Chapter 1

2247 Words
NANGINGITI ang dalaga na pasimpleng kinukunan ng litrato sa cellphone nito ang binatang gustong-gusto nito. Si Jayden Madrigal na kilala sa university nila at leader ng grupo nito. Apat sila Jayden sa grupo at ito ang pinakagwapo, pinakamatalino at pinakamayaman sa kanilang apat. Kaya hindi na nakapagtatakang ito rin ang leader ng grupo nito. Kasalukuyang naglalaro ng basketball sa sa gym court ng university ang grupo ni Jayden. Kaya naman punong-puno ang bleacher ng mga estudyanteng nanonood lalo na ang mga dalaga na hindi magkandamayaw sa kasisigaw ng pangalan ni Jayden at grupo nito. Nangingiti lang naman ang dalagang si Fiona Morales na nanonood at kinukunan ng litrato si Jayden. Nakakasanayan na nga nito ang kunan ng litrato ang lalakeng pantasya nito. Na alam niyang ni sa panaginip ay hindi niya maaabot sa layo ng agwat nila ng binata. Anak bilyonaryo si Jayden Madrigal. Siya na nga ang pinakagwapo sa university nila kaya kahit mga professor nila ay nabibighani sa binata kahit may pagkasuplado ito. Samantalang si Fiona Morales ay isang simpleng estudyante lang. Hindi rin gano'n katalino at katangkad. Isa itong nerd na dalaga na may malaking round reading glasses na suot. Buhaghag din ang makapal nitong buhok na laging tinitirintas ng dalaga. Maging ang mga kilay nitong itim na itim ay may kakapalan dahil hindi naman nag-aahit ng kilay ang dalaga. Kayumanggi ang balat nito dala ng palagi itong naaarawan at higit sa lahat ay walang ginagamit pampaputi at pampakinis sa balat. Puno din ng tigyawat ito sa mukha kaya kahit maganda ito sa kabila ng pagiging nerd ay hindi napapansin ang angkin niyang kagandahan. Idagdag pang may suot itong braces na hindi naman bumagay sa kanya. Pinagtatawanan at palaging nabu-bully ang dalaga sa university nila dahil sa itsura nito. Madalas ay siya ang pinagti-trip-an ng mga bully lalo na ang mga classmates nito. Pero ni minsan ay hindi ito nanlalaban na hinahayaan lang ang mga kaklaseng alipustahin siya. Wala kasi itong kaibigan sa university. Walang may gusto ang makalapit sa kanya na dinaig niya pa ang may nakakahawang sakit kung pandirihan ito. Kaya siya na mismo ang naglalayo ng sarili. Nagbabaon ito ng lunch box para hindi na nagpupunta sa canteen ng school. Sa loob ng classroom ay nasa dulong bahagi ito sa pinakasulok. Si Jayden Madrigal ang tanging dahilan niya kaya siya pumapasok sa university na ‘yon. Kaya kahit may kamahalan ang tuition fee ng school at nabu-bully siya doon ay doon pa rin niya pinipiling mag-aral. Graduating student na ito sa medicine habang criminology naman ang kurso ni Jayden na crush na crush nito. Na kahit napaka imposible ay inaasam din nitong mapansin siya ng binata. “Ang galing mo talaga. Congrats,” ang bulong ni Fiona na may ngiti sa mga labi matapos manalo sa laro ang grupo ni Jayden. Lumabas na ito ng gym court na nakabibinging hiyawan at tilian ng mga estudyante ang naghahari na sinisigaw ang pangalan ni Jayden at mga kagrupo nito dahil sa kanilang panalo. Masaya na siya na natatanaw ang binata at nakukunan ng litrato sa araw-araw. Masilayan niya lang ito ay buo at masaya na ang buong araw nito. Gano'n siya ka-obsessed sa binata. YAKAP ang ilang libro nito ay lumabas na ng university si Fiona. May ngiti sa mga labi na naiisip si Jayden na ilang minuto nitong pinagsawang pinagmamasdan na naglalaro ng basketball. “Manong, para po!” pagpara nito sa dumaang taxi sa harapan. Halos lahat ng mga estudyante sa university ay may kanya-kanyang kotse at sundo. Mga anak mayaman kasi ang mga nag-aaral doon at mangilan-ngilan lang ang katulad niyang mahirap na nakapasok ng university. Ang iba ay scholar ng school kaya nakakapasok doon. Ang iba naman ay may sponsor katulad niya. Nangingiti itong pinapanood ang mga kuha niyang larawan ni Jayden ngayong araw habang naglalaro ito. Napakagwapo talaga ng binata na wala kang maipipintas sa panlabas na anyo nito. Idagdag pang kay tangkad nito at mestiso na napakakinis ng maputing kutis! Sa balat pa lang ay mapapansin mo ng anak mayaman ang binata. Kahit naka-uniform ito ng white jersey ng basketball ay napakagwapo at lakas pa rin ng datingan, lalo na't pawisan ito na basang-basa na ang buhok ng pawis. Tatlong taon na rin niyang sinusubaybayan ang binata. Pero sa loob ng tatlong taon na ‘yon, ni minsan ay hindi nalapitan o nakausap ang binata. Maski ang magsalubong ang mga mata nila kahit palagi itong nakasunod sa grupo ni Jayden. Sikat si Jayden at grupo nito sa university. Kaya kahit nasaan ito ay maraming estudyante ang nakapalibot na nagpapapansin dito. Mukha ngang immune na rin ang binata na balewala lang sa kanya na kahit nasaan sila ay pinagkakaguluhan sila. Ang mahalaga naman dito ay hindi sila ginugulo ng mga fans nila. Dahil nakaantabay palagi ang mga bodyguard nila na tipong tatangkahin mo pa lang hawakan ang boss nila ay nakaharang na ang mga ito. Matatangkad at pawang malalaki pa man din ang katawan ng mga ito na kayang-kaya nilang bitbitin ang isang tao sa isang kamay lang! “Magiging akin ka rin soon, Mr Madrigal. Hindi man ngayon, malay natin bukas o sa makalawa. . . kasintahan na kita,” piping usal nito na hinahaplos sa screen ang mukha ng binata. PAGDATING nito sa bahay nila ng kanyang Tiya Kyla ay kaagad na itong nagbayad sa driver ng pamasahe bago bumaba ng taxi. Naabutan naman nito ang Tiyahin na abala sa mga tinutupi nitong damit sa maliit nilang sala. “Mano po, Tita.” “Oh, Fiona. Kaawaan ka ng Diyos, anak.” Nakangiting saad ng Tiya nito na nagmano ang dalaga. Napahaplos pa ito sa ulo ng pamangkin na may ngiti sa mga labi. Kita kasi nitong ibang-iba na naman ang ngiti at kinang sa mga mata ng pamangkin. Na kahit hindi niya tanungin ay alam niyang maganda ang araw nito. Na tiyak dahil sa binatang kursunada nito sa kanilang university. “Tumanggap na naman po kayo ng labahin,” ang wika ni Fiona na malingunan ang ilang laundry basket na puno ng maruruming damit. “Oo, anak. Sayang naman ang kita ko sa mga ‘yan mula sa mga boarder natin.” Sagot nito na nagpatuloy sa pagtutupi ng mga damit kaya tinulungan na siya ng dalaga. “Mabigat po ang paglalaba, Tita. Kasya naman po ang kinikita natin sa mga room for rent natin d'yan sa kabilang bahay eh. Hindi naman tayo nagugutom at nakakabayad ng mga bills natin. Ayoko lang po na napapagod kayo sa kakakayod niyo para sa akin,” turan ni Fiona sa Tiyahin nitong napangiti. “Ano ka ba namang bata ka. Syempre, ngayon at malakas pa ako, sasamantalahin ko na. Para kapag uugod-ugod na ako eh may naitatabi tayong pera na magagamit.” “Hayaan niyo po, Tita. Magtatapos na ako ngayong taon sa kurso ko. Pagbubutihan ko po ang pagre-review ko para makapasa ako sa board exam namin at maging ganap na doctor. Kapag doctor na ho ako? Hindi niyo na kailangang tumanggap ng mga labahin sa iba para lang may maipon kayong pera. Ako ang magtatrabaho para sa ating dalawa,” nakangiting wika ni Fiona na bakas ang determination sa mga mata nito. Napangiti naman ang Tiyahin nito na hinaplos sa ulo ang pamangkin. “Napakaswerte ko talaga sa'yo, Fiona. Napakaganda mo ng bata ay kay bait mo pa.” “Naku, Tita. Doon sa mabait ako ay tama naman kayo d'yan. Syempre. . . nagmana po ako sa inyo. Pero doon sa maganda? Tita, ikaw yata ang kailangang magsuot ng reading glass para makita mong maigi na wala ako no'n.” Natatawang saad nito na ikinatawa at iling din ng ginang. “Ikaw talagang bata ka. Ewan ko ba sa'yo kung bakit ayaw mo kasing mag-ayos. Fiona, maganda ka. Balingkinitan din naman ang katawan mo at kitang pinagpala ka sa hinaharap. Alam mo, anak. Konting ayos lang ay lalabas kung gaano ka kaganda. Ikaw lang itong ayaw mag-ayos para makita mo sana kung gaano ka kaganda,” ang wika naman ng Tiyahin nitong ikinangiti lang ng dalaga. Hindi kasi naniniwala si Fiona na maganda ito. May pagka-chinita ang mga mata nitong may makakapal at malalantik na pilikmata. Matangos din naman ang ilong niya na may kanipisan ang matambok nitong mga labi na natural na makintab at mamula-mula. ‘Yon nga lang ay puno ng tigyawat nitong naglalakihan ang pisngi, noo at maging baba nito. Idagdag pang morena ang balat kaya hindi napapansin ang dalaga. Idagdag pa na nagsusuot ito ng round reading glasses, may suot na braces at makapal ang kulot at buhaghag nitong buhok na palaging nakatirintas. “Kailan niyo ba kasi ako lulubayan? Aba. . . magsawa naman kayo sa mukha ko kasi ako ay sawang-sawa ng nakikita kayong ginagawang pugad ang mukha ko,” bulalas ni Fiona habang napapangiwing tinitiris ang mga naglalakihan nitong pimple na may mga nana pa! Nandidiri ito dahil halos wala ng espasyo sa mukha nito ang kanyang mga pimple. Nasisira na tuloy ang kutis niya sa mukha na walang araw na wala itong pimple. Magmula magdalaga ito ay hindi na siya nilubayan ng mga pimple nito. Kaya nakasanayan na niya ang mga itong ginagawang tahanan ang mukha. Ayaw naman nitong gumamit ng pampakinis at anti acne na sabon sa takot na lalong lalala ang mga pimple nito sa mukha. Matapos nitong pisatin ang mga hinog na niyang pimple at naghilamos ay umakyat na siya sa ikalawang palapag ng bahay nila kung saan ang silid nito. Sa kabilang bahay ay pag-aari din nila na ginawang boarding. May university kasi sa harapan ng bahay nila kaya maraming estudyante na boarders nila. Pero dahil sinusundan nito ang binatang si Jayden Madrigal ay napalayo pa ito ng pinapasukang university para makita ang binata sa araw-araw. Sapat naman ang kinikita ng boarding nila para sa kanilang expenses sa araw-araw. Masipag din ang Tiyahin nito na nagluluto ng ulam na binebenta sa harapan ng bahay at mabenta iyon sa mga estudyante. Hindi naman gumagastos ang Tiya nito sa pag-aaral ni Fiona dahil sponsor ng ama nitong negosyante ang pag-aaral ng dalaga. Hindi pa nito nakikilala ang ama. Ang ina nito ay maagang pumanaw noong