Chapter 1

1527 Words
"Endang, pakibuksan mo nga muna ang pinto. Kanina pa may nangangatok sa labas." "Naku, Nay, huwag mo nang pansinin. Nagpapapansin lang 'yan!" sagot ko kay Nanay habang inaayos ang laman ng aking bag. Alam ko naman na kung sino ang nangangatok. Itong si Nanay hindi pa nasanay. Eh, araw-araw namang may nangangatok sa bahay. May iba pa bang puwedeng mangatok nang ganito kaaga bukod kay Bernardo? Yung panadero sa kabilang kanto na minsan mukhang tao pero madalas mukhang kangaroo. Sa dinami-rami ba naman ng dalaga rito sa lugar namin, ako pa ang natipuhan ligawan! Okay naman sana si Bernardo, eh. Masipag, matiyaga, matulungin, mapagmahal sa pamilya, at higit sa lahat, gentleman kuno sabi ng kapit-bahay naming si Aling Marcia. Kaya lang bukod sa pagiging Arrogante no'n, hindi pa raw iyon tuli. Kaya siguro napakapayat niya, at wala man lang muscle sa katawan. "Buksan mo na, anak. Kawawa naman 'yung tao. Tiyak maaga pa 'yon gumising para gumawa ng pandesal para sa'yo," balik ni Nanay. Nasa kusina kasi siya, nagluluto ng pang-almusal. "Hindi ko naman sinabing gumising siya nang maaga para lang---" "Naku, Endang! Ang dami mo pang sinasabi. Kung ayaw mo sa dala niyang pandesal, ako ang kakain!" Pinadyak ko ang kanan kong paa bago tinungo ang pinto. Padarag ko itong binuksan. Isang matalim na nguso at mahabang panga ang sumalubong sa akin. Tingin ko isang yuko niya lang ay masasaksak na niya ang kanyang sarili. "Magandang umaga, Endang." Ngumiti siya, iyong lumalabas ang gilagid. Napangiwi ako. "Walang maganda sa umaga 'pag ikaw ang kaharap ko," mabilis kong sagot. Ngingiti-ngiti lang siya at inabot sa akin ang isang brown na paper bag pero hindi ako nag-abalang abutin. Humalikipkip ako. "Pero mas maganda ka pa sa umaga, my labs!" Kinilabutan ako. Tiningnan ko siya nang masama. "Ayoko sa pandesal mo. Busog ako!" "My labs naman, buksan mo muna kaya bago mo sabihing ayaw mo." "'Pag sinabi kong ayoko, ayoko talaga. Iuwi mo na 'yan at kainin mong mag-isa!" Nangamot lang siya ng batok bago binuksan ang paper bag at ipinasilip sa akin ang laman. "Espesyal 'yan," sabi niya. "Ano namang espesyal dito, aber?" Namewang ako. "My labs, hindi na siya bilog. Hugis-puso na siya. Ibinibigay ko ang puso kong pandesal para lang sa'yo." Lumamlam ang kanyang mga mata. Muli akong napangiwi. Inikutan ko siya ng bilog ng aking mata. "Wala akong pakialam sa hugis-puso mong pandesal! Kahit square pa 'yan, wala namang espesyal. Pandesal pa rin naman ang lasa. Kaya kung ako sa'yo, iuwi mo na 'yan, at huwag na huwag ka nang babalik. Nakaka-wrinkles ka!" Nawala ang kanyang ngiti. Hindi ko ma-imagine ang sarili ko 'pag siya ang nakatuluyan ko. Ano 'yon, pandesal sa umaga, sa tanghali at sa gabi?! No way! "Tanggapin mo na kasi, my labs..." "Ayoko! At tigilan mo na ang katatawag sa akin ng ganyan. Nakakaasiwa! Hala, uwi!" Isasara ko na sana ang plywood naming pinto nang may pumigil sa kamay ko. Si nanay, may hawak pa siyang sandok. "Naku, magandang umaga, Bernardo..." ngingiting sabi niya at niluwagan pa lalo ang