Chapter 1

1857 Words
Sabi nila ang High School ang pinakamasaya sa lahat, dahil dito mo lahat mararanasan ang mga first. First crush, first love, first kiss at first heart break. Kaya napakamemorable ng High School para sa nakakarami. Ngayong araw ay ang aking pagtatapos sa High School at sigurado akong sobra akong malulungkot dahil magkakahiwalay na kami ng landas ng mga kaibigan ko dahil ang iba sa amin ay luluwas pa ng Maynila para doon mag kolehiyo. Pagkatapos maipamahagi ang aming mga diploma ay agad kung hinanap ang aking pamilya. Hindi ako makapaghintay na ialay ang aking pagtatapos kina Nanay at Tatay dahil alam ko ang paghihirap nila sa pagtataguyod sa pagaaral naming tatlong magkakapatid. Ako ang bunso at nagiisang babae. Ako nalang din ang nagaaral. Ang mga nakakatanda ko na mga kapatid ay nakatapos na ng kolehiyo at kasalukuyan ng nagtatrabaho. Oo, ako lang ang babae kaya bantay sarado ang dalawa kung kapatid na lalaki sa akin. Magkagayunpaman ay mga naglalakas ng loob parin manligaw sakin. Pero ni isa sakanila ay hindi ko na gustuhan. Hindi ko alam kung bakit, siguro ay mas focus lang ako sa pag-aaral. "Reese!" Narinig ko na tawag sa aking pangalan. Luminga linga ako sa napakagulong paligid, sobrang daming tao. "Nandito ako!" Nang mawala ang mga taong nakaharang sa harapan ko ay tila nagliwanag ang paligid, bumagal ang oras ng makita ko ang best friend ko na si Ginger. Abot langit ang pagkakangiti nya habang nakatingin sakin. Lalo syang gumanda sa suot nyang red flower gown pero sa totoo lang kahit ano namang damit ay kayang kaya nyang dalhin. Kaya nga syabinansagang Pretty Woman ng aming paaralan. "Kanina pa kita hinahanap!" Masaya nyang sabi sakin. "Kinausap ko pa yung ibang teacher natin para magpasalamat." Nakangiti ko na sagot kay Ginger. Anak si Ginger ng Mayor ng bayan namin at sobrang yaman ng pamilya nya. Kaya naman marami ang naiinggit sakin dahil kaibigan ko si Ginger. Na kahit langit at lupa ang pagitan ng estado namin ay tinanggap nya parin ako. "Congrats Valedictorian! Nakagraduate na tayo!" Tili nya sabay yakap sakin. Sobrang bilis ng t***k ng puso ko. "Congrats din sayo Salutatorian," Pagbati ko kay Ginger. " Magisa ka ata," tumingin pa ako sakanyang likuran. Hinahanap ko mga magulang nya. "Kausap ni Papa ang principal. Saka hinahanap din kita," hinawakan ako ni Ginger at tinitigan. Heto nanaman sya. Ang mga tingin nya na nagpapangalog sa aking mga tuhod. "Bakit?" Ngumiti si Ginger. "I Just want to see you," Naginit ang aking mukha. Ayaw ko namang lagyan ng meaning ang sinabi nya. Baka kasi ako lang ang nagiisip ng kung ano ano. "Reese! Anak!" tawag ni Tatay sa akin at sinalubong ako ng sobrang higpit na yakap. "Sobrang proud ako sayo alam mo ba yon," medyo garalgal ang boses nito. "Tay' walang iyakan," alo ko kay Tatay. "Marami pong salamat kung hindi dahil sa pagsisikap nyo ni Nanay at ng mga kapatid ko ay hindi ako makakatapos ng High School," "Alam mo namang gagawin namin ang lahat para sayo, makatapos ka lang." dugtong ni Nanay na nasa aking likuran. Niyakap ko si Nanay at ako ay nagpasalamat pati narin sa mga kuya ko. "Tara na at may hinanda kaming konting salo salo," masayang sabi ni Nanay. Kinuha nya ang hawak kong diploma at pinakatitigan ito. "Mahaba haba pa ang lalakbayin mo anak," Inakbayan ako ni Ginger na hindi umalis sa aking tabi. Napakalaki ng kanyang pagkakangiti habang pinanunuod kami. "Saluhan mo kami Señorita Ginger," magalang na aya ni Tatay kay Ginger. Señorita ang tawag ng halos ng tao dito kay Ginger bilang pagbibigay gala sa anak ng pinakamayamang tao sa aming lugar. "Salamat po. Pupunta ako pagkauwi ko po galing sa dinner namin nina Mama at Papa." magalang na sagot ni Ginger. Kahit pa napakalayo ng agwat ni Ginger samin ay kahit kailan hindi ko sya nakita na nagsungit o nang maliit ng kanyang kapwa. Kaya hindi ko lalo mapigilang mapahanga sakanya. Tumingin si Ginger sakin na may ngiti sa kanyang mga labi. "See you later, Reese." nanlaki ang aking mga mata ng bigla nya akong halikan sa aking pisngi halos malapit na sa aking labi. Buti nalamang ay hindi nakatingin ang aking pamilya. "Er- See you later Ginger" napabulol ako sa pagsasalita dahil sa gulat. Pakiramdam ko tuloy sobrang pula at init ng aking mukha. Natatawang pinisil ni Ginger ang aking pisngi. "You are so cute when you are blushing," panunukso nito bago tuluyang umalis. Hindi ko na nakita kung saan sya nagpunta dahil sa dami ng tao. Masaya kaming umuwi sa aming munting tahanan. May konting kainan at kantahan. Syempre mawawala ba ang inuman pero hindi naman ako nakisalo sa kanila dahil siguradong sasabunin ako nina Tatay at Nanay. "Alam mo na kung anong course ang kukuhain mo sa College? " tanong ni Kuya Aljun sa akin. Ang panganay sa aming magkakapatid. Nagtatrabaho na sya bilang accountant sa isang malaking kompanya sa Makati. "Para mapaghandaan namin," Niyakap ko si Kuya Aljun at ngumiti. "Oo. Dati pa naman ay gusto ko na maging arkitekto kaya yon ang kukuhain ko sa kolehiyo," Biglang may nilabas si Kuya Aljun na maliit na black paper bag. Napaupo ako ng tuwid. "Pasensya ka na at ito lang nakayanan namin ng Kuya Iñigo mo," Inabot ko ang paper bag at agad itong binuksan. Napatalon ako sa tuwa ng makita ko kug ano ang nasa loob nito. Isang bagong cellphone. Nasira na kasi ang ginagamit ko na cellphone dati. Niyakap ko ng mahigpit si Kuya Aljun at Kuya Iñigo. "Maraming salamat mga kuya," "Basta wala munang boyfriend boyfriend Reese." paalala ni Kuya Iñigo habang umiinom ng alak. "Wala pa naman yan sa isip ko," napapailing ko na sabi. "Magtatapos muna ako ng pagaaral dahil ayaw ko sayangin ang bawat sentimo na ilalaan nyo para sakin," Ginulo ni Kuya Aljun ang aking buhok. "Mabuti naman. Dahil dadaan muna sa amin ang mga lalaki na yan," "Oh sya. Wag nyo ng takutin ang kapatid nyo," natatawang awat ni Nanay at binigyan nya ako ng platito na may lamang cake. "Salamay Nay," kinuha ko ang cake at magana ko itong kinain. Bigla kung naisip si Ginger. Magaalas diyes na pero hindi parin sya dumarating, mukhang hindi na sya makakapunta. Nalungkot ang puso ko. Biglang may kumatok sa pintuan. Agad itong binuksan ni Tatay. "Señorita Ginger, matutuwa si Reese dahil nakarating ka," Napanganga nalang ako ng tumambad sa aking harapan si Ginger. Sobrang bilis nanaman ng t***k ng puso ko. Lagi nalang akong nagpapalpitate pagnakikita ko sya. Siguro kailangan ko ng magpadoktor. "Ginger!" tumayo ako at niyakap sya. "Akala ko hindi ka na darating," "Sorry. Medyo natagalan kasi makipagkwentuhan sina Mama at Papa sa mga kaibigan nila. Inip na inip na nga ako e," umiikot ang mga mata na sagilot ni Ginger. "Gustuhin ko mang iwanan sila ay hindi pwede," Napapailing nalang ako at saka kami naupo. Sa tagal ng pagkakaibigan namin ni Ginger ay alam na alam ko kung gaano nya kaayaw na sumama sa mga special gathering at party ng magulang nya. Pero dahil sa nagiisa syang anak at taga pagmana ng pamilya Mercado ay wala syang ibang pagpipilian. "Magandang gabi Señorita," magalang na bati ng aking mga kuya. Hinawi ni Ginger ang kanyang malagintong buhok palayo sa kanyang mukha bago sumagot. "Magandang gabi rin Kuya Aljun at Kuya Iñigo. Naparami na ata ang inom natin ah." Napakamot nalang si Kuya Iñigo sa kanyang ulo. "Hindi naman," Dumating si Nanay na may bitbit na pinggan na may lamang spaghetti. "Baka gutom ka na, pasensya na ito lang nakayanan namin," "Nay okay lang po." magalang na sabi ni Ginger at inabot ang pinggan. "Kahit naman po ay kakainin ko dahil alam ko na masarap kayong magluto, madalas po kasi akong binibigyan ni Reese ng mga luto nyo tuwing break time," Napangiti nalang ako. Si Ginger kasi ang klase ng tao na hindi kumakain tuwing break time. Kaya lagi akong nagdadala ng extra na pagkain dahil nilalaan ko ito para sakanya. Nagkwentuhan kami ng kung ano ano. Uminom din si Ginger ng alak dahil pinapayagan naman ito ng kanyang mga magulang. Lumalim na ang gabi na medyo inaantok narin ako. "Señorita dito nalang kayo matulog dahil hating gabi na at malakas pa ang ulan," narinig ko na bilin ni Nanay habang nagliligpit ito ng mga kalat. Nagkatinginan kami ni Ginger. May dala naman syang sasakyan kaya pwede syang umuwi kahit anong oras, yun nga lang may mga daanan dito sa aming lugar na binabaha. Ayaw naman namin may mangyaring masama kay Ginger. "Sige po. Dito na ako matutulog," nakangiting sagot ni Ginger habang makahulugan ang pagkakatingin sa akin. Nagtungo na kami sa kwarto ko. Medyo nakakaramdam parin ako ng hiya sa tuwing pupunta dito si Ginger sa kwarto ko. Tahimik lang syang naupo sa aking kama at niyakap ang unan. "Magpapalit lang ako ng damit," anang ko bago magpunta sa loob ng banyo. Naglinis ako ng aking katawan, nagsipyo at nagpalit ng mga damit. Nang lumabas ako mula sa banyo ay nakita ko na mahimbing nang natutulog si Ginger sa aking kama. Napangiti nalang ako. Napagod siguro sya sa buong maghapon. Kinumutan ko sya bago ako mahiga sa kanyang tabi. "Goodnight Ginger," bulong ko bago ko ipikit ang aking mga mata. Pero hindi pa man din ako nahihimbing ay tila pakiramdam ko ay may nakatingin sakin. Dahan dahan kung idinilat ang aking mga mata at nahuli si Ginger na nakatingin sakin. Kahit na madilim sa kwarto at malamig pero nagpapawis parin ako. "Hindi ka makatulog?" napalunok na tanong ko kay Ginger. Pero hindi sya sumasagot. Nakatingin lang sya sakin. "Okay ka lang?" Biglang gumalaw si Ginger at hinawakan ang aking pisngi, ang kanyang daliri ay marahang hinahaplos ang aking balat. Nakatingin lang kami sa isa't isa. "Ginger..." bulong ko. Nakakabingi ang bilis at lakas ng pintig ng puso ko. Unti unting lumapit ang mukha ni Ginger sakin hanggang ang kanyang hininga ay nalalanghap ko narin. Napatingin ako sa kanyang mga labi, pabalik sa kanyang mga nangungusap na mga mata. "Reese," mahinang sambit ni Ginger. "You are so beautiful," " Lasing ka lang, matulog na tayo," kunot na noo na sabi ko sakanya. Ngumiti si Ginger. "Kahit hindi ako lasing ay ikaw parin ang pinakamaganda sa lahat," tatayo sana ako pero pinigilan ako ni Ginger. Hinawakan nya ang aking braso. "No, just stay," "Ano ba ang mga sinasabi mo Ginger, pinaglalaruan mo ba ako?" Dahan dahang pumaibabaw sakin si Ginger na sya namang paghinto sa pagtibok ng aking puso. Ilang pulgada lamang ang layo ng kanyang mukha sakin. "Anong ginagawa mo?" nanginginig ang aking boses habang mataimtim na nakatingin sa kanyang mga mata. "Reese, please say no," Lalo akong naguluhan sa sinabi nya. "Anong no? Ipaliwanag mo sakin kung anong nangyayari," hinawakan ko ang kanyang mga pisngi. "Para mas maintindihan ko," Pumikit si Ginger, ninanamnam ang bawat haplos ko. "Nothing," dumilat sya at ngumiti sakin. Ang kanyang mga mata ay tila may tinatago sakin. Na ayaw nya ipaalam sa buong mundo. "Goodnight Reese," hinalikan nya akong pisngi bago bumalik sa higaan. "Goodnight Ginger," Hindi ko alam kung bakit may panghihinayang sa puso ko. Pakiramdam ko kasi may mahalaga syang sasabihin sakin pero mas pinipili nyang itago.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD