"I'M SORRY, Cassey."
"Sana, may magic ang sorry, 'no? Na kapag binanggit mo, automatic, magiging maayos na ang lahat," mapait na sagot ni Cassandra. Hindi niya nilingon ang kapatid kahit naramdaman niyang tumabi ito sa kanya sa veranda. Alam niyang dapat ay kahit paano, magpasalamat siya kay Throne dahil sa bahay nito siya pansamantalang tumutuloy habang naghahanap pa siya ng matitirahan. Pero hindi niya mapilit ang sariling hindi maging sarkastiko.
Nagpatuloy si Cassandra sa pagtanaw sa madilim na kalangitan. Kung sa ibang pagkakataon siguro ay napangiti na siya sa mga bituing para bang basta na lang isinaboy sa kalangitan, dahil sa nakalipas na mga taon ay iyon ang nagsilbing karamay niya.
Walang gabing lumipas noon na hindi siya nakatanaw sa langit dahil ang mga bituin na iyon ang siyang nagsilbing inspirasyon niya para magpatuloy tuwing naduduwag siya. Iisipin niya lang na isa sa mga bituing iyon si Jethro at pinanonood siya ay ginaganahan na siya uli.
Natawa si Cassandra sa sariling kakornihan kasabay ng pagbagsak ng kanyang mga luha. Sa wakas ay hinarap niya na ang kapatid. "Ang dami kong 'bakit' na gustong itanong sa 'yo, kuya. Alam mo ba 'yon?"
"I'm sorry." Niyakap siya ni Throne. "I was just... afraid you'd change your mind and go back, Cassandra. Unti-unti, nakita ko noon na may nagagawa ka na para sa sarili mo, na nakakaya mo na kahit wala kami. When I saw you in France, I saw your wings slowly... spreading." Malakas na napabuntong-hininga ito. "Kung sinabi ko sa 'yo noon, siguradong magmamadali ka na sa pag-uwi at wala na namang mangyayari sa buhay mo."
Kumawala si Cassandra sa kapatid. "Pero, kuya, kaya nga ako umalis, para sa kanya. Alam mo 'yon. 'Tapos hindi mo sinabi sa aking nakahanap na pala siya ng iba at ikakasal na?" Nabasag ang boses niya. "Para naman akong tanga nito, nagsikap para sa wala."
Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay pumasok sa isip ni Cassandra si Jethro pati na ang mga alaala nilang naghatid sa kanya ng lakas sa ibang bansa. Pero siyang nagbibigay naman ng lungkot sa kanya ngayon...
"IPAGDASAL MO 'ko, bro. I'll be asking for Cassandra's hand."
Napaawang ang bibig ni Cassandra sa narinig na pamilyar na boses na iyon ni Jethro. Hindi nakaligtas sa kanya ang kaba sa boses nito. Kumakabog ang dibdib na hindi niya na naituloy ang tangkang pagtulak sa pinto ng opisina nito na siguro ay nakaligtaang isara nang husto ng pumasok nitong bisita.
Parang sirang plaka na inulit-ulit pa ni Cassandra sa isipan ang narinig bago kinikilig na tinakpan ang bibig para maiwasan ang mapatili. Mula nang maging sila uli ni Jethro kulang dalawang taon na ang nakararaan ay pinakaaasam-asam niya na ang bagay na iyon. She had been dreaming to build a family with him and raise kids who would look exactly like him.
Hindi makapaniwalang napahugot siya ng malalim na hininga. Sino ang mag-aakalang seseryosohin pa rin ni Jethro ang isang tulad niya sa kabila ng mga nagawa niya rito?
Nagkakilala sila ni Jethro nang minsang mapilitan ito na manood ng isang fashion show sa Milan kung saan isa siya sa mga itinampok na modelo. Ito ang nagsilbing escort ng pinsan nitong si Kylie noon na mahilig sa mga ganoong bagay.
Habang rumarampa si Cassandra ay naraanan niya ng tingin si Jethro na siya namang titig na titig sa kanya nang gabing iyon. Pero sa kabila ng insidenteng iyon ay hindi niya naisip na pagtutuunan siya nito ng atensyon. Kilala kasi niya ang binata. Nababasa na niya noon pa ang pangalan nito sa mga magazines at diyaryo.