pagkakabukas ng pinto. "Magandang umaga rin po, Nay Jovita..." Bumalik ang kislap sa mga mata ni Bernardo. Hindi ko alam kung bakit naiinis ako sa kanya pagkakita ko pa lang sa kanya. Dati maayos naman ang pakikitungo ko sa kanya, pero simula noong ligaw-ligawan niya ako ay naiirita na ako sa pagmumukha niya. "Mukhang marami-rami 'yang laman ng paper bag, ah." "Sinadya ko pong damihan at nilakihan ko pa, Nay Jovita. Espesyal ho iyan, at hinulma ko para lang talaga kay Endang." Tinapunan niya ako ng matamis na ngiti. Sinimangutan ko siya. "Ang aga-aga, nakasimangot ka na naman, Endang," puna niya. "Eh paano, ang aga-aga, nambubuwisit ka na naman!" singhal ko. "Endang, tama na 'yan!" awat ni Nanay. "Salamat dito, Bernardo." "Walang anuman ho, Nay Jovita. Kapag sinagot na ho ako ng anak n'yo at 'pag mag-asawa na kami, araw-araw ko siyang gagawan ng hugis-pusong pandesal!" masayang tugon nito. Sa isip ko ay ilang beses akong nasuka. Halos araw-araw niya ring sinasabi iyon sa tuwing naghahatid siya ng pandesal dito sa bahay. Tumawa si Nanay. "Kaya gusto kita, e. Napakataas mong mangarap, Bernardo. May mararating ka talaga sa buhay." "Salamat po, Nay Jovita. Hindi na ako makapaghintay na magiging ganap na Mrs. Bernardo Arrogante si Endang." Nagpuyos ang loob ko. "Ayos 'yan! Mangarap ka lang, pero hanggang pangarap ka lang. Hinding-hindi ako magkakagusto sa'yo at isaksak mo sa baga mo 'yang apelyido mong bagay na bagay sa 'yo!" Iyon lang at nagmartsa na ako papasok ng bahay. Sino naman ang hindi maiirita sa taong ipipilit ang sarili kahit ayaw mo sa kanya! Itinuloy ko na lang ang aking ginagawa. May pasok pa ako mamayang alas otso pero itong Bernardo sinayang pa ang oras ko. Tsk! Kilala rito sa lugar namin si Bernardo. Suki kasi sila ng mga tao sa pandesal. Katunayan nga niyan ay parang lumalago na ang negosyo nila. Maganda kasi ang nakuha nilang puwesto sa pusod ng kanto. Dinudumog tuloy sila ng mga tao tuwing umaga. Masarap daw kasi isawsaw iyon kape. Pero para sa akin, hindi masarap. Lalo na kung si Bernardo ang gumawa. Pagkatapos kong mailagay lahat ng anik-anik sa loob ng bag ko ay nagtungo ako sa kusina na tanging manipis na plywood rin ang pagitan sa sala namin. Nasa lamesa na ang niluto ni nanay na sinangag at scrambled egg. Naupo na ako nang pumasok si nanay. Ipinatong sa lamesa ang bigay ni Bernardo. Tinapunan ko iyon ng masamang tingin. "Oh, huwag mong itatapon 'yan. Ako ang kakain niyan," sabi ni nanay. "Huwag na nga kayong tatanggap ng pandesal galing kay Bernardo, Nay. Aasa lang 'yung tao, eh. Wala siyang maaasahan sa 'kin." Naupo na rin si nanay sa harap ko pagkatapos niyang magtimpla ng kape. "Ikaw talaga, mabait naman si Bernardo, ah. Masipag pa. Hindi siya katulad ng ibang mga binata diyan na pabigat sa mga magulang. May ambisyon siya sa buhay. Tsaka masarap naman itong pandesal niya. Bakit ba ayaw mo rito, 'nak? Samantalang dati kumakain ka naman nito." Hindi ako sumagot at nagpatuloy lang sa pagkain. Nang matapos ko'y nauna akong tumayo at nag-toothbrush. Thirty minutes na lang, mali-late na ako sa trabaho. Nagmadali na ako sa pag-ayos. Ganito halos ang senaryo namin ni nanay araw-araw. Siya ang nagluluto ng pagkain namin bago ako pumasok sa trabaho. "Nay, alis na po ako." Binitbit ko na lang 'yung shoulder bag ko. "Ingat, anak." Nag-abang ako ng dyip sa kanto. Sa harap mismo ng puwesto nila Bernardo. Kaya araw-araw rin tuloy akong nabubuwisit. "Ingat, my labs!" rinig kong sigaw nito mula sa loob. Hindi na ako nag-abalang lumingon. Agad kong pinara ang dyip na unang dumaan papuntang Sebonne's Place, isang coffee shop kung saan ako nagtatrabaho. Dalawa na lang kami ni nanay ang nakikibaka sa buhay. Si tatay kasi ay mahigit twenty years nang nakakulong. Ang kuwento ni nanay, halos kasisilang pa lamang niya sa'kin nang madamay si tatay sa sindikatong kinasangkutan ng nakakatandang kapatid niya, ang tiyuhin ko. Namatay ang huli ngunit nabilanggo naman si tatay, kaya naiwan si nanay na pinalaki ako nang mag-isa. "Para po!" Bumaba ako sa harap mismo ng coffee shop. Medyo malayo rin siya sa highway kaya maglalakad pa ako papasok. Malawak din ang parking lot sa likod para sa mga customers. Kadalasan kasi ng mga pumupunta rito ay mga mayayaman. Sabagay, sosyal naman kasi ang may-ari nito. Dalawang taon lang sa kolehiyo ang natapos ko. Associate course sa food technology. Iyon lang kasi ang nakayanan ni nayanan ni nanay. Iginapang niya ang pag-aaral ko. Proud na rin ako dahil nagkatrabaho naman ako. "Good morning, Ma'am Kim!" bati ko sa manager namin pagkasalubong ko sa kanya. "Good morning din, Allenda. Buti nandito ka na. Magpalit ka na agad ng uniform. Ikaw muna ang mag-serve sa table 8. Late na ang mga kasama mo, ano ba 'yan." "Opo, Ma'am." Agad akong pumunta ng locker room at kinuha ang uniform ko saka pumasok sa restroom para magpalit ng damit. Pagkalabas ko ay kinuha ko na 'yung dalawang order na Espresso. Lumabas na ako patungo sa table 8. Pansin kong dalawang lalaki ang magkaharap sa pabilog na lamesa. Ang isa ay may katandaan na dahil maputi na ang buhok. Ang isa ay nakatalikod sa direksyon. May papeles na nakaladlad sa kanilang harapan. Siguro mga businessmen sila. Kadalasan din kasi may nagmi-meeting dito sa coffee shop. Ang bigatin nga talaga ng mga tao rito. Kahit nga ang kapeng binibenta rito napakamahal. Balang araw, madadala ko rin dito si nanay at si tatay 'pag nakalaya na siya. 'Pag mayaman na ako, idi-date ko sila pareho. Kaya lang sa kamalas-malasan ay mukhang malayong matupad ang pangarap kong iyon. Dahil napakaaga pa ay hindi ko napansing kaka-mop lang ng utility sa sahig. Malapit na sana ako sa table 8, eh. Kaya lang ang tatlong hakbang palapit doon ay naging isang hakbang. Nauna pa nga ang ulo ko. Pagkadulas ko'y nabitawan ko ang tray at natapon sa papeles na nasa ibabaw ng lamesa ang laman. Samantalang ang nguso ko naman ay nakipagbeso sa sapatos ng isang businessman. "What the hell!" Malutong na mura ang narinig ko. Pagkatingala ko'y sumalubong sa akin ang abuhing mga mata. "Tanga!" ©GREATFAIRY
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD