Inilihis ko ang tingin ko papuntang garden ng school. Nagpanggap akong hindi ko siya nakita. Mahinahon kong ibinaba ang kurtina saka ako tumalikod at lumabas ng mini-room ko. Single bed lang ang kasya na nasa sulok, isang cabinet, computer table at isang side table. Lahat dito mini, para siguro mapagkasya ang tatlong kwarto sa "Premium Dorm".
Umupo ako sa single sofa. "Matagal na kayo rito?"
Umiling si Daisy. "Bagong transfer lang din kami, pero one week na ako rito sa dorm tapos 3 days na si Emma. Maaga kaming dinispatsa ng parents namin."
Tumawa si Emma sa biro ni Daisy. "Dinispatsa talaga kami ni Mama nang maaga dahil may date sila ng new found boyfriend niya sa Moroco. One month daw sila doon." Parang wala lang sa kanya na may new boyfriend ang Mama niya dahil sa paraan ng pagkakasabi niya. Parang tonong matter-of-fact lang.
"I sent myself away naman dahil busy sa business at alak si Papa. Busy naman si Mama sa ibang bagay. Wala namang pakialam ang mga 'yon kahit 'di ako umuwi. Mula nang mamatay si Ate, wala na silang pakialam sa akin. Siya ang paborito nila eh." Napabuntong hininga si Daisy.
Ang ironic talaga ng buhay. Misery really loves company, ika nga. Kaya siguro kaming tatlo ang magkakasama-sama dito. "Wow ha. Pare-pareho pala tayong may mga drama sa buhay. Sumama sa kabit niya si Papa kaya nagtago kami dito sa province. Kaso malayo pala 'tong school sa villa kaya my mom sent us away. Wala pa kasi ang driver namin. Siya lang pinagkakatiwalaan ni Mama para maging driver namin."
"Hayaan na natin 'yang mga parents natin. Mag-eenjoy tayo dito. Pwede naman daw lumabas basta magpapaalam lang, saka may curfew." Kumindat si Daisy.
"I like that!" Nag-hi five kaming tatlo.
"Pero teka... may napansin ba kayo dito sa school?" putol ni Emma sa kasiyahan namin.
"L-Like what?" Kinakabahan ako. Baka may third eye din 'tong mga 'to ah. No please. Don't entertain those ghosts!
"Medyo malungkot ang ambiance, tahimik, eerie, may something na ewan." Niyakap ni Emma ang sarili.
OMG. May gift din 'tong isang 'to, hindi nga lang open pa at hindi siya aware. "Hmmm... w-wala naman akong napapansin. Siguro dahil konti pa lang ang students."
Tumango-tango si Emma. "Siguro nga... siya nga pala. Ang weird ng sinabi ng guard. Huwag daw tayong gagala sa gabi. Basta 'pag madilim na, bawal na sa area ng Annex building, sinasaraduhan na daw 'yon. 'Di rin pwedeng puntahan ang bodega sa dulo na nasa kakahuyan saka huwag daw pupunta doon sa building na luma na parang bahay."
Nagtatanong ang mga mata ko. Si Daisy ang nagtanong ng iniisip ko. "Bakit naman daw? Ano'ng mayro'n?"
Inilahad ni Emma ang dalawang palad kasabay ng pagkibit ng balikat. "Ewan, 'di na ako nagtanong."
Napasimangot si Daisy. "Ang weird nga. Ano 'yon, tapos ng klase, dito lang tayo? Kasi paglagpas ng Main Building, dadaan tayo ng hallway ng Annex Building para makarating dito eh. Pag sinarahan nila 'yong entrance do'n, 'di na rin tayo makakauwi ng Dorm. Nakaharang ang buong Annex building eh."
Nangalumbaba si Emma. "Ano ba ang mayro'n sa Annex Building? Saka sa storage pati sa lumang building?"
"Gusto n'yong malaman?" Tumaas-baba ang dalawang kilay ni Daisy.
"Hey! 'Di pa nga nagsisimula ang klase, gagawa agad tayo ng violation. Maghintay naman tayo ng 1 week hehe," nakangising sabi ni Emma.
Kinabahan ako. Okay lang mag-ikot at usisain ang Annex Building, huwag lang ang Old Building na 'yon. "Kayo talaga kung ano-ano ang naiisip n'yo. Mag-snack na lang tayo. Mukhang masarap ang food sa Cafe nila sa baba."
"Mabuti pa nga. Nagugutom na ko eh," sumang-ayon na lang si Daisy.
Bumaba kami sa ground floor para mag-snack. Umorder na sina Daisy at Emma sa counter. Nagpa-order na lang din ako.
Habang tumitingin-tingin ako sa labas ng glass panel ng cafeteria ay napansin ko ang isang lalakeng nakaupo sa bench habang nakatingin sa Old Building. Malungkot ang mukha ng lalake. Mukhang estudyante rin dito.
"Arlene, sino'ng tinitingnan mo?" pukaw ni Daisy, dala na ang order namin.
"Ah, iyon, oh." Ininguso ko ang lalakeng tulala. "'Yong lalake sa bench sa garden. Mukhang malungkot."
Nilingon nina Daisy ang lalakeng itinuro ko. "Ah wow, girl ha. May taste ka sa boys. Gwapo."
"Loka, hindi ko siya type. Napansin ko lang na malungkot siya habang nakatanaw sa Old Building."
"Miss," tawag ng bading sa akin na papadaan sana sa likuran ko pero mukhang natigil dahil narinig ang chikahan namin. "Si Gio 'yan. Kaya malungkot siyang nakatingin sa Old Building kasi doon nakita ang katawan ng girlfriend niyang namatay 3 years ago. Lagi 'yang nariyan."
Napatulala ako. Iyong babaeng nakita ko, 'yon ba ang girlfriend niya? Bakit nagmumulto? "A-ano raw ang kinamatay?"
Umiling ang kausap naming bading. "Ang sabi ng iba heart attack, iyong iba naman sabi nila pinatay daw. Sabi ng iba, suicide. May nagkwento din na ni-r**e muna bago pinatay sa sakal. 'Di namin alam kung alin ang totoo. Wala naman kasing nakakita sa nangyari at hindi uso ang CCTV rito noon. Ngayon lang nagkaroon at sa Annex lang mayroon." Tumawa ito. "By the way, ako nga pala si Hanz. Well, Hanna sa gabi." Saka 'to humalakhak nang malandi.
Nagkatinginan kami nina Daisy at Emma. "Ako nga pala si Arlene, sila sina Daisy at Emma." Nagkamayan kaming lahat.
"Halika baks, upo ka dali! Kwentuhan mo kami." Hinila pa ni Daisy ang upuan sa tabi niya. Naupo naman ang beki na excited magkwento.
"Bale Senior High kami noon dito. Tapos sa kabilang room sila nagka-klase, katabi namin. Sikat ang girl na 'yon kasi siya ang pinakamaganda dito, si Monique. Grabe, halos lahat yata ng kalalakihan, nililigawan siya." Huminga muna 'to. Inabutan ko ng orange juice. Uminom naman ang loka. Natuyuan sa kadaldalan. "Tapos syempre isa lang ang magwawagi. Ayon na nga, si Pogi." Ininguso ang nakatulala pa ring lalakeng nakaupo sa bench. "Wala namang lugi sa kanila dahil pareho silang maganda at gwapo. MVP 'yan ng Basketball Team natin. Maraming natuwa, marami ring hindi."
Napatukod ang kamay ko sa baba ko. Sobrang curious ako. Sina Daisy at Emma ay lumapit pa ng konti. Nakakahawa ang pagiging tsismosa hahaha! "S-so hanggang ngayon hindi pa rin tiyak kung ano ang kinamatay niya?"
Umiling ulit si bakla. "Wala. Open case pa rin daw. Hindi pa rin sumusuko ang pamilya ni Monique para malaman ang katotohanan sa pagkamatay niya. Alam n'yo na, only child eh. From time to time may nagpupuntang investigator dito. Ang kaso nakapagtataka...." tumigil ito sa pagsasalita. Uminom ulit ng orange juice, naparami pa. Naubos ang juice ko eh.
"Oh, ano'ng nakapagtataka sa pagkakaroon ng investigator?" Nag-forward pa ng katawan si Emma para lalong marinig ang sasabihin ni Hanz.
"Paiba-iba ng investigator. Pagkatapos ng isa, 'di na siya babalik ulit. Takot nang pumasok sa Old Building. Parang tuliro na ewan. Iba na naman ang pupunta. Kaya siguro hindi naso-solve dahil paiba-iba ng nagiimbestiga e. Halo-halo na ang resulta ng investigation," huminto ulit 'to, "Manang Huling, paorder nga ng orange juice mga tatlong baso! Nauhaw ako eh!"
Humagalpak ako ng tawa. Nakakaloka 'tong baklang 'to, ang sarap kasama. "Sige na libre ko na, ano'ng nangyari?"