Isa si Jethro sa mga kinikilalang eligible bachelors sa Pilipinas, kahit na nga ba mailap ito at bihirang makita sa mga social gatherings ay lalo lang iyong nakadagdag sa curiosity ng mga babae rito. Hanggang isang araw ay may makulit na paparazzi ang pilit inantabayanan si Jethro na siyang dahilan para sa wakas ay makasilip ang publiko sa gwapong mukha nito na malayong-malayo sa kadalasang kuha sa mga stolen shots.
Alam ni Cassandra na si Jethro ang solong namamahala sa airline company ng pamilya nito mula nang mamatay ang dating gobernador na ama sa isang aksidente. Sa half Filipino-half Spanish na ama namana ni Jethro ang mala-Español na anyo. Marami nang napatunayan sa buhay ang binata kaya sino ba naman si Cassandra na isang modelo lang para pag-aksayahan nito ng panahon? Pero hindi niya inaasahan na pagdating sa back stage ay isang staff ang mag-aabot sa kanya ng mga bulaklak at may kasamang note na nagsasabing, "Don't worry, I'm not stalking... just admiring." –Jethro Llaneras
Sumilay ang matipid na ngiti sa mga labi ni Cassandra nang mabasa ang note. Pero maya-maya lang ay nabigla siya nang makarinig ng isang malakas na pagtikhim na parang nanggagaling malapit lang sa kanya. Paglingon niya ay naroon ang mismong nagpadala ng mga bulaklak, nakatayo di-kalayuan, habang muli ay titig na titig sa kanya.
"I'm Jethro. Pwede mo akong tawaging 'Jet.'" Amused na natawa ang binata nang ilahad ang kamay sa kanya at makita ang pag-aalinlangan niyang abutin iyon. "'Wag kang mag-alala, may takot ako sa Diyos kaya makakasiguro kang mabuti akong tao... kahit paano. Saka, may kapatid akong babae." Ngumisi ito. "'Takot ko lang na ma-karma kaya rest assured... you're safe with me, Cassandra."
Kumunot ang noo niya. "Kilala mo ako?"
"Nagtanong-tanong ako." Napahawak si Jethro sa batok. "I like the way you walked back there. So determined yet so feminine. And your gray eyes amaze me. Para bang ang daming gustong ipahiwatig. And your lips... parang bihirang ngumiti kaya kaabang-abang ang bawat paggalaw. Heck, ang sagwa na ba?" Mayamaya ay tumawa ang binata. "Pasensiya na, hindi kasi ako sanay sa mga ganitong bagay. Pero kung gusto mo pang pagtiyagaan ang mga kakornihan ko, pwede kang sumama sa 'king mag-dinner sa labas. And two things, either you find me cornier or a real charmer. God, I hope it's the latter!"
Napatitig si Cassandra sa binata. He had the kindest eyes she had ever seen. Kahit hindi personal na kilala ay alam niyang mapagkakatiwalaan ang mga matang iyon. At siguro, kung sa ibang pagkakataon ay pagbibigyan niya ito. For he was everything a woman would ever wish to have. Binata, simpatiko, nagmula sa magandang pamilya, may nakapang-aakit na trabaho at estado sa buhay at higit sa lahat, mukhang mabuting tao.
Pero tinanggihan pa rin ni Cassandra si Jethro nang mga sandaling iyon.
"Seriously, hindi talaga kita maintindihan sa bagay na 'yan, bro. You've always been smart. What the hell happened?"
Napahinto si Cassandra sa pagbabalik-tanaw nang marinig ang pagpalatak ng bisita ni Jethro na sa wakas ay nakilala niyang boses ni Vincent. Kaibigan ito ni Jethro at kasosyo sa negosyo na shopping mall na sinubukang itayo ng dalawa sa Tarlac na pumatok naman sa mga tao kaya pinagbabalakan na rin nilang magtayo ng isa pang branch sa kalapit-probinsya. "I mean, oo nga at modelo si Cassandra, mayaman at maganda. She's too beautiful, in fact. But man, there's nothing else that's beautiful about her aside from those." Napasinghap si Cassandra. "Let's recap. Nagloko siya, bro. Pumatol siya sa dating manager niyang may asawa't anak na. I can't believe you actually fell for her. Ang daming babaeng naghahabol sa 'yo, women who are more respectable for that matter and yet, you're losing your taste."
