ang tingin ko dahil nauuna nang masyado si Kuya sa paglalakad.
Nagpalinga-linga ulit ako habang nilalakad namin ang patio sa gilid ng Main Building patungo sa likod ng school kung saan naroon ang college department, itong Main Building sa harapan ay para sa Junior at Senior High. Malaki at mahaba pala ang building namin at may nakasulat na Annex Building sa harap. Pumasok kami sa nag-iisang entrance gate sa gitna nito na parang sa simbahan, which is weird dahil ang haba ng building na ‘to pero iisa lang ang entrance. Lumagos kami sa katapat na exit nito papunta naman sa likod ng building. Nakita ko agad ang dorm sa kaliwang bahagi ng parihabang campus ground, at may isa pang sobrang lumang building malapit sa dulong bahagi ng dorm, paharap sa annex ang posisyon. Maliit lang siya, hanggang third floor at parang may attic. May nakasulat na "OLD BUILDING" sa pinakataas na bahagi pero parang bahay sa tingin ko. May malawak na garden na natataniman ng mga puno at halaman, at pahingahan ng students sa gitna ng campus.
Sinipat ko ang lumang building, parang may tao kasi doon pero mukhang hindi na ginagamit dahil sa kalumaan. Pinaliit ko ang mga mata ko para masigurong tama ang nakikita ko. Babae ang naroon at mukhang estudyante dahil parang naka-school uniform pa. Nakatanaw dito sa Annex Building, sa gawi namin. Mayamaya’y parang usok na naglaho ito. Napanganga ako.
"Kuyaaaa..." Hinila-hila ko ang laylayan ng t-shirt niya.
"Oh?" Nilingon niya ako.
"May multo rito."
"S-saan? Huwag ka namang manakot!" Pinigilan kong tumawa. Kaya siguro hindi binigyan si Kuya ng 'gift' kasi duwag siya.
"Naroon sa lumang building na mukhang bahay," pananakot ko sa kanya.
Hindi nilingon ni Kuya 'yong building na itinuro ko. Mabilis siyang naglakad patungong dorm at humabol naman ako. Pumasok kami sa medyo bago-bagong building. "Same building pala ang dorm natin. Sa left wing kami, sa right wing ang girls," paglihis ni kuya ng topic. Sa ground floor lang ang dugtungan ng dorm. Ang apat na floor sa taas ay tila twin towers pero hanggang 4th floor lang. May cafeteria at internet cafe sa ground floor.
"Kuya, may kasama tayo sa dorm?"
"Mayro’n,” tipid na sagot nito.
"Buti naman. Ayokong mag-isa sa silid dito."
May mga lady guard sa baba ng hagdang nasa gitna ng lobby paakyat sa Ladies’ Dorm. Ang hagdan nila Kuya ay nasa bahaging malapit sa Annex Building at may guard din do’n. Para siguro walang makalusot na magsyota at gumawa ng kalokohan.
"Saan ang punta niyo? Bawal ang lalaki sa ladies' dorm." Hinarang kami ng lady guard.
"Ay, magkapatid po kami. Ihahatid ko lang ang kapatid ko sa room niya. 215. Medyo mabigat 'tong hand carry niya. Maarte 'to e. Kung anu-ano ang isinaksak sa maleta niya."
Nginusuan ko si Kuya. "Nagsalita ang walang kaartehan sa katawan. Isang oras maligo. Daig pa ako."
Natawa ang lady guard sa asaran namin ni Kuya. "Magkapatid nga kayo. Sige na umakyat na kayo pero saglit ka lang, ha."
Tumango si Kuya saka binitbit ang maleta ko. "Salamat po."
Nasa kaliwang side ang even numbers at nasa right side ang odd numbers. "Heto na, Kuya. Nasa corner pala ang room ko. Nice!"
"Oo, nakalagay dito sa card mo ay Premium Dorm Unit." Sinusian ni Kuya ang unit ko at binuksan ang pintuan. May dalawang babae ang nasa loob na nakaupo sa sofa at nagkukwentuhan.
"Ooops, sorry mga miss. Hinatid ko lang ang kapatid ko,” pagpapaumanhin ni Kuya sa dalawang babae. Kahit suplado ito ay ma-respeto pa rin sa kababaihan kaya bilib pa rin ako sa Kuya ko. “Heto pumasok ka na. Bababa na ako." Kumaway pa si Kuya sa dalawang babae, at nginitian naman siya ng mga 'to. Sus, porke pogi si Kuya, ha. Kamukha kasi siya ni Lee Min Ho pero tisoy version.
In fairness, maayos ang room. May mini sala, may mini dining at mini kitchen, at may tatlong pintuan. Mga sariling silid siguro namin. Iisa lang ang banyo malapit sa main door pero okay na.
"Hello. Ikaw pala new dorm mate namin. Kumusta?" bati ng babaeng tsinita at tisay. Mukha namang mga friendly sila.
"Ayos lang naman. Transferee lang ako rito."
"Ah. Kapatid mo 'yon? Ang gwapo ha," sabi ng babaeng morena at maganda. Mukha siyang bumbayin. May hawig siya kay Gal Gadot.
"Ikaw lang ang may sabi niyan. Pangit kaya 'yon."
Natawa silang dalawa. "Magkapatid nga kayo. Ganyan din kami ni Kuya, eh. Nandito din siya kasama ko. Ako nga pala si Emma," sabi ng tsinita.
"I'm Daisy." Nakipagkamay sila sa akin. Tiningnan ko ang mga pinto ng mini bedroom. "Do’n ka sa dulong room," turo ni Daisy.
"Sandali lang ha ipapasok ko lang ito saka tayo magkwentuhan." Binuksan ko ang silid ko saka pumasok sa loob. Single bed lang ang kasya na nasa sulok, isang cabinet, computer table at isang side table. Lahat dito mini, para siguro mapagkasya ang tatlong kwarto sa "Premium Dorm". Itinabi ko muna ang maleta sa sulok saka ako excited na lumapit sa bintana at sumilip dito. Napanganga ako sa nakita ko. Tanaw mula rito ang lumang building. Naroon na naman ang babaeng nakita ko kanina, at sigurado akong nakatingin siya sa akin!