Inabot ng mahigit anim na oras ang biyahe ng bus na sinasakyan ni Wilson bago tuluyang makarating sa La Union, pasado alas dies ang nakitang oras ni Wilson sa cellphone na binigay ni Charles sa kanya.
Minabuti na lang muna ni Wilson na tumuloy sa mumurahing hotel hindi kalayuan sa terminal ng bus na binabaan niya. Wala na din kasing biyahe papunta sa Sta Ynez ng mga ganoong oras.
Matapos magbayad ay agad siyang dumiretso sa kuwartong tutuluyan niya ng gabing iyon, sandali lang siyang nanatili sa kuwarto at matapos mailagay ang kanyang mga gamit ay naisipan ni Wilson na lumabas para makahanap ng makakainan.
Sa isang malapit na karinderya ang napili ni Wilson, agad itong umorder ng kakainin at matapos nga noon ay agad na din itong dumiretso sa pinakasulok na bahagi ng karinderya.
Muling nagbalik sa binata ang naging pag-uusap nito sa assistant daw ng kanyang ama na si Charles, hanggang ngayon ay hindi pa din niya kayang mapaniwalaan ang mga sinabi nito, oo nga at nakita ni Wilson ang sinasabing tunay niyang ama, at hindi din maipagkakaila na kamukha niya ang naturang matanda, pero hindi pa din tuluyan matanggap iyon ni Wilson.
Buong buhay ni Wilson ay inakala niya na mga tunay niyang mga magulang ang nakagisnan niya, hindi kasi pinaramdam ng kanyang kinilalang mga magulang na hindi siya nito na tunay na anak.
Pinangako ni Wilson na sa oras na magkaroon ng pagkakataon ay babalikan niya ang islang kinalakihan, ito ay para alamin ang totong nangyari tungkol sa tunay niyang pagkatao.
Matapos kumain ay minabuti ni Wilson na bumalik na sa tinutuluyang hotel, ngunit bigla itong natigilan ng isang imahe ang nakita nito.
Dali daling lumapit si Wilson sa naturang babae, agad naman nagregister ang pagkagulat sa mukha ng naturang babae ng tuluyan nang makalapit ang binata, ngunit sandali lang iyon at agad iyong napalitan ng nakakalokong ngiti.
Ang babaeng ito ay walang iba, kung hindi si Agatha na siyang pinsang buo ni Celine, kaedad lang ni Celine ang babae, at mula pa noong mga bata sila ay hindi na maiwasang ipagkumpara ang dalawa, maganda din si Agatha, ngunit ng dahil kay Celine ay hindi ito masyadong napapansin, kaya naman ganoon na lang ang galit nito sa pinsan, dahil pakiramdam nito ay si Celine ang karibal nito sa buhay.
“Well… well… well. Biruin mo iyon, buhay pa ang walang kuwentang asawa ng pinsan ko.” Puno ng asido nitong sinabi, hindi na naman bag okay Wilson na makarinig ng ganito mula rito, o kahit na sinong kamag-anak ni Celine.
Simula kasi ng pumayag siya sa kagustuhan ni Señor Alejandro ay hindi na natigil ang mga naririnig niyang masasakit na salita sa lahat ng pamilya ni Celine, ngunit ang lahat ng iyon ay nilunok niya ng dahil sa pagmamahal niya kay Celine.
“Maari bang makisabay sa inyo pabalik sa hacienda?” nagbabakasaling tanong ni Wilson habang nakatingin sa kotseng sinasakyan nito.
Maliban kay Agatha ay may dalawa pa itong kasamang mga babae na siyang mga kaibigan nito sa Sta Ynez.
“Bakit kailangan mo pang bumalik sa hacienda eh wala na naman naghihintay sayo doon?” nakataas na kilay na tanong nito.
Bahagya naman naguluhan si Wilson sa tinuran ng babae, hindi tuloy nito maiwasang maisip na hindi kaya wala na sa hacienda ang asawa?
“Anong ibig mong sabihin?” naguguluhang tanong ni Wilson dito, imbes na sagutin ay malakas naman itong tumawa, punong puno ng insulto nitong tinitigan ang binata.
“Mukhang hindi mo nga alam, well malalaman mo na lang siguro ang lahat pag balik mo sa hacienda, at sorry hindi kita maisasabay dahil may pupuntahan pa kami.” Sagot nito, agad naman itong sumakay sa kotse at ilang sandali lang ay pinaharurot na nito ang kotse.
Naiwan si Wilson na patuloy na naguguluhan sa sinabing iyon ni Agatha, hindi niya maisip kung anong bagay ang hindi ko pa alam.
Hindi maiwasan ni Wilson ang labis na mangamba, hindi nila alam kung ano bang nangyari habang comatose siya at nasa Manila siya. Mas lalo tuloy siyang nag-alala para sa kalagayan ng asawa.
Nagpasya si Wilson na bumalik na sa inupahang kuwarto, habang nakahiga ay muli niyang naisip ang sinabing iyon ni Agatha, labis na kaba ang nabuhay sa puso ng binata sa maaari niyang malaman kinabukasan kapag nakabalik na siya sa hacienda.
Dala ng labis na pagod mula sa mahabang biyahe at idagdag pa na nagbabawi pa din ito ng lakas ng dahil sa nangyari ditong aksidente ay agad namang nakatulog ang binata, ngunit kahit sa panaginip ay tanging imahe ni Celine ang nasa isip nito.
Hindi pa sumisikat ang araw ay agad nang nagising si Wilson, nakasanayan na din kasi nito na maagang gumising kahit noon pa man, dahil nga sa mga gawain sa hacienda at idagdag pa ang mga gawain sa mansion.
Minabuti ni Wilson na maligo at mag-ayos bago makipagkita sa asawa, nais naman nitong maayos ang itsura niya kapag nakita siya ni Celine, kaya naman agad itong nag-ahit ng may kahabaan ng bigote at balbas, bahagya din nitong binawasan ang sariling buhok.
Mag aalas seis ng magpasya siyang magcheck out sa hotel, at matapos nga noon ay dumiretso na siya sa sakayan ng jeep.
Inabot din ng halos isang oras bago napuno ang naturang jeep, sobrang sikip sa loob, at kahit sa bubong ay meron ding mga pasahero, ito din ang dahilan kung bakit inagahan ni Wilson ang pag-alis.
Mahigit isang oras ang biyahe hanggang sa makarating sila sa bayan ng Sta Ynez, agad nakipagsiksikan si Wilson para lang makababa ng jeep.
Isang malapad na ngiti ang gumuhit sa mga labi ng binata nang tumambad dito ang pamilyar na arko.
Hacienda Rivera ang nakalagay sa naturang arko, may katandaan na din ang naturang arko at magmula ng mastroke ang lolo ni Celine ay hindi na ito nabigyan ng atensyon lalo na at parang wala naman pakiaalam si Señor Alejandro dito.
Mangilan ngilang tauhan ang nadadaanan ni Wilson habang naglalakad ito patungo sa mansion, hindi naman nakaligtas sa binata ang reaksyon ng mga nakakakita dito, hindi niya maipaliwanag kung para saan ang awang nakikita nito, ngunit imbes na kausapin ang mga ito ay minabuti niyang magpatuloy na sa paglalakad.
Inabot din ng mahigit trenta minutos ng saw akas ay makarating na ito sa malaking mansion ng mga Rivera.
May kalumaan na ang naturang mansion na isang Hispanic style mansion, namana iyon ni Señor Agapito sa mga magulang nito.
Si Señor Agapito ang ama ng magkapatid na Alberto at Alejandro, ang minamahal na abuelo ni Celine.
Kahit may kalumaan ay hindi pa din maitatatwa ang regal na dating ng naturang mansyon na siyang pinakamalaki at pinakamaganda sa bayan ng Sta Ynez.
Katulad ng dati ay sa likod ng bahay dumaan si Wilson para makapasok sa loob ng mansyon, ang pinto sa likuran ay daanan ng mga tauhan sa mansyon, hindi kasi pinapahintulot ng Señor na gamitin ng mga tauhan ang pintuan sa harapan ng mansion, at dahil wala namang tumuturing sa binata bilang kapamilya maliban kay Celine ay doon din ito dumadaan.
“Hesusmaryosep! Ikaw ba yan Wilson?” hindi makapaniwalang tanong ng naabutan ni Wilson na si Manang Margarita, si Manang Margarita ang tumatayong mayordoma sa mansyon, binata pa lang si Señor Agapito ay nagtatrabaho na ito sa mansyon.
“Ako nga po Manang, kamusta naman kayo?” nakangiting tanong nito, hindi maiwasang ni Manang Margarita ang mga luhang nag-uunahan sa mga mata nito.
Sa mga nakalipas na mga taon ay naging malapit na din ang loob nito sa binata, at saksi ito sa hirap ng pinagdadaanan nito sa pamilyang Rivera, ngunit naisin mang tulungan ni Manang Margarita ang binata ay wala itong nagawa.
“Maayos naman ako hijo, ikaw mabuti naman at nakaligtas ka, hindi moa lam kung gaano kaming nag-alala sayo.” Ang naiiyak pa din nitong sinabi, ngunit sa kabila noon ay may ngiti ito sa mga labi. Ang buong akala ni Manang Margarita ay tuluyan nang namatay si Wilson sa aksidente, kaya naman tuwang tuwa ang matanda na makita si Wilson na buhay at malakas.
“Nasaan po ang asawa ko Manang?” excited na tanong ni Wilson, agad namang nawala ang ngiti sa mga labi ng matanda, ito ang kinakatukan niyang mangyari, ang alamin ni Wilson ang tungkol sa asawa. Hindi naman nakakapagtaka, dahil kahit naman sino ay unang hahapin ang kabiyak nito sa buhay.
Hindi nakaligtas kay Wilson at naging reaksyon ni Manang Margarita, muling nagbalik sa kanya ang sinabi ni Agatha kagabi ng magkita silang dalawa sa terminal.
“Manang, nasaan po si Celine?” muling tanong ni Wilson sa matanda, puno ng agam agam ang dibdib ni Wilson ng mga oras na iyon, lalo na at parang nawalan ng kakayahan na magsalita si Manang Margarita ng dahil sa tanong nito.
Dahil nakatuon ang buong atensyon ni Wilson kay Manang Margarita ay hindit nito napansin ang papalapit na lalaki na nakasuot ng camisa de chino na gawa sa dekalidad na tela, hindi din biro ang halaga ng suot nitong pantalon at pati na din ang suot nitong sapatos Ito ay walang iba kung hindi si Señor Alejandro na tiyuhin ni Celine.
“Wala dito si Celine.” Walang emosyon na sagot nito, halata naman ang pagkagulat ni Wilson sa biglaang pagsasalitang iyon ng Señor.
“Nasaan ang asawa ko?” naguguluhang tanong ni Wilson dito, ngunit imbes na sagutin ay inutusan ito ng Señor na sumunod ito sa kanya.
Tahimik naman na sumunod si Wilson dito, hanggang sa makarating na sila sa study room sa mansion, hindi kakikitaan ng pagmamadali ang mga kilos nito at tila ba balewala dito na meron ding naghihintay, nasanay na din kasi ito sa paggalang na nakukuha nito sa mga tao sa paligid nito, sino nga ba naman ang mangangahas na bastusin ito, gayon ito ang pinakamapangyarihan sa probinsya.
Minabuti naman ni Wilson na tumahimik ang hintayin itong magsalita, kilala niya ang ugali ng Señor ayaw na ayaw nitong pinapangunahan siya ng kahit na sino.
Lumipas ang sampung minuto na para bang nakalimutan na nito na hindi ito nag-iisa sa study room at naroon din si Wilson, ngunit tiniis iyon ni Wilson, lalo na at nasanay na din naman siya.
Lumipas pa ang limang minuto, hanggang sa wakas ay nagsimula na itong magsalita, ni hindi man lang nito tinapunan ng tingin ang binata, para dito ay isang maliit na insekto ang taong nasa harapan nito na hindi na dapat bigyan ng atensyon pa, at kung hindi dahil sa naging asawa nito ang pamangkin ay matagal na niya itong pinalayas.
“Wala dito si Celine at binabalaan kita na huwag na huwag mo nang guluhin pa ang pamangkin ko.” Matigas nitong sinabi, at nang tumingin ito sa binata ay makikita ang awtoridad.
“Hindi po iyon maari Señor asawa ko si Celine, kaya naman kailangan kong makita at makausap ang asawa ko.” Lakas loob niyang paliwanag dito, at gaya ng inaasahan ay biglang nagalit ang Señor.
“Sirvenguenza! Anong karapatan ng isang basurang tulad mo na kuwestiyunin ang utos ko!” galit na galit nitong sinabi, ngunit hindi tumigil si Wilson kahit na nga ba magalit sa kanya ito.
“Pasensya Señor, gusto ko lang makita ang asawa ko!” patuloy niyang pagtutol, oo nga at pamangkin nito si Celine, pero wala itong karapatan para panghimasukan ang buhay nilang mag-asawa.
Isang nakakainsultong ngiti ang gumuhit sa mga labi ng Señor, sa hindi malamang kadahilanan ay biglang kinabahan si Wilson sa ngiting iyon ng Señor.
“Mukhang nagkakamali ka, dahil hindi mo asawa si Celine, hindi mo na asawa ang pamangkin ko.” Sadya nitong diinan ang pagkakabigkas sa huling sinabi nito.
Napamaang naman si Wilson sa narinig, hindi pa din kasi malinaw sa kanya ang sinabi nito, nagulat na lang ito ng may binatong brown envelope si Señor Alejandro sa kanya, at sa nanginginig na kamay ay kinuha niya ang laman ng naturang envelop.
Parang nanglaki ang ullo ni Wilson ng mga oras na iyon nang tuluyan ng makita ang laman ng envelop, muling bumalik ang tingin ng binata sa kaharap, kitang kita ang hindi makapaniwalang reaskyon sa mga mga mata ni Wilson, habang makikita naman sa mga mata ng Señor ang pangungutya.
“Impo…sible ito.” Hindi maiwasang gumaralgal ang boses ni Wilson habang sinasabi iyon, muli niyang binalik ang tingin sa annulment certificate na galing sa envelop.
Isang malaking kasinungalingan ang lahat ng ito, hindi maaring maannul ang kasal nilang dalawa, dahil hindi naman niya sinang-ayunan iyon, at maliban doon ay malabong pumayag si Celine.
“Hindi totoo ang annulment certificate na yan!” todo tanggi na sinabi ni Wilson dito, ngunit imbes na magalit ay mas lalo pa atang lumapad ang ngiti sa mukha ng kausap.
“Paano mong nasabing imposible?” tanong nito sa nang-aasar na tinig.
“Hindi ko sinang-ayunan ang annulment certificate na yan at isa pa ay malabong pumayag si Celine na makipaghiwalay sa akin… mahal ako ng asawa ko.” Magkahalong galit at lungkot ang nararamdaman ni Wilson ng mga oras na iyon.
“Sa maniwala ka man o sa hindi ay legal ang annulment certificate na hawak mo, kapag madami kang pera ay kaya mong magawa ang lahat ng bagay.” Kumpiyansa nitong sinabi, sa tulong kasi ng pera nito ay nagawan ng paraan para matuloy at mapabilis ang annulment process ng mag-asawang Wilson at Celine, hindi din birong halaga ang pinakawalan nito para mangyari ang bagay na iyon.
“No… hindi pa din ako naniniwala. Hindi hahayaan ni Wilson na maipaannul ang kasal namin, mahal ako ng asawa ko.” Patuloy na pagtanggi ni Wilson.
“Mahal? Sa tingin mo ba ay minahal ka talaga ni Celine sa loob ng dalawang taon na pagsasama ninyo?” puno ng pag-uuyam nitong tanong.
Bigla naman natigilan si Wilson sa sinabi nito, hindi kaila sa binata na ang dahilan kung bakit nagpakasal sa kanya si Celine ay dahil sa pagrerebelde nito sa tiyuhin, dahil na din sa kagustuhan ni Señor Alejandro na ipakasal ito sa kumpare nito.
Sa loob ng dalawang taon na mag-asawa sila ay wala pang nangyari sa pagitan nilang dalawa, hindi naman pinilit ni Wilson ang sarili sa asawa, dahil gusto nitong mahalin din siya ng babae, kaya kahit mahirap ay tiniis niya iyon sa pag-asang dararating ang araw na iyon.
“Believe me Wilson, si Celine mismo ang nakiusap sa akin na tulungan siyang mahiwalay siya sayo. Nagsawa na din siyang makasama ang isang talunan na katulad mo, isang taong walang maipagmamalaki sa buhay, isang basura!” ang sunod sunod at malulupit nitong sinabi.
Biglang kumuyom ang kamao ni Wilson sa pang-iinsulto nito, ngunit kailangan niyang pigilin ang galit na pilit na kumakawala sa dibdib niya.
“Hindi ako maniniwala hanggang hindi ko nakakausap ang asawa ko.” Pigil na galit nitong sinabi sa matanda.
“Wala akong pakialam kung ayaw mong maniwala at tungkol naman kay Celine ay wala siya dito, kaya naman makakaalis ka na, tanungin mo na lang si Margarita kung nasaan ang basurang mga gamit mo.” Pagtataboy nito sa binata.
Tuluyan na nitong hindi pinansin ang binata, at tinuon na nito ang buogn atensyon sa binabasa nitong libro, para siyang nabunutan ng tinik ngayong mawawala na sa buhay nila ang taong ito.
Wala nang nagawa si Wilson kung hindi ang lumabas sa study room, agad naman nitong hinanap si Manang Margarita na mukhang hinihintay din ang paglabas niya.
“Manang… totoo ba ang sinabi ni Señor na annulled na ang kasal naming ni Celine?” tanong nito, umaasa si Wilson na pasinungalingan ng matanda ang sinabi ng tiyuhin ni Celine, ngunit nabigo siya ng umiling ito at marinig ang sinabi nitong totoo at legal ang pinakitang annulment certificate ng Señor.
“I’m sorry Wilson, pero si Celine na mismo ang may gustong tapusin na ang kasal ninyo.” Malungkot na sinabi nito.
Napapailing naman na napaurong si Wilson sa sinabing iyon ni Manang Margarita, hindi pa din nito matanggap na magagawa iyon ni Celine.
Kahit kasi hindi siya mahal ni Celine ay nararamdaman niya ang pag-aalala sa kanya ng asawa, kaya nga nagawa niyang tiisin ang panghahamak ng pamilya nito, kahit na nga ba tinuturing siyang basura ng mga ito.
“No Manang! Hindi ako maniniwala hangga’t hindi ko maririnig mismo kay Celine ang totoo.” Determinadong sinabi ni Wilson sa matanda.
Wala naman nagawa si Manang Margarita kung hindi ipaalam dito kung nasaan si Celine, nanatiling nakatuon ang mga mata ng matanda sa papalayong binata.
Umaasa na lang ito na makayanan nito ang sakit kapag nalaman nitong totoo ang sinabi nito kanina, na mismong asawa na nito ang may gustong tapusin na ang pagsasama nilang dalawa.