Napapikit siya nang mariin. Modelo rin ang girlfriend ni Vincent na si Amanda kaya hindi imposibleng hindi makarating sa lalaki ang balita, gaano man iyon pilit na pinagtakpan ng kuya Throne niya para hindi kumalat.
Sa isang iglap ay naglaho ang kasiyahan ni Cassandra. Nilamon iyon ng pait na ngayon niya na lang uli naramdaman. Ilang beses sa buhay niya ay pinilit niyang takbuhan ang kanyang nakaraan. But the memories kept running with her... along with the people who could not seem to forget them. Mapait siyang napangiti. Kapag pala talaga nagkamali ang isang tao, hindi na iyon malilimutan ng iba. Puro pagkakamali na lang ang tatatak sa isipan nila.
BEINTE-DOS anyos si Cassandra nang maligaw siya ng landas. Abala pa noon si Throne sa pamamalakad sa Madrigal Lending Company na ipinamana ng namayapa nilang abuelo na siyang kumupkop sa kanila mula nang maghiwalay ang kanilang mga magulang.
Wala silang magandang alaala ng kuya niya sa kanilang mga magulang. Ang tanging natatandaan niya na lang ay ang pagtatalo ng mga ito kung kailan at saan gustuhin, kahit na nakaharap pa sa kanilang magkapatid.
Hindi tulad ng ibang mga anak ay hindi nakaranas sina Cassandra at Throne ng pagmamahal mula sa mga magulang na hindi na sila naalala pa mula nang maghiwalay. Ang abuelo naman ay hindi rin nila nakasundo. Ginawa sila nitong alila sa malaking bahay nito kapalit ng pagpapaaral sa kanila sa isang pampublikong paaralan sa kabila ng yaman nito. Kaya naman laking gulat nilang magkapatid nang sa kuya niya ipamana ng kanilang abuelo ang Madrigal Lending Company bago ito namatay. Kunsabagay, wala nang ibang magtitiyaga sa kompanya dahil mas piniling maging pintor ng kanilang ama na siyang nag-iisang anak ng kanilang abuelo, kaysa ang pamahalaan ang kompanya. Sa ngayon ay pareho nang may kanya-kanyang pamilya ang kanilang mga magulang sa ibang bansa kaya lalong hindi na sila naalala pa ng mga ito.
Cassandra was young then and yes, gullible, too. Dahil ang pangarap lang niya noon ay maranasan ang hindi naranasan sa mga magulang, ang magmahal at mahalin din. Kaya nang makilala niya ang manager niyang si Chad na sampung taon ang tanda sa kanya ay sa lalaki umikot ang kanyang mundo.
Walang nagturo kay Cassandra ng tungkol sa pagmamahal kaya nang dumating si Chad ay napasobra ang kanyang pagbibigay, binalewala niya ang katotohanang bawal na ang pagmamahal niya para rito dahil pamilyadong tao na ang lalaki. Nagkataong sa Canada nga lang nakabase ang pamilya nito. Mas pinairal niya ang puso kaysa sa isip lalo na nang malaman niyang may pagtingin din sa kanya si Chad. At doon nagsimula ang kanilang lihim na relasyon.
Minahal niya si Chad nang higit pa sa sarili niya hanggang sa naging parang droga ang pagmamahal na iyon na nagpahumaling sa kanya sa lalaki, dahilan para kahit ang sarili ay ialay niya rito.
Pero isang araw ay nasorpresa sina Cassandra at Chad sa biglaang pagbabakasyon ng pamilya ni Chad sa Pilipinas. Noong panahong iyon ay naramdaman nilang pareho na pinaghihinalaan na ni Regina ang pagiging malapit ni Cassandra sa asawa nito. Chad came up with a solution and it was Jethro. Ayon rito ay mas mabuti nang may ipakilala siyang ibang boyfriend sa mga taong malapit sa kanila para maiwasan ang pagdududa. And at that time, Jethro was still persistent about courting her.
Hindi iyon naging madali para kay Cassandra. Hangga't maaari ay ayaw sana niyang mandamay pa ng iba, lalo na si Jethro. But the lovesick fool that she was agreed to Chad's plan in the end. Sinagot niya si Jethro habang patuloy pa rin ang relasyon nila ng kanyang manager. Hindi kalaunan ay nabisto rin ni Jethro ang tunay na relasyon nila ni Chad.
Pero iba kung magmahal si Jethro. Dahil sa kabila ng mga nalaman nito ay nakahanda pa rin ang binata na tanggapin si Cassandra at pakasalan, hiwalayan niya lang daw si Chad na siyang hindi niya nagawa. She was cruel and very much in love that she still chose her manager over him.
Pero isang araw ay nabuntis si Cassandra. Nang malaman iyon ni Chad ay bigla itong naglaho na parang bula. Hindi niya kinaya ang depression kaya nakunan siya. Jethro was mad for quite some time but his love was something unexpectedly real. Patuloy ang binata sa pagdalaw sa kanya sa kanyang bahay, sa pag-encourage sa kanyang muling bumangon. And little by little, she was able to get back on her feet. He was patient with her. Inalam nito at inunawa ang mga dahilan niyang hindi niya nagawang ibahagi rito noon.
Tinanggap pa rin si Cassandra ni Jethro nang buong-buo. Bukod sa kapatid niya ay si Jethro ang naging karamay niya, ang naging sandalan niya. Hanggang sa unti-unti ay natutunan niyang mahalin ang binata. And exactly two years after she lost her baby, when she was turning twenty-five, they became a real couple.
Muling ipinakilala ni Cassandra sa kuya niya si Jethro pero sa pagkakataong iyon ay bilang lalaking pinakamamahal niya. Masayang tinanggap naman ni Throne ang binata. Saka niya lang napag-alaman na magkaklase pala ang dalawa sa UP noong kolehiyo sa kursong Business Management. Halos walong taon rin ang tanda ni Jethro sa kanya.
Napakamapagmahal ng binata. Hindi alam ni Cassandra kung anong kabutihan ang nagawa niya para magkaroon siya ng kagaya nito sa buhay niya. Minahal siya nito sa kabila ng mga maling desisyon niya sa buhay. Palaging bukas ang mga kamay nito para alalayan siya sa tuwing nadarapa siya. Kaya ipinangako niya sa sarili na gagawin niya ang lahat para makabawi man lang sa kahit na anong paraan. Dahil nang tanggapin siya ni Jethro ay saka lang niya natutunang tanggapin at pahalagahan rin ang sarili.
Nagsisikip ang dibdib na napaluha si Cassandra. God... it was breaking her heart to know that Jethro was the one paying the consequences of her mistakes.
Mayamaya ay natigilan si Cassandra sa narinig na malakas na pagkalabog sa loob ng opisina. Sa muli niyang pagsilip ay nagulat siya nang makitang nakabulagta na sa sahig si Vincent, hawak ang duguang labi nito habang nasa tapat ang hinihingal sa galit na si Jethro.
"That's the girl I love you're talking about, Vincent. Isa pang maling salita mula sa 'yo at siguradong magkakatalo na talaga tayo," matigas na wika ni Jethro. "Besides, wala akong pakialam sa opinyon mo kaya sarilinin mo na lang."
Narinig pa ni Cassandra ang mahinang pagmumura ni Vincent bago lumabas ng opisina. Matalim ang mga matang tinitigan siya ng lalaki nang makita siya pagkatapos ay tuluyan nang umalis.
She was touched and hurt at the same time. Napaluha siyang muli. Mahal nga siya ni Jethro pero nang dahil sa pagmamahal na iyon ay napipingasan ang magandang reputasyon nito, bukod sa nasisira din ang magandang relasyon nito sa mga taong malapit rito.
How could she take that?
Chapter three
"GET IN, Cass. I know you're there." malumanay nang wika ni Jethro maya-maya nang makita niya ang pagsilip ng paboritong mga rubber shoes ni Cassandra sa pinto ng kanyang opisina. Pansamantala siyang naaliw nang makitang umatras at para bang nagtago ang mga paa ng girlfriend. Niluwagan niya ang pagkakabuhol sa suot na kurbata, pagkatapos ay sumandal sa swivel chair.
Napabuntong-hininga si Jethro nang hindi pa rin pumasok ang dalaga. Hindi man niya itanong ay alam niyang narinig nito ang mga huling sinabi ng kaibigan niyang si Vincent dahilan para manumbalik ang mga insecurities nito sa sarili. Malakas siyang tumikhim. "I love you, Cassey."
Unti-unting napangiti si Jethro nang makita ang dahan-dahang pagpasok ni Cassandra. He had always known that he fell in love with an imperfect woman. Cassandra had her flaws. Pero sino ba'ng hindi? Lahat naman ay nagkakamali. Kaya hindi niya maintindihan kung bakit ginagawang malaking issue ng iba ang pagkakaroon nila ng relasyon.
"Are you okay?" Lumapit si Cassandra sa kanya at nag-aalalang hinaplos ang kanyang mga pisngi, dahilan para lalo siyang mapangiti. Sa isang iglap ay naglaho ang kahuli-hulihang bakas ng kanyang galit para kay Vincent. It was simply hard to stay mad whenever Cassandra was around.
Habang tinititigan ni Jethro ang napakaamong mukha ng girlfriend ay malalim siyang napahinga. Hindi man ito nagsasalita ay alam niyang ininda nito ang mga narinig. Bahagyang namumula ang mapupungay na kulay gray na mga mata nito pati na ang maliit pero matangos na ilong nito, palatandaang kagagaling lang sa pag-iyak. Hinaplos niya ang pisngi nito. "I'm sorry about Vince. Hindi ka lang kasi niya kilala nang husto kaya niya nasabi ang mga 'yon."
"No," Garalgal ang boses na sagot ni Cassandra. "I should be the one to apologize. Kasalanan ko. Nang dahil sa akin, nagkasakitan pa tuloy kayo." Nang makita niya ang pagluha nito ay gusto niya biglang habulin si Vince at suntukin uli. Malakas na pinalo siya ni Cassandra sa balikat. "Dapat kasi hindi mo na ginawa 'yon."
Kumunot ang noo niya. "I had to. Para madala siya. And besides, love isn't shallow, Cassandra. He needs to understand that." Nahigit niya ang hininga nang sa wakas ay sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi nito.
Kahit bakas pa rin ang mga luha, si Cassandra pa rin ang pinakamagandang babaeng nasilayan niya. Kumikinang ang mga mata nito nang mga sandaling iyon at sa wakas ay nagpakita na rin ang mga dimple nito sa magkabilang pisngi.
Nakaputing T-shirt lang at kupas na pantalon na tinernuhan ng puti ring rubber shoes si Cassandra, malayong-malayo sa glamorosang itsura nito kapag naglalakad sa runway. Nakalugay ang itim at tuwid na tuwid na buhok na hanggang baywang ang haba. Pero sa kabila ng kasimplehan ay lutang pa rin ang ganda.
In his heart, she will always be his sweet and innocent Cassandra. Hindi siya santo. Aaminin niyang sa simula ay nahirapan rin siyang tanggapin ang nangyari kay Cassandra at ang nagawa nitong panggagamit noon sa kanya. It was a long and hard battle between his mind and heart but in the end... his heart prevailed. Dahil na-realized niyang mas mahihirapan siya kung hindi niya ito kasama. Dahil bukod sa mabuting babae, nagkataon lang na nagkamali ito sa unang lalaking minahal. Hindi na mahalaga ngayon sa kanya kung sakaling hindi man siya ang nauna sa buhay nito basta ba siya ang magiging huli. Ganoon niya kamahal ang girlfriend.
Inangat ni Jethro ang baba ni Cassandra at masuyo itong hinalikan sa mga labi. Maingat na pinahid niya ang mga luhang muling pumatak sa mga pisngi nito. "Kung mabibigyan ako ng pagkakataong ulitin ang nangyari kanina, gano'n pa rin ang gagawin ko," pabulong niyang wika. "I don't mind losing the ones who can't respect the woman I love. Because you deserve it, Cassey."
"Pero Jet-"
"Sshh." Inilagay niya ang daliri sa pagitan ng mga labi ni Cassandra nang akmang magpoprotesta pa ito. "Wala akong pakialam sa nakaraan mo, always remember that. Ang mahalaga ay ikaw at ako... magkasama. Hindi lang ngayon kundi pati sa mga susunod na panahon."