Ilang dipa mula sa mga mangingisda ay mapaghimagsik na dumakot ng pinong buhangin si Abel at galit na sinaboy iyon sa mukha nila.
"Aray! Ano 'yon?!" nasaktan ang mga mangingisda at nagsipagkusutan ng mga mata. Nagtaka rin sila kung saan nanggaling ang buhangin dahil hindi naman malakas ang hangin dito sa dalampasigan para basta na lang lumipad 'yon sa mga mata nila. Nang makabawi sa pagkakapuwing ay sinamaan nila ako ng tingin.
"Hoy! Ikaw may gawa no'n, 'no?!" Tinapon nila ang hawak na mga bote ng alak at naaapurang lumakad sa direksyon ko.
Napaatras ako sa kaba. Bago pa ako makatakbo para tumakas ay nakita ko na kung pa'no kumumpas si Abel para paikutin ang buhangin sa ere at gawin itong malaking ipu-ipo na lumamon sa mga mangingisda. Halos maihi sila sa sobrang takot nang iangat na sila ng hangin at galit na paikut-ikutin sa ere.
Kinilabutan ako sa takot. Parang napapanood ko lang sa Hollywood horror movies ang ganitong tagpo na nananakit ang mga espiritu. Dama ko sa enerhiya ni Abel na 'yong frustration niya sa nangyayari sa'min ay sa mga mangingisda niya ibinubunton.
"Abel, tama na!" sa pag-awat ko sa kanya ay agad ding niluwa ng ipu-ipo ang mga mangingisda at tinapon sa dalampasigan. Pagsadsad nila sa buhanginan ay nagkukumahog silang tumakbo paalis.
"F*ck you all!"
"Ano ka ba, Abel?!" Hinarangan ko na siya. "Hindi mo na dapat 'yon ginawa. Pa'no kung nasaktan mo talaga sila?!"
"Nakita mo na? Ganito ang nangyayari sa'yo dahil nandito ako! Iniisip nilang lahat na nababaliw ka na dahil nagsasalita ka mag-isa!"
"Bakit ko iintindihin ang iisipin nila? Wala akong pakialam sa ibang tao, Abel! Ang importante sa'kin kung anong mayroon tayo!"
"Ramona, please hindi natin 'to pwedeng ipilit! Alam mong..."
Hindi ko na naintindihan pa ang sunod niyang mga sinabi dahil napatitig na ako sa maputla niyang mga labi. Parang wala na siyang dugo sa katawan; wala naman na nga talaga.
Bigla kong na-imagine ang katawang lupa ni Abel na nakalibing sa kung saan at naaagnas na. Napatutop ako sa bibig ko dahil para akong maduduwal. Ayoko. Hindi ko kayang isipin na matagal na siyang patay.
Napansin ni Abel ang panghihina ng tuhod ko kaya inalalayan niya ako. Hindi ko siya mahawakan pero kung siya lang, nahahawakan niya naman ako ng kaunti.
"G-Gagawan ko ng paraan para hindi ka maglaho, Abel. Ipangako mo lang sa'kin na hindi ka susuko."
"This is beyond my control. What else can a dead man do?"
Hindi ako nakasagot. Palagi nating naririnig ang tanong na "kung may isang araw ka na lang na natitira para mabuhay, ano ang gagawin mo at sino ang pipiliin mong makasama?" pero pa'no ko naman 'yon sasagutin kung hindi ko alam ang eksaktong oras kung kailan siya kukunin sa'kin?
"Please, balik na lang tayo sa bahay? Ayoko na rito. Hindi kita makita kapag nasa labas tayo." nagyaya na akong umuwi.
"Nandito tayo dahil may trabaho ka. Hindi tayo aalis hangga't hindi ka natatapos."
"Kaya naman na 'yon nina Celine. Babawi na lang ako sa susunod. Magpapaalam na ako kay Ms. Erica sasabihin ko na lang na masama ang pakiramdam ko."
"All so we could spend more time together? No," pagkontra niya.
"Bakit?"
"Hindi pwedeng tumigil ang ikot ng mundo mo para lang sa'kin. Patay na ako pero ikaw you still have a long life ahead of you. 'Wag mong paikutin sa'kin ang mundo mo, Ramona."
