DAMN, muntik na talaga akong kalbuhin ng babaeng iyon. Paulit-ulit na sinuklay ni Eman ng kamay ang buhok niya habang naglalakad papasok sa building ng Timeless Modeling Agency. Mabuti na lang at napipigilan niya ang kamay nito. Ang kaso nagkasugat ang mga kamay niya sa kakaiwas. Katunayan ay mahapdi pa iyon.
Napakabayolente talaga ng babaing iyon at napakabilis mag-init ng ulo. Hindi niya alam kung saan nito nakuha ang ugaling iyon. Ang mama lang naman niya ang madalas nitong kasama at hindi bayolente ang mama niya. Katunayan ay napakabait ng mama niya. Muli siyang napangiwi ng muling kumirot ang kamay niya.
Pambihira talaga, kung anong ikinaamo ng mukha ng babaeng iyon ay iyon naman ang ikinailap. At kung pakitunguan ako ay parang hindi naman kami lumaki na magkasama. Ang hirap talagang intindihin ng alaga ng mama niya. But then that’s one of the reasons why he loves to tease her. Napangisi siya. Just remembering Darlyn’s irritated face makes his day. Kapag kasi seryoso ang mukha nito ay mukha itong Barbie doll na walang buhay.
Nakangiti pa rin siya ng lumulan siya sa maliit at mukhang titigil anumang oras na elevator patungo sa fourth floor kung nasaan ang Timeless. Napakaluma na ng building na iyon. Sa sobrang luma ay aakalain ng kahit na sino na magigiba na iyon anumang oras. But he likes that building so much. He likes the creepy elevator and he likes the office of Timeless.
Noong bata pa kasi siya ay madalas siyang isama roon ng mama niya. Kaibigan kasi nito ang may-ari niyon. Bukod doon ay dati rin itong modelo ng Timeless. Ngunit nang magsampung taon siya ay tuluyan ng nagretiro sa pagmomodelo ang kanyang mama at nagtayo na lamang ng salon mula sa manang iniwan ng namatay niyang ama.
Sa totoo lang ay wala na siyang matandaan tungkol sa papa niya. Ayon sa kanyang ina ay isang taon pa lang siya ng atakihin sa puso ang papa niya na isang mayamang businessman. Dalawampung taon din ang agwat ng papa niya sa mama niya. Ang sabi nito ay akala pa daw ng mga tao ay pera lang ang habol nito sa papa niya. Pero inamin nito sa kanya na minahal talaga nito ang papa niya. At sapat na iyon sa kanya. He loves his mother so much at pinaniniwalaan niya ito.
He admits he lived a very carefree life. Kahit kailan ay hindi siya nagkaproblema sa pera o sa kahit saan. Marami siyang kaibigan at popular siya. Nakukuha niya ang halos lahat ng gusto niya at ngayon nga ay isa na sa mga pinakasikat na modelo sa bansa. He got money, an expensive condo, a BMW Sports car and women come easily to him. Ang tingin ng press sa kanya ay isang taong nakuha na ang lahat ng minimithi niya sa buhay. Yun ang akala nila. At mas gusto na niyang iyon ang paniwalaan ng mga ito para hindi siya magkaproblema.
Nang bumukas ang pinto ng elevator sa fourth floor ay bumungad sa kanya ang mataong lobby. Sigurado siyang mga nangangarap maging modelo ang mga iyon. Nang tumingin ang mga ito sa kanya ay ngumiti siya at kumaway pa sa mga ito bago pumasok sa pinakaopisina.
“Ace pare!” masayang tawag niya sa kaibigan niya at kapwa modelo na si Ace Ricafort. Lumingon ito sa kanya at ngumiti.
“Still energetic at this hour huh Eman,” bati nito sa kanya.
“You bet,” sagot niya at nakipagtapikan ng balikat dito. Sa lahat ng modelo sa agency na iyon ay kay Ace siya pinakamalapit. Kahit madalas ay reserved ito at may pagkaseryoso kahit ngumingiti naman ay nagkakasundo sila.
“O mabuti naman at narito na kayo,” sabi ni Tita Sally na lumapit sa kanila. Ito ang handler nila. Mabait ito at parang nanay na rin nila.
“Hi tita. Bakit mo kami pinatawag?” bati niya rito at inakbayan ito.
“May shoot kayo para sa bagong collection ng Bench bukas. O ito, basahin niyo ito. Doon na lang tayo sa venue magkikita-kita ha,” sabi nitong inabutan sila ng papel na may nakalagay na description ng shoot nila.
“Hindi ba kasama namin si Zander dito? Bakit wala siya rito tita?” tanong ni Ace.
“Nasabihan ko na siya kaninang umaga. Nagpaalam sila sa akin ni Erica, monthsary daw nila,” sabi ni tita Sally na natawa pa.
Nagkatinginan sila ni Ace. Umiling iling ito at siya naman ay natawa. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na nagkakaganoon si Zander Uijleman. Parang kailan lang walang makalapit dito kahit na sino. Pero ngayon ay hindi na nahihiyang makipaglambingan kay Erica na pamangkin ni tita Sally.
“Teka Eman, anong nangyari sa kamay mo? Bakit namumula at may mga hiwa ang mga iyan?” kunot noong tanong nito.
Iniangat niya ang mga kamay niya. Noon niya lang narealize na napaka-obvious ng mga sugat na tinamo niya sa pagprotekta sa buhok niya. “Wala lang ito tita,” kibitbalikat na sabi na lang niya.
“Pero hindi iyan wala lang kapag may nakakita niyan bukas lalo na ng reporter. Baka magawan ka ng ibang kwento,” sabi pa nito.
“Don’t worry about it tita. Papalagyan ko na lang ng concealer kay Darlyn bukas. Siya naman ang may kasalanan nito,” sabi na lamang niya.
“Si Darlyn? Paano namang si Darlyn ang may gawa niyan?” tanong ni tita Sally.
“Gusto niya akong kalbuhin! Buti nga naiharang ko ang mga kamay ko dahil kung hindi baka nakalbo na nga niya ako,” sabi niya.
Tumawa ang mga ito. Tinapik pa siya ni Ace sa balikat. “Pare, kapag pinagpatuloy mo ang pang-iinis sa kanya I’m sure kakalbuhin ka talaga niya.”
“Tama si Ace Eman. Kaya tigilan mo na si Darlyn ha. Isusumbong kita sa mama mo,” banta naman ni tita Sally.
“Huwag tita, mama will kill me. Mahal na mahal niya ang babaeng iyon,” sagot niya. Pero hindi naman siya nagseselos. In fact ay natutuwa siya sa closeness ng dalawa. Hindi naman kasi lingid sa kanya na pangarap ng mama niya na magkaroon ng anak na babae.
“That’s why I will tell her. O sige na, don’t forget about tomorrow okay?” taboy sa kanila ni tita Sally.
“If you keep doing what you’re doing Eman, you’ll never get what you really wanted,” biglang sabi ni Ace nang naglalakad na sila patungo sa parking lot.
“Huh?” kunot noong tanong niya rito. Madalas talaga may mga sinasabi si Ace na hindi niya makuha. At hindi rin ito nage-effort na ipaliwanag sa kanya iyon.
Tumingin ito sa kanya at nakangiting tinapik siya sa balikat. “You’ll get it soon.”