CHASING COLE GRIFFIN
SIMULA
“Elle, huwag ka nang umiyak.”
Tumahan ako sa aking pag iyak nang may nag-abot sa akin ng panyo sa aking harapan. Nang inangat ko ang aking paningin dito ay nakita kong si Cole pala ito. Napasinghot ako sa aking sipon nang dahil sa pag iyak at tahimik na kinuha ang panyo sa kanya at pinunas sa aking mga luha sa mukha. Naramdaman kong umupo siya sa aking tabi kaya hindi ko mapigilan na mapanguso.
“Bakit ka umiiyak?” kanyang tanong sa akin.
Humarap ako sa kanya at nakita ko ang pagtatanong sa kanyang mukha habang nakatingin sa akin. Si Cole ay ang bagong bata rito sa bahay ampunan na tinutuluyan ko. Dito na ako nakatira sa pangangalaga ni Sister Maria. Iniwan ako ni Mama rito sa bahay ampunan dahil malupit ang aking tatay at minamaltrato niya kami ng aking Mama kahit wala naman kaming kasalanan. Napilitan ang aking ina na dalhin ako rito at iwan hanggang sa hindi na talaga siya bumalik at tuluyan na akong kinalimutan. Kaya ako umiiyak ngayon dito sa labas ng tinutuluyan namin na bahay dahil naalala ko si Mama at nahihiya akong umiyak sa loob.
“Namimiss ko kasi si Mama ko,” mahina kong sabi at napayuko.
Nakita kong hinawakan ni Cole ang aking kamay kaya muli akong napaangat ng tingin sa kanya. Ngumiti siya sa akin at hindi ko rin mapigilan na mapangiti pabalik dahil nakakadala ang kanyang mga ngiti.
“Huwag kang mag-alala, Elle, nandito ako para hindi mo na mamiss ang iyong Mama.”
“Anong gagawin mo? Hindi naman tayo close!” nakasimangot kong sabi sa kanya.
Noong nakaraang buwan lang dinala rito si Cole sa bahay ampunan at sabi pa ni Sister ay walang matandaan si Cole kaya hindi ito maibalik sa kanyang mga magulang o kung saan man siya nakatira. Maayos naman ang kalagayan niya at isa siya sa pinakamakulit dito kaya palaging sumasakit ang ulo nila sister.
Ngumisi siya at bahagyang ginulo ang aking buhok. Tinignan ko siya ng masama. Isang oras kong sinuklayan ang buhok ko kanina tapos guguluhin niya lang?!
“Ano ba!” inis kong sabi.
“E ‘di close na tayo! Simula ngayon ay kaibigan na tayong dalawa. Okay ba iyon sa ‘yo, Elle?” masaya niyang sabi at nakipag kamay sa akin.
Ngumiti ako sa kanya at tumango. “Sige, friends!”
Naging maging mag kaibigan kaming dalawa ni Cole. Siya ang naging close friend ko rito sa bahay ampunan at kami rin ang palaging magkalaro. Isang araw ay dinala niya ako sa likod ng tinutuluyan namin, sa likod ng isang malaking puno na may upuan at may mga bulaklak na nakatanim.
“Bakit mo ako dinala rito, Cole?” tanong ko sa kanya habang naka kunot ang noo.
Ngumiti siya sa akin at may kinuha sa kanyang bulsa. Nanlaki ang aking mga mata nang mapagtanto ko kung ano iyon, isa iyong singsing! Isa lang siyang simpleng singsing at alam kong hindi iyon kamahalan dahil mga bata pa kami ni Cole, hindi pa namin kayang bumili ng mga mamahaling bagay dahil wala kaming pera.
“C-Cole, para saan iyan?” tanong ko ulit sa kanya habang nakatingin pa rin sa singsing.
“Olivia Noelle, ikaw ang palagi kong kasama rito sa bahay ampunan at ikaw din ang nagbibigay saya sa akin araw-araw,” panimula niyang sabi habang nakangiting nakatingin sa akin. “Gusto ko sanang mangako tayo sa isa’t isa dahil wala akong ibang gusto gawin kundi ang makasama ka habambuhay,” seryosong sabi ni Cole.
Napatakip ako sa aking bibig nang bigla siyang lumuhod sa aking harapan habang hawak-hawak pa rin ang singsing sa kanyang kamay.
“Olivia Noelle Rivera, mahal kita,” pagtatapat sa akin ni Cole.
Naramdaman ko ang malakas na pagtibok ng aking puso. Hindi ko rin mapigilan na maging emosyonal habang nakatingin sa kanya.
Ngumiti ako. “Mahal din kita, Cole.”
“Gusto kitang pakasalan sa tamang panahon, Elle. Pwede bang mangako ka sa akin na ako lang ang lalaking mamahalin mo at papakasalasan?” tanong niya sa akin habang nakaluhod pa rin sa aking harapan.