isinilang siya nito. Kaya naman ang Tiya Kyla na nito ang kinagisnan niyang magulang. Ang ama kasi nito ay nasa America. Isa itong turista noon na naligaw sa baryo nila sa probinsya. Kaya naman nabuntis nito ang kanyang ina. Pero dahil mahirap lang ang ina ni Fiona ay hindi siya tinanggap ng mga magulang ng ama nito. Kaya sa huli ay hindi nagkatuluyan ang mga magulang niya at nagkaroon na rin ng asawa at sariling pamilya ang ama niya. Kaya tanging sustento lang ang nakukuha nito sa ama nitong hindi naman nakakalimot. Pero dahil malaki ang tampo ni Fiona sa ama ay ni minsan ay hindi niya ito kinatagpo o maski kinakausap. Tanging ang Tiyahin lang nito ang nakakausap ng kanyang ama. Sa Tiyahin niya rin pinapadala ang pera para sa pag-aaral ng dalaga. Kaya kahit may kamahalan ang tuition fee sa university na napili ni Fiona ay nagagawa niya pa ring pumasok doon kahit mahirap lang sila ng Tiyahin nito. Napahinga ng malalim si Fiona na nakahinga na sa kama nito. Sa tuwing nasa kwarto na siya ay hindi niya maiwasang makadama ng lungkot para sa sarili. Kahit itanggi kasi nito ay dama niya ang malaking puwang sa puso nito na nangungulila sa pagmamahal ng mga magulang nito. Kahit na mahal na mahal siya ng kanyang Tiya na hindi na nga nag-asawa pa para lang matutukan ang pag-aalaga sa pamangkin ay dama ni Fiona na kay kulang pa rin sa kanyang pagkatao. At ‘yon ang pagmamahal ng kanyang mga magulang. Dinampot nito ang cellphone na muling pinanood ang mga kuha nitong larawan ni Jayden. Sa dami ng larawan ni Jayden sa kanya ay puno na nga ang gallery nito ng pictures ni Jayden. Maski profile at lock screen nga nito ay larawan ni Jayden ang nakalagay. Napangiti ito na pinakatitigan ang kuha nitong larawan ni Jayden na nakunan niyang nakangiti ang binata. Nakikipag biruan kasi ito sa mga kaibigan at mukhang nagtutuksuan kaya nakuhanan niya ito na nakangiti at meron ding nakatawa ang binata. “Magtatapos ka na ngayong taon, Fiona. Sa susunod na taon ay hindi mo na makikita si future police captain. Sana manlang bago ka grumaduate ay makausap mo ito. Maipakilala ang sarili at matitigan siya sa mga mata. Kahit ‘yon lang, Fiona. Ma-achived mo manlang sana iyon bago ka makapagtapos dahil tiyak na hindi na magkukrus ang landas niyo ni Jayden.” Parang hibang na pagkausap nito sa sarili habang nakamata sa larawan ni Jayden sa screen ng cellphone nito. Napahinga ito ng malalim na hinagkan pa ang larawan ni Jayden bago inilapag sa mesa ang cellphone nito na pinilit ng makaidlip. Malalim na rin ang gabi at maaga na naman siyang pumasok bukas sa university para masundan muna ang binatang araw-araw niyang ini-stalked sa school. Gamay na gamay na nga niya ang routine ni Jayden kaya nasusundan niya ito palagi. Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi nito na naiisip na naman si Jayden. Kung paano ito tumawa, magsalita at naka-pokerface. Maging kung paano ito kumain ay alam na alam nito na araw-araw ba naman niyang palihim na sinusundan ang binata sa tuwing break time nito at walang klase. At ang ikinagagalak nito ng lubusan? Ang kaalamang wala pang nobya ang binata. “Goodnight, my soon to be Captain.” Usal pa nito na naglalaro sa imahinasyon ang binatang si Jayden.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD