Chapter 1
GRAY ORBS.
“HINDI ka ba natatakot sa ginagawa mo? God! Nilalagay mo ang sarili mo sa kapahamakan, Patricia!”
Inikutan ko ng aking mga mata ang bestfriend ko. Kanina pa siya ngawa nang ngawa na parang nakagawa ako ng mabigat na kasalanan.
“Whatever, Bestie! Can’t you just be happy for me? Ito na ‘yon. This will be my biggest break ‘pag nangyari ang mga plano ko.”
“Pero hindi mo siya kilala, Bestie! Paano kung madiskubre niyang minamanmanan mo ang bawat galaw niya? Maaari ka niyang ipakulong! Hindi mo ba naiisip ‘yon?!”
“Hindi niya malalaman kung tatahimik ka. Alam mo, Bestie, naniniwala akong mapapansin din ng mga publisher ang mga gawa ko. Kailangan ko lang ng konkretong mga impormasyon tungol sa mga secret agent na ‘yan para maisulat ko ng maayos ang nobela ko.”
“Ewan ko lang, Bestie. Ewan ko lang kung saan ka pupulutin sa pinaggagawa mong ‘yan. Tandaan mong hindi biro ang binabangga mo. Alam mo, parang gusto ko nang pagsisihan na ikinuwento ko pa sa'yo ang tungkol sa bestfriend ni Kuya.”
Sumimangot ako at sumalampak sa kama. Kailan pa ba ako magkakaroon ng bestfriend na susuportahan ang lahat ng mga ginagawa ko? Masama bang mangarap ng mga bagay na gusto kong abutin?
Eversince may passion na talaga ako sa pagsusulat. Ewan ko nga lang kung bakit palagi na lang akong nari-reject ng mga publisher na ‘yan. Ginawa ko naman ang lahat ng makakaya ko.
“Alam mo, Bestie, bakit hindi mo na lang tanggapin na hindi talaga para sa ‘yo ang pagsusulat? Why don’t you explore your inner self, first? Malay mo may iba ka pa palang gusto. Malay mo hindi talaga pagsusulat ang makakapagpasaya sa'yo.”
Siningkitan ko lang ng aking mga mata si Cynthia. Iyon na lang palagi ang naririnig ko mula sa kanyang bunganga. Kesyo may iba pa raw akong talent. Hindi raw bagay sa’kin ang pagsusulat kasi ilang beses nang na-reject ang mga gawa ko.
“Bestie, please hayaan mo na lang ako. Dito ako masaya, eh. At saka hindi naman ako gagawa ng mga bagay na ikakapahamak ko.”
Napabuntong-hininga na lamang si Bestie at umupo sa dulo ng aking kama. Ilang beses din itong umiling habang nakatingin sa akin.
“Bahala ka kung ‘yan ang gusto mo. I already warned you, Bestie. Sana lang ay hindi ka maiwang luhaan sa ginagawa mo. God! You're stalking a freaking agent!”
“Oo na. Promise, hindi ko ipapahamak ang sarili ko. At saka, wala namang masama sa ginagawa ko, ‘no. Di ba nga gano’n talaga ‘pag nagsusulat ka? Kailangan may sarili kang experience sa mga bagay-bagay para mai-apply mo iyon sa isinusulat mo. I have to engage myself to my own story, so my readers could get in.”
Tumingala ako sa kisame at pumikit. Ini-imagine ko ‘yong librong may pangalan ko na naka-display sa bookstores. It feels good. Can’t wait for that day to happen.
“Ewan ko sa ’yo, Patricia. Nasobrahan ka na ng ilusyon. Gising-gising din ‘pag may time. Ang buhay mo nasa realidad, hindi sa fiction!”
Bumulusok paibaba ang ilusyon ko.
“E ‘di wow! Tsupi ka na. Marami pa akong gagawin. ‘Pag naging author na ako, hindi kita ilalagay sa aknowledgment!” sabi ko at binalingan ang aking ginagawa.
“Whatever, ilang beses na akong tinanong ni Daddy kung magaling ka na raw. Grabe, paniwalang-paniwala talaga siya na may sakit ka. Ang sabi pa nga niya mag-stay muna ako rito sa apartment mo para maalagaan kita. Kung alam mo lang, Bestie! Nagi-guilty na ako sa pagsisinungaling ko kay Daddy.”
Natigilan ako sa paghihimutok ni Cynthia. Minsan nagi-guilty rin akong nagagawa niyang magsinungaling sa daddy niya nang dahil sa ’kin.
“Sorry na, Bestie. Mag-re-report na ako sa Lunes, promise ‘yan.”
“Huwag ka nang mangako, alam ko namang mapapako ‘yan. Ikaw pa ba, kilalang-kilala kita. May turnilyo ‘yang utak mo, pabago-bago ng desisyon. Basta mag-iingat ka lang diyan sa ginagawa mo.”
Napangiti ako at niyakap ang bestfriend ko. Kahit hindi kami magkasundo palagi hindi pa rin niya ako matitiis. She always ended up agreeing with my decisions.
Pagkaalis ni Cynthia ay agad kong kinuha ang envelop na naglalaman ng impormasyon tungkol kay Agent Pilak. Hanggang ngayon hindi ko pa rin nakukuha ang tunay niyang pangalan. Ang tanging nakuha ko lang ay ang ilan sa mga kasong naisarado niya.
Agent Pilak.
Kailan pa ba kita makakaharap?
Tinitigan ko nang mabuti ang litratong nakuha ko nang sinundan ko siya kahapon. Nakatalikod siya kaya hindi makita ang kanyang mukha. Pero alam kong siya ito, base na rin sa plate number ng motorbike na gamit niya. Nakuhanan ko siya habang pasakay siya rito.
Isang fitted jeans at maluwag na kulay blue na t-shirt lang ang isinuot ko. Itinali ko ang aking buhok pero may naiwang ilang hibla sa gilid kaya isinabit ko ito sa puno ng aking tenga. Napangiti ako nang mapagmasdan ko ang aking kabuuan. Just perfect!
Hindi na ko mapagkakamalang stalker nito.
I left my apartment with my black leather backpack. Regalo pa ito ni Cynthia galing Paris no’ng minsang namasyal sila roon. Kung titingnan ay parang isa lang akong simpleng kolehiyala.
Pumuwesto agad ako sa park na kaharap ng building ng M&C Detective Agency. Pinili kong maupo sa puwestong madali kong makita ang sinumang pumapasok sa building na ‘yon.
Hindi ako uuwi hangga't hindi kita nakakaharap at makita ang mukha ni Agent Pilak.
Ilang beses na kong humikab sa aking puwesto. Mahigit tatlong oras na akong nag-aabang pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin namamataan ang pagdating ng motorbike niya. Halos maubos ko na rin ang dala kong sandwich.
Napabuntong hininga na lang ako.
Bakit ba napakailap mo, Agent Pilak?
“Huwag kang susuko Patricia Eunice,” pagkukumbinsi ko sa sarili ko. Ito na lang ang pag-asa kong makapagsulat ng kuwentong kakaiba kaya hindi ako maaaring sumuko.
Naghintay pa ako ng ilang mga oras pero walang motorbike na dumating. Kumain na rin ako ng pananghalian. Hindi ko na yata mabilang kung beses akong humikab.
Hindi kaya wala talaga siyang planong pumasok ngayon?
Nanlumo ako at sumandal sa upuang kahoy. Mukhang mabibigo ako sa araw na ito.
Naisipan kong buksan na lang ang f*******: ko gamit ang cellphone ko habang naghihintay. Nalowbat na kasi ang MP3 player ko dahil kanina ko pa ito pinapatugtog.
Pagbukas ko ay bumulaga sa ’kin ang 208 na notifications. May nag-pop out ding limang messages sa messenger ko pero sa iisang tao lang lahat ito nanggaling.
Rain Cervantes: Hi, how are you?
Rain Cervantes: It's been a while...
Rain Cervantes: I miss conversing with you.
Rain Cervantes: You seemed busy.
Rain Cervantes: Please reply once you got this.
Napangiti ako. Ilang araw ko na ring hindi nabubuksan ang f*******: ko dahil masyado akong naging abala sa pag-stalk kay Agent Pilak.
Namimiss ko na ring makipag-usap kay Rain. Kahit sa chat ko lang siya nakilala, magaan ang loob ko sa kanya. Ang sarap niya kasing kausap. Palagi niya akong napapangiti.
Cutie Patie: Hi, pasensya na. Busy lang talaga ako nitong mga nakaraang araw. Kamusta ka na?
Pagkasend ko ay tiningnan ko muna ang newsfeed ko. Tiningnan ko rin ang notifications ko at napag-alamang nagflood likes pala si Rain sa'kin.
Habang nag-iiscroll ako ng newsfeed ay panaka-nakang tiningnan ko ang building.
Wala pa rin.
Biglang nagpop out ang messenger kaya tiningnan ko ito. Online na pala siya.
Rain Cervantes: I'm fine. Why were you busy? Anong pinagkakaabalahan mo?
Cutie Patie: Marami kasing trabaho sa opisina.
May tiwala naman ako kay Rain pero parang may nag-uudyok sa akin na huwag sabihin ang pinaggagawa ko. Isang Agent Pilak ang minamanmanan ko kaya hindi ko maaaring sabihin sa iba.
Rain Cervantes: Don't stress yourself too much, baka magkasakit ka.
Napangiti na naman ako. Ang sarap pala sa pakiramdam na may nag-aalala sa'yo. Well, iba naman mag-alala ang bestfriend ko at iba rin si Rain. Parang iba ang epekto nito sa'kin.
Dahil ba lalaki siya?
Maybe or maybe not.
Cutie Patie: Thanks. Ikaw? Anong pinagkakaabalahan mo nitong mga nakaraang araw?
Tiningnan ko ulit ang labas ng building pero wala pa rin. Malapit nang mag-alas tres ng hapon.
Siguro hindi na talaga 'yon papasok. Baka may misyon siya ngayong araw.
Napabuntong hininga na lang ako at tumayo. Mukhang bigo na nga talaga ako ngayong araw.
Hindi bale na, babalik na lang ulit ako bukas.
Isinuot ko nalang ulit ang backpack ko at nagsimulang maglakad. Hindi ko inaalis ang mga mata ko sa building habang naglalakad kaya hindi ko namalayan ang pagbunggo ko sa isang pader.
Tama. Isang pader.
Isang pader na nagkatawang tao.
Tumilapon ang cellphone ko kaya pinulot ko ito at pagkatapos ay tumingala para humingi ng dispensa.
"Pasensya na, hindi kasi ako tumitingin sa dinadaanan ko--"
I froze.
Para akong nahipnotismo nang magtagpo ang aming mga mata.
I gulped.
Hard.
Those gray orbs are slowly melting my being. Natatabunan ng itim na maskara ang kalahati ng kanyang mukha.
Kumibot ang kanyang bibig pero walang namutawing salita.
Para akong ipinako sa aking kinatatayuan. Tila tumatagos sa kaluluwa ko ang kanyang titig. Halos marinig ko ang malakas na pintig ng aking dibdib.
Tatanungin ko na sana ang pangalan niya pero huli na.
Sino siya?
Bakit isang kurap ko lang ay nawala agad siya?
ⓖⓡⓔⓐⓣⓕⓐⓘⓡⓨ