Tumango ako at naramdaman ko rin ang pag tulo ng aking luha habang nakatingin pa rin kay Cole.
“Oo, Cole. Nangangako akong ikaw lang ang mamahalin at ang papakasalan ko.”
Nang sabihin ko iyon sa kanya ay mabilis niya akong niyakap at hinalikan sa aking pisngi. Kinuha niya ang aking kamay at hinay-hinay na isinuot ang singsing sa aking daliri. Nagkatitigan kaming dalawa at ngumiti sa isa’t isa. Hinawakan niya ang aking pisngi at bahagya itong hinaplos. Nakita kong bumaba ang tingin ni Cole sa aking labi. Hindi ko mapigilang mapalunok sa aking laway habang nakatingin pa rin sa kanya. Unti-unting nilapit ni Cole ang kanyang mukha sa aking mukha at dinampi niya ang kanyang malambot na labi sa aking labi.
Akala ko ay tuloy-tuloy na ang aking saya kasama si Cole, pero iyon pala ang malaking pagkakamali ko. Nahanap na siya ng kanyang totoong mga magulang at kukunin na siya ng mga ito at dadalhin sa ibang bansa upang ipagamot para mabalik ang mga ala-alang mga nawala ni Cole.
“Cole, huwag mo akong iwan,” umiiyak kong sabi habang nakatingin sa kanya na nag i-impake sa kanyang mga gamit.
Lumapit sa akin si Cole at hinawakan ang aking mga kamay. Ngumiti siya ng malungkot habang nakatingin sa aking mga mata.
“Elle, hinding-hindi kita kakalimutan. Babalikan kita rito, babalik ako sa ‘yo,” malambing niyang sabi.
Umiling naman ako habang tuloy pa rin sa aking pag iyak. Lumapit sa akin si Cole at niyakap ako at hinaplos ang aking buhok.
“Cole, huwag mo akong kalimutan, please,” umiiyak ko pa rin na sabi at mas lalong sumiksik sa kanyang dibdib habang nakayakap sa kanya.
Naramdaman ko ang pag halik niya sa tuktok ng aking ulo.
“Hinding-hindi kita kakalimutan, Olivia Noelle. Magkikita tayo ulit at magpapakasal tayong dalawa.”
Ngumiti ako sa kanya at muling tinitigan ang kanyang mukha. Sa huling pagkakataon bago siya umalis ay nilapit ko ang aking mukha sa kanyang mukha at hinalikan siya sa kanyang labi.
“Mahal kita, Cole.”
“Mahal din kita, Elle.”
Umalis si Cole. Iniwan niya na talaga ako. Tinupad ko ang pangako ko sa kanya kahit wala na siya sa aking tabi. Hindi ako naghanap ng ibang lalaki at hindi pa ako kailanman nagkaroon ng boyfriend dahil si Cole lang ang tinitibok ng aking puso.
Lumipas ang ilang taon ay umaasa pa rin ako na makita ko siya ulit at makausap, makausap ang lalaking nag-iisa kong mahal na si Cole.
Masaya ako. Masaya ako dahil nakita ko ulit siya. Nakita ko ulit ang lalaking nangako sa akin na papakasalan ako kapag lumaki kami, pero hindi ko akalain na makikita ko na siya sa TV dahil isa na siyang sikat na artista at singer. Siya na ngayon si Cole Lucas Griffin, ang sikat na artista at singer dito sa Pilipinas. Ang layo na ng narating niya. Kilala niya pa kaya ako?
“Olivia!”
Napakurap ako sa aking mga mata at napalingon sa aking kaibigan na si Koline. Lumapit siya sa akin habang nakasimangot.
“Nakatitig ka na naman diyan sa TV!”
Bahagya akong ngumiti. “Binalita kasi na may bagong movie si Cole kaya hindi ko mapigilan na na manood muna sa balita,” sabi ko sa kanya.
Umirap siya. “Nako, Olivia! Bakit ka ba adik na adik diyan sa lalaking iyan?! Hindi talaga kita maintindihan kung bakit fan na fan ka diyan sa Cole na iyan,” wika ni Koline.
Mahina akong tumawa at muling napatingin sa TV at nanood sa balita tungkol kay Cole. Impossible ko man maabot si Cole ngayon dahil sa kanyang kasikatan, nandito pa rin ako para suportahan siya. Siya pa rin ang Cole na tumulong sa akin noong bata pa ako at siya pa rin ang Cole na nangako sa akin na papakasalan ako sa tamang panahon. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ako sa pangako niya. Umaasa pa rin ako na magkikita ulit kami ni Cole at tutuparin namin ang pangako namin sa isa’t isa.