"Alam mo hindi na kita maintindihan." nanggagalaiti na rin ako. "Kanina kung makaangkin ka sa'kin selos na selos ka tapos ngayon tinataboy mo ako. Anong mali kung gusto kitang makasama pa ng mas matagal? Ano bang problema kung sulitin ko 'yung mga araw na nandito ka sa tabi ko?"
Umigting ang panga niya sa pagpipigil ng mga salitang gusto niya sabihin. Biglang may nagbago sa kanya pero hindi ko matukoy kung ano 'yon. Ang alam ko lang ay may mali nang bumitaw na siya sa'kin.
"Alam mo kung bakit gano'n na lang ang tingin ko sa babae sa beach kanina, Ramona? I don't remember my past but I certainly love f*cking women. Nakababagot maging pagala-galang multo dahil hindi ako makatikim ng babae. I'm f*cking stuck with the likes of you! Nagkataon lang na ikaw ang pwede kong parausan kaya kita pinagtiyagaan."
"H-Hindi 'yan totoo. Nagsisinungaling ka, Abel."
"Itigil mo na ang kahibangan na 'to. Kung ako sa'yo kalimutan mo na ako."
Matapos niya 'yon sabihin ay iniwan niya na ako. Walang sapat na oras o araw ang nakapaghanda sa'kin sa pag-alis niya.
"KANINA KA PA sigaw ng sigaw!" halos atakihin ako sa puso sa singhal na 'yon ng nabosesan kong kapitbahay ko. Tama nga ako dahil nakatayo na siya sa tabi ng kama ko.
"A-Anong ginagawa mo rito, Brenda?" hinihingal kong tanong. Binabangungot ako kanina kaya hindi ko alam na nagsusumigaw na pala ako rito.
"Bukas ang pinto mo kaya pumasok na ako. Pinapunta ako rito ni Mama dahil rinig na rinig sa amin ang ingay mo! Hindi makatulog ang kuya ko, alam mo namang kolsenter agent 'yon."
"P-Pasensya ka na," tanging nasabi ko.
Mukhang hindi siya nakuntento do'n dahil hindi pa siya umalis.
"Hindi ko ginusto na maging kapitbahay mo, Ramona. Alam mo bang pati iba nating kapitbahay ay natatakot na sa'kin dahil baka kagaya raw kitang weirdo? 'Wag ka na lang sana mambulahaw sa pagsigaw-sigaw mo para hindi na ko pumupunta rito."
Tumango na lang ako para wala na siyang masabi. Umirap siya at pumihit na para umalis nang matigilan pa siya sa may pinto ng kuwarto ko.
"'Yung lalaking lagi mo kasama, sikat pala siya," saad niya na may tono ng kuryosidad.
"Lalaki? Sino?"
Kunot noo niya kong nilingon pabalik. "Huwag ka nga magkaila. 'Yung nakabuntot sa'yo at nakasuot lagi ng puti! Nakita ko siya sa TV kaninang umaga."
Nakasuot ng puti.
"S-Si Abel?!"
"Oo! 'Yung lagi mong kausap!"
"Nakikita mo siya? Kailan pa?!"
"Noon pa— teka nga bakit ba parang gulat na gulat ka?! Syempre makikita ko siya may mata ako, eh!"
Hindi ko pinansin ang sinabi niya. "Sabi mo nakita mo siya sa TV?"
"Sa International News channel. Nagpa-interview siya."
"I-Imposible. Pa'no?" hindi ko lubos maisip ang sinasabi niya. Patay na si Abel kaya pa'nong lalabas siya sa TV? "Kamukha niya lang siguro 'yon, Brenda. Hindi siya 'yon. Malabong maging siya 'yon."
"Anong malabo eh nakita nga siya mismo ng dalawa kong mga mata! Iniwan ka na siguro niya, 'no? Siguro na-bored sa'yo. Mukhang yamanin, eh. Hindi kayo bagay."
Inirapan ko siya. Wala akong panahon sa kanya. Kailangan kong alamin kung ano 'tong pinagsasabi niya at kung sino 'yung tinutukoy niyang kamukha ni Abel. Posible kayang... buhay pa siya?