PROLOGUE
PROLOGUE
“MATAPOS KITANG TINANGGAP sa pamamahay ko, ito ang igaganti mo sa akin? Bakit sa dinami-rami ng lalaki sa mundo? Ang asawa ko pa, Maria! Bakit ang asawa ko!” gigil na sabi ni Stella. Nangingilid ang luha sa mga mata niya dahil sa natuklasan.
“Tama na ’yan, Stella!” pag-awat ni Leon. Hinawakan pa nito nang mahigpit ang dalawang braso ng asawa para hindi na makalapit sa bagong kalaguyo nito.
Hinarap ni Stella ang asawa at sinampal. “Akala ko, iba ka!? Pero bakit, Leon!? Bakit mo ako dinurog nang ganito?”
Hindi na napigilan ni Stella na tumulo ang luha sa mga mata niya. Humagulgol lang siya habang tinitingnan ang asawa. Ibinaling naman ni Leon ang tingin sa kaniyang kaibigan kaya lalong nanikip ang dibdib niya.
“L-Leon,” nauutal na sambit ni Stella.
Nilingon ni Leon ang asawa. “Sorry.”
Nang natapos sabihin iyon ni Leon ay humakbang ito patungo kay Maria. Nang dumating ang ginoo sa kinatatayuan nito ay inalayan pa nito ng yakap.
“Okay ka lang ba?” tanong ni Leon.
Tumango lang si Maria at niyakap din nang mahigpit si Leon. Nang magtama ang mga mata nila ni Stella, umiwas ito ng tingin. Ang mahalaga para rito ay nasa piling na nito ang lalaking gusto. Ang asawa ng kaibigan nito—si Leon.
“Sa harapan ko pa talaga?” mahinang tanong ni Stella.
Humahakbang siya patungo sa dalawang taong nanakit sa kaniya. Nang makarating siya sa kinatatayuan ng dalawa, unti-unti siyang lumuhod sa asawa niya. Niyakap niya ang paanan nito nang mahigpit. Sa kapit niya, ayaw niya itong pakawalan.
“Tama na Stella, buo na ang desisyon ko,” ani Leon. Bumuntonghininga ito. “Hindi na ako masaya sa iyo.”
Tumingala si Stella habang walang tigil sa pagpatak ang luha sa mga mata niya. “Bakit? Dahil sa hindi kita mabibigyan ng anak? Ulitin natin. Gumawa tayong muli. Huwag ka naman sumuko. Nangako ka sa altar na mamahalin mo ako, na hindi mo ako iiwan.”
“It’s been three years. Wala pa rin. At isa pa...” Napahinto sa pagsasalita si Leon at tumingala sa kisame. “Nabuntis ko si Maria.”
Napatakip sa bibig si Stella at hindi makapaniwala sa narinig. Natulala lang siya habang walang tigil sa pagpatak ang luha sa mga mata niya. Hindi niya sukat akalain na nagbunga ang kataksilan ng dalawa.
“Buntis ako, Stella. Kaya alam ko na sa ating dalawa, kahit ikaw ang asawa, ako ang pipiliin ni Leon dahil isa kang malaking palya, may diperensiya,” ani Maria.
Napailing-iling si Stella habang nakakuyom ang mga kamay. Hindi siya makapaniwala sa sinabi nang naturingan niyang kaibigan. Marahan naman siyang tumayo at tinitigan ito. Hindi niya lubos maisip na sa daming puwedeng maging kerida, kaibigan pa niya.
“Ano iyon? Paki-ulit ng sinabi mo, Maria.”
Lumunok ng lawak si Maria bago nagsalita. “Iyon na iyon, Stella.”
“Iba ka talaga,” napailing na sabi ni Stella. Tiningnan naman niya si Leon. “Pumili ka sa aming dalawa. Ako na ang asawang pinangakuan mo o ang keridang binuntis mo? Pero please... piliin mo ako. Tatanggapin pa rin naman kita Leon kahit sinaktan mo ako.”
“Sorry Stella, pero roon ako sa babaeng kayang ibigay ang gusto ko na matagal mo ng hindi maibigay... bukas na bukas, ihahanda ko na ang annulment nating dalawa.”
“No!” Muling lumuhod si Stella sa harapan ni Leon. “Please, huwag mong gawin sa akin ito. Hindi ko kaya, Leon!”
“Stella, may magiging anak na kami ni Leon, ’wag mo ng ipilit ang sarili mo. Sorry sa nagawa ko, pero katulad mo, nagmahal lang din ako.”
Tumingala si Stella para makita ang mukha ng kaibigan niya. Iniwas naman ni Maria ang tingin nito kay Stella, hindi nito kayang matitigan ang kaibigan.
“Matatawag ba na pagmamahal ang pang-aagaw ng pagmamay-ari ng iba, Maria?” nagpipigil sa hikbing tanong ni Stella.
“Matatawag din bang pagmamahal ang paglilimos ng pagmamahal sa taong sinukuan ka na?”
“Maria, tama na ’yan, pumunta ka na kuwarto ko. Makakasama ’yan sa magiging anak natin. Magpahinga ka na roon.” Tiningnan ni Leon si Stella. “Hindi na magbabago ang desisyon ko. Siya ang pipiliin ko.”
Tumayo si Stella at hinawakan ang mukha ng asawa. Hinaplos niya ito habang walang tigil sa paghagulgol. Kahit niloko na siya nito, hindi mapagkaila na mahal niya pa rin ito.
“Hati na lang kami sa iyo. Huwag mo lang akong hiwalayan. Please, Leon. Wala na akong mapupuntahan. Ikaw na lang ang tanging meron ako.”
~~~