THE BATTERED HUSBAND
By: Joemar Ancheta
Chapter 1
“Nathan, ano ba? Kung pagod ka na sa kubo ka muna magpahinga, tatapusin na lang namin ito nang makauwi na at hindi yung nakaupo ka diyan sa pilapila at pinapanood mo lang kami!” malakas na isinigaw ng Tatang niyang binibilisan na ang pag-aayos sa mga nakakalat na kaban ng palay.
Hindi na siya sumagot. Tumayo siya kasabay ng pagbunot niya ng malalim na hininga. Tinalunton niya ang inupuan niyang pilapil papunta sa kanilang kubo na pahingaan sa maluwang nilang bukirin. Hindi niya alam kung bakit kailangan niyang pumunta sa bukid tuwing wala siyang pasok. Bukas kasi luluwas na siya sa Manila para doon na mag-aral pero nandito pa rin siya sa bukid imbes na magpahinga at ayusin na sana niya ang kanyang mga gamit. Nang marating niya ang kanilang kubo sa gitna ng maluwang nilang bukirin ay umupo na muna siya sa papag. Mabuti na lang at malakas ang ihip ng hangin kaya hindi ganoon kainit sa bukid. Tinanggal na muna niya ang kanyang sombrero. Hinubad niya ang manipis niyang jacket na panangga sa sikat ng araw. Kinumpol niya iyon at ginawa niyang parang unan. Humiga siya sa papag. Alam niya namang yung sandali kay Tatang niya ay bibilang pa rin siya ng ilang oras. Uminat at humikab. Muli niyang naisip si Althea. Medyo hindi pa rin niya tanggap ang sinabi nito sa kanya kagabi. Hindi niya gusto. Hindi naging maganda ang kanilang huling pag-uusap. Hindi niya maintindihan ang gusto nitong mangyari. Hindi siya makapapayag.
Hindi naman sila mahirap kagaya ng kanyang mga kaklase ngunit siya lang yung bukod tanging may malawak na lupain at bato ang bahay na laging pinapatrabaho sa bukid. Kung tutuusin, napakarami na nilang tauhan sa bukid. Kahit nga sa bahay nila, may mga katulong rin sila pero ang dalawang ate niya ay hindi pa rin pwedeng matulog at tumunganga lang kug nagbabakasyon ang mga ito. Bubungangaan sila ng Nanang nila at kailangang tumulong lahat sa gawaing bahay. Wala silang magawa kundi ang sumunod sa utos. Kaya kahit sinasabi ng kanilang mga kabaryo na mayaman sila, na sila ang pinakamayaman sa barangay nila o maaring kahit sa buong bayan na iyon ng Cagayan, hindi sila naniniwala. Hindi kasi nila ramdam iyon kahit pa nakikita nila. Tuloy, naikintal sa isip nilang magkakapatid na salat sila, na mahirap lang sila kahit pa kalat na sa paligid nila ang patunay na mayaman sila.
Nang pasukan at First Year Higg School na siya ay noon niya muling naramdaman ang kaibahan niya sa ilang mga nakakaangat niyang mga kaklase na kung tutuusin ay mas maluwang pa ang lupain nila at malayong mas malaki ang bahay nila. Mas lalo siyang namulat kung gaano sila pinahihirapan ng kanyang mga magulang kahit meron naman talaga sila at hindi kailanman salat sa buhay. Dalawang pares lang kasi ang uniform niya at hindi pa kasing puti at kasing-ganda ng tahi kagaya ng mga astig niyang mga kaklase. Ramdam na ramdam niyang napag-iiwanan siya. Luma at pudpod na rin ang kanyang itim na sapatos samantalang may bago namang binili pero ang sabi ng Nanang niya kaninang umaga, gamitin na muna yung luma hanggang pwede pa at saka na gagamitin yung bago kapag sira na yung luma. Nakinig siya sa Nanang niya kasi akala niya, kagaya rin naman nang elementary siya ang mga kaklase niya ng High School. Iba pala. Nasa private school na pala siya at hindi na talaga pwede yung okey lang. Ngunit imbes na kaawaan niya ang sarili, pilit niyang inintindi ang kagustuhan ng kanyang mga magulang. Batid niyang gusto ng mga magulang niya na lumaki siyang simple. Hindi niya iisiping maykaya sila sa buhay para matuto siyang magpursigi. Na lahat ng bagay sa mundo ay pinaghihirapan. Ganoon kasi ang Tatang niya, kung gusto ang isang bagay, kailangang pinagtatrabahuan, pinaghihirapan. Naisip niya, hindi na lang siya titingin para hindi niya naikukumpara ang sarili niya sa iba at iwas inggit na rin. Kailangan na lang niyang diskartehan na may kasamang tiyaga at sipag ang kanyang pag-aaral. Wala naman siyang ibang magawa kundi tanggapin na bahagi na ito ng kanyang buhay. Baka balang araw, magbabago rin ang prinsipyo ng kanyang mga magulang at ibigay sa kanila at ipatikim kahit paminsan-minsan ang kaginhawaan ng buhay.
Hindi lang ang tungkol sa prinsipyo ng kanyang mga magukang ang hindi niya maintindihan, pati na rin ang maagang pagtibok ng kanyang puso. Kahit kasi anong gawin niyang pag-iwas, hindi niya napigilan ang kusang pagtatangi sa isang babaeng una pa lang niyang nakita, todong nabihag na siya. Bakit kaya walang subject na magtuturo sa kanila kung kailan lang puwedeng magmahal at magkagusto? Bakit kaya walang batas na nagtatakda kung kailan lang dapat magmahal? Mahirap nga pala talagang suwayin ang kagustuhan ng damdamin. Mahirap itong kalabanin. Hindi basta-basta natitibag.
Kaya nga kahit anong laban ang gawin niya ay hindi pa rin niya kayang labanan ang umusbong na pagka-crush niya sa bagong dating mula sa America na kabarangay nilang si Althea. Si Althea ang unang bumihag sa kanya. Siya ang pinangarap niyang mamahalin habang-buhay. Siya ang nakikita niyang makakasama niya sa kanyang pagtanda. Maaring sasabihin ng iba na imposibleng maging sila dahil hindi niya nga ito malapitan at makausap dahil sa likas niyang pagkatorpe ngunit ramdam niyang si Althea na ang babae para sa kanya. Wala siyang pakialam sa sinasabi ng ilan sa mga tropa niy na hindi sila bagay dahil sa maitim siya at si Althea ay parang bawang na binalatan at maporma samantalang siya ay pormang mahirap lang at moreno pa. Kahit pa pagtawanan siya sa kanyang imahinasyon, ramdam niyang si Althea nga talaga ang itinadhana para sa kanya.
Magandang-maganda si Althea. Siya ang pinakamatangkad na babae sa klase nilang first year. Bilugin ang mga mata na may makapal na kilay. Kapag natatamaan ng araw ang mga mat anito, lumalabas ang pagka-asul bagay na gustung-gusto ni Nathan na pagmasdan. Matangos na manipis ang ilong ni Althea at may tamang umbok at kapal ang mga labi. Kulay ginto ang mahaba at alon-alon nitong buhok. Makinis at maputi ang balat. Halatang may lahi. Bakit hindi eh, Amerikano nga raw ang kanyang ama at Pinay naman ang ina na kabarangay lang din nila.
Pinag-aral si Althea sa Pilipinas dahil gusto ng Mommy nito na matuto si Althea sa kultura at tradisyon ng isang tunay na Filipina. Hindi kasi iyon natutunan sa paaralan. Natutunan ito sa pakikipamuhay. Gusto ng Mommy niya na lumaki ang anak niyang may takot sa Diyos, magalang, marunong sa buhay at madiskarte. Kaya nga sa lahat ng babae sa kanilang campus, si Althea lang ang parang angat sa lahat. Si Althea lang ang kayang gawin ang lahat ng maibigan. Ang babaeng astig at palaban.
Si Nathan, nang mga panahong iyon ay maitim siya dahil bilad sa araw ngunit kahit hindi siya bilad sa araw, hindi naman siya maputi talaga. Moreno ang kulay niya. Makinis na moreno. Matangkad siya sa karaniwang tangkad ng mga kaklase niyang mga lalaki. Isa siya sa mga pinakamatangkad na lalaki sa buong campus nila. Maayos ang makapal na kilay niya, matangos ang ilong at manipis ang pang-itaas na labi na binagayan ng medyo may kakapalan na bibig sa baba. Maganda ang tubo ng ngipin. Namana niya ang magandang tikas ng katawan sa Tatang niya. Kung siguro sa city siya lumaki, pangabog sana ang kanyang kaguwapuhan. Yung tipong Jericho Rosales ang datingan. Moreno ngunit guwapo. Hindi mestiso ngunit nag-uumapaw naman sa s*x appeal.
Dahil sa tindi ng pagka-crush niya kay Althea ay inaagahan niyang pumasok sa school para kapag dumaan ang sinasakyan ni Althea na motor ay makita niya ito agad. Iyon ang isa na kinaiinggitan niya kay Althea, ang pagkakaroon nito ng motor kahit pa babae siya. Siya nga, mahirap pang bilhan ng bike pero si Althea kahit babae, meron. Hindi naman pwedeng sabihin ng mga magulang niya na hindi nila kaya kasi andami nga nilang mga tractor at may van din sila at ilang mga sasakyang pang-deliver ng ani nilang palay. Magkano na lang ang motor kung tutuusin. Kaso kahit gusto niya sana, hindi siya nagsasabi. Alam na niya kasi ang isasagot ng mga magulang niya. Pagta-trabahuan niya.
Hanggang sa dumaan na nga si Althea na bahagya pa silang nagkatinginan. Ngumiti si Althea sa kanya at may kung ano siyang kakaibang kabog sa dibdib na nararamdaman. Yung pakiramdam na ang hirap huminga. Binibilisan ni Nathan ang paglakad para maabutan pa niya si Althea na nagsusuklay ng buhok at naglalagay ng polbo sa mukha kasama ng mga barkada niya bago mag-flag ceremony. Gustung-gusto kasi ni Nathan na pagmasdan si Althea habang sinusuklay nito ang mahaba, maalon at kulay ginto nitong buhok. Dahil halos magkasingtangkad lang sila ni Althea kahit pa sabihing lalaki siya ay laging magkatapat sila sa pilahan. Ngunit naging mailap si Althea sa kanya. Ni hindi nga yata siya napapansin malibanan na lang nang umagang iyon na sa wakas nginitian siya.
Sa tuwing flag ceremony ay panay ang lingon ni Nathan kay Althea at bago siya lingunin ng dalaga ay mabilis naman siyang yuyuko. Kinakabahan kasi siya sa tuwing magtama ang kanilang mga paningin. Sumisikip ang dibdib niya sa tuwing lumalapit si Althea sa kanyta at naaamoy niya ang masarap sa ilong nitong pabango.
Dahil magkatabi lang sila ng upuan, madalas na hirap huminga si Nathan. Castro kasi ang apilyido niya at Carter naman si Althea kaya pansin na pansin ni Nathan ang lahat ng ginagawa ni Althea. Kung bakit kasi ginawa ng guro nila pagtabihin ang lalaki at babae. Katwiran ng guro nila ay para raw maiwasan ang tsismisan sa mga babae at sa mga lalaki. Kung napagitna ang lalaki sa dalawang babae ay malabong makapagkuwentuhan ang mga ito. Nawawala tuloy ang konsentrasyon niya sa pakikinig sa tuwing naidadampi ang siko niya sa kamay ni Althea. Sa tuwing lilingon si Althea sa kaniya at mahuli niyang nakatingin ito sa kaniya ay namumula siya ng husto kahit hindi naman halata kasi moreno siya. Yun bang lalo siyang magingitim na parang duhat lang. Kinakabahan siya na kinikilig. Basta. Hindi niya talaga naiintindihan ang kanyang nararamdaman. Hindi niya alam kung paano kakausapin. Naiinis siya sa kanyang sarili kung bakit siya natatakot ng husto.
Paano ba siya mapapansin ni Althea kung may pagkatorpe naman pala ang ating bida?