"Wow talaga? Thank you beshie! Mahaba-habang kwento 'to." Inabot ng serbidora ang mga orange juice niya. "May isang investigator ang pumunta dito nang gabi," nambitin na naman. Uminom ulit ng juice bago nagpatuloy sa kwento, "natagpuan siyang patay kinabukasan," ininguso ang Old Building, "doon. Walang may alam kung ano ang nangyari. Baka raw heart attack. Eh 'di syempre dalawa na iimbestigahan. May bagong imbestigador ang nagpunta. Gabi ulit. Hindi na siya nakita mga isang linggo. Tapos may dalawang estudyante na may planong mag-make out yata doon sa bodega, nakita nila 'yong imbestigador, patay na. Mabaho na nga raw at parang bulok na."
"Waaaaah! Nakakatakot naman dito! Uuwi na ako!" ngawa ni Emma.
"Huwag ka lang pagabi sa labas para 'di ka ma-tegi." Humalakhak na naman ang bakla.
"Teka, iyon ba ang reason kung bakit bawal pumasok sa Old Building at sa Bodega?"
"Yup. Kaya mula noon, bawal nang pumasok d'yan maliban sa investigators na pwedeng pumasok sa araw."
Napanganga ako. Imposible namang 'yong multo ang pumatay sa kanya? Pwede kaya 'yon? 'Di pa naman ako sinasaktan ng mga multong nakakasalubong ko, kahit dinededma ko sila ay hindi sila nagiging bayolente, o baka naman swerte lang ako sa nakakaharap kong multo?
"May isa pa kong tanong, bakit sinasara ang Annex Building pag 6:00 PM na?" Hanggang 5:00 PM lang din ang klase na gumagamit ng Annex Building.
"'Yon ang 'di ko alam. Kulang pa pagiging tsismosa ko. Hahahaha!" Halakhak ulit nito.
"Huwag na lang tayong pumunta sa mga lugar na 'yan. 'Pag bawal, bawal," sabi ko sa kanilang dalawa na tumango naman habang yakap ng mga braso ang sarili.
Lumingon sa akin si Hanz. "Alam mo, beshie, ngayon ko lang napansin, may hawig kayo Monique."
"Weh, 'di nga? Sabi mo pinakamaganda dito 'yon? Eh 'di hindi ko kamukha 'yon! Hahaha!"
"Lukaret. 'Pag may nagsabi sa'yong pangit ka, eh, insecure sa 'yo 'yon." Tumingin ulit siya sa akin. 'Pero totoo. Kamukha mo siya. Mas matangkad ka lang siguro saka may bubelya hahaha!"
"Loka!" Hinampas ko siya sa braso. Lahat na lang ng tao, 'yon ang napapansin sa akin. Tsk. Kasalanan ko bang 37B ako?
"Magkamukha kayo. Wavy long brown hair, pouty kissable lips, matangos ang ilong, bumbayin na mata saka mahabang pilik. Ang kaibahan lang, may dimples ka. Saka 'yang extra assets mo hahaha!" Uminom ulit si Hanz ng juice. Pangalawang baso na niya. "Teka, may sss account pa siya eh. Walang maka-access kaya 'di ma-delete. Heto." Ipinakita sa akin ang picture ni Monique gamit ang phone niya. Hala, kamukha ko nga! May dimples lang ako 'pag ngumingiti. Kinuha ko ang phone ni baks saka ko pinakita kina Daisy at Emma. Nanlaki ang mga mata nilang dalawa.
"Bakla ka, akala ko ikaw!" tili ni Daisy.
Don't worry, akala ko rin ako siya. Iyon nga lang may nakasulat na Monique de Jesus sa profile niya.
Tinapik ni Emma si Hanz. "Magkuwento ka pa baks. Sino at ano ang hinala mo?"
"Hmm... marami kasing mga nangyari noon. May ilang nabasted na hindi matanggap na basted sila. Saka may mga babae ring bigo kay Pogi." Nilingon naming apat ang lalakeng malungkot. "May nagsuntukan pa nga no'ng Prom night para lang maisayaw si Monique. Tapos si Gio ang naging Knight in shining armor. Itinakbo si Monique pauwi ng dorm. Syempre girlfriend niya 'yon. Naroon ako nang nag-jumbagan ang mga boys."
Marami pa kaming napagkwentuhan tungkol sa mga students at teachers. Makikilala ko rin sila. Sa Monday na ang pasok. Nilingon ko ulit ang lalakeng nasa bench bago kami umalis ng cafeteria at bumalik sa room namin. Nangapitbahay naman sa ibang table si Hanz para makipag-tsismisan.